NABUCODONOSOR, NABUCODOROSOR
[mula sa wikang Akkadiano, nangangahulugang “O Nebo, Ipagsanggalang Mo ang Tagapagmana!”].
Pangalawang tagapamahala ng Imperyong Neo-Babilonyo; anak ni Nabopolassar at ama ni Awil-Marduk (Evil-merodac), na humalili sa kaniya sa trono. Si Nabucodonosor ay namahala bilang hari sa loob ng 43 taon (624-582 B.C.E.), anupat kasama sa yugtong ito ang “pitong panahon” kung kailan kumain siya ng pananim gaya ng toro. (Dan 4:31-33) Upang ipakita na iba ang monarkang ito sa Babilonyong tagapamahala na may gayunding pangalan ngunit nabuhay sa isang mas naunang yugto (ang dinastiya ng Isin), tinutukoy siya ng mga istoryador bilang Nabucodonosor II.
Ang mga impormasyon sa mga inskripsiyong cuneiform na taglay natin sa kasalukuyan tungkol kay Nabucodonosor ay waring kapupunan ng ulat ng Bibliya. Sinasabi sa mga ito na noong ika-19 na taon ng paghahari ni Nabopolassar ay tinipon niya ang kaniyang hukbo, gaya rin ng ginawa ng kaniyang anak na si Nabucodonosor, na noon ay tagapagmanang prinsipe. Ang dalawang hukbo ay maliwanag na kumilos nang magkahiwalay, at pagkabalik ni Nabopolassar sa Babilonya pagkaraan ng isang buwan, si Nabucodonosor ay matagumpay na nakipagdigma sa bulubunduking teritoryo, pagkatapos ay bumalik sa Babilonya na may dalang maraming samsam. Noong ika-21 taon ng paghahari ni Nabopolassar, si Nabucodonosor ay humayo kasama ang hukbong Babilonyo patungong Carkemis, upang doon makipaglaban sa mga Ehipsiyo. Pinangunahan niya sa tagumpay ang kaniyang mga hukbo. Nangyari ito noong ikaapat na taon ng Judeanong si Haring Jehoiakim (625 B.C.E.).—Jer 46:2.
Ipinakikita pa ng mga inskripsiyon na bumalik si Nabucodonosor sa Babilonya nang mabalitaan niyang namatay ang kaniyang ama, at noong ikaisa ng Elul (Agosto-Setyembre), lumuklok siya sa trono. Sa taóng ito ng pagluklok niya ay bumalik siya sa Hattu, at “noong buwan ng Sebat [Enero-Pebrero, 624 B.C.E.] dinala niya sa Babilonya ang napakaraming samsam mula sa Hattu.” (Assyrian and Babylonian Chronicles, ni A. K. Grayson, 1975, p. 100) Noong 624 B.C.E., sa unang opisyal na taon ng kaniyang paghahari, muling pinangunahan ni Nabucodonosor ang kaniyang mga hukbo patungong Hattu; binihag niya at sinamsaman ang Filisteong lunsod ng Askelon. (Tingnan ang ASKELON.) Noong kaniyang ikalawa, ikatlo, at ikaapat na mga taon bilang hari, nagsagawa siya ng iba pang mga kampanya sa Hattu, at maliwanag na noong ikaapat na taon ay ginawa niyang basalyo ang Judeanong si Haring Jehoiakim. (2Ha 24:1) Gayundin, noong ikaapat na taon ay pinangunahan ni Nabucodonosor ang kaniyang mga hukbo patungong Ehipto, at sa sumunod na labanan ay maraming nasawi sa magkabilang panig.
