Mga Tampok sa Bibliya Ezra 1:1–10:44
Tinutupad ni Jehova ang Kaniyang mga Pangako!
Paglaya! Pagbabalik-bayan! Totoong nakagagalak ang balitang ito sa mga bihag na Judio sa Babilonya! Tinupad ng Diyos ang kaniyang pangako, at pagkaraan ng 70 taon ng pagkabihag, ang mga Judio ay pababalikin na sa kanilang bayan. (Jeremias 25:12; Isaias 44:28–45:7) Bukod diyan, ang mga bagay na kinuha sa templo ni Jehova ay ibinabalik na sa kanilang talagang dako. Anong laking kagalakan!
Ang aklat ni Ezra sa Bibliya ay nagsisimula sa ganiyang kapana-panabik na mga pangyayari. Ito’y isinulat sa Jerusalem ng tagakopya na si Ezra noong mga 460 B.C.E., at ito’y sumasaklaw ng mga 70 taon, mula sa paglaya ng mga Judio hanggang sa matapos ang ikalawang templo at hanggang sa paglilinis sa mga saserdote. (537-c. hanggang mga 467 B.C.E.) Itinatampok dito ang paraan na kung paano tinutupad ni Jehova ang kaniyang mga pangako. Ang aklat ay mayroon ding mahalagang mga aral para sa mga Saksi ni Jehova ngayon.
Pinalaya ang mga Bihag
Pakisuyong basahin ang Ezra 1:1–3:6. Nang ang kaniyang diwa ay pukawin ni Jehova, ang hari ng Persia na si Ciro ay naglabas ng isang proklamasyon: Ang templo sa Jerusalem ay muling itatayo, at ang pagsamba kay Jehova ay ibabalik doon! Lahat ng mga Israelita ay maaaring magkaroon ng bahagi. Yaong mga nagnanais ay malaya na bumalik sa kanilang bayan para sa muling pagtatayo ng pagsamba roon. Ang mga iba ay hinihimok na mag-abuloy nang sagana sa ikatutupad ng proyekto. Ang mga gamit na kinuha sa dating templo roon, at dinala sa Babilonya ni Nabukodonosor, ay ibabalik. Sa ilalim ng pangunguna ni Zerubabel, halos 50,000 katao ang sumama sa paglalakbay na halos 1,000 milya (1,600 km) para sa pagbabalik sa Jerusalem. Kanilang muling itinayo ang banal na dambana at sila’y naghandog ng mga hain kay Jehova. Pagkatapos, noong taglagas ng 537 B.C.E., kanilang ginanap ang Kapistahan ng mga Kubol. Ang inihulang 70 taon ng kagibaan ay nagwakas sa mismong petsa na inihula!—Jeremias 25:11; 29:10.
◆ 1:3-6—Ang mga Israelita ba na nanatili sa Babilonya ay di-tapat?
Hindi naman talaga, bagaman ang materyalismo at ang kakulangan ng pagpapahalaga ay maaaring mga salik sa mga ilang kaso. Sang-ayon sa utos ni Ciro hindi naman lahat ay kailangang bumalik kundi iyon ay isang bagay na kusang-loob. Dahilan sa kalagayan ng iba na gaya ng katandaan, pagkamasakitin, o mga obligasyon sa pamilya baka sila’y hindi nakasama sa biyahe. Subalit kailangang tangkilikin nila yaong mga magbabalik doon.
◆ 1:8—Sino ba si Sesbassar?
Malamang, ito’y isang opisyal na pangalang Caldeo na tawag kay Zerubabel sa palasyo ng hari. (Ihambing ang Daniel 1:7.) Anomang sinasabi tungkol kay Sesbassar ay sa mga ibang lugar sinasabi rin tungkol kay Zerubabel. (Ezra 5:16; Zacarias 4:9) Kapuwa sila binigyan ng titulong “gobernador” o tagapamahala. (Ezra 5:14; Hagai 2:21) At sa Ezra 2:2 at 3:1, 2, si Zerubabel ay kinikilala na siyang nangunguna sa bumabalik na mga bihag; kaya, angkop naman, ang pangalang Sesbassar ay hindi binabanggit.
