Nagbata si Job—Tayo Rin!
“Narito! Ipinahahayag nating maligaya yaong mga nakapagbata.”—SANTIAGO 5:11.
1. Ano ang sinabi ng isang may-edad nang Kristiyano tungkol sa mga pagsubok sa kaniya?
‘TINUTUGIS ako ng Diyablo! Nararamdaman ko ang naramdaman ni Job!’ Sa ganitong mga pananalita ay ipinahayag ni A. H. Macmillan sa isang matalik na kaibigan na nasa punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova ang kaniyang nadarama. Natapos ni Brother Macmillan ang kaniyang buhay sa lupa sa edad na 89 noong Agosto 26, 1966. Alam niya na ang karangalan para sa tapat na paglilingkod ng pinahirang mga Kristiyano na gaya niya ay “sumasama mismo sa kanila.” (Apocalipsis 14:13) Tunay, sila’y magpapatuloy sa paglilingkod kay Jehova sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli tungo sa buhay magpakailanman sa langit. Nagalak ang kaniyang mga kaibigan nang matamo ni Brother Macmillan ang gantimpalang iyan. Gayunman, noong mga taon na siya’y patuloy na humihina, siya’y pinahirapan ng iba’t ibang pagsubok, kasali na ang suliranin sa kalusugan na siyang maliwanag na nagpadama sa kaniya ng mga pagsisikap ni Satanas na sirain ang kaniyang katapatan sa Diyos.
2, 3. Sino si Job?
2 Nang sabihin ni Brother Macmillan na nararamdaman niya ang naramdaman ni Job, ang tinutukoy niya’y isang lalaking nagtiis ng matitinding pagsubok ng pananampalataya. Nakatira si Job sa “lupain ng Uz,” na malamang ay nasa hilagang Arabia. Palibhasa’y inapo ng anak ni Noe na si Shem, siya’y mananamba kay Jehova. Ang mga pagsubok kay Job ay maaaring naganap sa pagitan ng kamatayan ni Jose at noong panahong pinatunayan ni Moises ang kaniyang pagiging matuwid. Noong panahong iyon ay walang sinuman sa lupa ang kagaya ni Job sa kaniyang debosyon sa Diyos. Itinuring ni Jehova si Job bilang isang lalaking walang-kapintasan, matuwid, at may-takot sa Diyos.—Job 1:1, 8.
3 Bilang “pinakadakila sa lahat ng taga-Silangan,” si Job ay may maraming alipin, at ang kaniyang mga hayupan ay may bilang na 11,500. Subalit ang kayamanan sa espirituwal ang pinakamahalaga sa kaniya. Gaya ng maka-Diyos na mga ama sa ngayon, malamang na tinuruan ni Job ang kaniyang pitong anak na lalaki at tatlong anak na babae ng tungkol kay Jehova. Kahit wala na sila sa kaniyang tahanan, siya’y tumatayo pa ring saserdote ng pamilya sa pamamagitan ng paghahandog ng mga hain para sa kanila, kung sakaling sila’y nagkasala.—Job 1:2-5.
4. (a) Bakit dapat isaalang-alang ng pinag-uusig na mga Kristiyano ang lalaking si Job? (b) Kung tungkol kay Job, anu-anong tanong ang ating isasaalang-alang?
4 Si Job ang siyang dapat isaisip ng mga pinag-uusig na mga Kristiyano upang palakasin ang kanilang sarili na matiyagang makapagbata. “Narito!” isinulat ng alagad na si Santiago. “Ipinahahayag nating maligaya yaong mga nakapagbata. Narinig ninyo ang pagbabata ni Job at nakita ang kinalabasan na ibinigay ni Jehova, na si Jehova ay napakamagiliw sa pagmamahal at maawain.” (Santiago 5:11) Gaya ni Job, ang pinahirang mga alagad ni Jesus at ang kasalukuyang-panahong “malaking pulutong” ay nangangailangan ng pagbabata upang mapagtagumpayan ang mga pagsubok sa pananampalataya. (Apocalipsis 7:1-9) Samakatuwid, anu-anong pagsubok ang binatá ni Job? Bakit nangyari ang mga iyon? At papaano tayo makikinabang sa kaniyang mga karanasan?
