ASA
1. Ang ikatlong hari ng Juda pagkatapos na mahati ang bansa sa dalawang kaharian. Si Asa ay anak ni Abiam (Abias) at apo ni Rehoboam. Naghari siya sa loob ng 41 taon (977-937 B.C.E.).—1Ha 15:8-10.
Ang Sigasig ni Asa sa Dalisay na Pagsamba. Ang Juda at Benjamin ay nalugmok sa apostasya sa loob ng 20 taon matapos mahati ang bansa sa dalawang kaharian. “Tulad ni David na kaniyang ninuno,” nagpakita si Asa ng sigasig sa dalisay na pagsamba at may-katapangang kumilos upang pawiin mula sa lupain ang mga lalaking patutot sa templo at ang mga idolo. Inalis niya ang kaniyang lolang si Maaca mula sa posisyon nito bilang ‘unang ginang’ ng lupain sapagkat gumawa ito ng “kakila-kilabot na idolo” para sa sagradong poste, o Asera, at sinunog niya ang relihiyosong idolong iyon.—1Ha 15:11-13.
Binabanggit ng ulat sa 2 Cronica 14:2-5 na ‘inalis ni Asa ang mga banyagang altar at ang matataas na dako at pinagdurug-durog ang mga sagradong haligi at pinagpuputol ang mga sagradong poste.’ Gayunman, sinasabi ng 1 Hari 15:14 at 2 Cronica 15:17 na “ang matataas na dako ay hindi niya inalis.” Kung gayon, maaaring ang matataas na dako na binanggit sa mas naunang ulat sa Mga Cronica ay yaong sa paganong pagsamba na nakahawa sa Juda, samantalang ang ulat ng Mga Hari ay tumutukoy sa matataas na dako kung saan sumasamba kay Jehova ang mga tao. Kahit noong maitayo na ang tabernakulo, at noong maitatag na ang templo nang maglaon, paminsan-minsan ay naghahain pa rin kay Jehova ang mga tao sa matataas na dako, na tinatanggap naman niya sa ilalim ng pantanging mga kalagayan, gaya sa kaso nina Samuel, David, at Elias. (1Sa 9:11-19; 1Cr 21:26-30; 1Ha 18:30-39) Gayunman, ang karaniwan at sinang-ayunang dako para sa paghahain ay yaong pinili ni Jehova. (Bil 33:52; Deu 12:2-14; Jos 22:29) Bagaman inalis ang paganong matataas na dako, maaaring nagpatuloy pa rin ang di-wastong mga anyo ng pagsamba sa matataas na dako, posibleng dahil hindi puspusang inalis ng hari ang mga ito di-gaya ng sigasig niya noong alisin niya ang mga paganong dako. O maaaring inalis ni Asa ang lahat ng matataas na dako, ngunit muling lumitaw ang mga ito sa paglipas ng panahon at hindi na naalis hanggang noong matapos ang kaniyang paghahari, anupat ang kaniyang kahaliling si Jehosapat ang dumurog sa mga ito.
Dahil sa sigasig ni Asa sa tamang pagsamba, pinagpala ni Jehova ang unang sampung taon ng kaniyang paghahari anupat ito’y naging mapayapa. (2Cr 14:1, 6) Nang maglaon ay nilusob ang Juda ng isang hukbo na may isang milyong mandirigma sa pangunguna ni Zera na Etiope. Bagaman higit na mas marami kaysa sa kanila, ang mga sumasalakay ay sinalubong ni Asa sa Maresa na mga 38 km (23 mi) sa KTK ng Jerusalem sa mabababang lupain ng Juda. Sa kaniyang marubdob na panalangin bago magsimula ang pagbabaka, kinilala niya ang kapangyarihan ng Diyos na magligtas at nagsumamo siya para sa tulong ni Jehova, na sinasabi: “Sa iyo kami sumasandig, at sa iyong pangalan kami pumarito laban sa pulutong na ito. O Jehova, ikaw ang aming Diyos. Huwag mong pagtaglayin ng lakas ang taong mortal laban sa iyo.” Bilang resulta ay lubusan silang nagtagumpay.—2Cr 14:8-15.
Pagkatapos nito ay pinuntahan si Asa ng propetang si Azarias, na nagpaalaala sa kaniya: “Si Jehova ay sumasainyo hangga’t kayo ay sumasakaniya,” at “kung iiwan ninyo siya ay iiwan niya kayo.” Ipinaalaala niya ang mapaminsalang alitan na naranasan ng bansa noong hiwalay ito kay Jehova at hinimok niya si Asa na lakasan ang loob nito at ipagpatuloy ang gawain nito alang-alang sa dalisay na pagsamba. (2Cr 15:1-7) Dahil sa mabilis na pagtugon ni Asa at sa pagpapatibay niya sa bansa na maglingkod nang tapat kay Jehova, isang malaking bilang ng mga tao sa hilagang kaharian ang lumisan sa rehiyong iyon upang sumali sa isang malaking pagtitipon sa Jerusalem noong ika-15 taon ng pamamahala ni Asa (963 B.C.E.). Sa pagtitipong iyon, gumawa sila ng isang tipan na nagpapahayag ng kapasiyahan ng bayan na hanapin si Jehova at nagtatakda ng parusang kamatayan sa mga hindi mag-iingat ng tipang ito.—2Cr 15:8-15.
