Kabanata 14
Sino ang Pupunta sa Langit, at Bakit?
1. Papaano sinasagot ng marami ang tanong na, Sino ang pupunta sa langit, at bakit?
MARAMI ang nagsasabi, ‘Lahat ng mabuting tao ay pupunta sa langit.’ Pero, kapag tinatanong kung bakit, marahil ay sasabihin nila: ‘Para makasama nila ang Diyos,’ o ‘Gantimpala iyon sa kanilang kabutihan.’ Ano ang itinuturo ng Bibliya tungkol dito?
2, 3. (a) Bakit natin matitiyak na may mga taong aakyat sa langit? (b) Anong tanong ang kailangang sagutin?
2 Nililinaw ng Bibliya na si Jesus ay binuhay-muli at na siya’y umakyat sa langit. Sinasabi din nito na ang ibang tao ay dadalhin doon. Noong gabi bago siya mamatay, sinabi ni Jesus sa kaniyang tapat na mga apostol: “Sa bahay ng aking Ama ay maraming tahanan. Kung hindi gayon, ay sinabi ko sana sa inyo, sapagka’t ako’y yayao upang ipaghanda kayo ng dako. At kung ako’y pumaroon at ipaghanda kayo ng dako, ako ay muling paririto at tatanggapin kayo sa aking sarili, upang kung saan ako naroroon ay dumoon din kayo.”—Juan 14:1-3.
3 Maliwanag na sinasabi ni Jesus sa kaniyang mga apostol na sila ay dadalhin sa langit upang makapiling niya. Madalas banggitin ni apostol Pablo ang kamanghamanghang pag-asang ito sa sinaunang mga Kristiyano. Halimbawa, sumulat siya: “Kung para sa atin, ang ating pagkamamamayan ay ukol sa langit, na kung saan may pananabik nating hinihintay ang isang tagapagligtas, ang Panginoong Jesu-Kristo.” (Filipos 3:20, 21; Roma 6:5; 2 Corinto 5:1, 2) Salig sa mga pangakong ito, milyun-milyong tao ang umaasa na mabuhay sa langit. Gayunman lahat ba ng mabuting tao ay pupunta sa langit?
LAHAT BA NG MABUTING TAO AY NAGPUPUNTA SA LANGIT?
4, 5. Ano ang patotoo na sina David at Job ay hindi umakyat sa langit?
4 Di nagtagal pagkatapos ng pagkabuhay-muli ni Jesus, sinabi ni apostol Pedro sa isang grupo ng mga Hudiyo: “Ang patriarkang si David . . . ay namatay at inilibing at ang kaniyang puntod ay narito pa sa atin hanggang ngayon. Ang totoo’y hindi umakyat si David sa langit.” (Gawa 2:29, 34) Kaya hindi nagpunta ang matuwid na si David sa langit. Kumusta naman ang matuwid na si Job?
5 Samantalang naghihirap, nanalangin si Job sa Diyos: “O nawa’y ikubli mo ako sa Sheol [ang libingan], at ikubli mo ako hanggang sa humupa ang iyong galit, upang takdaan mo ako ng panahon at alalahanin mo ako!” Inaasahan ni Job na, kapag namatay, siya’y mawawalan ng malay sa libingan. Alam niyang hindi siya pupunta sa langit. Subali’t may pag-asa siya, gaya ng kaniyang paliwanag: “Kung ang isang tao ay mamatay, mabubuhay pa ba uli siya? Lahat ng araw ng aking sapilitang paglilingkod [itinakdang panahon sa libingan] ay maghihintay ako, hanggang sa dumating ang aking pagkahango. Ikaw ay tatawag, at ako’y sasagot sa iyo.”—Job 14:13-15.
6, 7. (a) Ano ang nagpapakita na bago namatay si Kristo ay wala pang nakakapunta sa langit? (b) Ano ang mangyayari sa mga tapat na namatay bago kay Kristo?
6 Si Juan, na nagbautismo kay Jesus, ay mabuti ring tao. Gayon ma’y sinabi ni Jesus: “Ang pinakamaliit sa kaharian ng langit ay mas dakila kaysa kaniya.” (Mateo 11:11) Totoo ito sapagka’t si Juan Bautista ay hindi pupunta sa langit. Nang nasa lupa si Jesus, mahigit na 4,000 taon mula nang maghimagsik sina Adan at Eba, ganito ang sinabi niya: “Walang sinomang taong umakyat sa langit maliban sa kaniya na nanggaling sa langit, ang Anak ng tao.”—Juan 3:13.
