Magtiwala kay Jehova—Hindi sa “Isang Sabwatan!”
1. Ano ang kalagayan ng nakikitang organisasyon ni Jehova noong panahon ng Digmaang Pandaigdig I?
NOONG panahon ng Digmaang Pandaigdig I, kumaunti ang mga nasa pulutong ng bayan ni Jehova dahilan sa mga tuwirang nag-apostasya. Nagsiklab ang pag-uusig sa kanila na ang may pasimuno’y mga relihiyosong kaaway. Ang kanilang pangulong tanggapan sa Brooklyn, New York ay pansamantalang napasara. At, sila’y walang tulong ng pangulo ng Samahan, ng kalihim-tesorero, ng manedyer ng tanggapan, ng isang manunulat ng patnugutan, at ng apat pang mga kinatawan ng Samahan—na pawang ibinilanggo sa piitang pederal sa Atlanta, Georgia. Wari ngang noo’y sumapit na ang wakas para sa inianak-sa-espiritung mga Estudyante ng Bibliya at na panahon na upang sila’y luwalhatiin sa langit. Subalit hindi nagkagayon!
2. Anong hula ni Isaias ang nagkaroon ng modernong katuparan noong 1919?
2 Ang totoo, noong tagsibol ng 1919 ang mga tanong na ibinangon ng propetang si Isaias ay maaaring banggitin na naman ngayon sa isang modernong katuparan ng Isaias 66:6-8: “Ang ingay ng kagulo na mula sa lunsod, ang tinig na mula sa templo! Iyon ang tinig ni Jehova na naggagawad ng kagantihan na karapat-dapat sa kaniyang mga kaaway. Bago siya nagsimulang nagdamdam sa panganganak, siya’y nanganak. Bago dumating sa kaniya ang paghihirap sa panganganak, siya’y nanganak nga ng isang lalaki. Sino ang nakarinig ng ganiyang bagay? Sino ang nakakita ng ganiyang mga bagay? Ang isang lupain baga [kalagayan ng maluwalhating kaunlarang espirituwal] ay ipanganganak kasabay ng pagdaramdam sa isang araw? O ang isang bansa’y isisilang bagang paminsan? Sapagkat ang Sion ay nagdamdam sa panganganak at nagsilang ng kaniyang mga anak.”
3. Anong patotoo mayroon noong 1919 na ang Sion ay nagsilang ng kaniyang mga anak at na isang bagong “bansa” ay isinilang nang “paminsan”?
3 Ang International Bible Students ay para bagang binuhay-muli buhat sa mga patay nang ganapin nila pagkatapos ng digmaan ang kanilang unang kombensiyon sa Cedar Point, Ohio, noong Setyembre 1-8, 1919. Ang presidente ng Samahan, ang kalihim-tesorero, ang manedyer ng tanggapan, at ang iba pang dating mga ibinilanggo, na pinawalang-sala sa lahat ng paratang, ay naroon sa nakagagalak na okasyong ito. Sa malaking kagalakan ng mga kombensiyunista, ipinahayag ni Presidente Rutherford ang paglalathala ng isang bagong magasin, ang The Golden Age—na ngayo’y kilala bilang Awake! At, ginanap ang pagbabautismo sa mahigit na 200 bagong nag-alay na mga tao. Ang organisasyong teokratiko ni Jehova ay nagsilang ng kaniyang mga anak sa isang aktibong buhay pagkatapos ng digmaan. Kailangan dito ang isang bago, oo, lakas-loob, na mga kaayusan sa pagpapayunir sa ganang bahagi ng “bansa” na isinilang, wika nga, sa isang iglap at pananahan sa “isang lupain” na isinilang na biglaan.
4. (a) Ano ang epekto ng lahat ng ito sa “Babilonyang Dakila”? (b) Ang pagkalantad ng tunay na relasyon ng “Babilonyang Dakila” sa nakatataas-sa-taong makalangit na mga kapangyarihan ay tagapagpauna ng ano?