Intriga at Pakikipagdigma Laban kay Baasa. Kumilos si Haring Baasa ng Israel upang hadlangan ang sinumang nagbabalak na bumalik sa Juda sa pamamagitan ng pagpapatibay sa hanggahang lunsod ng Rama, na nasa pangunahing lansangan patungong Jerusalem at di-kalayuan sa H ng lunsod na iyon. Maaaring dahil sa kaniyang maling pangangatuwiran o dahil sa pagsunod sa masamang payo, hindi lubusang nanalig si Asa kay Jehova anupat bumaling siya sa diplomasya at nakipagsabuwatan upang maalis ang bantang ito. Kinuha niya ang mga kayamanan ng templo at ng maharlikang bahay at ipinadala ang mga iyon bilang suhol kay Haring Ben-hadad I ng Sirya upang hikayatin ito na ilihis ang pansin ni Baasa sa pamamagitan ng pagsalakay nito sa hilagang hanggahan ng Israel. Tinanggap ni Ben-hadad I ang mga iyon, at dahil sa kaniyang paglusob sa mga Israelitang lunsod sa H ay napahinto ang gawaing pagtatayo ni Baasa at umatras ang mga hukbo nito mula sa Rama. Kinalap naman ni Asa ang lahat ng makukuha niyang tauhan mula sa buong kaharian ng Juda, tinangay ang lahat ng materyales ni Baasa para sa pagtatayo, at ginamit ang mga iyon upang itayo ang mga lunsod ng Geba at Mizpa.—1Ha 15:16-22; 2Cr 16:1-6.
Dahil dito, pinuntahan si Asa ni Hanani na tagakita at itinawag-pansin nito sa kaniya ang kaniyang kawalang-katatagan sa pananalig sa Diyos na nagligtas sa kaniya mula sa pagkalaki-laking hukbong Etiope, anupat pinaalalahanan si Asa na “kung tungkol kay Jehova, ang kaniyang mga mata ay lumilibot sa buong lupa upang ipakita ang kaniyang lakas alang-alang sa mga may pusong sakdal sa kaniya.” Dahil sa kaniyang kamangmangan, patuloy na liligaligin si Asa ng digmaan. Palibhasa’y ikinagalit ang pagtutuwid na iyon, ipinabilanggo ni Asa si Hanani at naging mapaniil siya sa iba pang mga tao sa bayan.—2Cr 16:7-11.
Dahil sa sinabi sa 2 Cronica 16:1 na umahon si Baasa laban sa Juda “noong ikatatlumpu’t anim na taon ng paghahari ni Asa,” bumangon ang ilang katanungan yamang ang pamamahala ni Baasa, na nagsimula noong ikatlong taon ni Asa at tumagal lamang nang 24 na taon, ay nagwakas mga 10 taon bago ang ika-36 na taon ng pamamahala ni Asa. (1Ha 15:33) Bagaman ipinapalagay ng ilan na ito’y dahil sa pagkakamali ng eskriba at naniniwala sila na ang tinutukoy ay ang ika-16 o ang ika-26 na taon ng paghahari ni Asa, hindi kailangang ipalagay na nagkaroon ng gayong pagkakamali upang pagtugmain ang mga ulat. Sinisipi ng mga Judiong komentarista ang Seder Olam, na nagsasabing ang ika-36 na taon ay binibilang mula sa pag-iral ng hiwalay na kaharian ng Juda (997 B.C.E.) at katumbas ng ika-16 na taon ni Asa (si Rehoboam noon ay nasa kaniyang ika-17 taon ng pamamahala, si Abias ay nasa kaniyang ika-3 taon, at si Asa naman ay nasa kaniyang ika-16 na taon). (Soncino Books of the Bible, London, 1952, tlb sa 2Cr 16:1) Ito rin ang pangmalas ni Arsobispo Ussher. Kaya sa gayunding paraan, ang waring pagkakaiba ng sinabi sa 2 Cronica 15:19 na kung tungkol sa “digmaan, hindi ito nangyari hanggang sa ikatatlumpu’t limang taon [sa katunayan ay ikalabinlimang taon] ng paghahari ni Asa,” at ng sinabi sa 1 Hari 15:16 na “nagkaroon ng digmaan sa pagitan ni Asa at ni Baasa na hari ng Israel sa lahat ng kanilang mga araw,” ay maaaring nangangahulugan na nang magsimula na ang mga labanan sa pagitan ng dalawang hari, hindi na natigil ang mga iyon, gaya nga ng inihula ni Hanani.—2Cr 16:9.
Karamdaman at Kamatayan. Nagdusa si Asa noong huling tatlong taon ng kaniyang buhay dahil sa isang karamdaman sa paa (marahil ay gout), at may-kamangmangan niyang hinangad ang pisikal na pagpapagaling sa halip na ang espirituwal na pagpapagaling. Nang mamatay siya, binigyan siya ng marangal na libing sa isang libingan na siya mismo ang naghanda sa Lunsod ni David.—1Ha 15:23, 24; 2Cr 16:12-14.
Bagaman kung minsan ay nagpapamalas siya ng kakulangan ng karunungan at espirituwal na kaunawaan, maliwanag na ang mabubuting katangian ni Asa at ang pagiging malaya niya sa apostasya ay mas matimbang kaysa sa kaniyang mga kamalian, kung kaya itinuturing siya bilang isa sa tapat na mga hari sa linya ni Juda. (2Cr 15:17) Ang 41-taóng paghahari ni Asa ay nagpang-abot o sumaklaw sa mga paghahari ng walong hari ng Israel: sina Jeroboam, Nadab, Baasa, Elah, Zimri, Omri, Tibni (na namahala sa isang bahagi ng Israel bilang katunggali ni Omri), at Ahab. (1Ha 15:9, 25, 33; 16:8, 15, 16, 21, 23, 29) Pagkamatay ni Asa, ang kaniyang anak na si Jehosapat ang naging hari.—1Ha 15:24.
2. Isang anak ng Levitang si Elkana at ama ni Berekias, na nakatala bilang naninirahan sa “mga pamayanan ng mga Netopatita” pagkabalik ng mga Judio mula sa pagkatapon sa Babilonya.—1Cr 9:16.