Tularan ang Kanilang Pananampalataya
Matalino, Matapang, at Di-makasarili
HABANG unti-unting lumalapit si Esther sa trono, bumibilis din ang pintig ng kaniyang puso. Isip-isipin ang biglang katahimikang namayani sa maharlikang silid ng palasyo ng Susan sa Persia, anupat naririnig ni Esther maging ang dahan-dahan niyang yabag at ang kaluskos ng kaniyang maharlikang kasuutan. Kailangan niyang magpokus at huwag magambala ng karingalan ng palasyo, ng eleganteng mga haligi nito, at ng kisame nitong may mga ukit at yari sa sedro na inangkat pa sa Lebanon. Itinuon lang niya ang kaniyang pansin sa lalaking nakaupo sa trono, ang taong may hawak ng kaniyang buhay.
Pinagmamasdan siyang mabuti ng hari habang siya’y papalapit, at iniunat nito sa kaniya ang ginintuang setro. Isang simpleng kumpas, pero iniligtas nito ang buhay ni Esther dahil nangangahulugan ito na pinagpaumanhinan ng hari ang paglabag niya sa isang utos—ang pagharap sa hari nang hindi naman ipinatatawag. Nang makalapit na siya sa trono, hinawakan ni Esther ang dulo ng setro bilang pasasalamat.—Esther 5:1, 2.a
Mababakas sa hitsura ni Haring Ahasuero ang taglay niyang napakalaking kayamanan at kapangyarihan. Sinasabing ang maringal na kasuutan ng mga monarka ng Persia noon ay nagkakahalaga ng daan-daang milyong dolyar. Pero nababanaag din ni Esther sa mga mata ng kaniyang asawa ang pag-ibig nito sa kaniya. Sinabi ng hari: “Ano ang sadya mo, O Esther na reyna, at ano ang iyong kahilingan? Kalahati man ng kaharian—mangyari ngang ibigay iyon sa iyo!”—Esther 5:3.
Naipakita na ni Esther ang kaniyang kahanga-hangang pananampalataya at lakas ng loob; humarap siya sa hari para proteksiyunan ang mga kababayan niya mula sa isang pakana na lipulin sila. Mukhang tagumpay siya, pero may mabibigat pa siyang hamon na dapat harapin. Kailangan niyang makumbinsi ang mapagmataas na monarkang ito na ang pinagkakatiwalaan nitong tagapayo ay isang napakasamang tao—na luminlang sa hari para ipapatay ang mga kababayan ni Esther. Paano niya kaya ito mapapaniwala, at ano ang matututuhan natin sa kaniyang pananampalataya?
Naging Matalino sa Pagpili ng Tamang “Panahon ng Pagsasalita”
Isisiwalat kaya ni Esther ang problema sa harap ng korte ng hari? Kung gagawin niya ito, baka mapahiya ang hari at magkaroon pa ng pagkakataon si Haman na pabulaanan ang kaniyang mga paratang. Ano kaya ang ginawa ni Esther? Ilang siglo bago nito, isinulat ng matalinong si Haring Solomon: “Sa lahat ng bagay ay may takdang panahon, . . . panahon ng pagtahimik at panahon ng pagsasalita.” (Eclesiastes 3:1, 7) Maiisip nating itinuturo kay Esther ng kaniyang ama-amahan, ang tapat na si Mardokeo, ang gayong mga simulain habang lumalaki siya sa pangangalaga nito. Tiyak na naintindihan ni Esther na mahalaga ang pagpili ng tamang “panahon ng pagsasalita.”
Sinabi ni Esther: “Kung sa hari ay wari ngang mabuti, pumaroon nawa ngayon ang hari na kasama si Haman sa piging na inihanda ko para sa kaniya.” (Esther 5:4) Pumayag ang hari at ipinatawag niya si Haman. Napansin mo ba kung paano nagsalita si Esther nang may katalinuhan? Iningatan niya ang dignidad ng kaniyang asawa at gumawa siya ng isang mas angkop na pagkakataon para isiwalat ang problema.