7 Kaya, ayon sa sariling mga salita ni Jesus, wala pang tao na nakakaakyat sa langit sa loob ng 4,000 taon ng kasaysayan hanggang sa kaniyang kaarawan. Sina David, Job at Juan Bautista ay magsisitanggap ng pagkabuhay-muli dito sa lupa. Sa katunayan, lahat ng tapat na lalaki at babae na namatay bago namatay si Jesus ay pawang nagtataglay ng pag-asa na mabuhay-muli sa lupa, hindi sa langit. Bubuhayin silang muli upang makabilang sa makalupang mga sakop ng kaharian ng Diyos.—Awit 72:7, 8; Gawa 17:31.
KUNG BAKIT PUPUNTA SA LANGIT ANG ILAN SA MGA TAPAT
8. Mahalaga ang sagot sa anong mga tanong, at bakit?
8 Bakit umakyat si Jesus sa langit? Anong gawain ang dapat niyang gampanan doon? Mahalaga ang sagot sa mga tanong na ito. Ang dahilan ay sapagka’t yaong mga aakyat sa langit ay makikibahagi kay Jesus sa kaniyang gawain. Iyon ang mismong dahilan kung bakit sila pupunta sa langit.
9, 10. Ayon kay Daniel, sino pa bukod kay Kristo ang magpupuno sa pamahalaan ng Diyos?
9 Nalaman natin sa naunang mga kabanata na si Jesus ay magpupuno sa paraisong bagong lupa bilang hari ng makalangit na pamahalaan ng Diyos. Matagal pa bago naparito si Jesus sa lupa, inihula na ng aklat ni Daniel sa Bibliya na ang “anak ng tao” ay “bibigyan ng pamamahala.” Ang “Anak ng tao” ay si Jesu-Kristo. (Marcos 14:41, 62) Nagpatuloy pa si Daniel: “Ang kaniyang pamamahala ay walang-hanggang pamamahala na hindi lilipas, at ang kaniyang kaharian ay hindi magigiba.”—Daniel 7:13, 14.
10 Gayumpaman, mahalagang pansinin na dito sa aklat ni Daniel, ang “anak ng tao” ay hindi maghaharing mag-isa. Sinasabi ng Bibliya: “At ang kaharian at ang pamamahala . . . ay ibinigay sa bayan na siyang mga banal ng Kataastaasan. Ang kanilang kaharian ay isang walang-hanggang kaharian.” (Daniel 7:27) Ang mga pananalitang “bayan” at “kanilang kaharian” ay nagpapahiwatig na may iba pang maghaharing kasama ni Kristo sa pamahalaan ng Diyos.
11. Ano ang nagpapakita na ang unang mga tagasunod ni Jesus ay maghaharing kasama niya?
11 Noong huling gabi na kasama ni Jesus ang kaniyang tapat na 11 alagad ipinakita niya na sila’y magiging mga tagapamahalang kasama niya sa kaharian ng Diyos. Sinabi niya sa kanila: “Kayo ang nagsipanatili sa akin sa aking mga pagsubok; kaya ako’y nakikipagtipan sa inyo, kung papaanong ang aking Ama ay nakipagtipan sa akin, ukol sa isang kaharian.” (Lucas 22:28, 29) Nang maglaon, sina apostol Pablo at Timoteo ay napalakip sa tipan o kasunduang ito ukol sa isang kaharian. Kaya sumulat si Pablo kay Timoteo: “Kung tayo’y patuloy na magtitiis, tayo rin nama’y magpupunong sama-sama bilang mga hari.” (2 Timoteo 2:12) Si apostol Juan ay sumulat din tungkol sa mga “magpupuno bilang hari sa buong lupa” kasama ni Jesu-Kristo.—Apocalipsis 5:9, 10; 20:6.
12. Anong bagay tungkol sa “binhi” ni Abraham ang nagpapakita na si Kristo ay may mga kasamang hari?
12 Kaya yaong mga aakyat sa langit ay pupunta roon upang maglingkod bilang kasamang mga tagapamahala ni Kristo sa makalangit na pamahalaan ng Diyos. Samantalang si Jesus ang pangunahing “binhi” na ipinangako, pumipili din ang Diyos mula sa sangkatauhan ng mga makakasama ni Jesus sa paghahari sa kaharian. Dahil dito’y nagiging bahagi sila ng “binhi,” gaya ng sinasabi ng Bibliya: “Kung kayo’y kay Kristo, tunay na kayo’y binhi ni Abraham, mga tagapagmana ng isang pangako.”—Galacia 3:16, 29; Santiago 2:5.
ILAN ANG AAKYAT SA LANGIT?
13. (a) Bakit hindi pupunta ang mga sanggol sa langit? (b) Papaano inilarawan ni Jesus ang bilang ng tatanggap ng Kaharian?