◆ 2:61-63—Ano ba yaong Urim at yaong Thummim?
Ang mga ito ay ipinagpapalagay na mga sagradong palabunutan na ginagamit pagka ang isang tanong ay nangangailangan ng kasagutan buhat kay Jehova. Sang-ayon sa tradisyong Judio, ang mga ito ay nawala nang ang templo ay wasakin noong 607 B.C.E. Ito’y sinusuportahan ng bagay na ang nag-aangking mga saserdote ay hinadlangan sa pagganap ng pagkasaserdote at sa pagkain ng karamihan sa mga bagay na banal “hanggang sa isang saserdote ang tumindig na taglay ang Urim at Thummim.” Subalit walang ulat tungkol sa paggamit nito noon o pagkatapos.
Aral Para sa Atin: Sa gitna ng mga Saksi ni Jehova ngayon ay umiiral ang katulad na kalagayan noong panahon ng mga bihag na Judio. Hindi lahat ay nakalalahok sa buong-panahong ministeryo o kaya’y nakalilisan sa kanilang sariling bayan upang maglingkod kung saan malaki ang pangangailangan. Gayunman ay ginagawa nila ang lahat ng kanilang magagawa upang mapasulong ang mga intereses ng malinis na pagsamba sa pamamagitan ng kusang-loob na pag-aabuloy at pagpapatibay-loob sa mga makalalahok sa lalong malawak na pagpapatotoo.
Sinalungat ang Muling Pagtatayo
Basahin ang 3:7–4:24. Kasabay ng malaking kasayahan, ang bumalik na mga Judio ang naglatag ng pundasyon ng bahay ni Jehova. Subalit sa loob ng mga ilang taon ay pinagsikapan ng mga kaaway na sirain ang loob ng mga magtatayo ng templo. Pagkatapos, nang makumbinsi nila ang hari na isang “mapaghimagsik at masamang lunsod” ang muling itinatayo, pinangyari ng mga kaaway na ito na ang gawain ay mapahinto sa pamamagitan ng utos ng hari. Ang gayong pagpapahinto ay nagpatuloy “hanggang sa ikalawang taon ng paghahari ni Dario na hari ng Persia.”
◆ 3:12—Bakit ang mga lalaking ito ay nagsisiiyak?
Nagugunita pa ng pagkatatandang mga lalaking ito ang totoong marikit ang pagdisenyong templo ni Solomon. Ang nasa harap ng kanilang mga mata ngayon—na pundasyon na lamang—ay walang-wala kung ihahambing doon. Marahil sila ay nasisiraan ng loob, naiisip na baka hindi nila magawang maibalik ang dating kaningningan nito.—Hagai 2:2, 3.
◆ 4:1-3—Bakit tinanggihan ang inihahandog na tulong?
Ang mga di-Judiong ito, na dinala roon ng hari ng Asiria upang muling magkaroon ng mananahan ang lupain, ay hindi tunay na mga mananamba sa Diyos. (2 Hari 17:33, 41) Kung tatanggapin ang kanilang iniaalok na tulong ay nangangahulugan iyon ng pakikipagkompromiso ng tunay na pagsamba, at si Jehova ay tiyakang nagbigay ng babala sa kaniyang bayan laban sa gayong pakikisama sa mga di-tunay na mananamba. (Exodo 20:5; 34:12) Isa pa, sang-ayon sa ulat ang mga di-Judiong ito ay “mga kaaway.”
Aral Para sa Atin: Pagka tayo’y napaharap sa mga mananalansang sa ating paglilingkod sa Diyos, tularan natin ang nagbalik-bayang mga Judio na agad nagtipon para sa pagsamba tulad sa “isang tao.” Ang pagtitiwala kay Jehova at paglalagay sa pagsamba sa kaniya sa unang dako ang nagpalakas sa kanila upang matapos ang gawaing iniatas sa kanila.—Ezra 3:1-12.