Isang Mainit na Usapin
5. Lingid sa kaalaman ni Job, ano ang nangyayari sa langit?
5 Lingid sa kaalaman ni Job, isang mahalagang usapin ang malapit nang bumangon sa langit. Isang araw “ang mga anak ng tunay na Diyos ay pumasok upang humarap kay Jehova.” (Job 1:6) Ang bugtong na Anak ng Diyos, ang Salita, ay naroroon. (Juan 1:1-3) Gayundin ang matuwid na mga anghel at ang masuwaying mga anghel na ‘mga anak ng Diyos.’ (Genesis 6:1-3) Si Satanas ay naroroon, yamang hindi pa siya pinalalayas sa langit hanggang sa pagtatatag ng Kaharian noong 1914. (Apocalipsis 12:1-12) Sa kapanahunan ni Job, si Satanas ay magbabangon ng isang mainit na usapin. Magpapahiwatig siya ng pag-aalinlangan sa karapatan ng soberanya ni Jehova sa lahat ng Kaniyang mga nilalang.
6. Ano ang sinisikap na gawin ni Satanas, at papaano niya siniraang-puri si Jehova?
6 “Saan ka galing?” tanong ni Jehova. Sumagot si Satanas: “Sa pagparoo’t parito sa lupa at sa pagmamanhik-manaog doon.” (Job 1:7) Naghahanap na siya ng sinumang masisila. (1 Pedro 5:8, 9) Sa pamamagitan ng pagsira sa katapatan ng mga taong naglilingkod kay Jehova, sisikaping patunayan ni Satanas na walang sinumang susunod nang lubusan sa Diyos dahil lamang sa pag-ibig. Bilang tugon sa usapin, tinanong ni Jehova si Satanas: “Iyo bang pinagbuhusan ng pansin ang aking lingkod na si Job, na walang gaya niya sa lupa, isang lalaking walang-kapintasan at matuwid, may-takot sa Diyos at humihiwalay sa kasamaan?” (Job 1:8) Nasunod ni Job ang banal na mga pamantayan anupat pinagbigyan ang kaniyang di-kasakdalan. (Awit 103:10-14) Subalit pagalit na sumagot si Satanas: “Natatakot ba nang walang kabuluhan si Job sa Diyos? Hindi ba kinulong mo siya ng bakod at pati kaniyang sambahayan at lahat ng kaniyang pag-aari? Iyong pinagpala ang gawa ng kaniyang mga kamay, at ang kaniyang mga hayop ay dumami sa lupain.” (Job 1:9, 10) Sa gayo’y siniraang-puri ng Diyablo si Jehova sa pagpapahiwatig na walang sinumang umiibig at sumasamba sa Kaniya dahil sa Kaniyang katayuan kundi dahil lamang sa sinusuhulan Niya ang mga ito upang paglingkuran Siya. Ikinatuwiran ni Satanas na naglilingkod lamang si Job sa Diyos dahil sa sakim na pakinabang, hindi dahil sa pag-ibig.
Umatake si Satanas!
7. Sa anong paraan hinamon ng Diyablo ang Diyos, at papaano tumugon si Jehova?
7 “Ngunit,” sabi ni Satanas, “para mapaiba naman, pakisuyong iunat mo ang iyong kamay, at galawin ang lahat na taglay niya at tingnan mo kung hindi ka niya itatakwil nang mukhaan.” Papaano kaya sumagot ang Diyos sa gayong nakaiinsultong hamon? “Narito!” sabi ni Jehova. “Lahat ng mayroon siya ay nasa iyong kamay. Siya lamang ang huwag mong pagbubuhatan ng iyong kamay!” Sinabi ng Diyablo na lahat ng pag-aari ni Job ay pinagpala, pinarami, at binigyang-proteksiyon. Pahihintulutan ng Diyos na magdusa si Job, bagaman hindi sasaktan ang kaniyang katawan. Taglay ang kapasiyahang gumawa ng masama, iniwan ni Satanas ang pagkakatipon.—Job 1:11, 12.
8. (a) Anu-anong kapinsalaan sa materyal ang naranasan ni Job? (b) Ano ang katotohanan tungkol sa “ang apoy mismo ng Diyos”?
