KATAPATAN
[sa Ingles, integrity].
Kagalingan sa moral, pagiging ganap, kawalang-kapintasan at kawalang-pagkukulang ng isa.
Ang mga terminong Hebreo na nauugnay sa katapatan (tom, tum·mahʹ, tam, ta·mimʹ) ay may salitang-ugat na nangangahulugang “buo.” (Ihambing ang Lev 25:30; Jos 10:13; Kaw 1:12.) Ang ta·mimʹ ay ginamit nang ilang ulit upang tumukoy sa pagiging ganap sa pisikal, o pagiging malusog, at kawalan ng pinsala, halimbawa, may kinalaman sa mga haing hayop. (Exo 12:5; 29:1; Lev 3:6) Subalit mas malimit, ang mga terminong ito ay naglalarawan ng kagalingan o kawalang-kapintasan sa moral.
Kapag ikinakapit sa Diyos, ang ta·mimʹ ay may-kawastuang maisasalin bilang “sakdal,” gaya ng paglalarawan sa mga gawa ni Jehova, sa kaniyang daan, kaalaman, at kautusan. (Deu 32:4; Job 36:4; 37:16; Aw 18:30; 19:7) Ang lahat ng katangian at kapahayagang ito ng Diyos ay nagpapamalas ng lubhang di-mapapantayang kaganapan at kalubusan, gayon na lamang ang kanilang kagalingan at kawalan ng kapintasan, o kakulangan, anupat malinaw na makikilala na ang kanilang Pinagmulan ay ang tanging tunay na Diyos.—Ro 1:20; tingnan ang KASAKDALAN.
Kahalagahan ng Katapatan ng Tao. Sa ilang kaso, ang Hebreong tom ay nagpapahiwatig lamang ng ideya ng tapat na motibo, kawalan ng maling intensiyon. (Ihambing ang Gen 20:5, 6; 2Sa 15:11.) Subalit, pangunahin na, ang kaugnay na mga terminong Hebreo na ito ay naglalarawan ng matatag na debosyon sa katuwiran. Idiniriin ng mga paggamit at mga halimbawa sa Bibliya na ang pag-uukol ng di-nasisirang debosyon sa isang persona, ang Diyos na Jehova, at sa kaniyang ipinahayag na kalooban at layunin ay mahalagang landasin.
Nasasangkot sa pinakamahalagang usapin. Ang unang mag-asawa ay binigyan ng pagkakataong magpakita ng katapatan sa Eden. Nasubok ng pagbabawal may kinalaman sa punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama ang kanilang debosyon sa kanilang Maylalang. Dahil sa impluwensiya ng Kalaban ng Diyos at sa pang-aakit nito sa kanila na maging makasarili, sila ay sumuway. Ang kanilang pagkadama ng hiya, pag-aatubiling humarap sa kanilang Maylalang, at hindi tuwirang pagtugon sa kaniyang mga tanong ay pawang nagpatunay sa kawalan nila ng katapatan. (Ihambing ang Aw 119:1, 80.) Gayunman, maliwanag na hindi sila ang unang sumira sa katapatan, yamang ang gayon ay ginawa na ng espiritung nilalang na siyang umakay sa kanila tungo sa isang mapaghimagsik na landasin.—Gen 3:1-19; ihambing ang kaniyang landasin sa panambitang binigkas laban sa hari ng Tiro sa Eze 28:12-15; tingnan ang SATANAS.