Tiyak na inihandang mabuti ni Esther ang piging na iyon, anupat sinigurong magugustuhan iyon ng kaniyang asawa. Naghanda siya ng mainam na alak para maging masaya ang piging. (Awit 104:15) Masayang-masaya si Ahasuero, anupat tinanong niyang muli si Esther kung ano ang kahilingan nito. Ito na kaya ang panahon para magsalita?
Naisip ni Esther na hindi pa iyon ang tamang panahon. Kaya inanyayahan niyang muli ang hari at si Haman sa isa pang piging na gaganapin kinabukasan. (Esther 5:7, 8) Bakit? Tandaan, nanganganib ang buhay ng lahat ng kababayan ni Esther dahil sa utos ng hari. Kaya kailangang matiyak ni Esther ang tamang panahon. Kaya gumawa siya ng isa pang pagkakataon para ipakita sa kaniyang asawa kung gaano kataas ang pagpapahalaga niya rito.
Ang pagkamatiisin ay isang pambihira at mahalagang katangian. Bagaman nababahala at gustung-gusto nang masabi ang nasa isip niya, may-pagtitiis na naghintay si Esther ng tamang pagkakataon. Marami tayong matututuhan sa kaniya, yamang tayong lahat ay malamang na nakakakita rin ng mga mali na kailangang ituwid. Kung gusto nating kumbinsihin ang isang nasa awtoridad para lutasin ang isang problema, baka kailangan nating maging matiisin tulad ni Esther. Ang Kawikaan 25:15 ay nagsasabi: “Dahil sa pagkamatiisin ay nagaganyak ang kumandante, at ang mahinahong dila ay nakababali ng buto.” Kung may-pagtitiis tayong maghihintay ng tamang pagkakataon at magsasalita nang mahinahon, gaya ng ginawa ni Esther, mababali natin kahit ang pagsalansang na sintigas ng buto. Ang pagtitiis at katalinuhan ba ni Esther ay pinagpala ng kaniyang Diyos na si Jehova?
Nabuksan ang Daan ng Katarungan Dahil sa Pagtitiis
Ang pagtitiis ni Esther ay nagbukas ng daan para sa sunud-sunod na mahahalagang pangyayari. Nang lisanin ni Haman ang unang piging, masiglang-masigla siya, anupat “nagagalak at masaya ang puso” dahil sa pabor na ipinakita sa kaniya ng hari at ng reyna. Pero pagdaan ni Haman sa pintuang-daan ng palasyo, nakita niya si Mardokeo—ang Judio na ayaw pa ring yumukod sa kaniya. Hindi naman sa ayaw magbigay-galang ni Mardokeo kaya niya ginagawa iyon. Sa halip, nasasangkot dito ang kaniyang budhi at ang kaugnayan niya sa Diyos na Jehova. Pero “kaagad na napuno ng pagngangalit” si Haman.—Esther 5:9.
Nang ikuwento ito ni Haman sa kaniyang asawa at mga kaibigan, hinimok nila siya na magpagawa ng isang malaking tulos na mahigit 22 metro ang taas, at saka hingin ang pahintulot ng hari na ibitin doon si Mardokeo. Nagustuhan ni Haman ang ideya nila at agad na ipinagawa ang tulos.—Esther 5:12-14.
Samantala, “hindi makatulog ang hari” nang gabing iyon, ang sabi ng Bibliya. Kaya ipinabasa niya nang malakas ang opisyal na mga rekord ng Estado. Kasama sa mga binasa ang ulat tungkol sa pakanang pagpaslang sa kaniya. Naalaala niya ang pangyayaring iyon; nahuli ang mga nagpakana at ipinapatay. Pero kumusta naman ang nagbunyag ng pakana—si Mardokeo? Biglang napaisip ang hari at nagtanong kung paano ginantimpalaan si Mardokeo. Ang sagot? Walang anumang ginawa para sa kaniya.—Esther 6:1-3.
