Mga Aral Mula sa Isang Panalanging Pinaghandaang Mabuti
“Pagpalain nila ang iyong maluwalhating pangalan.”—NEH. 9:5.
1. Anong pagtitipon ng bayan ng Diyos ang isasaalang-alang natin? Anong mga tanong ang dapat nating pag-isipan?
“TUMINDIG kayo, pagpalain ninyo si Jehova na inyong Diyos mula sa panahong walang takda hanggang sa panahong walang takda.” Sa pamamagitan ng nakaaantig na pananalitang ito, ang sinaunang bayan ng Diyos ay tinipon ng mga Levita para sama-samang manalangin. Isa ito sa pinakamahabang panalangin sa ulat ng Bibliya. (Neh. 9:4, 5) Naganap ito sa Jerusalem noong ika-24 na araw ng ikapitong buwan ng mga Judio, ang Tisri, noong 455 B.C.E. Habang isinasaalang-alang natin ang mga pangyayari bago ang espesyal na araw na iyon, tanungin ang sarili: ‘Anong magandang kaugalian ng mga Levita ang nakatulong para maging matagumpay ang okasyong iyon? Ano pang aral ang matututuhan ko mula sa panalanging iyon na pinaghandaang mabuti?’—Awit 141:2.
ISANG ESPESYAL NA BUWAN
2. Anong magandang halimbawa ang ipinakita ng mga Israelita noong magtipon sila pagkatapos na maitayong muli ang mga pader ng Jerusalem?
2 Isang buwan bago ang pagtitipon, natapos ng mga Judio ang muling pagtatayo ng mga pader ng Jerusalem. (Neh. 6:15) Nagawa nila ito sa loob lang ng 52 araw. Pagkatapos, mas pinagtuunan nila ng pansin ang kanilang espirituwalidad. Noong unang araw ng sumunod na buwan, ang Tisri, nagtipon sila sa liwasang-bayan para makinig kay Ezra, at sa iba pang mga Levita, habang binabasa at ipinaliliwanag ang Kautusan ng Diyos. Ang mga pamilya, kasama ang “lahat ng may sapat na unawa upang makinig,” ay nakatayo habang nakikinig “mula sa pagbubukang-liwayway hanggang sa katanghaliang tapat.” Napakaganda ngang halimbawa para sa atin na nagpupulong sa komportableng mga Kingdom Hall! Pero kapag nasa pulong, gumagala ba ang isip mo kung minsan at kung anu-ano ang naiisip mo? Kung oo, isaalang-alang ang halimbawa ng sinaunang mga Israelita na hindi lang basta nakinig kundi isinapuso rin ang mga napakinggan nila; tumangis pa nga sila dahil hindi nila nasusunod bilang bayan ang Kautusan ng Diyos.—Neh. 8:1-9.
3. Anong utos ang sinunod ng mga Israelita?
3 Pero hindi iyon ang panahon ng pagtatapat ng mga kasalanan. Dahil araw iyon ng kapistahan, gusto ni Jehova na maging masaya ang bayan. (Bil. 29:1) Kaya sinabi ni Nehemias sa bayan: “Yumaon kayo, kainin ninyo ang matatabang bagay at inumin ninyo ang matatamis na bagay, at padalhan ninyo ng mga bahagi ng pagkain yaong hindi ipinaghanda ng anuman; sapagkat ang araw na ito ay banal sa ating Panginoon, at huwag kayong mamighati, sapagkat ang kagalakan kay Jehova ang inyong moog.” Sumunod ang bayan, kaya ang araw na iyon ay naging isang “malaking kasayahan.”—Neh. 8:10-12.
4. Ano ang ginawa ng mga Israelitang ulo ng pamilya? Ano ang isang mahalagang bahagi ng idinaos nilang Kapistahan ng mga Kubol?