Ang paghihimagsik ni Satanas, na lantarang pinasimulan sa Eden, ay nagbangon ng isang usapin na may pansansinukob na kahalagahan—samakatuwid nga ay ang pagiging marapat ng soberanya ng Diyos sa lahat ng kaniyang mga nilalang, ang karapatan niyang humiling ng lubusang pagsunod mula sa kanila. Yamang ang usapin ay hindi hinggil sa kung sino ang may nakahihigit na kapangyarihan kundi sa halip ay isang usaping moral, hindi ito malulutas sa pamamagitan lamang ng paggamit ng kapangyarihan, halimbawa ay kung karaka-rakang lilipulin ng Diyos si Satanas at ang mag-asawa. Makatutulong ang bagay na ito upang maunawaan kung bakit ang kabalakyutan at ang pasimuno nito, si Satanas, ay pinahintulutang manatili nang mahabang panahon. (Tingnan ang KABALAKYUTAN.) Yamang mga tao ang unang ginamit ng Kalaban ng Diyos upang suportahan at itaguyod ang kaniyang landasin ng paghihimagsik (anupat ang pinakamaagang katibayan ng pagpanig kay Satanas ng mga espiritung anak ng Diyos ay lumitaw noon lamang bago ang Baha; Gen 6:1-5; ihambing ang 2Pe 2:4, 5), ang isyu hinggil sa katapatan ng tao sa kalooban ng Diyos bilang Soberano ay naging mahalagang bahagi ng pangkalahatang usapin (bagaman ang soberanya ni Jehova ay hindi naman nakadepende sa katapatan ng kaniyang mga nilalang). Makikita sa kaso ni Job ang katibayan nito.
Si Job. Si Job, na maliwanag na nabuhay sa loob ng yugto sa pagitan ng kamatayan ni Jose at ng panahon ni Moises, ay inilalarawan bilang isang lalaking “walang kapintasan [sa Heb., tam] at matuwid, at natatakot sa Diyos at lumilihis sa kasamaan.” (Job 1:1; tingnan ang JOB.) Kalakip sa usapin sa pagitan ng Diyos na Jehova at ni Satanas ang katapatan ng tao at malinaw na makikita ito mula sa pagtatanong ng Diyos sa kaniyang Kalaban tungkol kay Job nang dumating si Satanas noong panahon ng pagtitipon ng mga anghel sa mga korte ng langit. Pinaratangan ni Satanas ng maling motibo ang pagsamba ni Job sa Diyos, anupat sinabi niyang naglilingkod si Job hindi udyok ng dalisay na debosyon kundi para sa sakim na mga pakinabang. Sa gayon ay kinuwestiyon niya ang katapatan ni Job sa Diyos. Nang pahintulutan siyang alisan si Job ng napakarami nitong pag-aari at kunin maging ang mga anak nito, nabigo si Satanas na sirain ang katapatan ni Job. (Job 1:6–2:3) Pagkatapos ay inangkin niya na hangga’t maililigtas ni Job ang kaniyang sarili, may-kasakiman nitong babatahin ang pagkawala ng kaniyang mga pag-aari at mga anak. (Job 2:4, 5) Pagkatapos nito, nang pasapitan siya ng isang makirot, anupat nakauupos na sakit at udyukan siya ng kaniyang sariling asawa na tumalikod na sa Diyos at gayundin batikusin siya nang may paghamak at siraang-puri ng kaniyang mga kasamahan na nagbigay ng maling impresyon sa mga pamantayan at layunin ng Diyos (Job 2:6-13; 22:1, 5-11), si Job ay tumugon na hindi niya itatakwil ang kaniyang pagiging isang taong nagpapakita ng katapatan. “Hanggang sa pumanaw ako ay hindi ko aalisin sa akin ang aking katapatan! Sa aking pagkamatuwid ay nanghahawakan ako, at hindi ko ito bibitiwan; hindi ako tutuyain ng aking puso sa lahat ng aking mga araw.” (Job 27:5, 6) Dahil sa pagpapanatili niya ng katapatan, ang Kalaban ng Diyos ay napatunayang isang sinungaling.
Ipinakikita ng mapanghamong mga pananalita ni Satanas sa kaso ni Job na ipinangangatuwiran niyang lahat ng tao ay mailalayo sa panig ng Diyos, na walang isa man sa mga ito ang naglilingkod udyok ng dalisay at walang-pag-iimbot na motibo. Kaya naman ang mga tao, at gayundin ang mga espiritung anak ng Diyos, ay may kahanga-hangang pribilehiyo na magkaroon ng bahagi sa pagbabangong-puri sa soberanya ni Jehova sa pamamagitan ng pagtataguyod ng isang landasin ng katapatan sa kaniya. Sa paggawa ng gayon ay pinababanal din nila ang kaniyang pangalan. Yaong mga “walang kapintasan sa kanilang lakad ay kalugud-lugod” kay Jehova.—Kaw 11:20; ihambing ito sa maling pangmalas na iniharap ni Elipaz sa Job 22:1-3.
