DRAKMA
Isang Griegong baryang pilak na ginagamit hanggang noong unang siglo C.E. (Luc 15:8, 9) Ang drakma ng Attica ay may ulo ng diyosang si Athena sa isang panig at isang kuwago naman sa kabilang panig. Pagsapit ng panahon ng ministeryo ni Jesus sa lupa, malamang na bumaba na ang halaga ng drakma at naging mga 3.4 g (0.109 onsa t) anupat sa ngayon ay nagkakahalaga ito ng 65 sentimo [U.S.]. Noong unang siglo C.E., itinutumbas ng mga Griego ang drakma sa denario, ngunit opisyal na itinuring ng pamahalaang Romano ang drakma bilang tatlong kapat ng halaga ng isang denario. Nagbabayad noon ang mga Judio ng taunang buwis sa templo na dalawang drakma (isang didrakma).—Mat 17:24.
Ang Griegong pilak na drakma ay hindi dapat ipagkamali sa gintong “drakma” (dar·kemohnʹ) sa Hebreong Kasulatan, na isang barya na karaniwang itinutumbas sa Persianong darik (8.4 g; 0.27 onsa t; $94.50 batay sa makabagong mga halaga).—Ezr 2:69; Ne 7:70-72.