Buhay na Walang Hanggan sa Lupa—Pag-asang Mula sa Diyos
“Ang sangnilalang ay ipinasakop sa kawalang-saysay . . . salig sa pag-asa.”—ROMA 8:20.
1, 2. (a) Bakit mahalaga sa atin ang pag-asang buhay na walang hanggan sa lupa? (b) Bakit marami ang nag-aalinlangan sa pag-asang ito?
MARAHIL ay tuwang-tuwa ka nang una mong matutuhan na sa malapit na hinaharap, hindi na tatanda at mamamatay ang mga tao kundi mabubuhay sila magpakailanman sa lupa. (Juan 17:3; Apoc. 21:3, 4) Malamang na nalulugod kang sabihin sa iba ang maka-Kasulatang pag-asang ito yamang mahalagang bahagi ito ng mabuting balita. Binago nito ang ating pananaw sa buhay.
2 Binabale-wala ng karamihan sa mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan ang pag-asang buhay na walang hanggan sa lupa. Bagaman itinuturo ng Bibliya na namamatay ang kaluluwa, itinuturo ng maraming simbahan na kapag namatay ang isang tao, may kaluluwang patuloy na nabubuhay at nagpupunta sa daigdig ng mga espiritu. (Ezek. 18:20) Kaya marami ang nag-aalinlangan sa buhay na walang hanggan sa lupa. Kaya maitatanong natin: Talaga bang nasa Bibliya ang pag-asang iyan? Kung oo, kailan ito unang isiniwalat ng Diyos sa mga tao?
“Ipinasakop sa Kawalang-Saysay . . . Salig sa Pag-asa”
3. Paano isiniwalat ang layunin ng Diyos para sa tao noong una?
3 Sa simula pa lamang ng kasaysayan ng tao, isiniwalat na ni Jehova ang kaniyang layunin para sa sangkatauhan. Malinaw na ipinahiwatig ng Diyos kay Adan na kung magiging masunurin siya, mabubuhay siya magpakailanman. (Gen. 2:9, 17; 3:22) Tiyak na nalaman ng mga unang inapo ni Adan kung paano naging di-sakdal ang tao. Kitang-kita nilang unti-unting tumatanda at namamatay ang mga tao, at hindi sila pinahihintulutang pumasok sa hardin ng Eden. (Gen. 3:23, 24) Sa paglipas ng panahon, umikli ang buhay ng tao. Nabuhay si Adan sa loob ng 930 taon. Si Sem, na nakaligtas sa Baha, ay nabuhay lamang ng 600 taon samantalang ang anak niyang si Arpacsad ay 438 taon. Si Tera, ang ama ni Abraham, ay nabuhay nang 205 taon. Si Abraham naman ay 175 taon, ang kaniyang anak na si Isaac ay 180 taon, at si Jacob ay 147 taon. (Gen. 5:5; 11:10-13, 32; 25:7; 35:28; 47:28) Tiyak na natanto ng maraming tao kung ano ang kahulugan ng pag-ikli ng buhay—hindi na sila maaaring mabuhay nang walang hanggan! May dahilan ba para maniwalang maaari tayong muling mabuhay magpakailanman?
4. Bakit naniwala ang mga tapat noong una na isasauli ng Diyos ang mga pagpapalang naiwala ni Adan?
4 Sinasabi ng Salita ng Diyos: “Ang sangnilalang [ang sangkatauhan] ay ipinasakop sa kawalang-saysay . . . salig sa pag-asa.” (Roma 8:20) Anong pag-asa? Binanggit ng kauna-unahang hula sa Bibliya ang tungkol sa “binhi” na ‘susugat sa ulo ng serpiyente.’ (Basahin ang Genesis 3:1-5, 15.) Para sa mga tapat, ang pangako hinggil sa Binhing iyon ang patotoo na tutuparin ng Diyos ang kaniyang layunin para sa sangkatauhan. Ito ang dahilan kung bakit nagtiwala ang mga taong gaya nina Abel at Noe na isasauli ng Diyos ang mga pagpapalang naiwala ni Adan. Malamang na natanto nilang ang ‘pagsugat sa sakong ng binhi’ ay nangangahulugan ng pagtigis ng dugo.—Gen. 4:4; 8:20; Heb. 11:4.