Nabahala ang hari at nagtanong kung sinong opisyal ng korte ang naroroon para tulungan siyang maituwid ang pagkakamaling iyon. Nagkataon namang si Haman ay nasa korte ng hari. Posibleng maaga siyang nagpunta roon dahil gustung-gusto na niyang makahingi ng pahintulot na maipapatay si Mardokeo. Pero bago pa man makahingi ng pahintulot si Haman, tinanong siya ng hari kung ano ang pinakamagandang paraan ng pagpaparangal sa isang lalaking nakakuha ng pabor ng hari. Inakala ni Haman na siya ang tinutukoy ng hari. Kaya nag-isip siya ng isang napakagarbong pagpaparangal: Damtan ang lalaking iyon ng kasuutan ng hari, pasakayin sa kabayo ng hari, at ilibot siya ng isang mataas na opisyal sa buong Susan habang isinisigaw nito ang mga papuri sa lalaki para marinig ng lahat. Isip-isipin na lang ang hitsura ni Haman nang malaman niyang si Mardokeo pala ang lalaking pararangalan! At sino ang inatasan ng hari na sumigaw ng mga papuri kay Mardokeo? Si Haman!—Esther 6:4-10.
Sinunod ni Haman ang utos ng hari, pero lalo siyang namuhi kay Mardokeo. Pagkatapos, dali-dali siyang umuwi na masamang-masama ang loob. Sinabi ng kaniyang asawa at mga kaibigan na tiyak na masama ang susunod na mangyayari; mabibigo siya sa pagpapabagsak niya kay Mardokeo na Judio.—Esther 6:12, 13.
Dahil nagtiis si Esther, anupat naghintay ng isa pang araw bago humiling sa hari, nagbigay-daan ito para mahulog si Haman sa sarili niyang bitag. Posible rin kayang ang Diyos na Jehova ang nagpangyaring hindi makatulog ang hari? (Kawikaan 21:1) Kaya naman hinihimok tayo ng Salita ng Diyos na magpakita ng “mapaghintay na saloobin.” (Mikas 7:7) Kapag naghihintay tayo sa Diyos, makikita natin na di-hamak na mas mahusay niyang malulutas ang ating mga problema.
Nagsalita Nang May Katapangan
Hindi ninais ni Esther na subukin ang pagtitiis ng hari; kailangan na niyang sabihin ang lahat-lahat sa ikalawang piging. Pero paano? Buti na lang, tinanong siyang muli ng hari kung ano ang kahilingan niya. (Esther 7:2) Ito na ang “panahon ng pagsasalita” ni Esther.
Maiisip natin na tahimik munang nanalangin si Esther sa kaniyang Diyos bago niya sinabi ang mga salitang ito: “Kung nakasumpong ako ng lingap sa iyong paningin, O hari, at kung sa hari ay wari ngang mabuti, ibigay nawa sa akin ang aking kaluluwa ayon sa aking pakiusap at ang aking bayan ayon sa aking kahilingan.” (Esther 7:3) Pansinin na tiniyak ni Esther sa hari na igagalang niya anuman ang mabuti sa tingin nito. Ibang-iba nga si Esther kay Vasti, ang dating asawa ng hari, na sadyang humiya sa kaniyang asawa! (Esther 1:10-12) Bukod diyan, hindi sinabi ni Esther na nagkamali ang hari sa pagtitiwala kay Haman. Sa halip, nakiusap siya sa hari na proteksiyunan siya nito dahil nanganganib ang buhay niya.
Tiyak na nabahala at nagulat ang hari. Sino kaya ang maglalakas-loob na pagtangkaan ang buhay ng kaniyang reyna? Nagpatuloy si Esther: “Ipinagbili kami, ako at ang aking bayan, upang lipulin, patayin at puksain. Kung ipinagbili kami bilang mga aliping lalaki at bilang mga alilang babae, nanatili na lamang sana akong tahimik. Ngunit ang kabagabagan ay hindi angkop kung ikapipinsala ng hari.” (Esther 7:4) Pansinin na tuwirang ibinunyag ni Esther ang problema, pero sinabi rin niya na mananahimik na lang sana siya kung ito’y tungkol lang sa pang-aalipin. Pero ang bantang ito ng paglipol ay magdudulot ng malaking pinsala sa hari kaya nagsalita siya.
Marami tayong matututuhan kay Esther tungkol sa tamang paraan ng panghihikayat. Kung kailangan mong sabihin sa isang minamahal o kahit sa isang taong may mataas na katungkulan ang isang mabigat na problema, makatutulong nang malaki ang pagiging matiisin, magalang, at prangka.—Kawikaan 16:21, 23.
