CIRO
Ang tagapagtatag ng Imperyo ng Persia at ang manlulupig ng Babilonya; tinawag na “Cirong Dakila,” sa gayon ay ipinakikitang iba pa siya kay Ciro I, na kaniyang lolo.
Kasunod ng pananakop niya sa Imperyo ng Babilonya, inilarawan si Ciro sa dokumentong cuneiform na tinatawag na Cyrus Cylinder na nagsasabi: “Ako si Ciro, hari ng daigdig, dakilang hari, lehitimong hari, hari ng Babilonya, hari ng Sumer at Akkad, hari ng apat na hangganan (ng lupa), anak ni Cambyses (Ka-am-bu-zi-ia), dakilang hari, hari ng Anshan, apo ni Ciro [I], . . . inapo ni Teispes . . . mula sa isang pamilya (na) laging (humahawak ng) pagkahari.” (Ancient Near Eastern Texts, inedit ni J. Pritchard, 1974, p. 316) Sa gayon, si Ciro ay ipinakikitang nagmula sa maharlikang linya ng mga hari ng Anshan, isang lunsod at distrito na di-matiyak ang lokasyon, ngunit ipinapalagay ngayon ng karamihan na nasa dakong S ng Elam. Ang linyang ito ng mga hari ay tinatawag na Achaemenianong linya na ipinangalan kay Achaemenes na ama ni Teispes.
Malabo ang maagang kasaysayan ni Ciro II, anupat pangunahin nang nakabatay sa tila kathang-isip na mga ulat ni Herodotus (Griegong istoryador noong ikalimang siglo B.C.E.) at ni Xenophon (isa pang Griegong manunulat na nabuhay pagkaraan ng mga kalahating siglo). Gayunman, kapuwa nila ipinakikilala si Ciro bilang ang anak ng Persianong tagapamahala na si Cambyses sa asawa nitong si Mandane, anak ni Astyages, hari ng mga Medo. (Herodotus, I, 107, 108; Cyropaedia ni Xenophon, I, ii, 1) Ang pagkakaroon ni Ciro ng dugong Medo ay itinanggi ni Ctesias, isa pang Griegong istoryador noong yugto ring iyon, na nagsasabi naman na si Ciro ay naging manugang ni Astyages dahil sa pag-aasawa niya sa anak nitong si Amytis.
Hinalinhan ni Ciro ang kaniyang amang si Cambyses I sa trono ng Anshan, na noon ay nasa ilalim ng pamamahala ng Medianong hari na si Astyages. Sinabi ni Diodorus (unang siglo B.C.E.) na nagsimulang maghari si Ciro noong unang taon ng ika-55 Olimpiyada, o 560/559 B.C.E. Iniulat ni Herodotus na naghimagsik si Ciro laban sa pamamahala ng Media at, dahil pumanig sa kaniya ang mga hukbo ni Astyages, madali niyang nabihag ang kabisera ng mga Medo, ang Ecbatana. Ayon sa Nabonidus Chronicle, “tinawag [ni Haring Ishtumegu (Astyages)] ang kaniyang mga hukbo at humayo laban kay Ciro, hari ng Anshan, upang [sagupain ito sa pagbabaka]. Ang hukbo ni Ishtumegu ay naghimagsik laban sa kaniya at nakapangaw nilang [dinala siya] kay Ciro.” (Ancient Near Eastern Texts, p. 305) Nakamit ni Ciro ang matapat na suporta ng mga Medo, at mula noon ay magkasamang nakipaglaban ang mga Medo at mga Persiano sa ilalim ng kaniyang pangunguna. Nang sumunod na mga taon, sinikap ni Ciro na makontrol ang kanluraning bahagi ng Imperyo ng Media, anupat nakarating hanggang sa silanganing hanggahan ng Imperyo ng Lydia sa Ilog Halys sa Asia Minor.
Sumunod, nilupig ni Ciro ang mayamang si Haring Croesus ng Lydia at binihag niya ang Sardis. Pagkatapos ay sinupil niya ang mga lunsod ng Ionia at ang buong Asia Minor ay ginawa niyang sakop ng Imperyo ng Persia. Sa gayon, sa loob lamang ng ilang taon, si Ciro ang naging pangunahing karibal ng Babilonya at ng hari nito, si Nabonido.