4 Ang situwasyon ay isang hamon. Naging isang sorpresa iyon sa “Babilonyang Dakila,” ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon. Lubhang naligalig ang kaniyang mga miyembro, lalung-lalo na ang Sangkakristiyanuhan. Kaniyang nadama na ang kaniyang kapayapaan ay pinakikialaman. Ang kaniyang katiwasayan bilang isang hindi malalabanang nag-aangkin kung tungkol sa larangan ng relihiyosong gawain ay napalagay ngayon sa panganib. Siya ay inilalantad may kaugnayan sa tunay na relasyon niya sa nakatataas-sa-taong makalangit na mga kapangyarihan, hindi sa Diyos ng Banal na Bibliya, kundi sa “diyos ng sistemang ito ng mga bagay”—si Satanas, ang promotor ng Anti-Kristo na inihula sa Bibliya. (2 Corinto 4:4; 1 Juan 2:18) Ang paglalantad na ito ay tagapagpauna lamang sa kaniyang paghihingalo bago mamatay. Sa panahong iyon ang Kataas-taasang Hukom ng sansinukob ang tuwirang makikialam sa kaniya at lilipulin siya, anupa’t hindi siya papayagang makatakas buhat sa kaniyang ngayo’y napopoot nang dating mga mangingibig niya, ang kaniyang mga kalaguyo sa pulitika.
5. (a) Bakit ang Sangkakristiyanuhan ay mahuhuling di-nakabantay, at ano ang pagkakilala sa kaniya ng Diyos ng Bibliya? (b) Ano ang hindi nakikita ng “Babilonyang Dakila”?
5 Maging ang Sangkakristiyanuhan man, na may taglay na Bibliya na humula ng lahat ng ito, ay mahuhuling di-nakabantay. Siya’y magtitiwala sa darating na pagsigaw ng “kapayapaan at katiwasayan” na binalangkas ng mga bansa at kaniyang inilakip pa sa kaniyang mga relihiyosong pormalismo. Kasabay rin naman nito, sa kaniyang mga simbahan ay ipinapasa ang platong pangolekta, anupa’t pinayayaman ang kanilang sarili sa pamamagitan ng mga abuloy na inihuhulog doon. Gayunman, sa Diyos ng Banal na Kasulatan, siya ay “dukha at bulag at hubad.” Siya’y hindi tumitiwala kay Jehova, ni kaniya mang ginagamit ang tunay na espirituwal na mga kayamanang kaniyang inilalaan. (Apocalipsis 3:17, 18) Hindi niya nakikita ang sulat-kamay sa pader. Ano ba ang ibig naming tukuyin dito?
Lumitaw ang Sulat-Kamay sa Pader
6. Anong sinaunang kapangyarihan sa daigdig ang ngayo’y naaalala natin, at ano ang katayuan noon ng tipikong bayan ni Jehova?
6 Upang maunawaan ito, kailangang balikan natin ang mga huling oras ng pag-iral ng ikatlong kapangyarihang pandaigdig sa kasaysayan ng Bibliya, ang Babilonya, na nasa pampang ng Ilog Eufrates. Si Belsasar ang huling hari ng Babilonya, na sakop pa rin nito ang tinatayuan ng Tore ng Babel, na kung saan ginulo ng Diyos na makapangyarihan-sa-lahat ang kaisa-isang wika ng mga nagtayo niyaon, at pinanabog sila. (Genesis 11:1-9) Nang mga huling sandali ng Babilonya, ang tipikong bayan ni Jehova, ang mga Judio, ay mga bihag na itinapon sa paganong lupaing iyon. Subalit ang kanilang 70 taon ng pagkabihag ay halos matatapos na noon.
7. (a) Bakit buong pagtitiwalang gumawa si Haring Belsasar ng piging para sa kaniyang mga mahal na tao? (b) Ano ang naganap noong idinaraos ang piging, at ano ang epekto niyaon sa hari?
7 Ang nagkaisang mga Medo at mga Persiano, na bubuo ng ikaapat na kapangyarihang pandaigdig sa kasaysayan ng Bibliya, ay lumusob sa matibay ang kuta, at waring di-maigugupo, na napapaderang siyudad ng Babilonya. Ang Ilog Eufrates ay umaagos sa gitna ng siyudad, at may mga daungan sa mga pampang nito na kung saan doo’y may bumubukas na dalawang-pohas na mga pintong tanso sa mga pader ng siyudad. Taglay ang lubos na pagtitiwala na hindi mapapasok ang lunsod, si Haring Belsasar ay gumawa ng “isang malaking piging sa isang libo ng kaniyang mga mahal na tao”—isang piging na para sa kaniya’y nagsilbing kahuli-hulihan. Biglang-bigla, sa abot-tanaw ni Belsasar, may lumitaw sa pader na isang gumagalaw na kamay. At sumulat iyon sa pader ng itinadhanang mga salita na “MENE, MENE, TEKEL at PARSIN.” (Daniel 5:1, 5, 25) Iyon ay nangyari noong gabi ng Oktubre 5, 539 B.C.E. Ang epekto ng mga salita ay nakasisindak. Si Haring Belsasar ay nangatog sa takot. Hintay muna! Sunduin ang mga taong pantas—ang mga mahiko at mga astrologo na napabantog sa kakayahan na ipaliwanag ang mga tanda at mga palatandaan. Subalit hindi nila kaya na maipaliwanag ang kahulugan ng kahima-himalang mga salita, na hindi man lamang nila mabasa. Ano ngayon ang dapat na gawin?
