Gaano Ka Katagal Maaaring Mabuhay?
“Maging higit na sariwa pa ang kaniyang laman kaysa noong kabataan; mabalik siya sa mga araw ng lakas ng kaniyang kabataan.”—JOB 33:25.
KAPAG namatay ang isang aso sa edad na 10 o 20 taon, nagawa na nito marahil ang lahat ng bagay na puwedeng magawa ng isang aso. Baka nagkaanak na ito, nakapanghabol ng mga pusa, nakapagtago ng nginangatngat na buto, at nakapagbantay sa kaniyang amo. Ngunit kapag namatay ang isang tao sa edad na 70 o 80 taon, katiting lamang ng kaniyang potensiyal ang nagamit niya. Kung mahilig siya sa mga isport, malamang na naging napakahusay niya sa isa o dalawa lamang sa mga ito. Kung musika naman ang hilig niya, naging bihasa siya marahil sa pagtugtog ng isa o dalawang instrumento lamang. Kung giliw na giliw siya sa pakikipag-usap sa mga tao sa kanilang wika, malamang na naging matatas siya sa pagsasalita ng dalawa hanggang tatlong wika lamang. Marami pa sana siyang magagawa na ikasisiya niya—makipagkilala sa mga tao, makatuklas ng bagong mga bagay, at higit na mapalapit sa Diyos—kung mabubuhay lamang sana siya nang mas matagal.
Baka maitanong mo, ‘Bakit kaya nilalang ng Diyos ang tao na may kakayahang masiyahan sa napakaraming bagay para lamang mabuhay nang sandali at masiphayo sa kaiklian ng buhay?’ Ang maikling buhay ng tao ay waring hindi tumutugma sa nilayong disenyo nito na kitang-kita sa mga nilalang. Marahil iniisip mo rin, ‘Bakit kaya nilikha ng Diyos ang tao na may pambihirang katangiang tulad ng katarungan at pagkamahabagin ngunit mayroon ding tendensiyang gumawi nang masama?’
Kung may makita kang magarang kotse na may yuping nagpapangit dito, iisipin mo ba na kasama ito sa disenyo ng kotse? Siyempre, hindi! Malamang na sasabihin mo, ‘Tiyak na hindi ganito ang pagkakadisenyo sa kotseng ito. Malamang na maganda ang pagkakagawa sa sasakyang ito, ngunit may sumira rito.’ Gayundin naman, kapag bubulay-bulayin natin ang kamangha-manghang pagkakalalang sa atin, masasabi natin na ang kalagayan natin ngayon ay hindi naman talagang siyang nilayon para sa atin. Ang kaiklian ng ating buhay at ang tendensiya nating gumawi nang masama ay tulad ng pangit na yupi sa isang magarang kotse. Maliwanag na mayroon talagang sumira sa sakdal na buhay na ipinamana sa tao. Sino ang may kagagawan nito? Maliwanag na pinatutunayan ng mga ebidensiya mula sa Bibliya na may isang salarin.
Kung sa pasimula ay nilikha ang tao na may kakayahang mabuhay nang walang hanggan, sino kaya ang sumira sa pamanang ito ng buong sangkatauhan? Walang iba kundi ang orihinal na ninuno ng lahat ng tao, ang pinagmulan nating lahat. Maliban sa kaniya, ang masisira lamang ng taong gagawa nito ay ang mga gene ng kaniyang mga inapo, isang grupo lamang ng tao. Sumasang-ayon ang Salita ng Diyos, ang Bibliya, sa di-matututulang katotohanan nang sabihin nito: “Sa pamamagitan ng isang tao [ni Adan, ang unang tao] ang kasalanan ay pumasok sa sanlibutan at ang kamatayan sa pamamagitan ng kasalanan, at sa gayon ang kamatayan ay lumaganap sa lahat ng tao.” (Roma 5:12) Kaya hinahatulan ng Kasulatan si Adan bilang siyang sumira sa ating pamana. Ano ba talaga ang orihinal na pagkakadisenyo sa tao?
Pag-unawa sa Orihinal na Disenyo
Sa pagsasabing ang kamatayan ay “pumasok sa sanlibutan,” ipinahihiwatig ng Bibliya na hindi talaga nilayon sa pasimula na dumanas ng kamatayan ang sangkatauhan. Ang pagtanda at kamatayang nararanasan ng tao ay resulta ng paghihimagsik ng unang tao laban sa Diyos. Sa kabilang panig naman, ang mga hayop ay hindi nilayong mabuhay magpakailanman.—Genesis 3:21; 4:4; 9:3, 4.