Saligan ng hatol ng Diyos. Ang pagtatamo ng isang nilalang ng kaayaayang hatol mula sa Diyos ay nakadepende sa landasin niya ng pag-iingat ng katapatan. (Aw 18:23-25) Gaya ng isinulat ni Haring David: “Si Jehova ang maglalapat ng hatol sa mga bayan. Hatulan mo ako, O Jehova, ayon sa aking katuwiran at ayon sa katapatan kong nasa akin. Pakisuyo, magwakas nawa ang kasamaan ng mga balakyot, at itatag mo nawa ang matuwid.” (Aw 7:8, 9; ihambing ang Kaw 2:21, 22.) Ipinahayag ng naghihirap na si Job ang pagtitiwala na ‘Titimbangin ako ni Jehova sa hustong timbangan at malalaman ng Diyos ang aking katapatan.’ (Job 31:6) Pagkatapos nito ay bumanggit si Job ng maraming halimbawa mula sa aktuwal na buhay na, kung ginawa nga niya, magpapakita ng kawalan ng katapatan.—Job 31:7-40.
Ano ang kasangkot sa pag-iingat ng katapatan sa kaso ng di-sakdal na tao?
Yamang ang lahat ng tao ay di-sakdal at hindi nakaaabot nang may kasakdalan sa mga pamantayan ng Diyos, maliwanag na ang katapatan nila ay hindi nangangahulugan ng pagiging sakdal sa gawa o sa pananalita. Sa halip, ipinakikita ng Kasulatan na ito’y nangangahulugan ng pagiging buo o pagiging ganap ng debosyon ng puso. Dahil sa kahinaan, nakagawa si David ng ilang mabibigat na kamalian, ngunit, magkagayunman, siya ay ‘lumakad na taglay ang katapatan ng puso’ (1Ha 9:4), sapagkat tumanggap siya ng pagsaway at itinuwid niya ang kaniyang daan. Sa gayon ay pinatunayan niyang nananatili pa rin sa kaniyang puso ang tunay na pag-ibig para sa Diyos na Jehova. (Aw 26:1-3, 6, 8, 11) Gaya ng sinabi ni David nang maglaon sa kaniyang anak na si Solomon: “Kilalanin mo ang Diyos ng iyong ama at maglingkod ka sa kaniya nang may sakdal na puso at may nakalulugod na kaluluwa; sapagkat ang lahat ng puso ay sinasaliksik ni Jehova, at ang bawat hilig ng mga kaisipan ay kaniyang natatalos.” Gayunman, ang puso ni Solomon ay hindi “naging sakdal kay Jehova na kaniyang Diyos tulad ng puso ni David na kaniyang ama.”—1Cr 28:9; 1Ha 11:4; ang salitang “sakdal” sa dalawang tekstong ito ay nagmula sa isa pang terminong Hebreo, ang sha·lemʹ, gaya ng nasa 1Ha 15:14.
Samakatuwid nga, ang katapatan ay hindi limitado sa alinmang aspekto ng paggawi ng tao; hindi ito kapit lamang sa mga bagay na maliwanag na “relihiyoso.” Para sa mga lingkod ng Diyos isa itong landasin ng buhay kung saan “lumalakad” ang indibiduwal, anupat patuloy na naghahanap upang malaman ang kalooban ni Jehova. (Aw 119:1-3) Pinastulan ni David ang bansang Israel “ayon sa katapatan ng kaniyang puso,” kapuwa sa mga bagay na tuwirang nauugnay sa pagsamba kay Jehova at sa pangangasiwa niya ng pamahalaan. Ninais din niya na lahat ng nasa paligid niya at yaong mga gumaganap bilang kaniyang mga lingkod ay maging mga tao rin na nagpapakita ng katapatan, anupat “lumalakad sa paraang walang pagkukulang.” (Aw 78:72; 101:2-7) Kailangan ng panahon upang ang isa ay ‘maging walang pagkukulang’ sa harap ng Diyos, gaya nina Noe, Abraham, at ng iba pa.—Gen 6:9; 17:1; 2Sa 22:24.
