PANGHAGUPIT, PANGHAMPAS
[sa Ingles, whip].
Karaniwan na, isang nahuhutok na kurdon o latigong katad na may hawakan. Mula pa noong sinaunang mga panahon, ginagamit na sa mga tao ang kasangkapang ito (2Cr 10:11, 14) at gayundin sa mga hayop upang pasunurin at igiya sila.—Kaw 26:3; Na 3:2.
Ipinaghambog ni Haring Rehoboam na, bagaman ang kaniyang amang si Solomon ay nagparusa sa mga Israelita sa pamamagitan ng “mga hampas,” siya naman ay magpaparusa sa pamamagitan ng “mga hagupit.” Makasagisag ang pananalita ni Rehoboam, ngunit maaaring ang mga hagupit na tinutukoy ay mga latigo na may matatalas na dulo, yamang ang salitang Hebreo (ʽaq·rab·bimʹ) para sa “mga hagupit” ay literal na nangangahulugang “mga alakdan.”—1Ha 12:11, 14, tlb sa Rbi8; 2Cr 10:11, 14.
Binanggit ni Elipaz na Temanita ang “hagupit ng dila.” (Job 4:1; 5:21) Lumilitaw na tumutukoy ito sa paggamit ng dila upang maminsala, gaya ng paninirang-puri at pagsasalita nang may pang-aabuso.—Ihambing ang Kaw 12:18; San 3:5-10.
Noong panahon ng Paskuwa ng 30 C.E., “pagkatapos na gumawa ng isang panghagupit na lubid, pinalayas [ni Jesus] mula sa templo ang lahat ng may mga tupa at mga baka.” Sa mga hayop lamang ginamit ni Jesus ang panghagupit, hindi sa mga tao na may mga tupa at mga baka; ipinakikita ito ng bagay na ang mga nagtitinda ng mga kalapati ay pinalayas niya nang bibigan, hindi sa pamamagitan ng panghagupit. Gayundin, nang itaboy niya ang mga baka sa pamamagitan ng panghagupit, nagulo niya ang gawaing pangangalakal ng mga tao, at natural lamang na susundan nila ang kanilang mga baka upang tipunin ang mga ito.—Ju 2:13-17.