Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Anong Masama sa Pag-alembong?
“SARAH! Sarah!” bulong ng lalaki mga ilang hanay sa likuran. “Halika rito sa tabi ko!” Inuulit niya ang kaniyang samo tuwing ikalimang minuto—sa walang kabuluhan. Para kay Sarah, ang mga tangkang pag-alembong ng lalaki sa silid aralan ay higit pa sa araw-araw na pagkayamot.
Ang kabataang si Jennifer ay bata pa para pumasok sa sekondaryo [mataas] na paaralan, subalit sabi niya: “Ang mga batang lalaki ay magsasabi ng mga bagay na may dalawang kahulugan at kikilos sa paraan na hindi lamang basta palakaibigan.” “Ang kanilang mga mata!” susog pa ni Erika. “Titingnan ka nila na may nakalolokong ngiti, at saka magsasalita na may malaki’t malalim ng tinig na di mo mawari kung saan nanggaling—nakakatawa. At talagang lalapit sila sa iyo.” Ang mga lalaki man ay kadalasang nalalantad sa kaalembungan. Si John, isang tinedyer, ay nagkukuwento: “Ang mga babae [sa paaralan] ay nagsisikap na lumapit sa iyo at hipuin ka, yakapin ka. Dumarating sila sa mga bulwagan at yayapusin ka.”
Sabihin pa, maraming kabataan ang waring nasisiyahan sa atensiyon na ibinibigay sa kanila. “Nakakatuwa ito,” sabi ng batang babaing nagngangalang Connie na nagpapasigla ng mahalay na mga titig sa pamamagitan ng nakapupukaw-damdamin na pananamit. Maraming kabataan ang nasisiyahan din sa pagkuha ng pansin ng iba. “Ako ang babaing mahilig umalembong sa lahat ng lalaki—sa gusto ko man sila o hindi,” sulat ng isang batang babae sa magasing ’Teen. “Ang pag-alembong ay gumagawa sa akin na makadama ng higit na pagtitiwala at kaakit-akit.”
Paano, kung gayon, dapat malasin ng isang kabataang Kristiyano ang pag-alembong? Ito ba’y isa lamang walang malay na katuwaan, isang hindi maiiwasang bahagi sa daan ng pag-ibig? O may tunay bang mga panganib na dapat iwasan?
Kung Ano ang Kasangkot sa Pag-alembong
Sa wikang Ingles, ang pag-alembong ay hindi katulad ng lehitimong pansin na maaaring ipakita ng isang lalaki sa isang babae (o gayundin naman ng babae sa lalaki) sa panimulang yugto ng panliligaw. Bagkus, ito’y nangangahulugan ng “mapagmahal (romantikong) pagkilos nang wala namang seryosong layunin.” Tinatawag ng mga Pranses ang isang babaing kumikilos sa ganitong paraan na isang kiri.
Gayunman, kung ano bang talaga ang alembong na pagkilos ay hindi madaling tukuyin. Maaaring kasali sa pag-alembong ang isang tingin, isang haplos, tono ng boses, mahiyaing ngiti—kahit na ang paraan ng pananamit, tindig, o pagdala ng isa ng kaniyang sarili. Gayunman, bagaman ang pag-alembong ay maaaring mahirap bigyang-kahulugan, karaniwang napakadaling makilala kapag ang isang tao ang layon nito. Sa paano man, kung ang isa ay napakabata pa upang mag-asawa, ang makiri o alembong na paggawi ay totoong mapanganib!
Mapanganib na “Katuwaan”?
Hindi naman masama na maakit sa isa na hindi kasekso. Tunay, sa panahon ng “kasariwaan ng kabataan,” natural lamang na maging matindi ang gayong mga damdamin; gayon ang pagkakagawa sa atin ng Maylikha. (1 Corinto 7:36) Marahil nag-iisip ka kung gaano ka kaakit-akit; para bang ang pag-alembong ay isang di-nakasásamáng paraan upang malaman. Hinihimok pa nga ng magasing ’Teen ang mga batang babae na umalembong sa pagsasabing, “Ang Pag-alembong ay Maaaring Maging Nakatutuwa! ” Ang sumunod na artikulo ay nagbigay ng detalyadong mga tagubilin sa sining ng pag-alembong.