5. Ano ang nagpapakitang may pananampalataya si Abraham sa pagkabuhay-muli?
5 Isaalang-alang si Abraham. Nang subukin siya, ‘para na rin niyang inihandog si Isaac, ang kaniyang bugtong na anak.’ (Heb. 11:17) Bakit handa niyang gawin ito? (Basahin ang Hebreo 11:19.) Naniniwala siya sa pagkabuhay-muli, at may dahilan naman siya! Isinauli ni Jehova ang kakayahan ni Abraham at ni Sara na magkaanak sa kabila ng kanilang katandaan. (Gen. 18:10-14; 21:1-3; Roma 4:19-21) Nangako rin sa kaniya si Jehova: “Ang tatawaging iyong binhi ay magiging sa pamamagitan nga ni Isaac.” (Gen. 21:12) Oo, may matitibay na dahilan si Abraham na bubuhaying muli ng Diyos si Isaac.
6, 7. (a) Ano ang ipinakipagtipan ni Jehova kay Abraham? (b) Paano nagbigay ng pag-asa sa sangkatauhan ang pangako ni Jehova kay Abraham?
6 Dahil sa namumukod-tanging pananampalataya ni Abraham, nakipagtipan sa kaniya si Jehova hinggil sa kaniyang supling, o “binhi.” (Basahin ang Genesis 22:18.) Ang pangunahing bahagi ng “binhi” ay si Jesu-Kristo. (Gal. 3:16) Sinabi ni Jehova kay Abraham na ang kaniyang “binhi” ay pararamihin “tulad ng mga bituin sa langit at tulad ng mga butil ng buhangin na nasa baybay-dagat.” (Gen. 22:17) Nang maglaon, isiniwalat ang bilang ng binhi. Si Jesu-Kristo at ang 144,000, na mamamahalang kasama niya sa kaniyang Kaharian, ang bumubuo sa “binhi.” (Gal. 3:29; Apoc. 7:4; 14:1) Ang Mesiyanikong Kaharian ang gagamitin ni Jehova upang ‘pagpalain ng lahat ng bansa sa lupa ang kanilang sarili.’
7 Siguradong hindi lubusang naunawaan ni Abraham ang pakikipagtipan ni Jehova sa kaniya. Gayunpaman, ‘hinintay niya ang lunsod na may tunay na mga pundasyon,’ ang sabi ng Bibliya. (Heb. 11:10) Ang lunsod na iyan ay ang Kaharian ng Diyos. Upang tumanggap ng mga pagpapala mula sa Kahariang ito, kailangang buhaying muli si Abraham. Sa gayong paraan, makakamit niya ang buhay na walang hanggan sa lupa. Maaari ding makamit ito ng mga makaliligtas sa Armagedon at ng mga bubuhaying muli.—Apoc. 7:9, 14; 20:12-14.
“Ang Espiritu ay Nagdulot ng Kaigtingan sa Akin”
8, 9. Bakit natin masasabi na hindi lamang tungkol sa pagsubok sa isang tao ang aklat na Job?
8 Sa pagitan ng panahon ni Jose, ang apo sa tuhod ni Abraham, at ng propetang si Moises, nabuhay si Job. Ipinaliwanag ng aklat na Job, na malamang na isinulat ni Moises, kung bakit pinahintulutan ni Jehova na magdusa si Job at kung ano ang nangyari sa kaniya sa dakong huli. Pero hindi lamang tungkol sa pagsubok kay Job ang aklat na ito. Tinalakay rin nito ang mga usaping nakaaapekto sa lahat ng matalinong nilalang ng Diyos. Ipinakita nito ang pagiging matuwid ng pamamahala ni Jehova. Isiniwalat nito na nasasangkot sa isyung ibinangon sa Eden ang katapatan at pag-asang buhay na walang hanggan ng lahat ng lingkod ng Diyos sa lupa. Bagaman hindi naunawaan ni Job ang isyung ito, hindi siya nagpaapekto sa paratang ng kaniyang tatlong kasama na hindi siya nanatiling tapat sa Diyos. (Job 27:5) Mapapatibay ng karanasan ni Job ang ating pananampalataya at tutulong ito sa atin na matantong kaya nating manatiling tapat at itaguyod ang soberanya ni Jehova.
9 Pagkatapos magsalita ng tatlong di-umano’y mang-aaliw ni Job, si “Elihu na anak ni Barakel na Buzita ay sumagot.” Ano ang nagpakilos sa kaniya na magsalita? Sinabi niya: “Ako ay napuno ng mga salita; ang espiritu ay nagdulot ng kaigtingan sa akin sa aking tiyan.” (Job 32:5, 6, 18) Bagaman kay Job natupad ang sinabi ni Elihu, matutupad din ito sa lahat ng tapat na lingkod ng Diyos. Nagbibigay ito sa kanila ng pag-asa.
