ULAN
Isang mahalagang bahagi ng siklo kung saan ang tubig na pumapailanlang patungo sa atmospera bilang singaw mula sa lupa at sa mga katubigan ng globo sa kalaunan ay namumuo at pumapatak sa lupa, sa gayon ay naglalaan ng halumigmig na kailangan ng mga halaman at mga hayop. Binabanggit ng Bibliya ang ulan may kaugnayan sa siklong ito na mahusay ang pagkakaayos at maaasahan.—Job 36:27, 28; Ec 1:7; Isa 55:10.
Bukod sa pangkalahatang mga salita para sa ulan, ang ilang terminong Hebreo at Griego na tumutukoy sa ulan ay may iba’t ibang kahulugan gaya ng “ulan (downpour); buhos ng ulan” (1Ha 18:41; Eze 1:28), “walang-tigil na ulan” (Kaw 27:15), “ulan sa taglagas o maagang ulan” at “ulan sa tagsibol o huling ulan” (Deu 11:14; San 5:7), “ambon” (Deu 32:2), “bagyong maulan” (Isa 4:6), at “saganang ulan” (Aw 65:10).
Maaga sa kasaysayan ng paghahanda sa lupa, ‘ang Diyos ay hindi pa nagpapaulan sa ibabaw ng lupa,’ ngunit “isang manipis na ulap ang pumapailanlang mula sa lupa at dinidiligan nito ang buong ibabaw ng lupa.” Maliwanag na ang panahong tinutukoy ay maaga noong ikatlong “araw” ng paglalang, bago lumitaw ang pananim. (Gen 1:9-13; 2:5, 6; tingnan ang SINGAW, MANIPIS NA ULAP.) Ang unang pagkakataon sa rekord ng Bibliya kung kailan espesipikong binanggit ang pagpatak ng ulan ay nasa ulat tungkol sa Baha. Noon ay “nabuksan ang mga pintuan ng tubig ng langit,” at “ang ulan sa ibabaw ng lupa ay nagpatuloy nang apatnapung araw at apatnapung gabi.”—Gen 7:11, 12; 8:2.
Kung Paano Ito Namumuo. Bilang pagdiriin sa limitadong pagkaunawa ng tao tungkol sa mga puwersa at mga batas ng paglalang at ng lupa, ganito ang isa sa mga tanong ni Jehova kay Job: “May ama ba ang ulan?” (Job 38:28) Bagaman malawakang pinag-aaralan ng mga meteorologo kung paano namumuo ang ulan, ang resulta, ayon sa The World Book Encyclopedia, ay “mga teoriya” lamang. (1987, Tomo 16, p. 123, 124) Habang ang mainit na hangin na may dalang singaw ng tubig ay pumapailanlang at lumalamig, ang halumigmig ay namumuo at nagiging maliliit na butil ng tubig. Ayon sa isang teoriya, habang ang mas malalaking butil ng tubig ay dumaraan sa isang ulap, tumatama ang mga ito sa mas maliliit na butil ng tubig at sumasanib sa mga iyon, hanggang sa bumigat ang mga ito anupat hindi na kayang dalhin ng hangin. Iminumungkahi naman ng isa pang teoriya na ang mga kristal ng yelo ay namumuo sa ibabaw ng mga ulap kung saan ang temperatura ay mas mababa sa antas ng pagyeyelo at nagiging ulan kapag dumaraan ang mga ito sa mas mainit na hangin.
Si Jehova ang Pinagmumulan Nito. Si Jehova ay hindi basta “diyos ng ulan” para sa Israel. Hindi siya katulad ni Baal, na ipinalagay ng mga Canaanita na nagdala ng tag-ulan noong magising siya at mabuhay. Kinilala ng tapat na mga Israelita na si Jehova, hindi si Baal, ang makapipigil sa mahalagang ulan. Malinaw itong ipinakita nang magpasapit si Jehova sa Israel ng isang tagtuyot noong ang pagsamba roon kay Baal ay nasa kasukdulan nito, noong panahon ng propetang si Elias.—1Ha 17:1, 7; San 5:17, 18.
