Makapagtitiwala Ka ba sa Bibliya?
KUNG kukuha ka ng isang Bibliya, maaasahan mo bang makatagpo ng isang barya? Kumusta naman ang tungkol sa sinaunang baryang pilak na ito?
Marami ang may palagay na ang Bibliya ay isang matandang aklat na naglalahad ng kakatwang mga kuwento at kapuri-puring mga asal. Gayunman, hindi sila naniniwala na ang mga ulat sa Bibliya ay totoong kasaysayan, kaya ayaw nilang tanggapin na iyon ang Salita ng Diyos. Subalit, may sapat na ebidensiya ang pagiging totoo ng Bibliya. Ang baryang ito (pinalakihan) ay isang mabuting halimbawa. Ano ba ang sinasabi ng nakasulat dito?
Ang barya ay ginawa sa Tarso, isang lunsod sa timog-silangang panig ng ngayon ay Turkey. Ang barya ay ginawa noong panahon ng pamamahala ng gobernador ng Persia na si Mazaeus noong ikaapat na siglo B.C.E. Siya ay ipinakikilala nito bilang gobernador ng lalawigan sa “Kabila ng Ilog,” samakatuwid nga, ang Ilog Eufrates.
Ngunit bakit nga ba kawili-wiling mapag-alaman ang pariralang iyan? Sapagkat makikita mo sa iyong Bibliya ang ganiyan ding titulo. Sa Ezra 5:6–6:13 ay makikita ang pagsusulatan ng hari ng Persia na si Dario at ng isang gobernador na nagngangalang Tattenai. Ang isyu ay ang muling pagtatayo ng mga Judio ng kanilang templo sa Jerusalem. Si Ezra ay isang dalubhasang tagakopya ng Kautusan ng Diyos, at maaasahan mo na siya ay tiyak, walang mali sa kaniyang isinulat. Makikita mo sa Ezra 5:6 at 6:13 na kaniyang tinagurian si Tattenai na “ang gobernador sa kabila ng Ilog.”
Isinulat iyan ni Ezra mga 460 B.C.E., mga 100 taon bago ginawa ang baryang ito. May mga tao na marahil mag-aakala na ang titulong iyon sa isang sinaunang pinunò ay isang maliit na detalye. Subalit kung makapagtitiwala ka sa mga manunulat ng Bibliya kahit na sa ganiyang kaliit na detalye, hindi ba palalakihin niyan ang iyong pagtitiwala sa mga iba pa nilang isinulat?
Sa unang dalawang artikulo sa labas na ito, makasusumpong ka ng karagdagang mga dahilan para sa gayong pagtitiwala.
[Picture Credit Line sa pahina 32]
Koleksiyon ng Dept. of Antiquities ng Israel. Itinanghal at kinunan ng larawan sa Israel Museum