PANULAT
Isang kagamitan sa pagsusulat na ginagamitan ng tinta o ng katulad na fluido. Ito ang ginagamit sa pagsusulat sa pergamino at papiro. (3Ju 13; 2Ju 12) Ang salitang Griego na isinalin bilang “panulat” (kaʹla·mos) ay tumutukoy sa isang tambo o kania at maaaring literal na isalin bilang “tambong panulat.” Ang panulat na tambo ng sinaunang mga Ehipsiyo ay may lapád at hugis-pait na uluhan na pinuputulan o hinihiwa upang ito’y magsilbing pinsel. Maaaring pinatutuyo at pinatitigas ang mga tambong ito anupat iniiwan sa ilalim ng mga bunton ng dumi sa loob ng ilang buwan, gaya rin ng ginagawa sa ngayon. Ang mga Griego at mga Romano ay gumamit ng panulat na tambo na may tulis at hiwa, gaya ng ginawa nang maglaon sa mga panulat na pakpak [quill pen] at maging sa mga pen point nitong kalilipas na mga panahon.
Ang panulat ay maaari ring tumukoy sa isang kasangkapang pangmarka sa mga materyales na gaya ng luwad o pagkit. (Aw 45:1; Isa 8:1; Jer 8:8) Ang panulat na ginagamit para sa mga sulat na cuneiform ay may kuwadrado o hugis-kalsong dulo at karaniwan nang gawa sa tambo o matigas na kahoy.
Kailangan ang isang panulat o pait na metal o iba pang matigas na materyales upang maiukit ang mga titik sa bato o metal. Ipinahayag ng patriyarkang si Job: “O kung naisulat sana ngayon ang aking mga salita! O kung naitala nga sana sa isang aklat ang mga iyon! Sa pamamagitan ng panulat na bakal at ng tingga, O kung ang mga iyon sana ay naiukit sa bato magpakailanman!” (Job 19:23, 24) Maliwanag na ninais ni Job na mapaukit sa bato ang kaniyang mga salita at na punan ng tingga ang nakasulat na mga titik upang mas magtagal ang mga iyon. Maraming siglo pagkaraan nito, tinukoy ni Jehova ang mga kasalanan ng Juda bilang nakasulat sa pamamagitan ng panulat na bakal, samakatuwid nga, nakatala nang permanente.—Jer 17:1.