Pananakop sa Jerusalem. Nang maglaon, maliwanag na dahil sa paghihimagsik ng Judeanong si Haring Jehoiakim laban kay Nabucodonosor, kinubkob ng mga Babilonyo ang Jerusalem. Lumilitaw na sa panahon ng pagkubkob na ito, si Jehoiakim ay namatay at ang anak nitong si Jehoiakin ay lumuklok sa trono ng Juda. Ngunit pagkalipas lamang ng tatlong buwan at sampung araw, nagwakas ang pamamahala ng bagong hari nang sumuko si Jehoiakin kay Nabucodonosor (noong buwan ng Adar [Pebrero-Marso] sa panahon ng ikapitong opisyal na taon ng paghahari ni Nabucodonosor [na nagwakas noong Nisan 617 B.C.E.], ayon sa Babylonian Chronicles). Isang inskripsiyong cuneiform (British Museum 21946) ang nagsasabi: “Ang ikapitong taon: Noong buwan ng Kislev ay pinisan ng hari ng Akkad ang kaniyang hukbo at humayo patungong Hattu. Nagkampo siya laban sa lunsod ng Juda at noong ikalawang araw ng buwan ng Adar ay nabihag niya ang lunsod (at) dinakip ang hari (nito) [na si Jehoiakin]. Isang hari na pinili niya mismo [si Zedekias] ang inatasan niya sa lunsod (at) pagkakuha sa pagkalaki-laking tributo ay dinala niya ito sa Babilonya.” (Assyrian and Babylonian Chronicles, ni A. K. Grayson, 1975, p. 102; LARAWAN, Tomo 2, p. 326) Bukod pa kay Jehoiakin, dinala ni Nabucodonosor ang iba pang mga miyembro ng maharlikang sambahayan, mga opisyal ng korte, mga bihasang manggagawa, at mga mandirigma tungo sa pagkatapon sa Babilonya. Ang tiyo ni Jehoiakin na si Matanias ang inilagay ni Nabucodonosor upang maging hari ng Juda, at pinalitan niya ng Zedekias ang pangalan ni Matanias.—2Ha 24:11-17; 2Cr 36:5-10; tingnan ang JEHOIAKIM; JEHOIAKIN; KRONOLOHIYA.
Pagkalipas ng ilang panahon, naghimagsik si Zedekias laban kay Nabucodonosor, anupat nakipag-alyansa sa Ehipto para sa proteksiyong militar. (Eze 17:15; ihambing ang Jer 27:11-14.) Dahil dito, binalikan ng mga Babilonyo ang Jerusalem, at noong Tebet (Disyembre-Enero) 10 ng ikasiyam na taon ng paghahari ni Zedekias, kinubkob ni Nabucodonosor ang Jerusalem. (2Ha 24:20; 25:1; 2Cr 36:13) Gayunman, dahil sa balita na isang hukbong militar ni Paraon ang lumabas mula sa Ehipto, pansamantalang itinigil ng mga Babilonyo ang pagkubkob. (Jer 37:5) Pagkatapos nito, napilitang bumalik sa Ehipto ang mga hukbo ni Paraon, at ipinagpatuloy ng mga Babilonyo ang pagkubkob laban sa Jerusalem. (Jer 37:7-10) Sa wakas, noong 607 B.C.E., noong Tamuz (Hunyo-Hulyo) 9 ng ika-11 taon ng paghahari ni Zedekias (ika-19 na taon ni Nabucodonosor kung bibilang mula sa taon ng pagluklok niya o noong ika-18 opisyal na taon ng kaniyang paghahari), nabutasan ang pader ng Jerusalem. Tumakas si Zedekias at ang kaniyang mga tauhan ngunit naabutan sila sa mga disyertong kapatagan ng Jerico. Yamang tumigil si Nabucodonosor sa Ribla “sa lupain ng Hamat,” si Zedekias ay dinala roon sa harap niya. Ipinapatay ni Nabucodonosor ang lahat ng anak ni Zedekias, pagkatapos ay binulag niya si Zedekias at iginapos upang dalhin sa Babilonya bilang bilanggo. Pinangasiwaan ni Nebuzaradan na pinuno ng tagapagbantay ang mga huling bahagi ng pagkubkob, kasama na ang pagsunog sa templo at mga bahay sa Jerusalem, ang pagkuha sa mga kagamitan ng templo, at ang pagdadala ng mga bihag. Si Gedalias naman ang inatasan ni Nabucodonosor upang magsilbing gobernador niyaong mga hindi dinalang bihag.—2Ha 25:1-22; 2Cr 36:17-20; Jer 52:1-27, 29.