Natapos ang Templo
Basahin ang 5:1–6:22. Palibhasa’y napukaw ng mga propetang sina Hagai at Zacarias, nagpatuloy ang pagtatayo taglay ang ibayong sigasig. Yamang hindi nila mapahinto iyon, ang mga kaaway ay muling nagreklamo. Nagsiyasat naman si Haring Dario at natuklasan niya ang naunang utos ni Ciro. Ang mga mananalansang ay hindi lamang pinag-utusan na ‘huminto na at tumigil’ kundi sila rin naman ay inutusan na mag-abuloy ng materyal na mga bagay! Sa pamamagitan ng patuloy na pagpapalakas-loob buhat sa mga propeta ni Jehova, ang templo ay natapos noong 515 B.C.E. at inialay. May kagalakang inialay iyon sa Diyos, na ang mga pangako ay nangatutupad!
◆ 5:5—Bakit hindi napahinto ng mga mananalansang ang pagtatayong iyon?
Ang pagbabantay at pangangalaga ni Jehova ay nasa kaniyang tapat na mga lingkod. (2 Cronica 16:9) Yamang sila’y pinalakas ng espiritu ng Diyos, ang matatanda ay hindi napadala sa pananakot. Kanilang binanggit ang malaon nang nakalimutang utos ni Ciro. Yamang ang batas ng Persia ay hindi maaaring baguhin, ang mga kaaway ay nangamba na sumalungat sa isang utos ng hari. (Daniel 6:8, 15) Nahalata noon ang ginagawang pag-akay sa kanila ni Jehova, at ang gawain ay nagpatuloy.
◆ 6:21—Sino ang humiwalay “buhat sa karumihan ng mga bansa”?
Marahil sila’y mga proselita na bumalik kasama ng mga Judio, mga Samaritano na noo’y naninirahan sa lupain, o baka nagsibalik na mga Judio na naimpluensiyahan ng mga gawaing pagano. (Ihambing ang Ezra 9:1.) Ang pagsulong ng dalisay na pagsamba kay Jehova sa Jerusalem ay nag-udyok marahil sa kanila na gumawa ng kinakailangang mga pagbabago sa kanilang buhay.
Aral Para sa Atin: Ang mga hinirang na matatandang Kristiyano ay dapat din ngayong humingi kay Jehova ng patnubay. Siya ang nagbibigay ng unawa na kailangan pagka tayo’y nakaharap sa mga mananalansang.—Awit 32:8.
Bumalik si Ezra
Basahin ang 7:1–8:36. Lumipas ang panahon. Noong 468 B.C.E., ibinigay ni Haring Artajerjes kay Ezra ang “lahat ng kaniyang kahilingan,” kung kaya siya nakatulong sa gawain sa Jerusalem. Pinatibay-loob ng utos ng hari ang lahat ng nagnanais na mga Judio na magsibalik din, at siya’y nagkaloob ng pilak at ginto para matustusan ang lahat ng pangangailangan sa bahay ni Jehova. Si Ezra ay binigyang-kapangyarihan na mag-atas ng mga mahistrado at mga hukom, na siyang magpapatupad sa batas ni Jehova at pati ng sa hari. Taglay ang pagtitiwala sa tulong ng Diyos, si Ezra ay nagsaayos ng mga dapat niyang gawin at humayo sa mapanganib na paglalakbay. Hindi siya humingi ng isang armadong hukbo na sasama sa kaniya, sapagkat baka ito ipangahulugan na wala siyang pananampalataya sa kapangyarihan ni Jehova na ipagtanggol siya. Sa tulong ng Diyos, ang mga Judio ay nakarating din nang matiwasay.
◆ 7:1, 7, 11—Sino ba itong si Artajerjes?