8 Di-nagtagal, nagsimula ang pag-atake ni Satanas. Isa sa mga alipin ni Job ang naghatid sa kaniya ng masamang balitang ito: “Ang mga baka mismo ay nangyaring nag-aararo at ang mga asno ay kumakain sa tabi nila nang ang mga Sabeo ay dumating at lumusob at dinala sila, at ang mga tagapaglingkod ay pinatay sa talim ng tabak.” (Job 1:13-15) Inalis na ang proteksiyon sa mga ari-arian ni Job. Halos kasabay nito, ang tuwirang kapangyarihan ng demonyo ay ipinataw, sapagkat isa pang alipin ang nag-ulat: “Ang apoy mismo ng Diyos ay bumagsak mula sa langit at sinunog ang mga tupa at ang mga tagapaglingkod at nilamon sila.” (Job 1:16) Tunay na makademonyo sapagkat pinagmistulang mula sa Diyos ang gayong kasakunaan na idinulot maging sa kaniyang sariling lingkod! Yamang ang kidlat ay galing sa langit, agad-agad na masisisi si Jehova, ngunit ang totoo ang apoy ay mula sa demonyo.
9. Papaano nakaapekto ang pagkawala ng kabuhayan sa kaugnayan ni Job sa Diyos?
9 Habang patuloy si Satanas sa pag-atake, isa pang alipin ang nag-ulat na dinala ng mga Caldeo ang mga kamelyo ni Job at pinagpapatay ang iba pang mga tagapaglingkod. (Job 1:17) Bagaman dinanas ni Job ang pagkawala ng kabuhayan, hindi ito nakasira sa kaniyang kaugnayan sa Diyos. Mababata mo ba ang napakalaking kawalan sa materyal nang hindi sinisira ang iyong katapatan kay Jehova?
Mas Malaking Trahedya ang Dumating
10, 11. (a) Ano ang nangyari sa sampung anak ni Job? (b) Pagkatapos ng malagim na kamatayan ng mga anak ni Job, papaano niya minalas si Jehova?
10 Hindi pa tapos ang Diyablo kay Job. Isa pang alipin ang nag-ulat: “Ang iyong mga anak na lalaki at babae ay kumakain at umiinom ng alak sa bahay ng kanilang kapatid na panganay. At, narito! dumating ang malakas na hangin mula sa ilang, at hinampas ang apat na sulok ng bahay, at bumagsak sa mga kabataan at namatay sila. At ako’y nakatakas, ako lamang, upang sabihin sa iyo.” (Job 1:18, 19) Ang isang nakarinig ng maling balita ay maaaring magsabi na ang pagkawasak na ibinunga ng hanging iyon ay ‘isang gawa ng Diyos.’ Gayunman, nasaling ng kapangyarihan ng demonyo ang pinakamahinang bahagi ng damdamin ni Job.
11 Dulot ng dalamhati, ‘hinapak [ni Job] ang kaniyang balabal, inahitan ang kaniyang ulo, nagpatirapa sa lupa at yumukod.’ Magkagayon man, pakinggan ang kaniyang mga salita. “Si Jehova mismo ang nagbigay, at si Jehova mismo ang nag-alis. Hayaang ang pangalan ni Jehova ay patuloy na purihin.” Idinagdag pa ng ulat: “Sa lahat ng ito si Job ay hindi nagkasala o nagpalagay ng anumang di-angkop sa Diyos.” (Job 1:20-22) Minsan pang natalo si Satanas. Ano kaya kung dumanas tayo ng pangungulila at pamimighati bilang mga lingkod ng Diyos? Ang walang pag-iimbot na debosyon kay Jehova at pagtitiwala sa kaniya ay magpapangyari sa atin na makapagbata bilang tagapag-ingat ng katapatan, gaya ng ginawa ni Job. Ang mga pinahiran at ang kanilang mga kasama na ang pag-asa’y sa lupa ay tiyak na makakukuha ng kaaliwan at kalakasan mula sa ulat na ito ng pagtitiis ni Job.
Lalong Uminit ang Usapin
12, 13. Sa isa pang pagkakatipon sa langit, ano ang hiniling ni Satanas, at papaano tumugon ang Diyos?
12 Di-nagtagal ay nagpatawag si Jehova ng isa pang pagkakatipon sa makalangit na korte. Si Job ay isa na ngayong walang-anak, taong hikahos, na waring pinapaghirap ng Diyos, subalit ang kaniyang katapatan ay nanatili. Mangyari pa, hindi aaminin ni Satanas na mali ang kaniyang akusasyon laban sa Diyos at kay Job. Ngayon ay maririnig na ng ‘mga anak ng Diyos’ ang argumento at kontra-argumento habang minamaneobra ni Jehova ang Diyablo upang paglabanan na ang usapin.