Ang katapatan ay humihiling ng di-natitinag na pagkamatapat sa Diyos at ng panghahawakan sa katuwiran, hindi lamang sa ilalim ng kaayaayang mga kalagayan o mga situwasyon, kundi sa ilalim ng lahat ng uri ng kalagayan at sa lahat ng panahon. Pagkatapos idiin na yaon lamang nag-iingat ng katapatan, anupat “nagsasalita ng katotohanan sa kaniyang puso,” ang kaayaaya kay Jehova, sinabi ng salmista hinggil sa isang iyon na “sumumpa siya sa kaniyang ikasasama, at gayunma’y hindi siya nagbabago,” samakatuwid, kahit pa maging waring salungat sa kaniyang personal na mga interes ang bagay na taimtim niyang sinang-ayunan, tinutupad pa rin niya ang kaniyang pakikipagkasunduan. (Aw 15:1-5; ihambing ang pagkakaiba sa Ro 1:31; 1Ti 1:10.) Kaya nga, higit na makikita ang katapatan kapag nasusubok ang debosyon ng indibiduwal at kapag nagigipit siyang iwan ang kaniyang matuwid na landasin. Gawin man siyang isang katatawanan ng mga sumasalansang (Job 12:4; ihambing ang Jer 20:7) o tudlaan ng kanilang mapait na pananalita (Aw 64:3, 4), pagkapoot, at marahas na pang-uusig (Kaw 29:10; Am 5:10), dumaranas man siya ng pagkakasakit o ng nakapipighating kahirapan, dapat na ‘manghawakang mahigpit sa kaniyang katapatan’ ang isang tao, gaya ng ginawa ni Job, anuman ang kapalit.—Job 2:3.
Posible ang gayong landasin ng pag-iingat ng katapatan, hindi sa pamamagitan ng pagiging matatag ng personal na moral ng isang indibiduwal, kundi tanging sa pamamagitan ng malalim na pananampalataya at pagtitiwala kay Jehova at sa kapangyarihan Niyang magligtas. (Aw 25:21) Ipinangako ng Diyos na siya ay magiging isang “kalasag” at “moog,” anupat babantayan niya ang daan niyaong mga lumalakad sa katapatan. (Kaw 2:6-8; 10:29; Aw 41:12) Ang palagian nilang pagkabahala ukol sa pagtatamo ng pagsang-ayon ni Jehova ay nagdudulot ng katatagan sa kanilang buhay, anupat nakatutulong sa kanila na tumahak sa isang tuwid na landasin tungo sa kanilang tunguhin. (Aw 26:1-3; Kaw 11:5; 28:18) Bagaman ang mga walang kapintasan, gaya ng sinabi ni Job samantalang nagugulumihanan siya, ay maaaring magdusa dahil sa pamamahala ng balakyot at maaaring mamatay kasama ng balakyot, tinitiyak ni Jehova na batid niya ang buhay ng taong walang pagkukulang at ginagarantiyahan niyang mananatili ang mana ng gayong tao, magiging mapayapa ang kaniyang kinabukasan, at magmamay-ari siya ng kabutihan. (Job 9:20-22; Aw 37:18, 19, 37; 84:11; Kaw 28:10) Gaya sa kaso ni Job, sa pagiging isang taong nagpapakita ng katapatan, at hindi sa pamamagitan ng kayamanan ng isa, nagkakaroon ng tunay na halaga ang isang tao, anupat nagiging marapat sa paggalang ng iba. (Kaw 19:1; 28:6) Maituturing na maligaya ang mga anak na nagkapribilehiyong magkaroon ng gayong magulang (Kaw 20:7), anupat sila ay tumatanggap ng marilag na pamana sa halimbawa sa buhay ng kanilang ama, at nagtatamasa ng isang bahagi ng kaniyang mabuting pangalan at ng paggalang na natamo niya.
