Ang Salita ni Jehova ay Buháy
Mga Tampok na Bahagi sa Aklat ng Ezra
ANG aklat ng Bibliya na Ezra ay nagsisimula kung saan nagtapos ang aklat ng Ikalawang Cronica. Sinimulan ng manunulat nito, ang saserdoteng si Ezra, ang ulat sa pamamagitan ng pagbanggit sa pagpapalabas ng utos ni Haring Ciro ng Persia na nagpapahintulot sa nalabi ng mga tapong Judio sa Babilonya na bumalik sa kanilang sariling lupain. Ang salaysay ay nagtatapos sa mga ginawang hakbang ni Ezra para linisin ang mga nadungisan dahil sa pakikipag-asawa sa mga tao ng lupain. Sa kabuuan, ang aklat ay sumasaklaw ng 70 taon—mula 537 hanggang 467 B.C.E.
Malinaw ang layunin ni Ezra sa pagsulat ng aklat: upang ipakita kung paano tinupad ni Jehova ang Kaniyang pangako na palayain ang Kaniyang bayan mula sa pagkatapon sa Babilonya at upang isauli ang tunay na pagsamba sa Jerusalem. Kaya naman, ang mga pangyayari lamang na may kaugnayan sa layuning ito ang itinampok ni Ezra. Ang aklat ng Ezra ay isang ulat kung paano muling itinayo ang templo at kung paano muling itinatag ang pagsamba kay Jehova sa kabila ng pagsalansang at di-kasakdalan ng bayan ng Diyos. Interesadung-interesado tayo sa ulat na ito sapagkat nabubuhay rin tayo sa isang panahon ng pagsasauli. Marami ang humuhugos sa “bundok ni Jehova,” at ang buong lupa ay malapit nang ‘mapuno ng kaalaman sa kaluwalhatian ni Jehova.’—Isaias 2:2, 3; Habakuk 2:14.
MULING ITINAYO ANG TEMPLO
Bilang tugon sa utos ni Ciro na palayain ang mga bihag, mga 50,000 Judiong tapon ang bumalik sa Jerusalem sa pamumuno ni Gobernador Zerubabel, o Sesbazar. Ang mga nagsibalik ay agad na nagtayo ng altar sa dako nito at nagsimulang maghandog kay Jehova.
Nang sumunod na taon, inilatag ng mga Israelita ang pundasyon ng bahay ni Jehova. Patuloy na hinadlangan ng mga kalaban ang muling pagtatayo ng templo at bandang huli ay nakakuha sila ng utos mula sa hari na patigilin ang gawain. Pinatibay ng mga propetang sina Hagai at Zacarias ang bayan na ituloy nila ang pagtatayo ng templo sa kabila ng pagbabawal. Napigilan ang mga kalaban dahil natakot silang salungatin ang di-mababagong utos ng Persia na naunang ipinalabas ni Ciro. Natuklasan sa isang opisyal na pagsisiyasat ang utos ni Ciro “may kinalaman sa bahay ng Diyos sa Jerusalem.” (Ezra 6:3) Nagpatuloy nang maayos ang gawain hanggang sa matapos ito.
Sagot sa Maka-Kasulatang mga Tanong:
1:3-6—Mahina ba ang pananampalataya ng mga Israelitang hindi nagpasiyang bumalik sa kanilang sariling lupain? Maaaring naging materyalistiko o nawalan na ng pagpapahalaga sa tunay na pagsamba ang ilan kung kaya hindi na sila bumalik sa Jerusalem, pero hindi naman ganito ang naging pangmalas ng lahat. Unang-una, ang paglalakbay pabalik sa Jerusalem na 1,600 kilometro ang layo ay umaabot ng apat o limang buwan. Bukod diyan, ang pagtira sa isang lupain na naging tiwangwang sa loob ng 70 taon at ang gawaing muling pagtatayo roon ay nangangailangan ng higit na pisikal na lakas. Kaya ang di-kaayaayang mga kalagayan, tulad ng mga karamdaman sa pisikal, katandaan, at mga pananagutan sa pamilya, ang tiyak na nakahadlang sa ilan na bumalik.
2:43—Sino ang mga Netineo? Sila ay mga di-Israelita na naglilingkod sa templo bilang mga alipin o mga lingkod. Kabilang sa kanila ang mga inapo ng mga Gibeonita noong panahon ni Josue at ng iba pa “na ibinigay ni David at ng mga prinsipe sa paglilingkod sa mga Levita.”—Ezra 8:20.