10. Ano ang nagpapakita na ang mensahe ni Jehova sa isang tao ay maaari ding kumapit kung minsan sa sangkatauhan?
10 Kung minsan, may mensahe si Jehova sa isang tao na kapit din naman sa sangkatauhan. Halimbawa, humula noon si Daniel tungkol sa panaginip ng hari ng Babilonya na si Nabucodonosor may kaugnayan sa pagbagsak ng isang napakalaking puno. (Dan. 4:10-27) Bagaman natupad ang hulang ito kay Nabucodonosor, mayroon itong mas malaking katuparan. Ipinahiwatig nito na ang pamamahala ng Diyos sa lupa sa pamamagitan ng isang kaharian mula sa talaangkanan ni Haring David ay muling itatatag pagkatapos ng 2,520 taon, pasimula 607 B.C.E.a Ang pamamahala ng Diyos may kaugnayan sa lupa ay muling itinatag nang iluklok si Jesu-Kristo bilang Hari sa langit noong 1914. Isip-isipin na lamang kung paano malapit nang tuparin ng Kaharian ang pag-asa ng masunuring sangkatauhan!
“Sagipin Siya Mula sa Pagkababa sa Hukay!”
11. Ano ang ipinahihiwatig ng mga salita ni Elihu tungkol sa Diyos?
11 Bilang sagot kay Job, tinukoy ni Elihu ang isang ‘mensahero, isang tagapagsalita, isa sa isang libo, upang sabihin sa tao ang kaniyang katuwiran.’ Paano kung ‘mamanhik ang mensahero sa Diyos upang kalugdan siya nito’? Sinabi ni Elihu: “Kung magkagayon ay lilingapin . . . siya [ng Diyos] at sasabihin, ‘Sagipin siya mula sa pagkababa sa hukay! Nakasumpong ako ng pantubos! Maging higit na sariwa pa ang kaniyang laman kaysa noong kabataan; mabalik siya sa mga araw ng lakas ng kaniyang kabataan.’” (Job 33:23-26) Ipinahihiwatig ng mga salitang ito na handa ang Diyos na tanggapin ang isang “pantubos” para sa nagsisising mga tao.—Job 33:24.
12. Anong pag-asa para sa sangkatauhan ang inilalaan ng mga salita ni Elihu?
12 Malamang na hindi lubusang naunawaan ni Elihu ang kahalagahan ng pantubos kung paanong hindi rin lubusang naunawaan ng mga propeta ang lahat ng isinulat nila. (Dan. 12:8; 1 Ped. 1:10-12) Gayunman, ang mga salita ni Elihu ay nagbigay ng pag-asa na darating ang panahon na tatanggap ang Diyos ng isang pantubos na magpapalaya sa sangkatauhan mula sa pagtanda at kamatayan. Ito ay naglaan din ng kamangha-manghang pag-asang buhay na walang hanggan. Ipinakikita sa aklat na Job na magkakaroon ng pagkabuhay-muli.—Job 14:14, 15.
13. Bakit mahalaga ang mga salita ni Elihu para sa mga Kristiyano?
13 Sa ngayon, mahalaga pa rin ang mga salita ni Elihu sa milyun-milyong Kristiyano na umaasang makaliligtas sa pagkawasak ng sistemang ito ng mga bagay. Ang mga makaliligtas na may-edad na ay babalik sa kalakasan ng kanilang kabataan. (Apoc. 7:9, 10, 14-17) Bukod diyan, tiyak na patuloy na nananabik ang mga tapat na makitang babalik sa kalakasan ng kabataan ang mga bubuhaying muli. Sabihin pa, nakadepende sa pananampalataya sa haing pantubos ni Kristo ang pag-asang imortalidad sa langit para sa mga pinahirang Kristiyano at buhay na walang hanggan sa lupa para sa mga “ibang tupa” ni Jesus.—Juan 10:16; Roma 6:23.
Lalamunin ang Kamatayan Mula sa Lupa
14. Ano ang nagpapakitang higit pa sa Kautusang Mosaiko ang kailangan ng mga Israelita upang magkaroon ng buhay na walang hanggan?
14 Naging isang bansa ang mga supling ni Abraham nang makipagtipan sila sa Diyos. Nang ibigay ni Jehova ang Kautusan sa kanila, sinabi niya: “Tutuparin ninyo ang aking mga batas at ang aking mga hudisyal na pasiya, na kung gagawin ng isang tao ay mabubuhay rin siya sa pamamagitan ng mga iyon.” (Lev. 18:5) Pero yamang hindi nila lubusang nasunod ang sakdal na pamantayan ng Kautusan, nagsilbi itong sumpa sa mga Israelita. Sa gayon, kailangan nilang mapalaya mula sa sumpa.—Gal. 3:13.
