PUNDASYON
Ang pang-ilalim na istraktura na kinapapatungan ng isang gusali; sa pamamagitan nito, nagiging pantay ang bigat ng kabuuang istraktura sa ibabaw ng lupang kinatatayuan nito. Yamang, sa kalakhang bahagi, ang pagiging matibay at permanente ng isang gusali ay nakadepende sa tibay ng pundasyon, dapat na lubhang pakaingatan ang paglalatag ng pundasyon nito. Napakahalaga noon sa Palestina ang matitibay na pundasyon na makatatagal hindi lamang sa malakas na ulan, hangin, at baha kundi pati sa mga lindol, yamang madalas lumindol sa rehiyong iyon. Ang ilang terminong Hebreo na isinasalin bilang “pundasyon” ay nagmula sa salitang-ugat na ya·sadhʹ, nangangahulugang “itatag; ilatag ang pundasyon; ilagay nang matatag.” (Isa 23:13; 51:13; Aw 24:2) Ang terminong Griego naman para rito ay the·meʹli·os, na ginamit sa literal na diwa sa Gawa 16:26.
Nang sagutin niya si Job mula sa buhawi, inihambing ng Dalubhasang Tagapagtayo na si Jehova ang literal na lupa sa isang gusali. (Job 38:4-7) Bagaman ang lupa ay nakabitin sa wala, ito, wika nga, ay may matitibay na pundasyon na hindi makikilos, sapagkat pinananatili ito sa dako nito ng di-mababagong mga batas na umuugit sa sansinukob, at ang layunin ng Diyos para sa lupa ay hindi pa rin nagbabago. (Job 26:7; 38:33; Aw 104:5; Mal 3:6) Sa kabilang dako, sa diwa ay ginigiba ng kawalang-katarungan at ng pagsuway sa batas ng Diyos ang mga pundasyong nagbibigay ng katatagan sa lupain, anupat dahil dito, ang mga pundasyon ng makasagisag na lupa (ang mga tao at ang kanilang tatag na mga sistema) ay nakikilos.—Aw 82; 11:3; Kaw 29:4.
Ang paglalatag ng mga pundasyon ng lupa ay hindi dapat ipagkamali sa “pagkakatatag [sa Gr., ka·ta·bo·lesʹ] ng sanlibutan.” Batay sa mga salita ni Jesus sa Lucas 11:48-51, maliwanag na nabuhay si Abel noong pagkakatatag ng sanlibutan, na tumutukoy sa sangkatauhan. Ang mga pundasyon ng planetang Lupa ay matagal na panahon nang nailatag bago pa nito.—Tingnan ang ABEL Blg. 1; SANLIBUTAN.
Lumilitaw na ang paglalatag ng pundasyon ay isang panahon ng kagalakan. Sumigaw sa pagpuri ang mga anghel noong ‘itatag ang lupa.’ Gayundin, nagkaroon ng malaking pagsasaya nang ilatag ang pundasyon ng templo ni Zerubabel, bagaman yaong mga nakakita sa kaluwalhatian ng dating templo ay nanangis.—Job 38:4, 6, 7; Ezr 3:10-13.
Kung paanong gumamit si Solomon ng malalaki at mamahaling tinabas na bato para sa pundasyon ng templo, sa gayunding paraan, isang pundasyong mahalaga sa Diyos ang inilatag para sa “espirituwal na bahay” na doon ay “mga batong buháy” ang mga pinahirang tagasunod ni Jesus. Si Jesus mismo ang pundasyong batong-panulok; sa ibabaw naman ng pundasyon ng mga apostol at ng mga propetang Kristiyano ay itinayo ang iba pang mga banal bilang “isang dakong tatahanan ng Diyos sa espiritu.” Si Jehova ang pumipili sa lahat ng “mga batong” bumubuo sa espirituwal na bahay na ito.—1Pe 2:4-6; Efe 2:19-22; tingnan ang BATONG-PANULOK.
Angkop na angkop na ang 12 makasagisag na batong pundasyon ng Bagong Jerusalem, na may pangalan ng 12 apostol ng Kordero, ay mahahalagang bato. (Apo 21:14, 19, 20) Ang Bagong Jerusalem na inilarawan sa Apocalipsis ay binubuo ng 144,000 na nakatakdang ikasal sa kasintahang lalaki. Ang “makalangit na Jerusalem” naman na binabanggit sa Hebreo 12:22 ay binubuo ng 144,001, anupat ang “isa” rito ay ang Haring kasintahang lalaki. Ito ang lunsod na may tunay na mga pundasyon na hinihintay noon ni Abraham. (Heb 11:10) Sa gayon, ipinakikita ng mga aklat ng Bibliya na Mga Hebreo at Apocalipsis na may malapit na kaugnayan ang “makalangit na Jerusalem” at ang Bagong Jerusalem.
Bago siya naging tao, si Jesus ay gumawang kasama ng kaniyang Ama bilang isang Dalubhasang Manggagawa noong ilatag ang mga pundasyon ng lupa. (Kaw 8:29, 30) Dahil dito, lubusan niyang nauunawaan ang kahalagahan ng isang matibay na pundasyon, gaya ng makikita sa kaniyang ilustrasyon tungkol sa taong maingat na humukay nang malalim at naglatag ng pundasyon ng kaniyang bahay sa isang batong-limpak, samantalang sa buhanginan naman itinayo ng taong mangmang ang bahay niya anupat dumanas siya ng napakalaking kalugihan. (Mat 7:24-27; Luc 6:47-49) Sa katulad na paraan, nang inihahambing ni Pablo sa gawaing pagtatayo ang atas na gumawa ng mga Kristiyano, idiniin niya ang kahalagahan ng pagtatayo sa pamamagitan ng di-nasusunog na mga materyales sa ibabaw ni Jesu-Kristo bilang pundasyon, upang ang isa ay hindi dumanas ng kalugihan.—1Co 3:10-15.
Inihambing din ni Pablo sa isang pundasyon ang ilang pang-unang turo ng Bibliya, at hinimok niya ang mga Hebreo na huwag maging kontento na lamang na matutuhan ang pang-unang doktrina tungkol sa Kristo kundi dapat silang sumulong tungo sa pagkamaygulang.—Heb 6:1, 2; tingnan ang BAHAY; LUPA.