Pananakop sa Babilonya. Naghanda ngayon si Ciro na sumagupa sa makapangyarihang Babilonya, at mula sa puntong ito, partikular na, naging prominente siya sa katuparan ng mga hula sa Bibliya. Sa kinasihang hula ni Isaias hinggil sa pagsasauli ng Jerusalem at ng templo nito, binanggit ang pangalan ng tagapamahalang Persianong ito bilang ang isa na inatasan ng Diyos na Jehova na magpabagsak sa Babilonya at magpalaya sa mga Judiong itatapon doon. (Isa 44:26–45:7) Bagaman ang hulang ito ay itinala mahigit isa at kalahating siglo bago ang pagbangon ni Ciro sa kapangyarihan at bagaman maliwanag na naganap ang pagkatiwangwang ng Juda bago pa man ipanganak si Ciro, gayunpaman ay ipinahayag ni Jehova na si Ciro ang gaganap bilang Kaniyang “pastol” para sa mga Judio. (Isa 44:28; ihambing ang Ro 4:17.) Salig sa patiunang pag-aatas na ito, si Ciro ay tinawag na “pinahiran” (isang anyo ng Hebreong ma·shiʹach, mesiyas, at ng Griegong khri·stosʹ, kristo) ni Jehova. (Isa 45:1) Ang ‘pagtawag ng Diyos sa kaniyang pangalan’ (Isa 45:4) noong maagang panahong iyon ay hindi nagpapahiwatig na Siya ang nagbigay kay Ciro ng pangalan nito nang isilang ito, kundi nangangahulugan na patiuna nang inalam ni Jehova na ang gayong tao na may gayong pangalan ay babangon at na tuwiran at espesipiko siyang tatawagin ni Jehova sa pangalan.
Kaya lingid kay Haring Ciro, na malamang ay isang paganong deboto ng Zoroastrianismo, sa makasagisag na paraan ay “hinawakan” ng Diyos na Jehova ang kaniyang “kanang kamay” upang akayin o palakasin siya, anupat binibigkisan siya at inihahanda at pinapatag ang daan para maisakatuparan niya ang layunin ng Diyos: ang pagsakop sa Babilonya. (Isa 45:1, 2, 5) Bilang Isa na “nagsasabi ng wakas mula pa sa pasimula, at ng mga bagay na hindi pa nagagawa mula pa noong sinaunang panahon,” minaniobra ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat ang mga pangyayari sa buhay ng mga tao upang lubusang maisagawa ang kaniyang pasiya. Tinawag niya si Ciro “mula sa sikatan ng araw,” mula sa Persia (sa gawing S ng Babilonya), kung saan itinayo ni Ciro ang kaniyang paboritong kabisera na Pasargadae, at si Ciro ay magiging tulad ng “ibong maninila” na mabilis na dadaluhong sa Babilonya. (Isa 46:10, 11) Pansinin na ayon sa The Encyclopædia Britannica (1910, Tomo X, p. 454), “ang mga Persiano ay may sagisag ng agila na nakakabit sa dulo ng isang sibat, at ang araw, na kanilang diyos, ay nakalarawan din sa kanilang mga estandarte, na . . . ubod-ingat na binabantayan ng pinakamatatapang na tauhan ng hukbo.”
Paano inilihis ni Ciro ang tubig ng Eufrates?
