ESTHER, AKLAT NG
Isang aklat ng Hebreong Kasulatan, na ang titulo ay kinuha sa pangalan ng pangunahing tauhan nito, bagaman sa ilang kopya ng Latin na Vulgate ay tinatawag itong “Ahasuero” alinsunod sa Persianong hari na prominente sa ulat. Tinatawag ito ng mga Judio na Meghil·lathʹ ʼEs·terʹ o basta Meghil·lahʹ, nangangahulugang “balumbon,” dahil para sa kanila, sa ganang sarili ay isa itong lubhang pinagpipitaganang balumbon.
Ang Manunulat ng Aklat. Hindi sinasabi ng Kasulatan kung sino ang sumulat ng aklat ng Esther. Ipinapalagay ng ilang iskolar na isinulat ito ni Ezra, ngunit ang katibayan ay mas pabor kay Mardokeo. Si Mardokeo ay nasa posisyong malaman ang lahat ng maliliit na detalye na nauugnay sa salaysay tungkol sa personal na buhay niya at ni Esther, sa mga gawain ng mga miyembro ng pamilya ni Haman, at partikular na sa mga pangyayari sa kastilyo ng Susan. Nang itaas ang tungkulin niya tungo sa pagiging punong ministro ng pamahalaan ng Persia, maaaring nakasangguni siya sa opisyal na mga dokumento na binanggit sa ulat, at kung paanong sina Daniel, Ezra, at Nehemias ay humawak ng opisyal na mga posisyon sa pamahalaan ng Persia sa ibang mga panahon at sumulat ng mga aklat ng Bibliya na naglalarawan sa kaugnayan ng mga Judio sa pandaigdig na kapangyarihang iyon, sa gayunding paraan, si Mardokeo, taglay ang pagpapala ni Jehova, ang siyang pinakamalamang na sumulat ng aklat ng Esther.
Tagpo sa Kasaysayan. Batay sa ulat, ang mga pangyayari ay naganap sa panahon ng paghahari ng isang Ahasuero na namahala noong ang Imperyo ng Persia ay umaabot mula sa India hanggang sa Etiopia at sumasaklaw ng 127 probinsiya o nasasakupang distrito. (Es 1:1) Dahil sa mga impormasyong ito at sa bagay na ang ulat ay inilakip ni Ezra sa kanon, maitatakda natin ang panahong saklaw nito sa yugto ng paghahari ng isa sa sumusunod na tatlong hari na kilala sa sekular na kasaysayan: Dario I na Persiano, Jerjes I, at Artajerjes Longimanus. Gayunman, kapuwa sina Dario I at Artajerjes Longimanus ay kilalang nagpakita ng pabor sa mga Judio bago ang ika-12 taon ng kani-kanilang paghahari, na hindi katugma ng Ahasuero sa aklat, yamang lumilitaw na hindi siya lubos na pamilyar sa mga Judio at sa kanilang relihiyon, ni nakahilig man siyang paboran sila. Dahil dito, pinaniniwalaang ang Ahasuero sa aklat ng Esther ay si Jerjes I, anak ng Persianong hari na si Dariong Dakila. Inihahalili pa nga ng ilang salin (AT, Mo) ang “Jerjes” para sa “Ahasuero” sa teksto.
Sa aklat ng Esther, lumilitaw na ang opisyal na mga taon ng paghahari ng haring ito ay binibilang mula noong magkasabay silang mamahala ng kaniyang amang si Dariong Dakila. Dahil ang unang mga pangyayari na inilahad sa aklat ng Esther ay naganap noong ikatlong taon ng kaniyang paghahari at ang iba pang bahagi ng ulat ay sumasaklaw sa natitirang bahagi ng kaniyang paghahari, maliwanag na ang aklat ay sumasaklaw sa yugto mula 493 B.C.E. hanggang mga 475 B.C.E.—Tingnan ang PERSIA, MGA PERSIANO (Ang mga Paghahari ni Jerjes at ni Artajerjes).
