PURIM
Ang kapistahan na ipinagdiriwang sa ika-14 at ika-15 araw ng Adar, ang huling buwan ng taon ng mga Judio at katumbas ng huling bahagi ng Pebrero at maagang bahagi ng Marso. Tinatawag din itong Kapistahan ng mga Palabunot. (Es 9:21) Ang pangalan ng kapistahan ay nagmula sa ginawa ni Haman na paghahagis ng pur (palabunot) upang alamin ang angkop na araw para isagawa ang isang pakana na lipulin ang mga Judio. Palibhasa’y isang Agagita, marahil ay isang maharlikang Amalekita, at isang mananamba ng mga bathalang pagano, ang paghahagis niya ng pur ay “isang uri ng panghuhula.” (Es 3:7, Le, tlb; tingnan ang PALABUNOT, PALABUNUTAN; PANGHUHULA; PUR.) Noong ika-12 taon ni Haring Ahasuero (Jerjes I), Nisan 13, lumilitaw na sa tagsibol ng 484 B.C.E., matapos mapasang-ayon ni Haman ang hari na ipalipol ang mga Judio, ang opisyal na utos para isagawa iyon ay isinulat para sa lahat ng probinsiya ng Persia.
Paggunita sa Pagkaligtas. Ginugunita sa kapistahang ito ang pagkaligtas ng mga Judio mula sa pakana ni Haman na lipulin sila. Kaya malamang na ang pangalang Purim ay ibinigay rito ng mga Judio upang ipahiwatig na kabaligtaran ng inaasahan ang nangyari noon. (Es 9:24-26) Sa Apokripal na aklat ng Macabeo, ito ay tinatawag ding “araw ni Mardokeo,” yamang mahalagang papel ang ginampanan ni Mardokeo sa mga pangyayaring nauugnay sa kapistahang iyon. (2 Macabeo 15:36, BSP) Isinapanganib ni Reyna Esther ang kaniyang buhay, sa paghimok ng kaniyang nakatatandang pinsan na si Mardokeo, upang mailigtas ang mga Judio. Tatlong araw na nag-ayuno si Esther bago siya humarap sa hari upang maanyayahan niya ito sa isang piging, at pagkatapos ay sa isa pang piging kung kailan ipinahayag niya ang kaniyang pakiusap. (Es 4:6–5:8) Malugod na dininig ng hari ang pakiusap, at yamang hindi na mababago ang orihinal na utos dahil hindi napawawalang-bisa ang batas ng mga Medo at mga Persiano (Dan 6:8), isa pang utos ang ipinalabas noong ika-23 araw ng Sivan. Ang dokumentong ito ay nagkaloob sa mga Judio ng karapatang ipagtanggol ang kanilang sarili at dahil dito ay napaghandaan nila iyon. Isinulat ito ni Mardokeo at isinalin ito sa maraming wika para sa iba’t ibang distrito ng Imperyo ng Persia. Sa tulong ng mga prinsipe, mga satrapa, at mga gobernador, nakipaglaban ang mga Judio anupat nabaligtad ang takbo ng mga pangyayari. Noong Adar 13, naganap ang isang lansakang pagpatay, hindi sa mga Judio, kundi sa kanilang mga kaaway. Nagpatuloy ito sa maharlikang lunsod ng Susan hanggang noong ika-14 na araw. Noong ika-14 na araw ng Adar ay nagpahinga ang mga Judio na nasa mga nasasakupang distrito, at yaong mga nasa Susan naman noong ika-15 araw, na may kasamang pagpipiging at kasayahan.—Es 8:3–9:19.
Bilang paggunita sa pagkaligtas na ito, ipinataw ni Mardokeo sa mga Judio ang obligasyong ipagdiwang ang Adar 14 at 15 taun-taon na may kasamang “pagpipiging at kasayahan at pagpapadalahan ng mga bahagi ng pagkain sa isa’t isa at ng mga kaloob sa mga taong dukha.” (Es 9:20-22) Nang maglaon, isa pang liham na nag-uutos na ipagdiwang ang kapistahang ito ang isinulat at iyon ay pinagtibay ni Esther na reyna. Ipagdiriwang ito sa bawat salinlahi, sa bawat pamilya, nasasakupang distrito, at lunsod sa takdang panahon bawat taon.—Es 9:28-31; tingnan ang ESTHER, AKLAT NG.