13 Palibhasa’y pagpupunuan nila ang lupa, maliwanag na yaong mga aakyat sa langit ay magiging subok at tunay na mga tagasunod ni Kristo. Nangangahulugan ito na ang mga sanggol at maliliit na bata, na hindi pa lubusang nasusubukan sa maraming taon ng Kristiyanong paglilingkod, ay hindi dadalhin sa langit. (Mateo 16:24) Gayumpaman, ang mga batang ito na namamatay ay may pag-asa na buhaying-muli dito sa lupa. (Juan 5:28, 29) Kaya ang kabuuang bilang ng aakyat sa langit ay maliit kung ihahambing sa mga tatanggap ng buhay sa lupa sa ilalim ng pagpupuno ng Kaharian. Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Huwag matakot, munting kawan, sapagka’t nalulugod ang inyong Ama na ibigay sa inyo ang kaharian.”—Lucas 12:32.
14. Ilan ang bumubuo ng “munting kawan” na aakyat sa langit?
14 Gaano kaliit ang bilang na ito ng mga uring tagapamahala sa Kaharian? Ang mga apostol at unang tagasunod lamang ba ni Jesus ang makakabilang doon? Hindi, ipinakikita ng Bibliya na ang “munting kawan” ay may iba pang kabilang. Sa Apocalipsis 14:1, 3 ay sinasabi ng Bibliya: “At tumingin ako, at, narito, ang Kordero [si Jesu-Kristo] ay nakatayo sa [makalangit na] Bundok Sion, at kasama niya ang isang daan at apatnapu’t-apat na libo . . . na binili [o, kinuha] mula sa lupa.” Pansinin na 144,000 lamang ang nakitang kasama ng Kordero, si Jesu-Kristo, sa makalangit na Bundok Sion. (Hebreo 12:22) Kaya sa halip na pupunta sa langit ang lahat ng mabuting tao, ipinakikita ng Bibliya na 144,000 lamang na mga subok at tapat na tao ang dadalhin doon upang magharing kasama ni Kristo.
KUNG BAKIT PINILI MULA SA LUPA
15. Bakit sa mga tao pinili ng Diyos ang magpupuno sa Kaharian?
15 Subali’t bakit pinipili ng Diyos ang mga tagapamahalang ito mula sa sangkatauhan? Bakit hindi mga anghel ang paghariing kasama ni Kristo? Kasi, dito sa lupa hinamon ang karapatan ni Jehova na mamahala. Dito sinusubok ang katapatan ng tao sa Diyos sa harap ng pagsalansang ng Diyablo. Dito pinatunayan ni Jesus ang kaniyang lubos na katapatan sa Diyos sa ilalim ng pagsubok at ibinigay ang kaniyang buhay bilang pantubos sa tao. Kaya si Jehova ay nagsaayos na kumuha ng isang “munting kawan” ng mga tao mula sa lupa upang makasama ng kaniyang Anak sa makalangit na kaharian. Sa pamamagitan ng kanilang katapatan sa Diyos, pinabulaanan nila ang bintang ng Diyablo na ang tao ay naglilingkod sa Diyos dahil lamang sa mapag-imbot na layunin. Angkop lamang kung ganoon, na gamitin ni Jehova ang mga taong ito ukol sa kaniyang kaluwalhatian.—Efeso 1:9-12.
16. Bakit tayo makapagpapasalamat na ang mga tagapamahala sa Kaharian ay nabuhay sa lupa?
16 Isa pa, isipin na lamang ang kagandahan ng pagkakaroon bilang mga tagapamahala ang mga personang nagtapat sa Diyos sa lupa, na marami sa kanila ang naghain ng kanilang buhay alang-alang sa Kaharian. (Apocalipsis 12:10, 11; 20:4) Ang mga anghel ay hindi kailanman napaharap sa ganitong uri ng pagsubok. Ni naranasan kaya nila ang mga suliranin na karaniwan sa tao. Kaya hindi nila lubos na mauunawaan ang kalagayan ng isang makasalanang tao at ang mga suliranin na taglay ng tao. Nguni’t mauunawaan ito ng 144,000 sapagka’t naranasan nila ang mismong mga problemang ito. Ang iba sa kanila ay nangailangang makipagpunyagi sa malulubhang pagkakasala, at alam nila kung gaano kahirap gawin yaon. (1 Corinto 6:9-11) Kaya, maaari silang makitungo sa kanilang makalupang mga sakop sa paraang maunawain.—Hebreo 2:17, 18.