Nagtanong si Ahasuero: “Sino iyon, at nasaan ang isang iyon na naglakas-loob na gumawa ng gayon?” Maguguni-guni natin si Esther habang nakaturo kay Haman na sinasabi: “Ang tao, ang kalaban at kaaway, ay ang masamang ito na si Haman.” Nakagugulantang na akusasyon! Takót na takót si Haman. Samantala, malamang na biglang namula ang mukha ng hari dahil sa galit. Napag-isip-isip niyang nilinlang siya ng kaniyang pinagkakatiwalaang tagapayo para lagdaan ang utos na magpapahamak sa kaniyang pinakamamahal na asawa! Pumunta sa hardin ang hari para pakalmahin ang sarili.—Esther 7:5-7.
Ang duwag na si Haman ay sumubsob sa paanan ng reyna para magmakaawa. Nang bumalik ang hari at makita si Haman na nakasubsob sa higaan ni Esther, galít na galít niyang inakusahan si Haman na may tangka itong halayin ang reyna sa sariling bahay ng hari. Tiyak na ang kamatayan ni Haman! Inilabas si Haman na may takip ang mukha. Isa sa mga opisyal ng korte ang nagsabi sa hari tungkol sa malaking tulos na inihanda ni Haman para kay Mardokeo. Agad na iniutos ni Ahasuero na ibitin doon si Haman.—Esther 7:8-10.
Dahil sa kawalang-katarungan sa daigdig ngayon, madaling isipin na hindi na tayo makahahanap ng katarungan. Ganiyan din ba ang nasa isip mo? Si Esther ay hindi kailanman nawalan ng pag-asa, tiwala, o pananampalataya. Nang dumating ang tamang panahon, may-katapangan siyang nagsalita para sa katuwiran, at nagtiwalang gagawin ni Jehova kung ano ang nararapat. Ganiyan din ang dapat nating gawin! Si Jehova ay hindi nagbago mula pa noong panahon ni Esther. Kayang-kaya pa rin niyang hulihin ang mga tuso at masasamang tao sa sarili nilang mga bitag, gaya ng ginawa niya kay Haman.—Awit 7:11-16.
Mas Mahalaga sa Kaniya si Jehova at ang Kaniyang mga Kababayan
Sa wakas, nakilala ng hari kung sino si Mardokeo—hindi lang isang tapat na tagapagligtas niya nang pagtangkaan ang kaniyang buhay kundi ama-amahan din ni Esther. Ibinigay ni Ahasuero kay Mardokeo ang posisyon ni Haman bilang punong ministro. Ang bahay ni Haman—pati na ang napakalaking kayamanan niya—ay ibinigay ng hari kay Esther, na ipinamahala naman nito kay Mardokeo.—Esther 8:1, 2.
Ngayong ligtas na sina Esther at Mardokeo, mapapanatag na ba ang reyna? Oo, kung siya’y makasarili. Nang panahong iyon, ang utos ni Haman na lipulin ang mga Judio ay naipadala na sa buong imperyo. Si Haman ay nagpahagis ng palabunot, o Pur—lumilitaw na isang anyo ng espiritismo—para malaman kung kailan dapat isagawa ang paglipol sa mga Judio. (Esther 9:24-26) Bagaman ilang buwan pa ito, mabilis na lumilipas ang panahon. Mapipigilan pa kaya ang kapahamakang ito?
Itinaya na naman ni Esther ang kaniyang buhay, anupat muling humarap sa hari nang walang opisyal na paanyaya. Sa pagkakataong ito, tumangis siya para sa kaniyang mga kababayan at nakiusap sa kaniyang asawa na ipawalang-bisa ang utos. Pero ang mga kautusang may lagda ng hari ng Persia ay hindi na puwedeng bawiin. (Daniel 6:12, 15) Kaya binigyang-awtoridad ng hari sina Esther at Mardokeo na gumawa ng panibagong mga kautusan. Nagpalabas ng ikalawang proklamasyon na nagbibigay-karapatan sa mga Judio na ipagtanggol ang kanilang sarili. Sakay ng mga kabayo, inihatid ng mga sugo sa buong imperyo ang magandang balitang ito, anupat nabuhayan ng loob ang mga Judio. (Esther 8:3-16) Maguguni-guni natin ang mga Judio sa buong imperyong iyon habang naghahanda sa pakikipaglaban. Hindi nila ito magagawa kung wala ang panibagong utos. Pero ang tanong, tutulungan ba ni “Jehova ng mga hukbo” ang kaniyang bayan?—1 Samuel 17:45.