15. Anong pagpapala sa hinaharap ang isinulat ni David?
15 Bukod kay Moises, kinasihan din ni Jehova ang ibang manunulat ng Bibliya upang sabihin ang tungkol sa pag-asang buhay na walang hanggan. (Awit 21:4; 37:29) Halimbawa, tinapos ni David ang awit niya tungkol sa pagkakaisa ng mga mananamba sa Sion: “Doon iniutos ni Jehova na mamalagi ang pagpapala, maging ang buhay hanggang sa panahong walang takda.”—Awit 133:3.
16. Ano ang ipinangako ni Jehova sa “buong lupa” na inihula ni Isaias?
16 Kinasihan ni Jehova si Isaias na humula tungkol sa buhay na walang hanggan sa lupa. (Basahin ang Isaias 25:7, 8.) Ang kasalanan at kamatayan ay gaya ng isang talukbong na “bumabalot” sa sangkatauhan. Tinitiyak ni Jehova sa kaniyang bayan na ang kasalanan at kamatayan ay lalamunin, o aalisin “sa buong lupa.”
17. Ano ang inihulang papel ng Mesiyas na magbubukas ng daan sa buhay na walang hanggan?
17 Isaalang-alang din ang sinabi sa Kautusang Mosaiko tungkol sa kambing para kay Azazel. Minsan sa isang taon, sa Araw ng Pagbabayad-Sala, ‘ipinapatong ng mataas na saserdote ang kaniyang dalawang kamay sa ulo ng kambing na buháy at ipinagtatapat sa ibabaw nito ang lahat ng kamalian ng mga anak ni Israel, at inilalagay niya ang mga iyon sa ulo ng kambing at dinadala ng kambing sa isang disyertong lupain ang lahat ng kanilang kamalian.’ (Lev. 16:7-10, 21, 22) Inihula ni Isaias ang pagdating ng Mesiyas na gaganap din ng katulad na papel at siyang mag-aalis ng “sakit,” “kirot,” at “kasalanan ng maraming tao,” anupat magbubukas ng daan sa buhay na walang hanggan.—Basahin ang Isaias 53:4-6, 12.
18, 19. Anong pag-asa ang itinampok sa Isaias 26:19 at Daniel 12:13?
18 Sa pamamagitan ni Isaias, sinabi ni Jehova sa kaniyang bayang Israel: “Ang iyong mga patay ay mabubuhay. Ang isang bangkay ko—sila ay babangon. Gumising kayo at humiyaw nang may kagalakan, kayong mga tumatahan sa alabok! Sapagkat ang iyong hamog ay gaya ng hamog ng mga malva, at maging yaong mga inutil sa kamatayan ay palalaglagin ng lupa upang maipanganak.” (Isa. 26:19) Malinaw na binabanggit sa Hebreong Kasulatan ang tungkol sa pag-asang pagkabuhay-muli at buhay na walang hanggan sa lupa. Halimbawa, nang si Daniel ay halos 100 taóng gulang na, tiniyak sa kaniya ni Jehova: “Magpapahinga ka, ngunit tatayo ka para sa iyong kahinatnan sa kawakasan ng mga araw.”—Dan. 12:13.
19 Dahil naniniwala si Marta sa pagkabuhay-muli, sinabi niya kay Jesus tungkol sa namatay niyang kapatid: “Alam kong babangon siya sa pagkabuhay-muli sa huling araw.” (Juan 11:24) Binago ba ng mga turo ni Jesus at ng mga kinasihang sulat ng kaniyang mga alagad ang pag-asang ito? Ang pag-asa pa rin ba ng buhay na walang hanggan ang iniaalok ni Jehova sa sangkatauhan? Tatalakayin natin ang mga sagot sa susunod na artikulo.
[Talababa]
a Tingnan ang kabanata 6 ng aklat na Magbigay-Pansin sa Hula ni Daniel!
Maipaliliwanag Mo Ba?
• Ano ang pag-asa ng sangkatauhang “ipinasakop sa kawalang-saysay”?
• Ano ang nagpapakita na may pananampalataya si Abraham sa pagkabuhay-muli?
• Anong pag-asa para sa sangkatauhan ang inilalaan ng mga salita ni Elihu kay Job?
• Paano idiniriin ng Hebreong Kasulatan ang pag-asang pagkabuhay-muli at buhay na walang hanggan sa lupa?
[Larawan sa pahina 5]
Ang mga salita ni Elihu kay Job ay naglaan ng pag-asa na makalalaya ang mga tao mula sa pagtanda at kamatayan
[Larawan sa pahina 6]
Tiniyak kay Daniel na ‘tatayo siya para sa kaniyang kahinatnan sa kawakasan ng mga araw’