4 Kinabukasan, nagtipon ang mga ulo ng pamilya para pag-usapan kung paano higit na masusunod ng bayan ang Kautusan ng Diyos. Sa kanilang pag-aaral ng Kautusan, natuklasan nilang dapat pala nilang ipagdiwang ang Kapistahan ng mga Kubol mula sa ika-15 hanggang sa ika-22 araw ng Tisri, pati na ang kapita-pitagang kapulungan sa pinakahuling araw nito. Kaya gumawa ng mga paghahanda ang bayan. Ito ang naging pinakamatagumpay na Kapistahan ng mga Kubol mula noong panahon ni Josue, at nagkaroon ng “napakalaking pagsasaya.” Isang mahalagang bahagi ng kapistahang ito ang pangmadlang pagbabasa ng Kautusan ng Diyos “araw-araw, mula nang unang araw hanggang sa huling araw.”—Neh. 8:13-18.
ARAW NG PAGTATAPAT NG MGA KASALANAN
5. Ano ang ginawa ng bayan ng Diyos bago nanalangin ang mga Levita para sa kanila?
5 Pagkaraan ng dalawang araw, panahon na para hayagang ipagtapat ng Israel ang mga pagkakasala nila laban sa Kautusan ng Diyos. Hindi iyon araw ng pagpipiging. Sa halip, ang bayan ng Diyos ay nag-ayuno at nagsuot ng telang-sako bilang tanda ng kanilang pagdadalamhati. Muli, ang Kautusan ng Diyos ay binasa sa bayan sa loob ng mga tatlong oras noong umaga. Kinahapunan, “nagtapat sila at yumukod kay Jehova na kanilang Diyos.” Pagkatapos, isang panalanging pinaghandaang mabuti ang binigkas ng mga Levita para sa bayan. —Neh. 9:1-4.
6. Ano ang nakatulong sa mga Levita para maging makabuluhan ang kanilang panalangin? Ano ang itinuturo nito sa atin?
6 Tiyak na nakatulong sa mga Levita ang madalas na pagbabasa ng Kautusan ng Diyos para maihanda ang makabuluhang panalanging iyon. Sa unang bahagi nito, itinampok nila ang mga gawa at katangian ni Jehova. Sa natitirang bahagi, paulit-ulit nilang binanggit ang “saganang awa” ng Diyos at inaming hindi karapat-dapat ang mga Israelita sa gayong kabaitan. (Neh. 9:19, 27, 28, 31) Gaya ng mga Levita, dapat din nating bulay-bulayin ang Salita ng Diyos araw-araw, na para bang hinahayaan nating kausapin tayo ni Jehova. Sa gayon, ang ating panalangin ay magiging mas makabuluhan at hindi parang rutin lang.—Awit 1:1, 2.
7. Ano ang hiniling ng mga Levita sa Diyos? Ano ang matututuhan natin sa kanila?
7 Isang simpleng kahilingan lang ang binanggit ng mga Levita. Sa bandang dulo ng panalangin, sinabi nila: “Ngayon, O aming Diyos, ang Diyos na dakila, makapangyarihan at kakila-kilabot, na nag-iingat ng tipan at ng maibiging-kabaitan, huwag nawang maliitin sa harap mo ang lahat ng paghihirap na sumapit sa amin, sa aming mga hari, sa aming mga prinsipe at sa aming mga saserdote at sa aming mga propeta at sa aming mga ninuno at sa iyong buong bayan mula nang mga araw ng mga hari ng Asirya hanggang sa araw na ito.” (Neh. 9:32) Magandang halimbawa sa atin ang mga Levita. Kapag nananalangin, dapat muna nating purihin at pasalamatan si Jehova bago humiling ng anuman.
PINURI ANG MALUWALHATING PANGALAN NG DIYOS
8, 9. (a) Paano nagpakita ng kapakumbabaan ang mga Levita sa pasimula ng kanilang panalangin? (b) Anong dalawang hukbo sa langit ang tinutukoy ng mga Levita?
8 Mapagpakumbaba ang mga Levita. Kahit pinaghandaan nilang mabuti ang kanilang panalangin, hindi nila inisip na sapat ang mga salita nila para lubusang purihin si Jehova. Kaya sa pasimula ng panalangin, nagsumamo sila sa Diyos na hayaang ‘pagpalain ng bayan ang kaniyang maluwalhating pangalan, na itinaas sa lahat ng pagpapala at papuri.’—Neh. 9:5.