Ngunit ang bagay na ang pag-alembong ay maaaring tawaging katuwaan ay hindi gumagawa ritong kapaki-pakinabang o kaaya-aya. Isaalang-alang ang saloobin ng matuwid na taong si Job. Minsa’y sinabi niya: “Ako’y nakipagtipan sa aking mga mata. Paano nga akong titingin sa isang dalaga?” (Job 31:1, 9-11) Sa katunayan, si Job ay nakipagtipan sa kaniyang sarili na susupilin niya ang kaniyang mga mata at hindi kailanman alembong na titingin sa isang dalaga. Bakit? Sapagkat si Job ay isang lalaking may-asawa. Ang pagsasagawa ng kaunting kaalembungan ay hindi nararapat, isang kataksilan sa kaniyang asawa. Sa paano man, ito ay maaaring pumukaw ng maling mga nasà at mga inaasahan. Kaya iniwasan ni Job ang pag-alembong.
Totoo, wala kang asawa. Subalit kung iisipin mo ito, may lehitimong dahilan ka ba na magpakita ng pagkamaalalahanin sa isa na hindi mo kasekso kaysa ginawa ni Job? Tutal, kung wala ka pa sa hustong gulang upang mag-asawa, ano ang punto mo? Ano ang gagawin mo kung siya ay tumugon? Ikaw ba’y talagang nasa katayuan na magkaroon ng kaugnayan tungo sa makatuwirang tunguhin nito—ang pag-aasawa?a Kung hindi, ang pag-alembong ay lumilikha ng higit pa kaysa kabiguan.
Pagbubunsod sa Pagkamakasarili
Gayunman, kadalasan ang romantikong kaugnayan ang huling bagay na nasa isip ng isang alembong. Maaaring ipalagay niya ang pagkuha ng pansin ng hindi kasekso bilang isang laro. Halimbawa, alam na alam ng isang Kristiyanong babae na nagngangalang Maria ang utos ng Bibliya na huwag magkaroon ng romantikong kaugnayan sa isa na hindi sumasampalataya. (2 Corinto 6:14) Subalit may kamaliang naniwala siya na wala namang masama sa pag-alembong sa mga lalaking kaklase niya. “Minsang makuha ko ang kanilang pansin,” mabilis na paliwanag niya, “iyon na ang wakas niyaon. Dumarating kayo sa punto kung saan hihilingin nila na kayo ay lumabas, at doon ka na hihinto.” Subalit doon ba sila huminto?
Ganito ang puna ng manunulat na si Kathy McCoy sa isang artikulo para sa magasing Seventeen: “Ang mga naglalaro sa damdamin ng di kasekso ay karaniwang mga taong may mababang pagpapahalaga sa sarili na nagsisikap magkaroon ng mabuting damdamin tungkol sa kanilang sarili sa pamamagitan ng atensiyon at paghanga ng iba.” Ang pagkuha ng isang reaksiyon sa isang nakatutuksong sulyap o hipo ay maaari ngang magbunsod ng iyong pagkamakasarili—subalit panandalian lamang. Isa pa, ang manunulat ng Bibliya na si Pablo, nang tinatalakay ang tunay na pag-ibig, magiliw na pagmamahal, at pagkakaisang Kristiyano, ay nagbabala sa mga Kristiyano na ‘huwag gawin ang anuman sa pamamagitan ng pagkamakasarili,’ o “kapalaluan,” gaya ng pagkakasabi rito ng isang salin.—Filipos 2:1-3; The New English Bible.
Mayroon pang mas mabisa at nagtatagal na paraan upang magkaroon ng pagpapahalaga-sa-sarili kaysa paglalaro sa damdamin ng iba. Bakit hindi sikaping magkaroon ng “panloob na pagkatao,” o kung ano ka talaga sa loob mo?—2 Corinto 4:16, The Jerusalem Bible.
“Naghahagis ng mga Dupong na Apoy”
Binabanggit ng isang artikulo sa magasing Seventeen ang isa pang panganib, na ang sabi: “Ang mahirap na bagay tungkol sa pag-alembong ay na ito’y nangangahulugan ng iba’t ibang bagay sa iba’t ibang tao, at kung minsan ay nagkakaroon ng maling pakahulugan—at nasasaktan ang mga damdamin.”