Ibang-iba sa mga hayop ang pagkakadisenyo sa mga tao. Tayo ay mas mataas na anyo ng buhay kaysa sa mga hayop, kung paanong mas mataas na anyo ng buhay ang mga anghel kaysa sa mga tao. (Hebreo 2:7) Di-tulad ng mga hayop, ang tao ay nilalang “ayon sa larawan ng Diyos.” (Genesis 1:27) At di-gaya ng mga hayop, si Adan ay tinatawag sa Bibliya na “anak ng Diyos.” (Lucas 3:38) Kaya naman may makatuwirang dahilan tayo na maniwalang hindi talaga nilayong tumanda at mamatay ang tao. Hindi namamatay ang Diyos, at hindi niya nilalang ang kaniyang mga anak para mamatay lamang.—Habakuk 1:12; Roma 8:20, 21.
Higit pa tayong magkakaroon ng kaunawaan hinggil sa orihinal na pagkakadisenyo ng Diyos sa mga tao sa pamamagitan ng makasaysayang ulat ng unang mga henerasyon ng tao. Ang mga tao noong sinauna ay nabubuhay nang daan-daang taon bago tumanda. Nabuhay si Adan nang 930 taon. Sa sumunod na ilang henerasyon, ang anak na lalaki ni Noe na si Sem ay nabuhay na lamang nang 600 taon, at 438 taon naman ang kaniyang apong si Arpacsad.a (Genesis 5:5; 11:10-13) Nang maglaon, si Abraham ay nabuhay nang 175 taon. (Genesis 25:7) Dahil sa epekto ng kasalanan, umikli nang umikli ang buhay ng tao habang papalayo siya nang papalayo sa orihinal na sakdal na pagkakadisenyo sa kaniya. Ngunit sa pasimula, ang sangkatauhan ay nilalang upang mabuhay magpakailanman. Kung gayon, natural lamang na isipin natin, ‘Nais pa rin kaya ng Diyos na magkaroon ang tao ng buhay na walang hanggan dito sa lupa?’
Paglaya Mula sa Pagtanda
Yamang ipinahayag ng Diyos na Jehova na sinumang susuway sa kaniya ay mamamatay dahil sa kaniyang kasalanan, waring wala nang pag-asa ang mga inapo ni Adan. (Genesis 2:17) Magkagayunman, ang kinasihang Kasulatan ay nagbibigay ng pag-asa na may isang magbabayad para palayain ang tao mula sa pagtanda. Mababasa natin: “Sagipin siya mula sa pagkababa sa hukay! Nakasumpong ako ng pantubos! Maging higit na sariwa pa ang kaniyang laman kaysa noong kabataan; mabalik siya sa mga araw ng lakas ng kaniyang kabataan.” (Job 33:24, 25; Isaias 53:4, 12) Ipinakikita rito ng Bibliya ang isang kamangha-manghang pag-asa—ang pagbabayad ng isa ng pantubos na makapagpapalaya sa tao mula sa pagtanda!
Sino ang makapagbabayad ng pantubos na ito? Hindi ito matutumbasan ng anumang halaga ng pera. Tinutukoy ng Bibliya ang di-sakdal na sangkatauhan nang sabihin nito: “Walang isa man sa kanila ang sa paanuman ay makatutubos sa kaniyang kapatid, ni makapagbibigay man sa Diyos ng pantubos para sa kaniya . . . upang mabuhay pa siya magpakailanman.” (Awit 49:7-9) Gayunman, higit pa kaysa sa pera ang maibibigay ni Jesu-Kristo. Yamang siya ang Anak ng Diyos, hindi siya nagmana ng kasalanan ni Adan at sa gayo’y naging sakdal na tao noong naririto siya sa lupa. Sinabi ni Jesus na dumating siya upang “ibigay ang kaniyang kaluluwa bilang pantubos na kapalit ng marami.” Sa isa pang pagkakataon, sinabi niya: “Ako ay pumarito upang magkaroon sila ng buhay at magkaroon nito nang sagana.”—Mateo 20:28; Juan 10:10.
Ang pag-asang buhay na walang hanggan ay mahalagang paksa ng pangangaral ni Jesus. Ang kaniyang tapat na tagasunod na si Pedro ay minsang nagsabi sa kaniya: “Ikaw ang may mga pananalita ng buhay na walang hanggan.” (Juan 6:68) Ano ba ang ibig sabihin ng Bibliya kapag binabanggit nito ang buhay na walang hanggan?