Patiunang sinabi sa mga hula ng Bibliya tungkol sa pananakop ni Ciro sa Babilonya na ang mga ilog nito ay matutuyo at ang mga pintuang-daan nito ay maiiwang di-nakasara, anupat biglaang sasalakayin ang lunsod at hindi magagawang lumaban ng mga kawal ng Babilonya. (Isa 44:27; 45:1, 2; Jer 50:35-38; 51:30-32) Inilalarawan ni Herodotus ang isang malalim at malapad na bambang na nakapalibot sa Babilonya, anupat sinabi niya na maraming pintuang-daang bronse (o tanso) sa panloob na mga pader sa kahabaan ng Ilog Eufrates, na humahati sa lunsod. Ayon kay Herodotus (I, 191, 192), upang makubkob ang lunsod, “binawasan [ni Ciro] ang tubig ng ilog sa pamamagitan ng isang kanal na patungo sa lawa [ang artipisyal na lawa na sinasabing ipinagawa ni Reyna Nitocris bago nito], na hanggang noon ay isang latian, pinababa niya ang batis hanggang sa maaari nang tawirin ang dating lagusan nito. Nang mangyari na ito, ang mga Persiano na nakapuwesto sa layuning ito ay pumasok sa Babilonya sa pamamagitan ng lagusan ng Eufrates, na ang tubig ay bumaba na noon hanggang sa kalagitnaan ng hita. Kung patiuna lamang sanang nalaman o natuklasan ng mga Babilonyo kung ano ang pinaplano ni Ciro, napahirapan sana nila ang mga Persiano sa pagpasok sa lunsod at napasapit ang mga ito sa kanilang miserableng wakas; sapagkat maaari sana nilang isara ang lahat ng pintuang-daan na nakaharap sa ilog at maaari sana silang umakyat sa mga pader na nasa kahabaan ng mga pampang ng ilog, anupat mahuhuli nila ang kanilang mga kaaway na parang nasa isang bitag. Ngunit gaya ng nangyari, hindi nila namalayan ang pagpasok ng mga Persiano, at dahil napakalaki ng lunsod—ayon sa mga naninirahan doon—yaong mga nasa gawing labas ay napanaigan, samantalang walang kaalam-alam tungkol dito ang mga naninirahan sa gawing gitna; abala sila noon sa pagsasayawan at pagpapakasaya sa isang kapistahan . . . hanggang sa malaman nila ang buong katotohanan. [Ihambing ang Dan 5:1-4, 30; Jer 50:24; 51:31, 32.] Sa gayong paraan nabihag ang Babilonya sa kauna-unahang pagkakataon.”
Ang ulat ni Xenophon ay naiiba nang kaunti kung tungkol sa mga detalye ngunit naglalaman ng gayunding mga pangyayari gaya ng inilahad ni Herodotus. Sinabi ni Xenophon na inisip ni Ciro na halos imposibleng daluhungin ang matitibay na pader ng Babilonya at pagkatapos ay inilahad niya ang pagkubkob nito sa lunsod, anupat inilihis ang mga tubig ng Eufrates patungo sa mga trinsera at, habang nagdiriwang ng kapistahan ang lunsod, pinalusong nito ang kaniyang mga hukbo sa pinakasahig ng ilog patungo sa kabila ng mga pader ng lunsod. Dinatnan ng mga sundalong pinangungunahan nina Gobryas at Gadatas ang mga bantay na walang kamalay-malay at nakapasok sila sa mismong mga pintuang-daan ng palasyo. Sa isang gabi “ang lunsod ay nabihag at ang hari ay pinatay,” at ang mga kawal ng Babilonya na nakatalaga sa iba’t ibang kuta ay sumuko sa kinaumagahan.—Cyropaedia, VII, v, 33; ihambing ang Jer 51:30.
Itinala ng Judiong istoryador na si Josephus ang ulat ng Babilonyong saserdote na si Berossus (ng ikatlong siglo B.C.E.) hinggil sa pananakop ni Ciro gaya ng sumusunod: “Noong ikalabimpitong taon ng paghahari niya [ni Nabonido], si Ciro ay humayo mula sa Persia kasama ang isang malaking hukbo, at, pagkatapos nitong masupil ang natitirang bahagi ng kaharian, humayo ito patungong Babilonia. Nang masabihan si Nabonnedus [Nabonido] tungkol sa pagdating nito, pinangunahan niya ang kaniyang hukbo upang salubungin ito, nakipaglaban siya at natalo, nang magkagayon ay tumakas siya kasama ang ilang tagasunod at nagtago sa bayan ng Borsippa [ang kakambal na lunsod ng Babilonya]. Kinuha ni Ciro ang Babilonya, at pagkatapos iutos na gibain ang panlabas na mga pader ng lunsod, dahil ito’y mukhang nakagigitla at nakagigimbal, nagpunta siya sa Borsippa upang kubkubin si Nabonnedus. Matapos sumuko ang huling nabanggit, na hindi na naghintay na makubkob, pinakitunguhan siya sa makataong paraan ni Ciro, na nagpaalis sa kaniya mula sa Babilonia, ngunit ibinigay nito sa kaniya ang Carmania para matirahan niya. Doon ginugol ni Nabonnedus ang nalalabing bahagi ng kaniyang buhay, at doon siya namatay.” (Against Apion, I, 150-153 [20]) Pangunahin nang natatangi ang ulat na ito sa ibang mga salaysay dahil sa mga pananalita tungkol sa mga pagkilos ni Nabonido at sa pakikitungo ni Ciro sa kaniya. Gayunman, kasuwato ito ng ulat ng Bibliya na si Belsasar, hindi si Nabonido, ang hari na napatay noong gabing bumagsak ang Babilonya.—Tingnan ang BELSASAR.