Nang sumapit ang takdang araw, handa na ang bayan ng Diyos. Maraming opisyal ng Persia ang kumampi na rin sa kanila, yamang napabalita na sa buong imperyo ang tungkol sa bagong punong ministro, si Mardokeo na Judio. Binigyan ni Jehova ang kaniyang bayan ng isang malaking tagumpay. Tiniyak niya na napuksang lahat ang mga kaaway para hindi na muling makapaminsala sa kaniyang bayan.b—Esther 9:1-6.
Isa pa, hindi kailanman magiging ligtas si Mardokeo sa pangangasiwa sa bahay ni Haman hangga’t buháy ang sampung anak ng masamang taong iyon. Pinatay rin ang mga ito. (Esther 9:7-10) Kaya naman natupad ang isang hula ng Diyos sa Bibliya tungkol sa lubusang pagpuksa sa mga Amalekita, na naging napakasamang kaaway ng kaniyang bayan. (Deuteronomio 25:17-19) Malamang na kabilang ang mga anak ni Haman sa pinakahuling nalipol sa hinatulang bansang iyon.
Kinailangang balikatin ng kabataang si Esther ang napakabibigat na pasanin—gaya ng mga kautusan ng hari may kaugnayan sa digmaan at paglipol. Hindi ito madali. Pero kalooban ni Jehova na maingatan ang kaniyang bayan mula sa pagkalipol; magmumula sa bansang Israel ang ipinangakong Mesiyas, ang tanging pag-asa ng sangkatauhan! (Genesis 22:18) Sa ngayon, natutuwa ang mga lingkod ng Diyos dahil alam nila na noong narito sa lupa ang Mesiyas, si Jesus, ipinagbawal na niya sa kaniyang mga tagasunod ang pakikibahagi sa literal na digmaan.—Mateo 26:52.
Gayunman, ang mga Kristiyano ay may espirituwal na pakikidigma; mas determinado ngayon si Satanas na sirain ang ating pananampalataya sa Diyos na Jehova. (2 Corinto 10:3, 4) Isa ngang pagpapala sa atin ang halimbawa ni Esther! Tulad niya, maipakita sana natin ang ating pananampalataya sa pamamagitan ng pagiging matalino at matiisin kapag nanghihikayat, pagiging malakas ang loob, at pagiging handang manindigan alang-alang sa bayan ng Diyos.
[Mga talababa]
a Sa nakaraang artikulo ng seryeng ito, nalaman natin na ang ulilang si Esther ay inampon ng kaniyang nakatatandang pinsan na si Mardokeo at napiling maging asawa ni Ahasuero na hari ng Persia. Ang tagapayo ng hari, si Haman, ay nagpakana para lipulin ang mga kababayan ni Mardokeo, ang mga Judio. Kinumbinsi ni Mardokeo si Esther na lumapit sa hari at makiusap alang-alang sa kaniyang mga kababayan.—Tingnan ang artikulong “Tularan ang Kanilang Pananampalataya—Nanindigan Siya Para sa Bayan ng Diyos,” sa Ang Bantayan, isyu ng Oktubre 1, 2011.
b Pinahintulutan ng hari na ituloy ng mga Judio ang pagpuksa sa kanilang mga kaaway hanggang kinabukasan. (Esther 9:12-14) Ang tagumpay na iyon ay ginugunita pa rin ng mga Judio sa ngayon tuwing tagsibol sa kapistahang tinatawag na Purim, na isinunod sa pangalan ng mga palabunot na inihagis ni Haman para lipulin ang mga Israelita.
[Kahon sa pahina 28]
Mga Tanong Tungkol kay Esther
Bakit pinayagan ni Mardokeo si Esther na mag-asawa ng isang pagano?