Oo, karaniwan nang walang muwang na minamaliit ng mga kabataan ang pinsalang nagagawa ng pag-alembong sa damdamin ng iba. Ito’y gaya ng sinasabi ng isang matalinong kawikaan: “Kung paano ang taong ulol na naghahagis ng mga dupong ng apoy, mga pana at kamatayan, gayon ang tao na nagdaraya sa kaniyang kapuwa at nagsasabi: ‘Hindi ko ba ginagawa sa katuwaan?’ ” (Kawikaan 26:18, 19) Ang kapangyarihan na apektuhan ang mga damdamin ng iba ay maaaring makamatay. Gaya ng anumang kapangyarihan, ito’y dapat gamitin nang buong ingat, may pananagutan.
Ang pag-alembong ay nakaliligaw, hindi maibigin, at kadalasang malupit. Maaari nitong paasimin ang maganda, kaaya-ayang kaugnayan. Maaari ka nitong gawing hamak sa paningin ng iba. Masahol pa, maaari itong humantong sa wala sa panahong romantikong kaugnayan o sa seksuwal na imoralidad pa nga! Ang Bibliya ay nagbababala: “Makakakuha ba ng apoy ang tao sa kaniyang sinapupunan at hindi masusunog ang kaniyang mga suot?”—Kawikaan 6:27.
‘Nais Kong Maibigan Ako ng mga Tao’
Mangyari pa, natural lamang na naising ikaw ay maibigan. At maaaring sa tingin mo ang mga alembong ay mayroon ng lahat ng katuwaan, na yaong marunong manghalina ang may pinakamaraming kaibigan. Ngunit talaga bang ang isang alembong ay nagkakaroon ng tunay, nagtatagal na pakikipagkaibigan? Malayong mangyari. Oo, maaaring maibigan ng iba ang isang alembong habang ang pansin ay nakatuon sa kanila. Subalit kapag ang pansin ay biglang natuon sa iba, karaniwan nang sila’y nasusuya sa alembong.
Hindi kataka-taka, kung gayon, sa isang surbey ng mga babaing tinedyer, hinatulan ng 80 porsiyento ang “kaalembungan” ng isang lalaki na walang “anumang kagalingan.” Gaya ng pagkakasabi ng isang sinaunang kawikaan: “Ang malupit na tao ay nagdadala ng ostrasismo sa kaniyang sariling laman.”—Kawikaan 11:17.
Mabubuting Kaugnayan
Ipagpalagay na, hindi laging madaling magkaroon ng tamang pagkakatimbang sa pakikitungo sa hindi kasekso. Isang tinedyer na babaing nagngangalang Kelly ang nagsasabi na “nahihirapan siyang makita ang kaibhan sa pagitan ng pagiging palakaibigan at pag-alembong.” Susog pa niya: “Masyado akong palakaibigan.”
Walang masama sa pagiging palakaibigan. At hindi naman kinakailangang manahimik ka o maging malamig sa pakikitungo. Ang makapagpatuloy sa nakapagpapatibay, matalinong usapan ay isang kasanayan na makatutulong sa iyo na magkaroon ng mga kaibigan. Isa pa, ang hayagang usapan ay hindi bibigyan ng maling kahulugan kaysa hindi maipaliwanag na mga sulyap o mahiyaing mga ngiti sa ibayo ng silid. Subalit kung ikaw ay palakaibigan lamang sa mga kaedad na hindi kasekso at hindi mo pinapansin ang iba pa, hindi kaya maaaring magkaroon ng maling konklusyon ang iba tungkol sa iyo?
Ang susi ay “na tingnan, hindi lamang ang inyong sariling kapakanan, kundi pati ang sariling kapakanan ng iba”—anuman ang edad o sekso. (Filipos 2:4) Iwasan ang pananalita, pananamit, pag-aayos, o mga kilos na maaaring malasin na pumupukaw ng damdamin. (Ihambing ang 1 Timoteo 2:9.) Kung mayroon kang reputasyon sa pagpapakita ng tunay na interes sa mga tao sa pangkalahatan, bihirang ang iyong pagiging palakaibigan ay mapagkamalang romantikong pang-akit. Sa pamamagitan ng iyong pananalita at kilos, makapaghahatid ka ng malinaw na mensahe: ‘Hindi ako umaalembong! ’
[Talababa]
a Tingnan ang kabanata 29 (“Handa na ba Akong Makipag-date?”) sa Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
[Larawan sa pahina 20]
Magpakita ng tunay na interes sa lahat ng tao—anuman ang kanilang edad o sekso