Ang mga tapyas na cuneiform na natagpuan ng mga arkeologo, bagaman hindi nagbibigay ng mga detalye tungkol sa eksaktong paraan ng pananakop, ay nagpapatunay na talagang biglaan ang pagbagsak ng Babilonya kay Ciro. Ayon sa Nabonidus Chronicle, nang huling taon ng paghahari ni Nabonido (539 B.C.E.) noong buwan ng Tisri (Setyembre-Oktubre), sinalakay ni Ciro ang mga hukbong Babilonyo sa Opis at tinalo ang mga ito. Nagpatuloy ang inskripsiyon: “Ika-14 na araw, ang Sippar ay nabihag nang walang pagbabaka. Tumakas si Nabonido. Ika-16 na araw, si Gobryas (Ugbaru), ang gobernador ng Gutium at ang hukbo ni Ciro ay pumasok sa Babilonya nang walang pagbabaka. Pagkatapos ay inaresto si Nabonido sa Babilonya nang bumalik siya . . . Noong buwan ng Arahshamnu [Marchesvan (Oktubre-Nobyembre)], nang ika-3 araw, pumasok si Ciro sa Babilonya.” (Ancient Near Eastern Texts, p. 306) Sa pamamagitan ng inskripsiyong ito, ang petsa ng pagbagsak ng Babilonya ay maaaring itakda bilang Tisri 16, 539 B.C.E., anupat ang pagpasok ni Ciro ay 17 araw pagkaraan nito, na naganap noong Marchesvan 3.
Nagsimula ang pandaigdig na pamumuno ng mga Aryano. Sa pamamagitan ng tagumpay na ito ay winakasan ni Ciro ang pamumuno ng mga tagapamahalang Semitiko sa Mesopotamia at sa Gitnang Silangan at inilunsad ang unang nangingibabaw na kapangyarihang pandaigdig na may Aryanong pinagmulan. Ang Cyrus Cylinder, isang dokumentong cuneiform na itinuturing ng mga istoryador na isinulat upang ilathala sa Babilonya, ay lubhang relihiyoso, at doon ay inilarawan si Ciro na nag-uukol ng kapurihan ng kaniyang tagumpay kay Marduk, ang pangunahing diyos ng Babilonya, anupat nagsasabi: “Siya [si Marduk] ay nagsiyasat at tumingin (nang may pagsusuri) sa lahat ng mga bansa, anupat naghahanap ng isang matuwid na tagapamahala na handang umakay sa kaniya . . . (sa taunang prusisyon). (Pagkatapos ay) binigkas niya ang pangalan ni Ciro (Ku-ra-as), hari ng Anshan, idineklarang siya (sa literal: binigkas ang [kaniyang] pangalan) ang magiging tagapamahala ng buong daigdig. . . . Malugod na pinagmasdan ni Marduk, ang dakilang panginoon, tagapagsanggalang ng kaniyang bayan/mga mananamba, ang mabubuting gawa nito (samakatuwid nga, ni Ciro) at ang matuwid na kaisipan nito (sa literal: puso) (at sa gayon ay) inutusan ito na humayo laban sa kaniyang lunsod ng Babilonya (Ká.dingir.ra). Pinayaon niya ito sa daan patungong Babilonya (DIN.TIRki) anupat humayo sa tabi nito na gaya ng isang tunay na kaibigan. Ang kaniyang nakapangalat na mga hukbo—ang bilang ng mga ito ay hindi matutuos, gaya niyaong tubig ng ilog—ay naglakad-lakad, ang mga sandata ng mga ito ay nakaligpit. Bagaman walang anumang pagbabaka, pinapasok niya ito sa kaniyang bayang Babilonya (Su.an.na), anupat pinaligtas ang Babilonya (Ká.dingir.raki) mula sa anumang kapahamakan.”—Ancient Near Eastern Texts, p. 315.
Bakit magkaiba ang paliwanag ng Cyrus Cylinder at ng Bibliya tungkol sa pagbagsak ng Babilonya?