2:55—Sino ang mga anak ng mga lingkod ni Solomon? Sila ay mga di-Israelita na binigyan ng pantanging mga pribilehiyo sa paglilingkod kay Jehova. Marahil ay naglingkod sila bilang mga eskriba o mga tagakopya sa templo o sa iba pang administratibong tungkulin.
2:61-63—Nagamit ba ng nagsibalik na mga tapon ang Urim at Tumim, na siyang ginagamit noon kapag kailangan nilang malaman ang sagot ni Jehova? Yamang hindi mapatunayan sa pamamagitan ng talaangkanan ang pag-aangkin ng mga nagsasabing kabilang sila sa makasaserdoteng angkan, maaaring ginamit nila ang Urim at Tumim upang patunayan ang kanilang pag-aangkin. Ipinahiwatig lamang ni Ezra na posibleng nangyari ito. Walang ulat ang Kasulatan na ginamit ang Urim at Tumim nang panahong iyon o pagkatapos nito. Ayon sa tradisyong Judio, nawala ang Urim at Tumim nang wasakin ang templo noong 607 B.C.E.
3:12—Bakit tumangis “ang matatandang lalaki na nakakita sa unang bahay” ni Jehova? Maaaring naalaala ng mga lalaking ito kung gaano karingal ang templong itinayo noon ni Solomon. Ang pundasyon ng nakikita nilang bagong templo ay “waring walang kabuluhan sa [kanilang] paningin” kung ihahambing sa unang templo. (Hagai 2:2, 3) Maibabalik pa kaya nila ang kaluwalhatian ng unang templo? Maaaring nasiraan sila ng loob kaya sila tumangis.
3:8-10; 4:23, 24; 6:15, 16—Ilang taon ang ginugol sa muling pagtatayo ng templo? Inilatag ang pundasyon ng templo noong 536 B.C.E.—“nang ikalawang taon ng kanilang pagdating.” Inihinto ang gawaing pagtatayo sa panahon ni Haring Artajerjes, noong 522 B.C.E. Nagpatuloy ang pagbabawal hanggang 520 B.C.E., ang ikalawang taon ni Haring Dario. Natapos ang templo noong ikaanim na taon ng kaniyang paghahari, o noong 515 B.C.E. (Tingnan ang kahong pinamagatang “Mga Hari ng Persia Mula 537 Hanggang 467 B.C.E.”) Kaya inabot ng mga 20 taon ang pagtatayo ng templo.
4:8–6:18 (4:8, talababa sa New World Translation of the Holy Scriptures—With References)—Bakit isinulat ang mga talatang ito sa wikang Aramaiko? Ang kalakhang bahagi nito ay mga kopya ng mga liham ng mga opisyal ng pamahalaan para sa mga hari at ang kanilang mga sagot. Kinopya ni Ezra ang mga ito mula sa mga pampublikong rekord na isinulat sa Aramaiko, ang wikang ginagamit noon ng komersiyo at ng pamahalaan. Ang iba pang bahagi ng Bibliya na isinulat sa sinaunang wikang ito na Semitiko ay Ezra 7:12-26, Jeremias 10:11, at Daniel 2:4b–7:28.
Mga Aral Para sa Atin:
1:2. Ang inihula ni Isaias mga 200 taon ang kaagahan ay natupad. (Isaias 44:28) Hindi kailanman nabibigo ang mga hula sa Salita ni Jehova.
1:3-6. Tulad ng ilang Israelita na nanatili sa Babilonya, maraming Saksi ni Jehova ang hindi makapaglingkod nang buong panahon o hindi makapaglingkod kung saan may higit na pangangailangan. Gayunman, sinusuportahan at pinatitibay nila ang mga may kakayahang maglingkod, at nagbibigay rin sila ng kusang-loob na mga donasyon upang itaguyod ang gawaing pangangaral ng Kaharian at paggawa ng mga alagad.
3:1-6. Sa ikapitong buwan ng 537 B.C.E. (Tisri, katumbas ng Setyembre/Oktubre), inihandog ng tapat na mga nagsibalik ang kanilang unang hain. Pinasok ng mga Babilonyo ang Jerusalem noong ikalimang buwan (Ab, katumbas ng Hulyo/Agosto) ng 607 B.C.E., at pagkatapos ng dalawang buwan, lubusan nang naging tiwangwang ang lunsod. (2 Hari 25:8-17, 22-26) Gaya ng inihula, nagwakas sa eksaktong panahon ang 70-taóng pagkatiwangwang ng Jerusalem. (Jeremias 25:11; 29:10) Palaging natutupad ang lahat ng hula sa Salita ni Jehova.