Bukod pa sa mga halimbawa nina Job at David, ang Hebreong Kasulatan ay nananagana sa iba pang mga halimbawa ng mga taong nagpakita ng katapatan. Sa pagiging handa niyang ihain ang kaniyang anak na si Isaac, nagpakita si Abraham ng matatag na pagkamatapat sa Diyos. (Gen 22:1-12) Naglaan si Daniel at ang kaniyang tatlong kasamahan ng mahuhusay na halimbawa ng katapatan sa ilalim ng pagsubok, sa panahon ng kabataan at ng katandaan. (Dan 1:8-17; 3:13-23; 6:4-23) Sa Hebreo kabanata 11, itinala ng apostol na si Pablo ang isang mahabang hanay ng mga taong nabuhay noong bago ang panahong Kristiyano na sa pamamagitan ng pananampalataya ay nagpakita ng katapatan sa ilalim ng sari-saring mahihirap na kalagayan.—Partikular na bigyang-pansin ang mga talata 33-38.
Katapatan Ayon sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. Bagaman walang lumilitaw na eksaktong salita para sa salitang Ingles na integrity sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, nangingibabaw ang ideya nito sa buong bahaging ito ng Bibliya. Ipinakita ng Anak ng Diyos, si Jesu-Kristo, ang pinakamainam na halimbawa ng katapatan at ng sukdulang pagtitiwala sa lakas at pangangalaga ng kaniyang makalangit na Ama. Dahil dito, siya ay ‘pinasakdal’ para sa kaniyang posisyon bilang Mataas na Saserdote, at gayundin bilang Pinahirang Hari ng makalangit na Kaharian, isa na mas dakila kaysa sa kaharian ni David. (Heb 5:7-9; 4:15; 7:26-28; Gaw 2:34, 35) Ang katapatan ay nakapaloob sa utos na binanggit ni Jesus bilang ang pinakadakilang utos sa lahat—ibigin ang Diyos na Jehova nang buong puso, pag-iisip, kaluluwa, at lakas. (Mat 22:36-38) Ang kaniyang utos na “kaya nga dapat kayong magpakasakdal, kung paanong ang inyong makalangit na Ama ay sakdal” (Mat 5:48) ay nagdiriin din ng pagiging ganap ng debosyon ng isa sa katuwiran. (Ang mga terminong Griego para sa kasakdalan ay nagtatawid ng ideya ng bagay na ‘dinala sa kaganapan’ at sa gayon ay nahahawig sa kahulugan ng mga terminong Hebreo na natalakay na.)
Ang mga turo ni Jesus ay nagdiin ng pagtataglay ng dalisay na puso, tapat na pangmalas at intensiyon, at pagiging hindi mapagpaimbabaw—ang lahat ng ito ay mga katangiang pagkakakilanlan ng katapatan. (Mat 5:8; 6:1-6, 16-18, 22, 23; Luc 11:34-36) Ang apostol na si Pablo ay nagpakita ng katulad na pagkabahala gaya ni David at ng sinaunang mga lingkod ng Diyos hinggil sa pagiging walang kapintasan at walang pagkukulang. Sa kaniyang ministeryo at sa lahat ng kaniyang pakikitungo sa iba, hindi siya naparatangan ng anumang katiwalian o panlilinlang.—2Co 4:1, 2; 6:3-10; 8:20, 21; 1Te 1:3-6.
Ang pagmamatiyaga sa isang bigay-Diyos na atas sa harap ng pagsalansang, at pagbabata ng mga kakapusan, pang-uusig, at pagdurusa dahil sa panghahawakan sa isang landasin ng makadiyos na debosyon ay namalas din kay Pablo at sa iba pang unang mga Kristiyano bilang mga taong nagpapakita ng katapatan.—Gaw 5:27-41; 2Co 11:23-27.