Sa kabila ng ganitong paganong interpretasyon sa mga pangyayari, ipinakikita ng Bibliya na nang iproklama ni Ciro na pinahihintulutan niya ang itinapong mga Judio na bumalik sa Jerusalem at muling itayo ang templo roon, kinilala niya: “Ang lahat ng kaharian sa lupa ay ibinigay sa akin ni Jehova na Diyos ng langit, at siya ang nag-atas sa akin na magtayo para sa kaniya ng isang bahay sa Jerusalem, na nasa Juda.” (Ezr 1:1, 2) Sabihin pa, hindi ito nangangahulugan na si Ciro ay naging isang nakumberteng Judio kundi nalaman lamang niya ang mga katotohanan sa Bibliya may kinalaman sa kaniyang tagumpay. Dahil sa mataas na administratibong posisyon na pinaglagyan kay Daniel, kapuwa bago at pagkatapos ng pagbagsak ng Babilonya (Dan 5:29; 6:1-3, 28), kataka-taka naman kung si Ciro ay hindi nasabihan tungkol sa mga hula na itinala at sinalita ng mga propeta ni Jehova, kabilang na ang hula ni Isaias na kababasahan ng mismong pangalan ni Ciro. Kung tungkol sa Cyrus Cylinder, na sinipi na, kinikilala na bukod sa hari ay maaaring may iba pang nakialam sa paghahanda ng dokumentong cuneiform na ito. May binabanggit ang aklat na Biblical Archaeology ni G. Ernest Wright (1962, p. 203) tungkol sa “hari, o kawanihan na bumuo ng dokumentong iyon” (ihambing ang katulad na kaso may kaugnayan kay Dario sa Dan 6:6-9), samantalang tinatawag naman ni Dr. Emil G. Kraeling (Rand McNally Bible Atlas, 1966, p. 328) ang Cyrus Cylinder na “isang propagandang dokumento na kinatha ng mga saserdoteng Babilonyo.” Maaari ngang binuo ito sa ilalim ng impluwensiya ng klerong Babilonyo (Ancient Near Eastern Texts, p. 315, tlb. 1), sa gayon ay nagsilbi ito sa kanilang layunin na ipangatuwiran ang ganap na pagkabigo ni Marduk (tinatawag ding Bel) at ng iba pang diyos ng Babilonya na iligtas ang lunsod, anupat itinuring pa nga nila na si Marduk ang gumawa ng mismong mga bagay na ginawa ni Jehova.—Ihambing ang Isa 46:1, 2; 47:11-15.
Ang Batas ni Ciro Para sa Pagbabalik ng mga Tapon. Sa pamamagitan ng pagtatalaga niya na wakasan ang pagiging tapon ng mga Judio, tinupad ni Ciro ang kaniyang atas bilang ‘pinahirang pastol’ ni Jehova para sa Israel. (2Cr 36:22, 23; Ezr 1:1-4) Ang proklamasyon ay ginawa “nang unang taon ni Ciro na hari ng Persia,” na tumutukoy sa kaniyang unang taon bilang tagapamahala ng nalupig na Babilonya. Sa Daniel 9:1 ay may binabanggit ang ulat ng Bibliya na “unang taon ni Dario,” at maaaring naganap ito sa pagitan ng pagbagsak ng Babilonya at ng “unang taon ni Ciro” sa Babilonya. Kung gayon nga, mangangahulugan ito na marahil ay itinuring ng manunulat na nagpasimula ang unang taon ni Ciro noong huling bahagi ng taóng 538 B.C.E. Gayunman, kung ang pamamahala ni Dario sa Babilonya ay ituturing na gaya niyaong sa isang kinatawang pinuno, anupat ang kaniyang paghahari ay kasabay niyaong kay Ciro, ang unang opisyal na taon ng paghahari ni Ciro ay sasaklaw nang mula Nisan ng 538 hanggang Nisan ng 537 B.C.E., batay sa kaugaliang Babilonyo.