Ang aklat ng Esther ay isinulat ilang panahon pagkatapos ng ika-12 taon ni Jerjes at maliwanag sa pagwawakas ng paghahari ni Jerjes (mga 475 B.C.E.). Ipinahihiwatig ng madulang istilo ng pagkakasulat ng aklat na ang manunulat ay aktuwal na saksi sa mga pangyayari. Karagdagan pa, dahil maliwanag na ipinahihiwatig na ang manunulat ay nakasangguni sa mga dokumento ng pamahalaan (Es 10:2), malamang na ang aklat ay isinulat sa Susan na nasa probinsiya ng Elam, na noo’y bahagi ng Persia. Ang pagkakahalo sa Hebreo ng mga salitang Persiano at Caldeo ay tumutugma sa nabanggit na panahon ng pagsulat gayundin sa lupain ng Persia bilang ang lugar ng pagsulat.
Maaaring dinala ni Ezra ang aklat mula sa Babilonya patungo sa Jerusalem noong 468 B.C.E., sapagkat nasa kanon ito ng Dakilang Sinagoga ng Jerusalem bago magwakas ang panahon niyaon noong mga 300 B.C.E.
Autentisidad at Pagiging Kanonikal. Pinag-aalinlanganan ng ilan ang kanonikal na awtoridad ng aklat ng Esther dahil hindi ito sinipi o tinukoy sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. Ngunit hindi matibay ang pagtutol na ito, sapagkat gayundin ang situwasyon ng ibang mga aklat na lubusan nang napatunayan na kanonikal, gaya ng Ezra at Eclesiastes. Kabilang sina Melito ng Sardis, Gregory ng Nazianzus, at Athanasius sa mga hindi naglalakip nito sa kanilang mga talaan ng kanonikal na mga aklat. Gayunman, ang aklat ay tinutukoy nina Jerome, Augustine, at Origen sa pangalan. Ito ay nasa koleksiyon ni Chester Beatty, anupat masusumpungan ang mga aklat ng Ezekiel, Daniel, at Esther sa iisang codex, na malamang na tinipon noong unang kalahatian ng ikatlong siglo C.E. Waring ang awtoridad nito ay hindi kailanman pinag-alinlanganan ng mga Judio o ng unang mga Kristiyano sa kabuuan. Sa kanilang mga Bibliya, kadalasang inilalagay ito ng mga Judio sa Hagiographa (ang Mga Akda) sa pagitan ng Eclesiastes at Daniel.
Nang maglaon, ang aklat ay nilakipan ng mga dagdag na Apokripal. Ayon sa ilang iskolar, ang mga ito ay isinulat humigit-kumulang noong 100 B.C.E., mga 300 taon pagkatapos na makumpleto ang kanon ng Hebreong Kasulatan, ayon sa tradisyonal na pangmalas.
Ang aklat ng Esther ay inaakusahan ng pagpapalabis sa pagbanggit nito sa isang piging na tumagal nang 180 araw noong ikatlong taon ng paghahari ni Ahasuero. (Es 1:3, 4) Gayunman, may nagsasabi na maaaring gayon kahaba ang idinaos na piging upang makadalo ang malaking bilang ng mga opisyal mula sa maraming probinsiya na dahil sa kanilang mga tungkulin ay hindi makadadalo sa buong piging at makaparoroon nang sabay-sabay. Ang totoo, hindi sinasabi ng teksto na tumagal ang piging nang gayon kahaba, kundi na ipinakita ng hari sa kanila ang kayamanan at kaluwalhatian ng kaniyang kaharian sa loob ng 180 araw. May piging na binabanggit sa 1:3 at 1:5. Posible na hindi dalawang piging ang tinutukoy, kundi, sa halip, ang tinutukoy sa talata 3 ay ang pitong-araw na piging para sa lahat ng nasa kastilyo sa pagtatapos ng malaking kapulungan.—Commentary on the Old Testament, nina C. Keil at F. Delitzsch, 1973, Tomo III, Esther, p. 322-324.