ANG KONGREGASYON NG DIYOS
17. Sa ano tumutukoy ang salitang “kongregasyon”?
17 Sinasabi sa atin ng Bibliya na si Kristo ang ulo ng kongregasyon ng Diyos, at na ang mga membro nito ay nasasakop ni Jesus. (Efeso 5:23, 24) Kaya ang salitang “iglesiya” o “kongregasyon ng Diyos,” ay hindi tumutukoy sa isang gusali. Sa halip, tumutukoy ito sa isang grupo ng mga Kristiyano. (1 Corinto 15:9) Ngayon ay may tinutukoy tayo na kongregasyon ng mga Kristiyano na ating kinauugnayan. Sa ganoon ding paraan, mababasa natin sa Bibliya ang tungkol sa “kongregasyon ng mga taga-Laodicea,” at sa sulat ni apostol Pablo kay Filemon, tungkol naman sa “kongregasyon na nasa [loob ng kaniyang] bahay.”—Colosas 4:16; Filemon 2.
18. (a) Sino ang bumubuo ng “kongregasyon ng buháy na Diyos”? (b) Ano pa ang itinawag sa kongregasyong ito sa Bibliya?
18 Gayumpaman, kapag binabanggit ng Bibliya ang “kongregasyon ng buháy na Diyos,” tinutukoy nito ang isang pantanging grupo ng mga tagasunod ni Kristo. (1 Timoteo 3:15) Tinatawag din sila na “kongregasyon ng mga panganay na nakatala sa mga langit.” (Hebreo 12:23) Kaya ang “kongregasyon ng Diyos” na ito ay binubuo ng lahat ng Kristiyano sa lupa na nagtataglay ng makalangit na pag-asa. Lahat-lahat, 144,000 lamang ang bumubuo ng “kongregasyon ng Diyos.” Sa ngayon iilan na lamang sa kanila, isang nalabi, ang naririto pa sa lupa. Ang mga Kristiyano na sa lupa umaasang mabuhay magpakailanman ay sa “kongregasyon ng Diyos na buháy” na ito tumitingin ukol sa espirituwal na patnubay. Tinutukoy din ng Bibliya ang kongregasyon na binubuo ng 144,000 membro bilang “ang kasintahang-babae, ang asawa ng Kordero,” “ang katawan ni Kristo,” “ang templo ng Diyos,” “ang Israel ng Diyos,” at ang “Bagong Jerusalem.”—Apocalipsis 21:9; Efeso 4:12; 1 Corinto 3:17; Galacia 6:16; Apocalipsis 21:2.
ANG BAGAY NA BAGO SA LAYUNIN NG DIYOS
19. Anong bagong bagay ang idinagdag ng Diyos upang tuparin ang kaniyang orihinal na layunin para sa lupa?
19 Hindi binago ng Diyos na Jehova ang kaniyang layunin ukol sa lupa at sa sangkatauhan kahit matapos akayin ni Adan ang lahi ng tao sa landas ng kasalanan at kamatayan. Kung binago ito ng Diyos, mangangahulugan na hindi niya matutupad ang kaniyang orihinal na layunin. Mula sa pasimula nilayon niya ang isang pandaigdig na paraiso na puno ng maliligaya, malulusog na tao, at ang layuning ito ay nagpapatuloy pa rin. Ang tanging bagay na bago na idinagdag ng Diyos ay ang kaayusan niya ukol sa isang bagong pamahalaan na magsasakatuparan ng kaniyang layunin. Gaya ng nakita na natin, ang Anak niya, si Jesu-Kristo, ang pangunahing tagapamahala sa pamahalaang ito, at 144,000 ang kukunin mula sa sangkatauhan upang magpunong kasama niya sa langit.—Apocalipsis 7:4.
20. (a) Sino ang mga bumubuo ng “bagong langit” at “bagong lupa”? (b) Ano ang kailangan ninyong gawin upang maging bahagi ng “bagong lupa”?
20 Ang mga tagapamahalang ito sa langit ang siyang bubuo sa “bagong mga langit” ng bagong kaayusan ng Diyos. Gayunma’y maliwanag na kung magkakaroon ng gayong matuwid na mga tagapamahala sa ibabaw ng lupa, dapat din silang magkaroon ng mga sakop. Tinutukoy ng Bibliya ang mga taong ito bilang ang “bagong lupa.” (2 Pedro 3:13; Apocalipsis 21:1-4) Kabilang dito sina Job, David at Juan Bautista—oo, lahat ng tapat na nabuhay bago naparito si Kristo sa lupa. Subali’t marami pa ang bubuo ng “bagong lupa” pati na yaong mga makaliligtas sa katapusan ng masamang pamamalakad na ito. Magiging isa kaya kayo sa mga makaliligtas? Gusto ba ninyong maging sakop ng pamahalaan ng Diyos? Kung oo, may mga kahilingan na dapat ninyong maabot.
[Mga larawan sa pahina 121]
Nakapunta ba sa langit ang mabubuting taong ito?
Haring David
Job
Juan Bautista
[Larawan sa pahina 122]
Noong huling gabi niya kasama ng mga apostol, sinabi ni Jesus na sila’y magiging tagapamahalang kasama niya sa kaharian ng kaniyang Ama