9 “Ikaw ang tanging si Jehova,” ang sabi pa nila, “ikaw ang gumawa ng mga langit, maging ng langit ng mga langit, at ng buong hukbo nila, ng lupa at ng lahat ng nasa ibabaw nito, ng mga dagat at ng lahat ng naroroon; at iniingatan mong buháy ang lahat ng mga iyon; at ang hukbo ng langit ay yumuyukod sa iyo.” (Neh. 9:6) Oo, ang Diyos na Jehova ang lumalang sa buong uniberso na binubuo ng di-mabilang na galaksi ng mga bituin. Nilalang din niya ang lahat ng nasa ating magandang planeta, na may kakayahang sumustine sa iba’t ibang uri ng buhay—mga nilikha na nakapagpaparami ayon sa kanilang uri. Nasaksihan ito ng banal na mga anghel ng Diyos, na matatawag ding “hukbo ng langit.” (1 Hari 22:19; Job 38:4, 7) Mapagpakumbabang ginagawa ng mga anghel ang kalooban ng Diyos sa pamamagitan ng paglilingkod sa makasalanang mga tao na “magmamana ng kaligtasan.” (Heb. 1:14) Napakaganda ngang halimbawa ng mga anghel para sa atin habang may-pagkakaisa nating pinaglilingkuran si Jehova gaya ng isang sinanay na hukbo!—1 Cor. 14:33, 40.
10. Ano ang matututuhan natin sa pakikitungo ng Diyos kay Abraham?
10 Pagkatapos, itinampok ng mga Levita ang pakikitungo ng Diyos kay Abram. Pinalitan ng Diyos ang pangalan niya at ginawang Abraham, na nangangahulugang “ama ng pulutong,” kahit 99 anyos na siya noon at wala pang anak sa kaniyang baog na asawang si Sarai. (Gen. 17:1-6, 15, 16) Ipinangako rin ng Diyos kay Abraham na mamanahin ng binhi nito ang lupain ng Canaan. Madalas na nalilimutan ng mga tao ang pangako nila; pero hindi ganoon si Jehova. Gaya ng sinabi ng mga Levita sa panalangin: “Ikaw ay si Jehova na tunay na Diyos, na pumili kay Abram at naglabas sa kaniya mula sa Ur ng mga Caldeo at nagbigay sa kaniya ng pangalang Abraham. At nasumpungan mong tapat ang kaniyang puso sa harap mo; kaya itinatag ang tipan sa kaniya na ibibigay sa kaniya ang lupain ng mga Canaanita, . . . na ibibigay iyon sa kaniyang binhi; at tinupad mo ang iyong mga salita, sapagkat ikaw ay matuwid.” (Neh. 9:7, 8) Matutularan natin ang ating matuwid na Diyos kung sinisikap nating tuparin ang ating mga pangako.—Mat. 5:37.
INALAALA ANG MGA NAGAWA NI JEHOVA
11, 12. Ano ang kahulugan ng pangalan ni Jehova? Ano ang ginawa ni Jehova para sa mga inapo ni Abraham na nagpapakitang karapat-dapat siya sa kaniyang pangalan?
11 Ang pangalang Jehova ay nangangahulugang “Kaniyang Pinangyayaring Magkagayon,” na nagpapakitang patuloy na kumikilos ang Diyos para matupad ang kaniyang mga pangako. Kitang-kita ito sa pakikitungo ng Diyos sa mga inapo ni Abraham noong mga alipin sila sa Ehipto. Parang imposibleng makalaya ang buong bansa at manirahan sa Lupang Pangako. Pero sa pamamagitan ng sunud-sunod na pagkilos ng Diyos, tinupad niya ang kaniyang pangako. Sa gayon, pinatunayan niyang karapat-dapat siya sa natatangi at dakilang pangalang Jehova.