Dahil wala itong anumang tuwirang pagbanggit sa Diyos, pinararatangan ng ilan ang aklat ng pagiging di-relihiyoso. Gayunpaman, bumabanggit ito ng pag-aayuno at ng ‘paghingi ng saklolo’ ng mga Judio, na nagpapahiwatig ng pananalangin. (Es 4:3, 16; 9:31) Gayundin, mahihiwatigan ang pagmamaniobra ng Diyos sa mga pangyayari nang sa isang angkop na pagkakataon ay hindi makatulog ang hari (6:1) at ang posibleng pagtukoy sa layunin ng Diyos may kaugnayan sa pagkakamit ni Esther ng pagkareyna. (4:14) Karagdagan pa, isang katibayan ng pagsamba ni Mardokeo kay Jehova ang kaniyang mahigpit na pagtangging yumukod sa kaaway ng Diyos na si Haman, na isang Agagita at sa gayo’y maaaring isang maharlikang Amalekita.—3:1-6; Exo 17:14.
Katibayan mula sa kasaysayan at arkeolohiya. Ang mga tuklas sa kasaysayan at arkeolohiya ay sumusuporta rin sa autentisidad ng aklat ng Esther. Mapatutunayan ito ng ilang halimbawa. Ang paraan ng pagpaparangal ng mga Persiano sa isang tao ay inilalarawan nang may kawastuan. (Es 6:8) Puti at asul (o biyoleta) ang maharlikang mga kulay ng Persia. Sa Esther 8:15, mababasa natin na si Mardokeo ay nagsuot ng “damit-hari na asul at lino” at ng balabal na mamula-mulang purpura.
Si Esther ay “tumindig . . . sa pinakaloob na looban ng bahay ng hari na katapat ng bahay ng hari, samantalang ang hari ay nakaupo sa kaniyang maharlikang trono sa maharlikang bahay na katapat ng pasukan ng bahay. At nangyari, nang makita ng hari si Esther na reyna na nakatayo sa looban, ito ay nagtamo ng lingap sa kaniyang paningin.” (Es 5:1, 2) Isinisiwalat ng mga paghuhukay na eksakto ang detalye ng paglalarawang ito. Isang pasilyo ang bumabagtas mula sa Bahay ng mga Babae patungo sa pinakaloob na looban, at sa gilid ng looban na katapat ng pasilyo ay naroon ang bulwagan, o silid ng trono, ng palasyo. Ang trono ay nasa gitna ng mas malayong pader, at mula sa magandang puwestong ito ay maaaring tumanaw ang hari sa kabila ng tabing na nakaharang at makita ang reyna na naghihintay upang makausap siya. Ipinakikita ng iba pang mga detalye sa aklat na may lubos na kabatiran ang manunulat tungkol sa palasyo. Maliwanag na walang saligan ang mga pagtutol na diumano’y hindi makasaysayan at hindi tumpak ang aklat kung tungkol sa mga ugali at mga kostumbre ng mga Persiano.
Ang isang napakatibay na ebidensiya ng autentisidad ng aklat ay ang Kapistahan ng Purim, o ng Palabunutan, na ginugunita ng mga Judio hanggang sa araw na ito; sa anibersaryong ito, ang buong aklat ay binabasa sa kanilang mga sinagoga. Sinasabing tinutukoy ng isang inskripsiyong cuneiform na maliwanag na mula sa Borsippa ang isang Persianong opisyal na nagngangalang Mardukâ (Mardokeo?) na nasa Susa (Susan) noong pagtatapos ng paghahari ni Dario I o noong pasimula ng paghahari ni Jerjes I.—Zeitschrift für die alttestamentliche Wissenschaft, 1940/41, Tomo 58, p. 243, 244; 1942/43, Tomo 59, p. 219.
Ang aklat ng Esther ay lubusang kasuwato ng iba pang bahagi ng Kasulatan at nagsisilbing kapupunan ng mga ulat nina Ezra at Nehemias yamang inilalahad nito kung ano ang nangyari sa itinapong bayan ng Diyos sa Persia. Gaya ng buong Kasulatan, isinulat ito upang maglaan ng pampatibay-loob, kaaliwan, at tagubilin para sa atin.—Ro 15:4.