Ang kapistahang ito ay ipinagdiriwang pa rin ng mga Judio sa ngayon, kasama ang maraming dagdag na kaugalian. Ang isa sa mga tradisyong idinagdag nang maglaon ay ang pagtatakda sa ika-13 araw ng Adar bilang isang araw ng pag-aayuno, tinatawag na Pag-aayuno ni Esther. Hindi ipinagbabawal ang pangangalakal o pagtatrabaho sa panahon ng kapistahang ito.
Isang Tanong Tungkol sa Juan 5:1. Hindi tuwirang binabanggit sa Kristiyanong Griegong Kasulatan ang Kapistahan ng Purim. Sinasabi ng ilan na tinutukoy ito sa Juan 5:1: “Pagkatapos ng mga bagay na ito ay nagkaroon ng kapistahan ng mga Judio, at si Jesus ay umahon sa Jerusalem.” Gayunman, walang katibayan na ang talatang ito ay tumutukoy sa Kapistahan ng Purim. Dito, ang ilang manuskrito ay may pamanggit na pantukoy, anupat kababasahan ng “ang kapistahan ng mga Judio.” (Tingnan ang tlb sa Rbi8.) Ipinahihiwatig nito na malamang na ang nabanggit na kapistahan ay isa sa tatlong kapita-pitagang pangkapanahunang kapistahan na nakatala sa Deuteronomio 16:16, lalo na kung papansinin natin na umahon noon si Jesus sa Jerusalem, na hindi niya kailangang gawin kung Kapistahan ng Purim ang ipagdiriwang. Ang Purim ay karaniwan nang idinaraos sa lokal na sinagoga at komunidad sa halip na sa lugar ng templo. Ito’y dapat ipagdiwang sa lunsod na tinitirhan ng isa. Malayo ring mangyari na maglalakbay si Jesus nang naglalakad hanggang sa Jerusalem at pagkatapos ay aalis patungong Galilea, gayong isang buwan na lamang ay Paskuwa na. Bukod diyan, kung ipapalagay na ang Juan 5:1 ay tumutukoy sa Purim at ang Juan 6:4 naman ay sa Paskuwa anupat isang buwan lamang ang pagitan, imposibleng maganap sa gayon kaikling panahon ang maraming pangyayari, kasama na ang ministeryo ni Jesus sa Capernaum, ang mga paglalakbay niya sa Galilea, at ang pagbalik niya sa Capernaum at sa Judea at Jerusalem. (Tingnan ang JESU-KRISTO [Tsart ng Tampok na mga Pangyayari sa Buhay ni Jesus sa Lupa].) Samakatuwid, mas kapani-paniwala na ang “kapistahan ng mga Judio” sa Juan 5:1 ay ang kapistahan ng Paskuwa noong 31 C.E.—Tingnan ang JESU-KRISTO (Katibayan para sa tatlo-at-kalahating-taóng ministeryo).
Layunin. Bagaman sinasabi ng ilang komentarista na ang Kapistahan ng Purim na ipinagdiriwang ng mga Judio sa ngayon ay isa nang sekular na okasyon at hindi na relihiyoso anupat kung minsan ay may kasamang mga pagpapakalabis, hindi ganito ang kalagayan noong itatag ito at noong una itong ipagdiwang. Sina Mardokeo at Esther ay kapuwa lingkod ng tunay na Diyos na si Jehova, at itinatag ang kapistahan upang parangalan Siya. Maituturing na ang Diyos na Jehova ang nagligtas sa mga Judio noong panahong iyon, sapagkat bumangon noon ang isyu dahil sa katapatan ni Mardokeo sa pag-uukol ng bukod-tanging pagsamba kay Jehova. Malamang na si Haman ay isang Amalekita, na ang bansa ay espesipikong isinumpa ni Jehova at hinatulan ng pagkapuksa. Iginalang ni Mardokeo ang kapahayagan ng Diyos at tumanggi siyang yumukod kay Haman. (Es 3:2, 5; Exo 17:14-16) Gayundin, ang pananalita ni Mardokeo kay Esther (Es 4:14) ay nagpapakitang umasa si Mardokeo na may isang nakatataas na kapangyarihan na makapagliligtas sa mga Judio, at ang pag-aayuno ni Esther bago siya pumaroon sa hari upang iharap ang kaniyang unang pakiusap, na isang paanyaya sa isang piging, ay nagpapakitang namanhik siya sa Diyos na tulungan siya.—Es 4:16.