4:1-3. Tinanggihan ng tapat na nalabi ang alok na maaaring mangahulugan ng relihiyosong pakikipag-alyansa sa huwad na mga mananamba. (Exodo 20:5; 34:12) Ang mga mananamba ni Jehova sa ngayon ay hindi rin nakikibahagi sa anumang pakikiisa sa ibang pananampalataya o interfaith.
5:1-7; 6:1-12. Kayang maniobrahin ni Jehova ang mga bagay-bagay para magtagumpay ang kaniyang bayan.
6:14, 22. Makakamit natin ang pagsang-ayon at pagpapala ni Jehova kung masigasig tayong makikibahagi sa kaniyang gawain.
6:21. Ang mga Samaritano na nakatira noon sa tinubuang lupain ng mga Judio at ang mga nagsibalik na naimpluwensiyahan ng mga pagano ay gumawa ng kinakailangang pagbabago sa kanilang buhay nang makita nila ang pagsulong ng gawain ni Jehova. Hindi ba tayo dapat makibahagi nang buong sigasig sa ating bigay-Diyos na gawain, kasali na ang gawaing paghahayag ng Kaharian?
PUMUNTA SI EZRA SA JERUSALEM
Limampung taon ang lumipas mula nang pasinayaan ang muling-itinayong bahay ni Jehova. Noon ay 468 B.C.E. Mula sa Babilonya, pumunta sa Jerusalem si Ezra kasama ang nalabi sa bayan ng Diyos at dala ang iniabuloy na mga pondo. Ano ang nakita niya roon?
Sinabi ng mga prinsipe kay Ezra: “Ang bayan ng Israel at ang mga saserdote at ang mga Levita ay hindi pa bumubukod mula sa mga tao ng mga lupain kung tungkol sa kanilang mga karima-rimarim na bagay.” Bukod diyan, “ang kamay ng mga prinsipe at ng mga kinatawang tagapamahala ang nangunguna sa kawalang-katapatang ito.” (Ezra 9:1, 2) Nagitla si Ezra. Pinatibay siya na ‘magpakalakas at kumilos.’ (Ezra 10:4) Gumawa si Ezra ng mga hakbang upang ituwid ang bayan, at positibo naman silang tumugon.
Sagot sa Maka-Kasulatang mga Tanong:
7:1, 7, 11—Lahat ba ng talatang ito ay tumutukoy kay Artajerjes na nagpatigil sa gawaing pagtatayo? Hindi. Ang Artajerjes ay isang pangalan o titulong ginamit sa dalawang hari ng Persia. Ang isa ay si Bardiya o si Gaumata, na nagpatigil sa pagtatayo ng templo noong 522 B.C.E. Ang Artajerjes noong panahong pumunta si Ezra sa Jerusalem ay si Artajerjes Longimanus.
7:28–8:20—Bakit atubiling sumama kay Ezra papuntang Jerusalem ang maraming Judio sa Babilonya? Bagaman mahigit 60 taon na ang nakalipas mula nang bumalik sa kanilang sariling lupain ang unang grupo ng mga Judio, hindi pa rin gaanong maayos ang pamumuhay sa Jerusalem. Kung babalik sila sa Jerusalem, magsisimula sila ng panibagong buhay sa mahirap at mapanganib na kalagayan. Ang Jerusalem noon ay walang maiaalok na magandang buhay para sa mga Judio na malamang ay umuunlad na sa Babilonya. Nariyan din ang mapanganib na paglalakbay. Ang mga nagsibalik ay kailangang may matibay na pananampalataya kay Jehova, sigasig sa tunay na pagsamba, at lakas ng loob upang bumalik sa Jerusalem. Pinatibay ni Ezra maging ang kaniyang sarili anupat isinasaisip na sumasakaniya ang kamay ni Jehova. Dahil sa pampatibay ni Ezra, 1,500 pamilya—malamang na umabot ng 6,000 katao—ang tumugon. Nang gumawa pa ng karagdagang hakbang si Ezra, 38 Levita at 220 Netineo ang tumugon.
9:1, 2—Gaano kapanganib ang pakikipag-asawa sa mga tao ng lupain? Dapat panatilihing dalisay ng isinauling bansa ang pagsamba kay Jehova hanggang sa dumating ang Mesiyas. Ang pakikipag-asawa sa mga tumatahan sa ibang lupain ay nagdudulot ng malaking panganib sa tunay na pagsamba. Yamang ang ilan ay nakipag-asawa sa mga mananamba ng idolo, maaaring lubusang maimpluwensiyahan ng mga pagano ang buong bansa sa kalaunan. Tuluyan nang maglalaho ang dalisay na pagsamba. Kapag nangyari iyon, saan magmumula ang Mesiyas? Hindi nga kataka-takang magitla si Ezra sa nangyari!