12 Tungkol kay Jehova, sinabi sa panalanging iniulat ni Nehemias: “Nakita mo ang kapighatian ng aming mga ninuno sa Ehipto, at ang kanilang pagdaing sa Dagat na Pula ay narinig mo. Nang magkagayon ay nagbigay ka ng mga tanda at mga himala laban kay Paraon at sa lahat ng kaniyang mga lingkod at sa buong bayan ng kaniyang lupain, sapagkat nalaman mo na ang mga iyon ay kumilos nang may kapangahasan laban sa kanila; at ikaw ay gumawa ng pangalan para sa iyong sarili gaya ng sa araw na ito. At ang dagat ay hinati mo sa harap nila, kung kaya nakatawid sila sa gitna ng dagat sa tuyong lupa; at ang mga tumutugis sa kanila ay inihagis mo sa mga kalaliman tulad ng isang bato sa malalakas na tubig.” Binanggit din sa panalangin ang iba pang ginawa ni Jehova para sa kaniyang bayan: “Sinupil mo sa harap nila ang mga tumatahan sa lupain, ang mga Canaanita . . . At bumihag sila ng mga nakukutaang lunsod at ng matabang lupa at inari nila ang mga bahay na punô ng lahat ng mabubuting bagay, mga imbakang-tubig na hinukay, mga ubasan at mga taniman ng olibo at mga punungkahoy bilang pagkaing sagana, at nagsimula silang kumain at mabusog at tumaba at masiyahan sa iyong malaking kabutihan.”—Neh. 9:9-11, 24, 25.
13. Paano pinaglaanan ni Jehova ang Israel sa espirituwal na paraan? Pero ano ang ginawa ng bayan?
13 Marami pang ibang ginawa ang Diyos para matupad ang kaniyang layunin. Halimbawa, pagkaalis ng Israel sa Ehipto, pinaglaanan sila ni Jehova sa espirituwal na paraan. Sinabi ng mga Levita sa panalangin: “Sa ibabaw ng Bundok Sinai ay bumaba ka at nakipag-usap sa kanila mula sa langit at nagbigay sa kanila ng matuwid na mga hudisyal na pasiya at mga kautusan ng katotohanan, mabubuting tuntunin at mga utos.” (Neh. 9:13) Tinuruan ni Jehova ang kaniyang bayan para maging karapat-dapat silang magdala ng kaniyang banal na pangalan bilang mga tagapagmana ng Lupang Pangako, pero tinalikuran nila ang mabubuting bagay na natutuhan nila.—Basahin ang Nehemias 9:16-18.
KINAILANGAN ANG DISIPLINA
14, 15. (a) Paano nagpakita ng awa si Jehova sa kaniyang makasalanang bayan? (b) Ano ang matututuhan natin sa pakikitungo ng Diyos sa kaniyang piling bayan?
14 Sa panalangin ng mga Levita, binanggit ang dalawang partikular na pagkakasala ng mga Israelita matapos silang mangako sa Bundok Sinai na tutuparin nila ang Kautusan ng Diyos. Dahil sa mga ito, nararapat lang na iwan sila ni Jehova para mamatay sa ilang. Gayunman, pinuri si Jehova sa panalangin: “Sa iyong saganang awa ay hindi mo sila iniwan sa ilang. . . . Sa loob ng apatnapung taon ay naglaan ka sa kanila ng pagkain . . . Hindi sila nagkulang ng anuman. Ang mismong mga kasuutan nila ay hindi naluma, at ang kanilang mga paa ay hindi namaga.” (Neh. 9:19, 21) Sa ngayon, inilalaan din ni Jehova ang lahat ng kailangan natin para makapaglingkod sa kaniya nang may katapatan. Huwag sana nating tularan ang libu-libong Israelita na namatay sa ilang dahil sa pagkamasuwayin at kawalan ng pananampalataya. Sa katunayan, “isinulat ang mga ito bilang babala sa atin na dinatnan ng mga wakas ng mga sistema ng mga bagay.”—1 Cor. 10:1-11.