[Kahon sa pahina 729]
MGA TAMPOK NA BAHAGI NG ESTHER
Isang madulang ulat tungkol sa kung paanong si Esther, sa patnubay ng kaniyang nakatatandang pinsan na si Mardokeo, ay ginamit ng Diyos upang iligtas ang mga Judio mula sa pagkalipol
Maliwanag na isinulat ni Mardokeo, at lumilitaw na sumasaklaw mula 493–mga 475 B.C.E.
Si Esther ay naging reyna sa Susan
Nang ipatawag ni Haring Ahasuero (maliwanag na si Jerjes I) si Reyna Vasti sa isang maharlikang piging, upang maipagmalaki niya ang karilagan nito, may-pagmamatigas itong tumanggi na pumaroon; inalis ng hari si Vasti bilang reyna (1:1-22)
Si Esther ay napili mula sa lahat ng magagandang dalaga sa kaharian at ginawang reyna; sa utos ni Mardokeo, hindi niya isiniwalat na isa siyang Judio (2:1-20)
Nagpakana si Haman na ipalipol ang mga Judio, ngunit nabaligtad ang mga pangyayari
Si Haman na Agagita ay itinaas ng hari nang higit sa lahat ng iba pang prinsipe, ngunit tumanggi si Mardokeo na yukuran ito (3:1-4)
Palibhasa’y nagngalit dahil sa pagtanggi ni Mardokeo, nagpakana si Haman na lipulin ang lahat ng Judio sa imperyo; ang hari ay naudyukang sumang-ayon, itinakda ang petsa, at inilabas ang batas (3:5-15)
Tinagubilinan ni Mardokeo si Esther na personal na mamanhik sa hari, bagaman maaaring manganib ang buhay nito sa pagharap sa hari nang hindi inanyayahan (4:1-17)
Malugod na tinanggap ng hari si Esther; inanyayahan niya ang hari at si Haman sa isang piging; pagkatapos ay hiniling niya na bumalik sila sa sumunod na araw para sa isa pang piging (5:1-8)
Gayunman, nasira ang kagalakan ni Haman dahil muling tumanggi si Mardokeo na yukuran siya, kaya nagpatayo si Haman ng isang napakataas na tulos at nagplanong himukin ang hari na ibitin doon si Mardokeo bago ang piging noong sumunod na araw (5:9-14)
Kinagabihan, nang hindi makatulog ang hari, iniutos niyang basahin sa kaniya ang mga rekord, at nalaman niya na hindi nagantimpalaan si Mardokeo sa pagsusumbong ng isang pakana na paslangin ang hari; kinaumagahan, nang dumating si Haman, tinanong siya ng hari kung ano ang dapat gawin upang parangalan ang isang lalaki na kinalulugdan ng hari; palibhasa’y iniisip na siya ang lalaking iyon, nagmungkahi si Haman ng marangyang parangal; pagkatapos, si Haman mismo ang inutusang magbigay ng gayong parangal kay Mardokeo sa harap ng madla (6:1-13; 2:21-23)
Sa piging noong araw na iyon, ipinabatid ni Esther sa hari na siya at ang kaniyang bayan ay ipinagbili ni Haman upang puksain; sa matinding galit ng hari, iniutos niyang ibitin si Haman sa tulos na ipinatayo nito para kay Mardokeo (6:14–7:10)
Itinaas ang tungkulin ni Mardokeo, at naligtas ang mga Judio
Ibinigay kay Mardokeo ang singsing na panlagda ng hari na kinuha kay Haman (8:1, 2)
Sa pagsang-ayon ng hari, inilabas ang isang batas na nagpapahintulot sa mga Judio na ipagtanggol ang kanilang sarili at lipulin ang kanilang mga kaaway sa mismong araw na itinakda para sa kanilang sariling kapuksaan; libu-libo sa mga kaaway ng mga Judio ang pinatay (8:3–9:19)
Ipinag-utos na gunitain ang pagkakaligtas na ito taun-taon (9:20-32)
Si Mardokeo ay naging ikalawa sa hari at gumawa sa ikabubuti ng kaniyang bayan (10:1-3)