Dahilan sa ulat ng Bibliya, ang batas ni Ciro na nagpapalaya sa mga Judio upang makabalik sa Jerusalem ay malamang na inilabas noong huling bahagi ng taóng 538 o maaga noong 537 B.C.E. Magbibigay ito ng panahon sa mga Judiong tapon na maghandang umalis ng Babilonya at magsagawa ng mahabang paglalakbay patungong Juda at Jerusalem (isang paglalakbay na maaaring gumugol ng mga apat na buwan ayon sa Ezr 7:9) at makapanahanan “sa kanilang mga lunsod” sa Juda pagsapit ng “ikapitong buwan” (Tisri) ng taóng 537 B.C.E. (Ezr 3:1, 6) Dito nagwakas ang inihulang 70-taóng pagkatiwangwang ng Juda na nagsimula noong buwan ding iyon, Tisri, ng 607 B.C.E.—2Ha 25:22-26; 2Cr 36:20, 21.
Ang pakikipagtulungan ni Ciro sa mga Judio ay ibang-iba sa pakikitungo sa kanila ng naunang mga paganong tagapamahala. Isinauli niya ang mahahalagang kagamitan ng templo na dinala ni Nabucodonosor II sa Babilonya, ibinigay niya ang kaniyang pahintulot upang makapag-angkat sila ng mga tablang sedro mula sa Lebanon, at nagbigay siya ng awtorisasyon na gamitin ang mga pondo mula sa bahay ng hari upang matustusan ang mga gastusin sa konstruksiyon. (Ezr 1:7-11; 3:7; 6:3-5) Ayon sa Cyrus Cylinder (LARAWAN, Tomo 2, p. 332), sinunod ng tagapamahalang Persiano ang makatao at mapagparayang patakaran sa pakikitungo sa nalupig na mga bayan na nasa kaniyang nasasakupan. Sinisipi sa inskripsiyon ang sinabi niya: “Isinauli ko sa [ilang patiunang binanggit na] sagradong mga lunsod sa kabilang ibayo ng Tigris, na ang mga santuwaryo ay mga guho sa loob ng mahabang panahon, ang mga imahen na (dating) tumatahan doon at nagtatag para sa kanila ng permanenteng mga santuwaryo. Pinisan ko (rin) ang lahat ng (dating) tumatahan sa mga ito at ibinalik (sa kanila) ang mga tinitirahan nila.”—Ancient Near Eastern Texts, p. 316.
Bukod sa maharlikang proklamasyon na sinipi sa Ezra 1:1-4, tinutukoy ng ulat ng Bibliya ang isa pang dokumento ni Ciro, isang “tagubilin,” na itinabi sa bahay ng mga talaan sa Ecbatana sa Media at natuklasan doon noong paghahari ni Dario na Persiano. (Ezr 5:13-17; 6:1-5) May kinalaman sa ikalawang dokumentong ito, si Propesor G. Ernest Wright ay nagsabi, “malinaw [itong] pinamagatang isang dikrona, isang opisyal na terminong Aramaiko para sa tagubilin na nag-uulat ng bibigang pasiya ng hari o iba pang opisyal at nag-uudyok ng administratibong pagkilos. Hindi ito nilayong ilathala kundi para lamang sa mata ng kinauukulang opisyal, at pagkatapos nito ay itinatabi na ito sa mga artsibo ng pamahalaan.”—Biblical Archaeology, p. 203.
Kamatayan at Makahulang Kahulugan. Si Ciro ay pinaniniwalaang namatay sa pakikipagbaka noong 530 B.C.E., bagaman malabo ang mga detalye nito. Bago ang kaniyang kamatayan, maliwanag na ang anak niyang si Cambyses II ay namahalang kasabay niya, anupat humalili sa trono ng Persia bilang nagsosolong tagapamahala nang mamatay ang kaniyang ama.
Ang mga hula may kinalaman sa biglaang pagbagsak ng makasagisag na Babilonyang Dakila gaya ng iniuulat sa aklat ng Apocalipsis ay may malaking pagkakahawig sa paglalarawan sa pananakop ni Ciro sa literal na lunsod ng Babilonya. (Ihambing ang Apo 16:12; 18:7, 8 sa Isa 44:27, 28; 47:8, 9.) Gayunman, ang haring nangunguna sa makapangyarihang mga hukbong militar na inilalarawan pagkatapos ng ulat hinggil sa pagbagsak ng makasagisag na Babilonya ay hindi isang makalupang hari kundi ang makalangit na “Salita ng Diyos,” ang tunay na pinahirang Pastol ni Jehova, si Kristo Jesus.—Apo 19:1-3, 11-16.