15 Nakalulungkot, matapos manahin ng mga Israelita ang Lupang Pangako, tinularan nila ang pagsamba ng mga Canaanita, na nagsasangkot ng imoralidad at pagpatay. Kaya hinayaan ni Jehova na siilin ng katabing mga bansa ang kaniyang piling bayan. Nang magsisi sila, kinaawaan sila ni Jehova, pinatawad, at iniligtas sa kanilang mga kaaway. “Muli at muli” itong nangyari. (Basahin ang Nehemias 9:26-28, 31.) Sinabi ng mga Levita: “Ikaw ay mapagparaya sa kanila sa loob ng maraming taon at patuloy na nagpatotoo laban sa kanila ng iyong espiritu sa pamamagitan ng iyong mga propeta, at hindi sila nakinig. Nang dakong huli ay ibinigay mo sila sa kamay ng mga bayan ng mga lupain.”—Neh. 9:30.
16, 17. (a) Pagkabalik mula sa pagkatapon, paano naiiba ang sitwasyon ng mga Israelita kumpara noong manahin ng kanilang mga ninuno ang Lupang Pangako? (b) Ano ang inamin ng mga Israelita, at ano ang ipinangako nila?
16 Kahit noong makabalik ang mga Israelita mula sa pagkatapon, muli silang naging masuwayin. Pero paano naiiba ang sitwasyon nila ngayon? Sinabi ng mga Levita sa panalangin: “Narito! Kami ngayon ay mga alipin; at kung tungkol sa lupain na ibinigay mo sa aming mga ninuno upang kumain ng mga bunga niyaon at ng mabubuting bagay niyaon, narito! kami ay mga alipin doon, at ang ani niyaon ay nananagana para sa mga hari na inilagay mo upang mamahala sa amin dahil sa aming mga kasalanan, at . . . kami ay nasa malaking kabagabagan.”—Neh. 9:36, 37.
17 Ipinahihiwatig ba ng mga Levita na ang Diyos ay di-makatarungan dahil hinahayaan niya ang gayong pagdurusa? Hindi! Inamin ng mga Levita: “Ikaw ay matuwid kung tungkol sa lahat ng sumapit sa amin, sapagkat ikaw ay kumilos nang may katapatan, ngunit kami ang siyang gumawa nang may kabalakyutan.” (Neh. 9:33) Nagtapos ang panalangin sa taimtim na pangakong susundin ng bansa ang Kautusan ng Diyos. (Basahin ang Nehemias 9:38; 10:29) Para pagtibayin ito, isang nasusulat na dokumento ang tinatakan ng 84 na lider ng mga Judio.—Neh. 10:1-27.
18, 19. (a) Ano ang kailangan natin para makaligtas tungo sa bagong sanlibutan ng Diyos? (b) Ano ang dapat na patuloy nating ipanalangin, at bakit?
18 Kailangan natin ang disiplina ni Jehova para makaligtas tungo sa kaniyang matuwid na bagong sanlibutan. “Anong anak siya na hindi dinidisiplina ng ama?” ang tanong ni apostol Pablo. (Heb. 12:7) Ipinakikita nating tinatanggap natin ang patnubay ng Diyos kapag patuloy tayong naglilingkod sa kaniya nang tapat at hinahayaang hubugin tayo ng kaniyang espiritu. At kung magkasala man tayo nang malubha, tiyak na patatawarin tayo ni Jehova kung magsisisi tayo at mapagpakumbabang tatanggap ng disiplina.
19 Di-magtatagal, dadakilain ni Jehova ang kaniyang pangalan nang higit pa kaysa noong palayain niya ang mga Israelita mula sa Ehipto. (Ezek. 38:23) At kung paanong minana ng kaniyang sinaunang bayan ang Lupang Pangako, lahat ng Kristiyanong mananatiling tapat sa paglilingkod kay Jehova ay tiyak na magmamana rin ng buhay sa matuwid na bagong sanlibutan ng Diyos. (2 Ped. 3:13) Napakaganda ngang pag-asa! Kaya patuloy sana nating ipanalangin ang pagpapabanal sa maluwalhating pangalan ng Diyos. Tatalakayin sa susunod na artikulo ang isa pang panalangin na tutulong sa atin na gawin ang kinakailangan para pagpalain tayo ng Diyos ngayon at magpakailanman.