8, 9. (a) Bilang ultimong pamamaraan, anong paraan ng pagkilos ang inirekomenda sa hari? (b) Paano ipinaliwanag ni Daniel ang kahulugan ng sulat-kamay sa pader? (c) Bakit ang resulta ng malaking piging ni Haring Belsasar ay ang gayong kakila-kilabot na hula?
8 Ipasundo ang isang Judio. Ano? Isang Judio? Oo, isa sa mga prinsipe at sa mga mahal na tao na kinuha sa Jerusalem sa kaniyang lupang tinubuan at dinala ni Emperador Nabukodonosor sa Babilonya upang sanayin para sa paglilingkod sa pamahalaan. Bueno, bilang isang ultimong pamamaraan, iyon ang pinakamagaling na magagawa. Si Daniel ay inirekomenda ng inang reyna bilang isang taong pantas—isang tao na nakababasa ng mga bagay-bagay at kaniyang naipaliliwanag ang kahulugan. (Daniel 5:10-12) Ating madarama ang katahimikan na umiral sa silid na pinagpipigingan samantalang si Daniel, bilang pagsunod sa kahilingan ni Haring Belsasar, ay nagpatuloy sa pagpapaliwanag ng mahiwagang mga salitang iyon sa emperador ng ikatlong kapangyarihang pandaigdig sa kasaysayan ng Bibliya at pati sa kaniyang mga mahal na tao.
9 Si Daniel ay nagpatuloy na nagsabi: “Nang magkagayo’y ang likod ng kamay ay sinugo mula sa harap niya, at ang sulat na ito’y isinulat. At ito ang sulat na isinulat: MENE, MENE, TEKEL at PARSIN. Ito ang kahulugan ng salita: MENE, tinakdaan ng Diyos ng bilang ang mga araw ng iyong kaharian at niwakasan ito. TEKEL, ikaw ay tinimbang sa timbangan at nasumpungang kulang. PERES,a ang kaharian mo ay pinaghati-hati at ibinigay sa mga taga-Media at mga taga-Persia.” (Daniel 5:24-28) Si Haring Belsasar at ang kaniyang mga mahal na tao at ang kanilang mga kasamang babae ay nagpakita ng kusa, na may kalapastanganang paghamak sa pagsamba sa Diyos ni Daniel. Sa paano? Sa pag-inom ng alak buhat sa mga gintong sisidlan na kinuha sa templo ni Jehova sa Jerusalem nang wasakin ang banal na siyudad na iyan noong taóng 607 B.C.E. Iyon ay mistulang pananakit na may kasamang mapanghamak na insulto.—Daniel 5:3, 4, 23.
Naghari ang Inihulang si Ciro
10, 11. (a) Sino ang inihula ni Jehova na magiging mananakop ng Babilonya, at papaanong isinaysay ni Isaias ang darating na pananakop? (b) Paano tinupad ni Jehova ang hulang ito at kaniyang pinapangyari ang karapat-dapat na parusa kay Haring Belsasar at sa kaniyang mga mahal na tao?
10 Sa Isaias 45:1-3 ay inihula ng Kataas-taasang Diyos: “Ganito ang sabi ni Jehova sa kaniyang pinahiran ng langis, kay Ciro, na ang kanang kamay ay aking hinawakan, upang magpasuko ng mga bansa sa harap niya, upang aking makalagan kahit ang mga balakang ng mga hari; upang magbukas ng dalawang-pohas na mga pintuan sa unahan niya, upang maging ang mga pintuang-bayan ay hindi masasarhan: ‘Ako’y magpapauna sa iyo, at papatagin ko ang baku-bakong dako. Ang pintong tanso ay aking pagdudurug-durugin, at aking puputulin ang mga halang na bakal. At ibibigay ko sa iyo ang mga kayamanang nasa kadiliman at ang mga natatagong kayamanan sa mga lihim na dako, upang iyong maalaman na ako’y si Jehova, ang Isa na tumatawag sa iyo sa iyong pangalan.’”