13 Bilang pagsisiyasat kay Satanas, nagtanong si Jehova: “Saan ka nga ba galing?” Ang tugon? “Sa pagpaparoot parito sa lupa at sa pagmamanhik-manaog doon.” Muling pinansin ni Jehova ang kaniyang walang-kapintasan, matuwid, may-takot sa Diyos na lingkod na si Job, na matibay pa ring nanghahawakan sa kaniyang katapatan. Sumagot ang Diyablo: “Balat kung balat, at lahat ng tinatangkilik ng tao ay ibibigay niya dahil sa kaniyang kaluluwa. Para mapaiba naman, pakisuyong iunat mo ang iyong mga kamay at galawin siya hanggang sa kaniyang buto at sa kaniyang laman at tingnan mo kung hindi ka niya itatakwil nang mukhaan.” Kaya sinabi ng Diyos: “Siya’y nasa iyong kamay! Ingatan mo lang ang kaniya mismong kaluluwa!” (Job 2:2-6) Sa pag-aakalang hindi pa inaalis ni Jehova ang lahat ng mga halang na pamproteksiyon, hiniling ni Satanas ang pamiminsala sa buto at laman ni Job. Hindi pahihintulutan na patayin ng Diyablo si Job; subalit alam ni Satanas na ang pisikal na pagkakasakit ay magpapahirap sa kaniya at magtitinging siya’y pinarurusahan ng Diyos dahil sa lihim na pagkakasala.
14. Ano ang pinasibol ni Satanas kay Job, at bakit walang sinumang tao ang makagagamot sa nagdurusa?
14 Nang paalisin na sa pagkakatipong iyon, nagpatuloy si Satanas sa pagsasagawa ng kaniyang napakasamang hangarin. Pinasibulan niya si Job ng “masamang bukol mula sa talampakan ng kaniyang paa hanggang sa tuktok ng kaniyang ulo.” Anong hirap ang tiniis ni Job habang siya’y nakaupo sa mga abo at kinakayod ang sarili ng bibinga ng palayok! (Job 2:7, 8) Walang sinumang manggagamot ang nakapagbigay ng ginhawa mula sa totoong makirot, nakapandidiri, at nakahihiyang sakit, yamang ito’y dulot ng kapangyarihan ni Satanas. Tanging si Jehova lamang ang makagagamot kay Job. Kung ikaw ay isang may-karamdamang lingkod ng Diyos, huwag kalilimutang si Jehova’y makatutulong sa iyo upang makapagbata at makapagbibigay sa iyo ng buhay sa isang ligtas-sa-sakit na bagong sanlibutan.—Awit 41:1-3; Isaias 33:24.
15. Ano ang hinimok ng asawa ni Job na gawin niya, at ano ang kaniyang reaksiyon?
15 Sa wakas, sinabi ng asawa ni Job: “Namamalagi ka pa ba sa iyong katapatan? Itakwil mo ang Diyos at mamatay ka!” Ang “katapatan” ay nangangahulugan ng sakdal na debosyon, at maaaring siya’y nagsalita nang may panunuya upang isumpa ni Job ang Diyos. Subalit sumagot siya: “Kung papaanong nagsasalita ang isa sa mga hangal na babae, gayon ka rin nagsasalita. Tatanggapin ba lamang natin ang mabuti mula sa tunay na Diyos at hindi na tatanggapin ang masama?” Maging ang taktikang ito ni Satanas ay hindi naging mabisa, sapagkat tayo’y sinabihan: “Sa lahat ng ito ay hindi nagkasala si Job ng kaniyang mga labi.” (Job 2:9, 10) Halimbawang sabihin ng sumasalansang na mga miyembro ng pamilya na may-kahangalang pinapagod lamang natin ang ating mga sarili sa mga gawain natin bilang mga Kristiyano at pilitin tayong itakwil ang Diyos na Jehova. Gaya ni Job, ay mapagtitiisan natin ang gayong pagsubok sapagkat mahal natin si Jehova at nagnanais na purihin ang kaniyang banal na pangalan.—Awit 145:1, 2; Hebreo 13:15.