Buhay na Walang Hanggan
Umasa ang mga apostol ni Jesus na mabuhay nang walang hanggan sa langit bilang bahagi ng makalangit na pamahalaan ng Kaharian ni Jesus. (Lucas 22:29; Juan 14:3) Ngunit madalas ding banggitin ni Jesus ang layunin ng Diyos para sa lupa. (Mateo 5:5; 6:10; Lucas 23:43) Kaya naman ang mga himala at turo ni Jesus tungkol sa buhay na walang hanggan ay patotoo ng pangako ng Diyos na naipahayag na niya noon pa man sa pamamagitan ni Isaias, na sumulat: “Lalamunin niya ang kamatayan magpakailanman, at tiyak na papahirin ng Soberanong Panginoong Jehova ang mga luha mula sa lahat ng mukha.” (Isaias 25:8) Ang buhay ng tao ay hindi na magiging saglit na panahon lamang ng kabataan na susundan ng mga taon ng kahinaan at katandaan.
Sa bagong sanlibutan ng Diyos, kapag naging sakdal na ang tapat na mga tao, hindi na sila tatanda. Sinasabi ng Bibliya: “Ang sangnilalang din mismo ay palalayain sa pagkaalipin sa kasiraan at magtatamo ng maluwalhating kalayaan ng mga anak ng Diyos.” (Roma 8:21) Gunigunihin mo! Patuloy na susulong ang mga tao sa karunungan at karanasan. At lumipas man ang daan-daang taon, hindi mababawasan ang lakas ng kanilang kabataan. Masasaksihan mo kaya ang panahong iyon?
Gaano Ka Kaya Katagal Mabubuhay?
Sinabi ni Jesus na malaki ang mababawas sa populasyon ng tao pagkatapos ng araw ng paghatol ng Diyos. (Mateo 24:21, 22) Sinabi ni Jesus: “Malapad at maluwang ang daan na umaakay patungo sa pagkapuksa, at marami ang mga pumapasok dito; samantalang makipot ang pintuang-daan at masikip ang daan na umaakay patungo sa buhay, at kakaunti ang mga nakasusumpong nito.”—Mateo 7:13, 14.
Upang mapabilang sa mga pagkakalooban ng buhay na walang hanggan, dapat na matamo mo ang paglingap ng Diyos. Ang pagkilala sa Diyos ang unang hakbang na magagawa mo. Ipinaliwanag ni Jesus: “Ito ay nangangahulugan ng buhay na walang hanggan, ang kanilang pagkuha ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging tunay na Diyos.” (Juan 17:3) Sabihin pa, kailangang magsikap ka upang higit na makilala ang Diyos; ngunit sulit ang mga pagsisikap na iyan. Sa katulad na paraan, kailangang magsikap ka upang kumita at makabili ng pagkain sa araw-araw. Inihambing ni Jesus sa pagkain ang kaalaman tungkol sa Diyos nang sabihin niya: “Gumawa kayo, hindi para sa pagkaing nasisira, kundi para sa pagkaing nananatili para sa buhay na walang hanggan.” (Juan 6:27) Hindi ba sulit ang anumang pagsisikap na gagawin natin upang magkaroon ng buhay na walang hanggan?—Mateo 16:26.
Sinabi ni Jesus: “Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan anupat ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang bawat isa na nananampalataya sa kaniya ay hindi mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.” (Juan 3:16) Samakatuwid, ang haba ng iyong buhay ay nakadepende sa pagtugon mo sa pag-ibig ng Diyos.
[Talababa]
a Sinasabi ng ilan na ang mga taon na binabanggit sa ulat na ito ng Bibliya ay mga buwan talaga. Gayunman, sinasabi ng teksto na naging anak ni Arpacsad si Shela noong siya ay 35 taóng gulang. Kung ito ay sasabihing 35 buwan, naging ama na si Arpacsad bago pa siya tumuntong ng tatlong taóng gulang—na napakaimposible namang mangyari. Karagdagan pa, maliwanag na makikita sa unang mga kabanata ng Genesis ang pagkakaiba ng siklo ng mga taóng solar at ng siklo ng mga buwang lunar.—Genesis 1:14-16; 7:11.
[Blurb sa pahina 7]
Sa edad na 80 taon, katiting lamang ng potensiyal ng isang tao ang nagamit niya
[Blurb sa pahina 8]
Batay sa pagkakadisenyo, ang mga tao ay mas mataas na anyo ng buhay kaysa sa mga hayop
[Larawan sa pahina 7]
Kasama ba sa disenyo ng kotseng ito ang yupi?
[Larawan sa pahina 8, 9]
Sinasabi ng Salita ng Diyos na ang mga tao ay babalik ‘sa mga araw ng lakas ng kanilang kabataan’