11 Upang tuparin ang hulang ito, inilagay ni Jehova sa isip ni Ciro na Persiano na paurungin ang tubig ng Ilog Eufrates at paagusin sa isang karatig na loók. Pagkatapos, nang mapaagos nang lahat ang tubig, sa kalaliman ng gabi, ang mga kawal ni Ciro ay dumaan sa ilog na wala nang tubig at dumiretso sa kalagitnaan ng siyudad. Yamang ang dalawang-pohas na pintuan sa may daungan ay naiwanang bukás, sila’y umakyat sa pampang ng ilog at pumasok sa pinagpipigingang silid, anupa’t dinaig ang mga guwardiya. Kaya’t ang piging ni Haring Belsasar ay humantong sa isang kalunus-lunos na wakas bilang isang karapat-dapat na parusa sa kaniya at sa kaniyang mga mahal na tao—dahilan sa “ang Panginoon ng langit” ay inilagay nila sa kahihiyan, sa kadustaan, at sa kalapastanganan sa pamamagitan ng maling paggamit sa mga sisidlan sa templo na ninakaw sa banal na dakong tahanan ni Jehova sa Jerusalem.
12. (a) Yamang inihula ni Isaias na si Ciro ang mananakop sa Babilonya, bakit kinilala ni Daniel na si Dario ng Media ang mananakop ng Babilonya? (b) Kanino lumalarawan si Dario at ang kaniyang kasama, si Ciro na Persiano?
12 Ang huling talata ng Daniel kabanata 5 tal 31 ay nagsasabi na pagkatapos na paslangin si Haring Belsasar, si Dario ng Media ang “tumanggap sa kaharian, noo’y mga animnapu’t-dalawang taóng gulang.” Yamang si Dario ay matanda kaysa kay Ciro ng Persia, kinilala ni Daniel na ang bumihag sa Babilonya ay ang haring ito ng Media. Siya’y naghari mula 539 hanggang 537 B.C.E. bilang ang maharlikang tagapamahala sa imperyong Medo-Persia. Siya’y lumarawan sa Diyos na Jehova. Ang kasama ni Dario, si Ciro na Persiano, ay lumarawan kay Jesu-Kristo, na pangunahing gagamitin ni Jehova upang ibagsak at wasakin ang “Babilonyang Dakila,” ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon.
13, 14. Ano ang tiyak na itinawag-pansin ni Daniel kay Ciro na Persiano, at ano ang pambungad ng aklat ni Ezra pagkalaya?
13 Nang si Ciro ay mapaluklok na sa trono upang maghari sa Medo-Persia noong 537 B.C.E., tiyak na itinawag-pansin sa kaniya ni propeta Daniel ang hula ni Jehova tungkol sa kaniya na matatagpuan sa Isaias 45. Ang aklat ni Ezra pagkalaya ay may pambungad na ganitong mga salita:
14 “Nang unang taon nga ni Ciro na hari sa Persia, upang maganap ang salita ni Jehova sa pamamagitan ng bibig ni Jeremias [tungkol sa tagal ng pagkabihag na 70 taon (Jeremias 25:12; 29:10, 14)], pinukaw ni Jehova ang espiritu ni Ciro na hari ng Persia kung kaya’t siya’y nagtanyag sa kaniyang buong kaharian, at isinulat din naman, na sinasabi: ‘Ito ang sinabi ni Ciro na hari ng Persia, “Ibinigay sa akin ni Jehova, ang Diyos ng langit, ang lahat na kaharian sa lupa, at ibinilin niya sa akin na ipagtayo ko siya ng isang bahay sa Jerusalem, na nasa Juda. Sinuman sa inyo sa kaniyang buong bayan, suma-kaniya nawa ang kaniyang Diyos. Kaya’t umahon siya sa Jerusalem, na nasa Juda, at muling itayo ang bahay ni Jehova na Diyos ng Israel—siya ang tunay na Diyos—na nasa Jerusalem.”’”—Ezra 1:1-3.