Ito ay yaong haring Persiano na si Artajerjes I (Longimanus). Sa kaniyang ika-20 taon, pinayagan niya si Nehemias na bumalik sa Jerusalem at muling itayo ang mga pader niyaon pati mga pintuang bayan. (Nehemias 2:1-8) Sang-ayon sa sinaunang mga historyador ang Artajerjes na ito ay mabait at magandang-loob. Dahilan sa kaniyang malaking abuloy, siya’y binanggit sa Ezra 6:14 bilang isa na ang mga utos ay may naitulong sa pagtatapos ng templo, bagamam natapos nga ang pagtatayo nito mga 47 taon ang aga. Siya’y naiiba sa Artajerjes na nagpahinto sa gawain na pagtatayo. (Ezra 4:7-23) Ang isang iyon ay si Gaumata, na walong buwan lamang naghari noong 522 B.C.E. Ang “Artajerjes” marahil ay isang pangalan o titulo sa paghahari.
Aral Para sa Atin: Si Ezra ay isang magandang halimbawa para sa mga lingkod ni Jehova ngayon. Bilang isang dalubhasang tagakopya na masipag mag-aral ng salita ng Diyos, lahat ng kapurihan ay ibinigay niya sa Kataas-taasan at mas palaisip siya sa kaluwalhatian ni Jehova kaysa kaniyang personal na kaligtasan.—Ezra 7:27, 28; 8:21-23.
Nalinis ang Bansa
Basahin ang 9:1–10:44. Hindi nagtagal at napag-alaman ni Ezra na marami ang “hindi humiwalay sa mga bayan ng mga bansa sa kanilang kasuklam-suklam na mga bagay.” Ang mga Judio, pati na mga saserdote at mga Levita ay nag-asawa ng mga Canaanitang pagano. Si Ezra ay nagulumihanan. Siya’y nanalangin at iniharap niya ang bagay na iyon kay Jehova, at may pagsisising inamin niya ang mga pagkakasala ng bansa. Sa ilalim ng kaniyang pangunguna, ang mga tao ay nagsisi at sinabi nila na paaalisin na nila ang mga babaing banyaga na naging asawa nila. Ang gayong karumaldumal na mga gawa ay napawi makalipas ang mga tatlong buwan.
◆ 9:2—Bakit isang kasalanan ang gayong pag-aasawa?
Iyon ay isang nagbabantang panganib sa pagsasauli ng tunay na pagsamba. (Deuteronomio 7:3, 4) Ang mga ito ay mga babaing di-sumasampalataya at mga mananamba sa idolo. Ang pag-aasawa sa kanila ay magbubunga sa bandang huli ng masama, sapagkat mapapalakip ang bansa sa nakapalibot na mga bansang pagano, at marahil ay mapapawi sa lupa ang dalisay na pagsamba.
◆ 10:3, 44—Bakit pati mga anak ay pinaalis?
Karaniwan nang kailangan ng mga bata ang kani-kanilang mga ina. Isa pa, sa impluwensiya ng mga anak, ang pinaalis na mga asawang babae ay baka bumalik din pagtatagal-tagal. Ang dalisay na pagsamba kay Jehova ang pinakamalahaga sa lahat.
Aral Para sa Atin: Tulad ng tapat na mga Judio noong panahon ni Ezra, ang mga Saksi ni Jehova ay kumakapit nang mahigpit sa mga pamantayan ng Diyos sa pag-aasawa. Batid nila na sila’y dapat na mag-asawa “tangi lamang sa nasa Panginoon.”—1 Corinto 7:39.
Tinupad ni Jehova ang kaniyang pangako na maibalik sa sinaunang Jerusalem ang dalisay na pagsamba. Gayundin naman, kaniyang tutuparin ang kaniyang pangako na ang malinis na pagsamba sa kaniya ay mananatili sa buong lupa. (Habacuc 2:14) Ikaw ba ay makakabilang sa mga sumasamba sa kaniya pagka ang dakilang Tagatupad-Pangako ay nagdala na ng kapayapaan at kaligayahan sa lupang ito?—Awit 37:10, 11; Apocalipsis 21:3, 4.