Walang basehan ang sinasabi ng ilang iskolar na si Mardokeo ay isang oportunista na pumayag na makasal si Esther sa hari para sa katanyagan. Dahil isa siyang tapat na Judio, malamang na hindi niya sasang-ayunan ang kasalang iyon. (Deuteronomio 7:3) Sinasabi sa sinaunang mga kuwento ng mga Judio na sinubukan ni Mardokeo na hadlangan iyon. Pero malamang na bilang mga dayuhan sa lupain na pinamamahalaan ng isang hari na itinuturing na diyos, sina Mardokeo at Esther ay walang magagawa sa bagay na ito. Nang maglaon, naging malinaw na ginamit ni Jehova ang sitwasyong iyon para maproteksiyunan ang kaniyang bayan.—Esther 4:14.
Bakit hindi nabanggit sa aklat ng Esther ang Jehova, na personal na pangalan ng Diyos?
Lumilitaw na si Mardokeo ang sumulat ng aklat ng Esther. Marahil, ang aklat ay iningatan muna sa opisyal na rekord ng Persia bago ito dinala sa Jerusalem. Malamang na kung gagamitin ang pangalang Jehova, baka sirain ito ng mga mananamba ng mga diyos ng Persia. Anuman ang dahilan, malinaw na may kinalaman si Jehova sa pangyayari. Kapansin-pansin na ang personal na pangalan ng Diyos ay nakatago sa orihinal na tekstong Hebreo sa pamamagitan ng mga akrostik, kung saan lumilitaw na ang mga salita ay sadyang inayos para ang una o ang huling titik ng magkakasunod na salita ay makabuo ng pangalan ng Diyos.—Esther 1:20, talababa sa New World Translation of the Holy Scriptures—With References.
Ang aklat ba ng Esther ay hindi tumpak batay sa kasaysayan?
Iyan ang paratang ng mga kritiko. Pero napansin ng ilang iskolar na alam na alam ng manunulat ng aklat ang mga detalye tungkol sa maharlikang pamahalaan, arkitektura, at kostumbre ng Persia. Totoo, walang sinasabi tungkol kay Reyna Esther sa nakuhang sekular na mga sinaunang dokumento, pero hindi lang naman siya ang miyembro ng korte ng hari na iniwasang banggitin sa mga pampublikong rekord. Isa pa, ipinakikita sa sekular na mga rekord na isang lalaking nagngangalang Mardukâ, katumbas ng Mardokeo sa wikang Persiano, ang naglingkod bilang opisyal ng korte sa Susan sa panahong binabanggit sa aklat.
[Kahon sa pahina 29]
Natupad ang Isang Hula
Nang makipaglaban sina Esther at Mardokeo para sa bayan ng Diyos, natupad nila ang isa pang hula sa Bibliya. Mahigit 1,200 taon bago nito, kinasihan ni Jehova ang patriyarkang si Jacob na ihula tungkol sa isa sa kaniyang mga anak: “Si Benjamin ay patuloy na manlalapa na tulad ng lobo. Sa umaga ay kakainin niya ang hayop na hinuli at sa gabi ay hahatiin niya ang samsam.” (Genesis 49:27) Sa “umaga” o pasimula ng kasaysayan ng mga hari ng Israel, kasama sa mga naging inapo ni Benjamin si Haring Saul at ang iba pang makapangyarihang mandirigma ng bayan ni Jehova. Sa “gabi” o katapusan ng kasaysayan ng mga haring iyon, nang lumubog ang araw, wika nga, sa linya ng mga hari ng Israel, sina Esther at Mardokeo na parehong mula sa tribo ni Benjamin ay matagumpay na nakipaglaban sa mga kaaway ni Jehova. Sa diwa, hinati rin nila ang samsam, yamang napunta sa kanila ang napakalaking ari-arian ni Haman.
[Larawan sa pahina 25]
Mapagpakumbabang pinasalamatan ni Esther ang pagiging maawain ng hari
[Larawan sa pahina 26, 27]
Buong-tapang na ibinunyag ni Esther ang kasamaan ni Haman
[Larawan sa pahina 28, 29]
Nagpalabas sina Esther at Mardokeo ng mga proklamasyon para sa mga Judio sa Imperyo ng Persia