Ang Lalong-dakilang Ciro ay Nagtagumpay Laban sa “Babilonyang Dakila”
15. (a) Kailan nagsimulang naghari ang antitipikong Ciro? (b) Ano ang di-natitinag na paninindigan ng mga Saksi ni Jehova tungkol sa isang pakikipagsabwatan sa Nagkakaisang mga Bansa, at bakit?
15 Ang kasalukuyang antitipikong Cirong Dakila ay nagsimulang maghari noong 1914 nang matapos “ang itinakdang mga panahon ng mga bansa,” gaya ng inihula ni Jesus mismo sa Lucas 21:24. Ang mahalagang pandaigdig na pangyayaring ito ay lubusang hindi pinansin, at ang mga bansa sa loob ng Nagkakaisang mga Bansa ay nagtakda sa taóng 1986 bilang kanilang Internasyonal na Taon ng Kapayapaan. Subalit ang mga Saksi ni Jehova ay sa anumang paraan hindi nadatnan na walang-malay dahil sa hindi pagbabantay sa pangyayaring ito. Pagka ang inihulang pagpapahayag ng “kapayapaan at katiwasayan” ay ginawa na sa wakas, sila’y hindi makikisali sa makapulitikang mga tagapagtaguyod at mga kaibigang kasamahan ng “Babilonyang Dakila” sa pagsasayá dahil sa gayong pambihirang nagawa nila sa ganitong atrasadong petsa sa kasaysayan ng makasanlibutang mga bansa. Sila’y walang itinataguyod na pakikipagsabwatan sa Nagkakaisang mga Bansa o sa iba pang mga pamamaraan ukol sa kapayapaan. (Isaias 8:12) Bagkus, kanilang sasabihin ang gaya ng mga salita sa Isaias 8:20: “Sa kautusan at sa patotoo! Kung hindi sila magsalita nang ayon sa salitang ito, tunay na walang liwanag ng umaga sa kanila.” (New International Version) At bilang dahilan ng kanilang di-natitinag na paninindigan, kanilang sinasabi: “Sapagkat ang Diyos ay sumasa-amin!” (Isaias 8:10) Sa tahasang pagsasabi, iyan ay nangangahulugan na walang bahagi ang Diyos na Jehova sa pulitikal na mga kaayusan na pinagtibay ng mga bansa ukol sa “kapayapaan at katiwasayan” kundi, sa halip, ay malinaw na laban siya sa kanila.
16. Paanong ang makahulang salita sa Apocalipsis 17:16, 17 ay maipagbabangong-puring lubusan, at ano ang epekto sa bayan ni Jehova?
16 Sa magaling na pagmamaneobra, sa pamamagitan ng kaniyang Lalong-dakilang Ciro, ay ilalagay ni Jehova sa puso at isip ng mga pulitikal na lider ng daigdig na magbangon sila laban sa “Babilonyang Dakila,” ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon. Taglay ang mistulang sungay ng isang malupit at mabangis na hayop, kanilang susuwagin siya hanggang sa mamatay. Ang makahulang salita sa Apocalipsis 17 ay maipagbabangong-puring lubusan, at ito’y ipagsasayá ng mga Saksi ni Jehova sa lupa.—Apocalipsis 17:16, 17; 19:1-3.
Pananatili Nating Nasa Wastong Pakikipag-ugnayan kay Jehova
17. Bagaman ang mga Saksi ni Jehova ay hindi bahagi ng “Babilonyang Dakila,” ano ang gagawin ng mga pinuno ng daigdig?
17 Ngayon, bagaman ang mga Saksi ni Jehova ay hindi bahagi ng “Babilonyang Dakila” kundi sila’y ang kinikilalang mga tagapagbunyag sa kaniya, at bagama’t sila’y hindi nakibahagi sa pulitikal na pamamalakad ng sanlibutang ito, ang lapastangan sa relihiyon na mga elementong pulitikal ngayon ay babaling laban sa nakaligtas na mga Saksi. Palibhasa’y disidido na maging mga diktador na lubusang nanunupil sa lahat ng bahagi ng lipunan ng tao sa lupa, sila’y puspusang dadaluhong sa nag-iingat ng katapatan na mga Saksi ng Kataas-taasang Isa, na siyang Pinagmumulan ng ganap na matuwid na pamahalaan.
18. Anong kasindak-sindak na dakilang tagumpay ang isasagawa ni Jehova, na makapupong dakila kaysa Baha noong kaarawan ni Noe?