Ang Kaniyang Panaginip Tungkol sa Pagkalaki-laking Imahen. Sinasabi ng aklat ng Daniel na noong “ikalawang taon” ng paghahari ni Nabucodonosor (malamang na mula sa pagkawasak ng Jerusalem noong 607 B.C.E. at samakatuwid ay tumutukoy sa ika-20 opisyal na taon ng kaniyang paghahari), nanaginip siya tungkol sa imahen na may ginintuang ulo. (Dan 2:1) Bagaman hindi nabigyang-kahulugan ng mga mahikong saserdote, mga salamangkero, at mga Caldeo ang panaginip na ito, nagawa iyon ng propetang Judio na si Daniel. Ito ang nag-udyok kay Nabucodonosor na kilalanin ang Diyos ni Daniel bilang “Diyos ng mga diyos at Panginoon ng mga hari at Tagapagsiwalat ng mga lihim.” Pagkatapos ay inatasan niya si Daniel na maging “tagapamahala sa buong nasasakupang distrito ng Babilonya at punong prepekto sa lahat ng marurunong na tao ng Babilonya.” Inatasan din ni Nabucodonosor ang tatlong kasamahan ni Daniel, sina Sadrac, Mesac, at Abednego, sa mga tungkulin ng pangangasiwa.—Dan 2.
Pagkatapon ng mga Judio Nang Dakong Huli. Pagkaraan ng mga tatlong taon, noong ika-23 taon ng paghahari ni Nabucodonosor, marami pang Judio ang dinala sa pagkatapon. (Jer 52:30) Malamang na kabilang sa mga itinapon ang mga Judio na tumakas patungo sa mga lupaing nasakop ng mga Babilonyo nang dakong huli. Sumusuporta sa konklusyong ito ang sinabi ng istoryador na si Josephus: “Noong ikalimang taon pagkatapos ng pananamsam sa Jerusalem, na ikadalawampu’t tatlong taon ng paghahari ni Nabucodonosor, si Nabucodonosor ay humayo laban sa Coele-Sirya at, matapos itong sakupin, nakipagdigma siya kapuwa sa mga Moabita at mga Ammanita. At pagkatapos na malupig ang mga bansang iyon, sinalakay niya ang Ehipto upang kontrolin ito, pinaslang niya ang haring namamahala noon at iniluklok ang iba, at kinuha niya ang mga Judiong bihag doon at dinala sa Babilonya.”—Jewish Antiquities, X, 181, 182 (ix, 7).
Kinuha ang Tiro. Nang panahon ding iyon pagkatapos ng pagbagsak ng Jerusalem noong 607 B.C.E., sinimulang kubkubin ni Nabucodonosor ang Tiro. Sa panahon ng pagkubkob na ito, ang mga ulo ng kaniyang mga kawal ay “nakalbo” dahil sa pagkiskis ng mga helmet at ang kanilang mga balikat ay “natalupan” dahil sa pagpapasan ng mga materyales na ginamit sa paggawa ng mga kayariang pangubkob. Yamang walang tinanggap na “kabayaran” si Nabucodonosor sa paglilingkod bilang kasangkapan ni Jehova sa paglalapat ng kahatulan laban sa Tiro, nangako Siya na ibibigay rito ang yaman ng Ehipto. (Eze 26:7-11; 29:17-20; tingnan ang TIRO.) Sa katunayan, isang pira-pirasong tekstong Babilonyo, na mula pa noong ika-37 taon ni Nabucodonosor (588 B.C.E.), ang bumabanggit sa isang kampanya laban sa Ehipto. (Ancient Near Eastern Texts, inedit ni J. Pritchard, 1974, p. 308) Ngunit hindi matiyak kung may kaugnayan ito sa orihinal na pananakop o sa isang aksiyong militar nang dakong huli.
