ARALIN 30
Bubuhaying Muli ang mga Mahal Mo sa Buhay!
Napakahirap at napakalungkot mamatayan. Kaya tinatawag ng Bibliya ang kamatayan na isang kaaway. (1 Corinto 15:26) Sa Aralin 27, natutuhan mo na aalisin ni Jehova ang kaaway na ito. Pero paano naman ang mga taong patay na? Sa araling ito, matututuhan mo ang isa pang napakagandang pangako ni Jehova—ang pagbuhay-muli sa bilyon-bilyong tao para mabuhay sila magpakailanman. Makakasama natin silang muli! Posible ba talaga iyan? Saan sila bubuhaying muli—sa langit o sa lupa?
1. Ano ang gustong gawin ni Jehova para sa mga namatay nating mahal sa buhay?
Gustong-gusto ni Jehova na buhaying muli ang mga patay. Nagtitiwala ang isang tapat na mananamba ng Diyos na si Job na hindi siya kakalimutan ng Diyos kahit mamatay siya. Sinabi niya sa Diyos: “Tatawag ka, at sasagot ako [mula sa Libingan].”—Basahin ang Job 14:13-15.
2. Paano natin nalaman na bubuhaying muli ang mga patay?
Noong nasa lupa si Jesus, binigyan siya ng Diyos ng kapangyarihan na bumuhay-muli ng mga patay. Binuhay-muli ni Jesus ang isang 12-taóng-gulang na babae at ang anak ng isang biyuda. (Marcos 5:41, 42; Lucas 7:12-15) Nang mamatay ang kaibigan ni Jesus na si Lazaro, binuhay niya itong muli kahit apat na araw na itong patay. Pagkatapos manalangin sa Diyos, sumigaw si Jesus: “‘Lazaro, lumabas ka!’ At lumabas ang taong namatay.” Nabuhay-muli si Lazaro! (Juan 11:43, 44) Siguradong napakasaya ng mga kapamilya at kaibigan ni Lazaro!
3. Anong pag-asa ang naghihintay para sa mga namatay mong mahal sa buhay?
Ipinapangako ng Bibliya na “bubuhaying muli ng Diyos” ang mga patay. (Gawa 24:15) Ang mga binuhay-muli ni Jesus noon ay hindi napunta sa langit. (Juan 3:13) Masaya sila nang buhayin silang muli rito sa lupa. Iyan din ang malapit nang gawin ni Jesus. Bubuhayin niyang muli ang bilyon-bilyong tao para mabuhay magpakailanman sa paraisong lupa. Sinabi ni Jesus na ang mga nasa alaala ng Diyos ay bubuhaying muli kahit nakalimutan na sila ng mga tao.—Juan 5:28, 29.
PAG-ARALAN
Tingnan ang mga ebidensiya mula sa Bibliya na kaya at gusto ni Jesus na buhaying muli ang mga patay. Alamin kung paano ka matutulungan at mabibigyan ng pag-asa ng pagkabuhay-muli.
4. Pinatunayan ni Jesus na kaya niyang buhaying muli ang mga patay
Tingnan ang iba pang detalye nang buhaying muli ni Jesus ang kaibigan niyang si Lazaro. Basahin ang Juan 11:14, 38-44. Pagkatapos, talakayin ang mga tanong na ito:
Paano natin nalaman na talagang patay na si Lazaro?—Tingnan ang talata 39.
Kung nasa langit na si Lazaro, sa tingin mo, kailangan pa ba siyang buhaying muli ni Jesus dito sa lupa?
5. Marami ang bubuhaying muli!
Basahin ang Awit 37:29. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
Saan titira ang bilyon-bilyon na bubuhaying muli?
Hindi lang ang mga sumasamba kay Jehova ang bubuhaying muli ni Jesus. Basahin ang Gawa 24:15. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
Sino ang gusto mong buhaying muli ni Jesus?
Pag-isipan ito: Kayang-kayang buhaying muli ni Jesus ang mga tao kung paanong kayang gisingin ng isang ama ang natutulog niyang anak
6. Matutulungan ka at mabibigyan ng pag-asa ng pagkabuhay-muli
Ang ulat ng Bibliya tungkol sa pagkabuhay-muli sa anak na babae ni Jairo ay nagbigay ng pag-asa sa maraming tao. Basahin ang kuwentong ito sa Lucas 8:40-42, 49-56.
Bago buhaying muli ni Jesus ang anak na babae ni Jairo, sinabi niya kay Jairo: “Huwag kang matakot, manampalataya ka lang.” (Tingnan ang talata 50.) Paano makakatulong sa iyo ang pag-asang pagkabuhay-muli kapag . . .
namatayan ka ng mahal sa buhay?
nasa panganib ang buhay mo?
Panoorin ang VIDEO. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
Paano nakatulong at nagbigay ng pag-asa sa mga magulang ni Phelicity ang pagkabuhay-muli?
MAY NAGSASABI: “Parang ang hirap paniwalaan ng pagkabuhay-muli.”
Ano sa tingin mo?
Anong teksto ang babasahin mo para ipakitang may pagkabuhay-muli?
SUMARYO
Nangangako ang Bibliya na bilyon-bilyon ang bubuhaying muli. Gusto silang buhaying muli ni Jehova kaya binigyan niya ng kapangyarihan si Jesus na gawin ito.
Ano ang Natutuhan Mo?
Ano ang nararamdaman ni Jehova at ni Jesus sa pagbuhay-muli sa mga patay?
Saan bubuhaying muli ang bilyon-bilyong namatay—sa langit o sa lupa? Bakit iyan ang sagot mo?
Ano ang ebidensiya na bubuhaying muli ang namatay mong mahal sa buhay?
TINGNAN DIN
Tingnan ang puwede mong gawin para makayanan ang pagdadalamhati.
Makakatulong ba talaga ang mga prinsipyo sa Bibliya sa mga nagdadalamhati?
Paano makakayanan ng mga bata ang pagkamatay ng isang mahal sa buhay?
May bubuhayin bang muli papunta sa langit? Sino ang mga hindi na bubuhaying muli?