KESO
Sa matulain at makasagisag na pananalita, inilarawan ni Job kung paano siya nabuo sa bahay-bata ng kaniyang ina, anupat sinabi niya sa Dakilang Maylalang: “Hindi mo ba ako ibinuhos na gaya nga ng gatas at tulad ng keso upang kurtahin ako?”—Job 10:10.
Naiiba ang paggawa ng keso sa paggawa ng mantikilya. Ang mantikilya ay nabubuo sa pamamagitan ng pagbatí sa gatas. Upang makagawa naman ng keso noong sinaunang panahon, mabilis na kinukurta ang gatas sa pamamagitan ng substansiyang rennet na mula sa loob ng tiyan ng isang hayop o sa pamamagitan ng katas ng partikular na mga dahon o mga ugat. Matapos kurtahin, pinatutulo ang whey (malabnaw na bahagi ng gatas) at maaari nang kainin ang sariwang mga kulta.
Tinagubilinan si David na magdala ng “sampung bahagi ng gatas” sa pinuno ng 1,000 na kinabibilangan ng kaniyang mga kapatid sa hukbo ni Saul. (1Sa 17:17, 18) Sa orihinal, ang aktuwal na mababasa ay “sampung hiwa ng gatas,” na maaaring nangangahulugang “sampung keso ng sariwang gatas.” Ang Latin na Vulgate naman ay kababasahan ng “sampung maliliit na hulma [o, molde] ng keso.” Noong panahon ng digmaang sibil na pinamunuan ni Absalom, ang mga kaibigan ni David ay nagpadala sa kaniya ng mga panustos na pagkain, at kabilang sa mga ito ang “mga kulta mula sa baka,” na maaaring malalambot na keso.—2Sa 17:29.