Tatlong Mapagmagaling na Impostor
16. Sinu-sino ang dumating, na dapat sanang umaliw kay Job, ngunit papaano sila inimpluwensiyahan ni Satanas?
16 Sa lumabas na isa pang balak ni Satanas, tatlong “kasamahan” ang dumating, upang di-umano’y aliwin si Job. Ang isa ay si Eliphaz, malamang na inapo ni Abraham sa pamamagitan ni Esau. Yamang si Eliphaz ang may karapatang magsalita muna, walang-alinlangang siya ang pinakamatanda. Naroroon din si Bildad, inapo ni Shuah, isa sa mga anak ni Abraham kay Keturah. Ang ikatlong lalaki ay si Sophar, tinawag na Naamathita upang ipakilala ang kaniyang pamilya o lugar na tirahan, marahil sa hilagang-kanluran ng Arabia. (Job 2:11; Genesis 25:1, 2; 36:4, 11) Gaya niyaong sumusubok sa mga Saksi ni Jehova sa ngayon na itakwil ang Diyos, ang tatlong ito man ay inimpluwensiyahan ni Satanas upang magsikap na mapaamin si Job sa maling mga paratang at sirain ang kaniyang katapatan.
17. Ano ang ginawa ng tatlong dumalaw, at ano ang hindi nila ginawa sa loob ng pitong araw at pitong gabi?
17 Nagpakita ang tatlo ng simpatiya sa pamamagitan ng pagtangis, paghapak ng kanilang mga kasuutan, at pagsasaboy ng alabok sa kanilang mga ulo. Ngunit sila’y naupong kasama ni Job nang pitong araw at pitong gabi na wala namang sinasabi ni isang salitang pang-aliw! (Job 2:12, 13; Lucas 18:10-14) Ang tatlong mapagmagaling na impostor na ito ay kulang na kulang sa espirituwalidad anupat wala silang masabing nakaaaliw tungkol kay Jehova at sa kaniyang mga pangako. Gayunman, sila’y bumubuo ng maling sapantaha at naghahandang gamitin ang mga iyon laban kay Job karaka-raka pagkatapos na sila’y makasunod na sa pormalismo ng pamimighati sa harap ng madla. Kapansin-pansin, bago matapos ang pitong-araw na pananahimik, ang batang si Elihu ay umupo sa lugar na maririnig niya ang usapan.
18. Bakit hinangad ni Job ang kapayapaan sa pamamagitan ng kamatayan?
18 Sa wakas ay pinutol ni Job ang katahimikan. Nang walang makuhang kaaliwan mula sa tatlong dumalaw, isinumpa niya ang araw ng kaniyang kapanganakan at nagtataka kung bakit pinatatagal pa ang kaniyang paghihirap sa buhay. Hinangad niya ang kapayapaan sa pamamagitan ng kamatayan, ni hindi naisip na matatamasa pa niyang muli ang tunay na kaligayahan bago siya mamatay, ngayon na siya’y hikahos, ulila, at may malubhang karamdaman. Subalit hindi hahayaan ng Diyos na saktan si Job na magiging dahilan ng kaniyang kamatayan.—Job 3:1-26.
Umatake ang Nagpaparatang kay Job
19. Sa anong mga paraan maling pinaratangan ni Eliphaz si Job?
19 Unang nagsalita si Eliphaz sa tatlong paghaharap sa debate na sumubok pa nang higit sa katapatan ni Job. Sa kaniyang unang pagsasalita, nagtanong si Eliphaz: “Saan nahiwalay ang mga matuwid?” Naghinuha siya na may nagawang masama si Job kung kaya dapat tumanggap ng kaparusahan ng Diyos. (Job, kabanata 4, 5) Sa kaniyang ikalawang pagsasalita, nilibak ni Eliphaz ang karunungan ni Job at nagtanong: “Ano ang iyong aktuwal na nalalaman na hindi namin nalalaman?” Ipinahihiwatig ni Eliphaz na nais itanghal ni Job na siya mismo ay nakahihigit sa Makapangyarihan-sa-lahat. Sa pagtatapos ng kaniyang ikalawang pag-atake, inilarawan niya si Job na nagkasala ng apostasya, panunuhol, at pagsisinungaling. (Job, kabanata 15) Sa kaniyang katapusang pagsasalita, maling pinaratangan ni Eliphaz si Job ng maraming krimen—pangingikil, pagkakait ng tinapay at tubig sa mga nangangailangan, at pagmamalupit sa mga biyuda at mga ulila.—Job, kabanata 22.