18 Dito na ngayon makikialam ang Makapangyarihan-sa-lahat na Soberano ng langit at lupa at kaniyang ipakikilala at ipauunawa sa mga pumuksang iyon sa “Babilonyang Dakila” na ang Isa na may mga Saksi sa ika-20 siglong ito ay isang tunay na Diyos, isang Diyos na makapangyarihan-sa-lahat—ang Diyos na may karapatang pag-ukulan ng buong-puso, na di-nababahaging pagsamba ng mga nilalang dito sa tuntungan ng kaniyang paa, ang lupa. Kaniyang gagawin ito sa isang kasindak-sindak na paraan na anupa’t ang nagmamasid sa isang tabi na mga Saksi ay mapapangangá dahil sa lubusang panggigilalas. Kaniyang isasagawa ang wala pang katulad na maluwalhating pagmamaneobra ng digmaan hanggang sa makamit ang banal na tagumpay. (Apocalipsis 16:14, 16; 19:19-21) Iyan ay mangangahulugan ng wakas ng balakyot, kontrolado-ng-Diyablong sistemang ito ng mga bagay na taglay ang kabantugan na higit pa kaysa roon sa pumuksa-ng-sanlibutang Baha noong kaarawan ni Noe.
19. Magkakaroon si Jehova ng anong mga saksi na magpapatotoo sa kaniyang pagbabangong-puri bilang ang Pansansinukob na Soberano, at ano ang patutunayan nito?
19 Kung paanong si Jehova ay nagkaroon ng mga saksi na nagpatotoo tungkol sa katapusan ng matandang sanlibutan sa isang Baha na kung saan nalunod ang lahat ng tao na nasa labas ng daong, siya rin naman, sa isang lalong malawak na paraan, ay magkakaroon ng mga saksi rito mismo sa lupa na magpapatotoo tungkol sa kaniyang hindi na mauulit na gawang pagbabangong-puri ng kaniyang sarili bilang ang Pansansinukob na Soberano. (2 Pedro 3:6, 7, 13, 14) Ito yaong mga nagtitiwala sa kaniya tungkol sa kapayapaan at katiwasayan sa gitna ng hinatulang puksaing sanlibutang ito. Anong ligaya na ikaw ay mapabilang sa makahimalang iniligtas na mga Saksing iyon. Ipakikita nito na ang iyong kapayapaan at katiwasayan ay napatunayang nanggagaling sa Diyos na Jehova at hindi sa anumang pakikipagkasunduan, o pakikipagsabwatan, sa pulitikal na mga kapangyarihan ng kontrolado-ng-Diyablong sistemang ito ng mga bagay.
20. Paano sisikat si Jehova, at ano ang disidido tayong gawin?
20 Ang Diyos na Jehova ay sisikat nang buong ningning bilang ang matuwid na Diyos na dapat sambahin at paglingkuran bilang ang kataas-taasang Maykapal—ang Diyos ng mga diyos, ang bukod-tanging Isa na kinauukulan ng mga salita ng kinasihang salmista: “Mula nga sa panahong walang takda hanggang sa panahong walang takda ikaw ang Diyos.” (Awit 90:2) Taglay ang patuloy na lumalaking pagpapahalaga, tayo’y laging magtiwala sa Diyos na Jehova at makipag-ugnayan sa kaniya sa pamamagitan ng Lalong-dakilang Ciro, si Jesu-Kristo.
[Talababa]
a Ang “Parsin” ay pangmaramihan ng salitang “Peres” at ang ibig sabihin ay “mga dibisyon.”
Natatandaan Mo Ba?
◻ Ano ang hindi nakikita ng “Babilonyang Dakila”?
◻ Ano ang inilalarawan ng kapaha-pahamak na resulta ng piging ni Belsasar?
◻ Sino ang mananakop ng “Babilonyang Dakila”?
◻ Ano ang paninindigan ng mga Saksi ni Jehova tungkol sa isang pakikipagsabwatan sa Nagkakaisang mga Bansa?
◻ Bakit lahat ng maglalagak ng kanilang pagtitiwala kay Jehova ukol sa kapayapaan at katiwasayan ay magiging maligaya?
[Larawan sa pahina 25]
Ipinaliwanag ni Daniel ang kahulugan ng mahiwagang sulat bilang isang mensahe ng kapahamakan para sa imperyo ng Babilonya