Mga Proyekto ng Pagtatayo. Bukod sa pagtatamo ng maraming tagumpay sa militar at sa pagpapalawak ng Imperyo ng Babilonya bilang katuparan ng hula (ihambing ang Jer 47-49), si Nabucodonosor ay nagpakaabala sa maraming gawaing pagtatayo. Upang maibsan ang pananabik ng kaniyang reynang taga-Media sa sarili nitong bayan, iniuulat na itinayo ni Nabucodonosor ang Hanging Gardens, itinuturing na isa sa pitong kamangha-manghang gawa ng sinaunang daigdig. Marami sa umiiral na mga inskripsiyong cuneiform ni Nabucodonosor ang naglalahad ng kaniyang mga proyekto ng pagtatayo, kasama na ang pagtatayo niya ng mga templo, mga palasyo, at mga pader. Ang isang bahagi ng isa sa mga inskripsiyong ito ay nagsasabi:
“Si Nabucodonosor, Hari ng Babilonya, ang nagpanauli sa Esagila at Ezida, anak ako ni Nabopolassar. Bilang pananggalang sa Esagila, upang walang makapangyarihang kaaway at tagapagwasak ang makakuha sa Babilonya, upang ang linya ng pagbabaka ay hindi makarating sa Imgur-Bel, ang pader ng Babilonya, [ginawa ko] ang hindi pa nagagawa ng sinumang hari na nauna sa akin; sa bakod ng Babilonya ay gumawa ako ng isang bakod na matibay na pader sa dakong silangan. Humukay ako ng bambang, naabot ko ang taas ng tubig. Pagkatapos ay nakita ko na napakaliit ng pader na ginawa ng aking ama. Itinayo ko sa pamamagitan ng bitumen at laryo ang isang napakatibay na pader na hindi makikilos, tulad ng bundok, at idinugtong ito sa pader ng aking ama; inilatag ko ang mga pundasyon nito sa kailaliman ng lupa; ang taluktok nito ay itinaas kong tulad ng bundok. Upang patibayin ang pader na ito, nagtayo ako ng ikatlo, at sa pinakapuno ng isang pananggalang na pader ay naglatag ako ng isang pundasyon na mga laryo at itinayo ito sa kailaliman ng lupa at inilatag ang pundasyon nito. Ang mga kuta ng Esagila at Babilonya ay pinatibay ko at itinatag ko ang pangalan ng aking paghahari magpakailanman.”—Archaeology and the Bible, ni G. Barton, 1949, p. 478, 479.
Ang nabanggit ay kasuwato ng paghahambog ni Nabucodonosor bago siya mawala sa kaniyang katinuan: “Hindi ba ito ang Babilonyang Dakila, na ako mismo ang nagtayo para sa maharlikang bahay sa lakas ng aking kapangyarihan at para sa dangal ng aking karingalan?” (Dan 4:30) Ngunit nang manauli ang kaniyang katinuan, bilang katuparan ng kaniyang panaginip na mula sa Diyos tungkol sa pinutol na punungkahoy, napilitan si Nabucodonosor na kilalaning maibababa ni Jehova yaong mga mapagmapuri.—Dan 4:37; tingnan ang KABALIWAN.
Napakarelihiyoso. Lumilitaw na si Nabucodonosor ay napakarelihiyoso, anupat nagtayo siya at nagpaganda ng mga templo ng maraming bathala ng Babilonya. Partikular na deboto siya sa pagsamba kay Marduk, ang pangunahing diyos ng Babilonya. Kinilala ni Nabucodonosor na ito ang nagbigay sa kaniya ng mga tagumpay sa militar. Lumilitaw na ang mga tropeo sa digmaan, kabilang na ang mga sagradong sisidlan ng templo ni Jehova, ay inilagak sa templo ni Marduk (Merodac). (Ezr 1:7; 5:14) Sinasabi sa isang inskripsiyon ni Nabucodonosor: “Para sa iyong kaluwalhatian, O dakilang MERODAC, ay gumawa ako ng isang bahay. . . . Tanggapin nawa nito ang saganang tributo ng mga Hari ng mga bansa at ng lahat ng bayan!”—Records of the Past: Assyrian and Egyptian Monuments, London, 1875, Tomo V, p. 135.
Maaaring ang imaheng ginto na itinayo ni Nabucodonosor sa Kapatagan ng Dura ay inialay kay Marduk at nilayong magtaguyod ng relihiyosong pagkakaisa sa imperyo. Palibhasa’y nagngalit dahil tumanggi sina Sadrac, Mesac, at Abednego na sambahin ang imahen kahit pagkatapos na bigyan sila ng ikalawang pagkakataon, iniutos ni Nabucodonosor na ihagis sila sa isang maapoy na hurno na pinainit nang pitong ulit na mas mainit kaysa sa karaniwan. Gayunman, nang ang tatlong Hebreo ay iligtas ng anghel ni Jehova, napilitan si Nabucodonosor na sabihing “walang umiiral na ibang diyos na nakapagliligtas na tulad ng isang ito.”—Dan 3.
Lumilitaw rin na si Nabucodonosor ay lubhang umasa sa panghuhula kapag nagpaplano ng kaniyang mga pagkilos militar. Halimbawa, binabanggit sa hula ni Ezekiel na ang hari ng Babilonya ay gumamit ng panghuhula sa pagpapasiya kung sasalakay siya sa Raba ng Ammon o sa Jerusalem.—Eze 21:18-23.