20. Ano ang uri ng mga pag-atake ni Bildad kay Job?
20 Bilang ikalawang tagapagsalita sa bawat tatlong paghaharap sa debate, karaniwan nang sinusunod ni Bildad ang pangkalahatang tema na itinatag ni Eliphaz. Ang mga pananalita ni Bildad ay mas maigsi ngunit mas masakit. Pinaratangan pa nga niya ang mga anak ni Job na gumagawa ng masama kung kaya karapat-dapat mamatay. Taglay ang maling pangangatuwiran, ginamit niya ang ilustrasyong ito: Kung papaanong ang papiro at ang tambo ay matutuyo at mamamatay kung walang tubig, gayundin ang “lahat ng lumilimot sa Diyos.” Totoo ang pangungusap na iyan, subalit hindi iyan kumakapit kay Job. (Job, kabanata 8) Itinuring ni Bildad na ang paghihirap ni Job ay yaong sumasapit sa mga balakyot. (Job, kabanata 18) Sa kaniyang maikli at ikatlong pagsasalita, nangatuwiran si Bildad na ang tao ay “isang uod” at “isang bulati” at sa gayo’y marumi sa harapan ng Diyos.—Job, kabanata 25.
21. Sa ano pinaratangan ni Sophar si Job?
21 Si Sophar ang ikatlong nagsalita sa debate. Sa kabuuan, ang kaniyang pangangatuwiran ay katulad ng kina Eliphaz at Bildad. Pinaratangan ni Sophar si Job na balakyot at hinimok siyang iwasan na ang kaniyang makasalanang mga gawa. (Job, kabanata 11, 20) Pagkatapos ng dalawang paghaharap huminto ng pagsasalita si Sophar. Wala na siyang maidagdag sa ikatlong paghaharap. Gayunman, sa buong panahon ng debate, lakas-loob na sinagot ni Job ang mga nagpaparatang sa kaniya. Halimbawa, sa isang pagkakataon ay sinabi niya: “Lahat kayo’y maliligalig na mga mang-aaliw! May wakas ba ang walang-kabuluhang mga salita?”—Job 16:2, 3.
Makapagtitiis Tayo
22, 23. (a) Gaya sa kaso ni Job, papaano maaaring kumilos ang Diyablo upang subuking sirain ang ating katapatan sa Diyos na Jehova? (b) Bagaman nagtitiis si Job ng iba’t ibang pagsubok, ano ang ating maitatanong kung tungkol sa kaniyang paggawi?
22 Gaya ni Job, baka mapaharap tayo sa higit sa isang pagsubok sa isang pagkakataon, at baka gumamit si Satanas ng pagkasira ng loob o iba pang mga bagay sa kaniyang pagsisikap na sirain ang ating katapatan. Baka subukin niyang italikod tayo kay Jehova kung nagkakaroon tayo ng mga suliranin sa kabuhayan. Kapag namatay ang isang minamahal o kaya’y dumanas tayo ng karamdaman, baka subukin ni Satanas na udyukan tayong sisihin ang Diyos. Gaya ng mga kasamahan ni Job, baka may magparatang sa atin ng mali. Tulad ng sinabi ni Brother Macmillan, baka ‘tinutugis tayo ni Satanas,’ ngunit makapagtitiis tayo.
23 Gaya ng ating napansin hanggang sa ngayon, nagbata si Job ng iba’t ibang pagsubok sa kaniya. Gayunman, basta na lamang ba siya nakapagtiis? Aktuwal ba siyang nagkaroon ng isang bagbag na espiritu? Tingnan natin kung talagang nawala nang lahat ang pag-asa ni Job.
Papaano Mo Sasagutin?
◻ Anong malaking usapin ang ibinangon ni Satanas noong kapanahunan ni Job?
◻ Sa anong paraan sinubok si Job sa pinakasukdulan?
◻ Sa ano inakusahan si Job ng kaniyang tatlong “kasamahan”?
◻ Gaya sa kaso ni Job, papaano tayo maaaring subukin ni Satanas na sirain ang ating katapatan kay Jehova?
[Larawan sa pahina 10]
A. H. Macmillan