10:3, 44—Bakit pinaalis ang mga anak kasama ng mga asawang babae? Kapag pinaiwan ang mga bata, mas malaki ang posibilidad na bumalik ang mga pinaalis na asawa dahil sa kanila. Isa pa, karaniwan nang kailangan ng maliliit na anak ang pangangalaga ng kanilang ina.
Mga Aral Para sa Atin:
7:10. Bilang masikap na estudyante at dalubhasang guro ng Salita ng Diyos, nag-iwan si Ezra ng halimbawa para sa atin. May-pananalangin niyang inihanda ang kaniyang puso upang sumangguni sa Kautusan ni Jehova. Habang binabasa niya ito, nagtutuon si Ezra ng matamang pansin sa sinasabi ni Jehova. Ikinapit ni Ezra ang mga natutuhan niya at nagpagal siya sa pagtuturo sa iba.
7:13. Nais ni Jehova ng mga lingkod na handang sumunod sa kaniya.
7:27, 28; 8:21-23. Pinapurihan ni Ezra si Jehova, taimtim siyang namanhik sa Kaniya bago niya gawin ang mahaba at mapanganib na paglalakbay pabalik sa Jerusalem, at handa siyang isapanganib ang kaniyang buhay alang-alang sa kaluwalhatian ng Diyos. Kaya nag-iwan siya ng mainam na halimbawa para sa atin.
9:2. Dapat nating dibdibin ang payo na mag-asawa “tangi lamang sa Panginoon.”—1 Corinto 7:39.
9:14, 15. Ang masasamang kasama ay maaaring umakay sa di-pagsang-ayon ni Jehova.
10:2-12, 44. Ang mga nag-asawa ng banyaga ay mapagpakumbabang nagsisi, at itinuwid nila ang kanilang maling landasin. Kapuri-puri ang kanilang saloobin at pagkilos.
Tinutupad ni Jehova ang Kaniyang mga Pangako
Napakahalaga nga para sa atin ng aklat ng Ezra! Sa eksaktong panahon, tinupad ni Jehova ang kaniyang pangakong palayain ang kaniyang bayan mula sa pagkatapon sa Babilonya at isauli ang tunay na pagsamba sa Jerusalem. Hindi ba’t napatitibay nito ang ating pananampalataya kay Jehova at sa kaniyang mga pangako?
Pag-isipan ang mga halimbawang mababasa sa aklat ng Ezra. Kapuri-puri ang debosyon sa Diyos ni Ezra at ng nalabi na bumalik upang tumulong sa pagsasauli ng dalisay na pagsamba sa Jerusalem. Itinatampok din ng aklat na ito ang pananampalataya ng makadiyos na mga banyaga at ang mapagpakumbabang saloobin ng mga manggagawa ng kamalian. Tunay nga, ang mga kinasihang salita ni Ezra ay nagbibigay sa atin ng malinaw na patotoo na “ang salita ng Diyos ay buháy at may lakas.”—Hebreo 4:12.
[Chart/Larawan sa pahina 18]
MGA HARI NG PERSIA MULA 537 HANGGANG 467 B.C.E.
Cirong Dakila (Ezra 1:1) namatay noong 530 B.C.E.
Cambyses, o Ahasuero (Ezra 4:6) 530-22 B.C.E.
Artajerjes—Bardiya o Gaumata (Ezra 4:7) 522 B.C.E. (Pataksil na pinatay matapos maghari sa loob lamang ng pitong buwan)
Dario 1 (Ezra 4:24) 522-486 B.C.E.
Jerjes, o Ahasueroa 486-75 B.C.E. (Namahala bilang kasamang-tagapamahala ni Dario I mula 496-86 B.C.E.)
Artajerjes Longimanus (Ezra 7:1) 475-24 B.C.E.
[Talababa]
a Hindi binanggit si Jerjes sa aklat ng Ezra. Tinukoy siya bilang Ahasuero sa aklat ng Bibliya na Esther.
[Larawan]
Ahasuero
[Larawan sa pahina 17]
Ciro
[Larawan sa pahina 17]
Isinasaad sa Cyrus Cylinder ang patakarang pahintulutan ang mga bihag na bumalik sa kanilang sariling lupain
[Credit Line]
Cylinder: Photograph taken by courtesy of the British Museum
[Larawan sa pahina 20]
Alam mo ba ang dahilan kung bakit naging dalubhasang guro si Ezra?