Si Jehova ang naghanda ng ulan para sa lupa. (Aw 147:8; Isa 30:23) “Humukay [siya] ng lagusan para sa baha,” marahil ay tumutukoy sa paraan kung paanong pinauulan ng Diyos ang mga ulap sa ilang partikular na bahagi ng globo. (Job 38:25-27; ihambing ang Aw 135:7; Jer 10:13.) Ang kakayahan niya na kontrolin ang ulan kasuwato ng kaniyang layunin ang isa sa mga bagay na ipinagkaiba ni Jehova sa walang-buhay na mga idolong diyos na sinasamba ng mga bansang nakapalibot sa Israel. (Jer 14:22) Sa Lupang Pangako, mas napahalagahan ito ng mga Israelita kaysa noong sila ay nasa Ehipto, kung saan napakadalang umulan.—Deu 11:10, 11.
Noong nangangaral sila sa mga Griego sa Listra, ipinaliwanag nina Pablo at Bernabe na ang mga ulan ay nagsisilbing isang patotoo tungkol sa “Diyos na buháy” at isang pagtatanghal ng kaniyang kabutihan. (Gaw 14:14-17) Ang mga pakinabang sa ulan ay tinatamasa hindi lamang ng mga mabuti at matuwid kundi ng lahat ng tao; kaya itinawag-pansin ni Jesus na ang pag-ibig na ipinakikita ng Diyos may kaugnayan dito ay dapat magsilbing isang parisan para sa mga tao.—Mat 5:43-48.
Ang Ulan sa Lupang Pangako. Ang isang bagay na katangi-tangi sa klima ng Lupang Pangako ay ang iba’t ibang antas nito ng pag-ulan. Ang dalawang pangunahing salik na nakaiimpluwensiya sa dalas at lakas ng ulan sa isang lugar ay kung gaano ito kalapit sa dagat at kung gaano ito kataas. Madalas umulan sa mga kapatagan na nasa kahabaan ng Mediteraneo kapag tag-ulan, at mas madalang ito sa gawing T kaysa sa bandang H. Mas malakas naman ang ulan sa mga burol at mga bundok dahil mas masinsin ang pamumuo roon ng halumigmig na tinatangay nang pasilangan mula sa dagat. Ang Libis ng Jordan ay nasa isang “lilim sa ulan,” yamang kapag dumaraan ang hangin sa ibabaw ng mga bundok, halos natutuyuan na iyon ng halumigmig nito, at ang hangin ay umiinit habang bumababa ito sa libis. Gayunman, kapag ang hanging ito ay nakarating sa mataas na talampas sa S ng Jordan, muling namumuo ang mga ulap, anupat lumilikha ito ng ulan. Ito ang dahilan kung bakit may isang pahabang lupain sa S ng Jordan na maaaring panginainan ng mga hayop o sakahin nang kaunti. Sa mas dako pang S ay naroon ang disyerto, kung saan napakahina at di-palagian ang ulan anupat hindi ito mapakikinabangan sa pagtatanim o sa pagpapastol ng mga kawan.
Mga kapanahunan. Ang dalawang pangunahing kapanahunan sa Lupang Pangako, ang tag-araw at ang taglamig, ay mas tumpak na malasin bilang ang tagtuyo at ang tag-ulan. (Ihambing ang Aw 32:4; Sol 2:11, tlb sa Rbi8.) Mula sa kalagitnaan ng Abril hanggang sa kalagitnaan ng Oktubre, kaunting-kaunting ulan lamang ang pumapatak. Madalang ang ulan sa yugtong ito kung kailan isinasagawa ang pag-aani. Ipinakikita ng Kawikaan 26:1 na ang ulan sa panahon ng pag-aani ay itinuturing na kakatwa. (Ihambing ang 1Sa 12:17-19.) Kapag tag-ulan, hindi naman palaging umuulan; salit-salitan ang pag-ulan at ang mga araw na maaliwalas. Yamang ito rin ang malamig na panahon, napakaginaw ang maulanan. (Ezr 10:9, 13) Kaya naman, ang isang komportableng silungan ay lubhang pinahahalagahan.—Isa 4:6; 25:4; 32:2; Job 24:8.
Ulan sa taglagas at sa tagsibol. Binabanggit ng Bibliya ang “ulan sa taglagas [maagang ulan o unang ulan] at ulan sa tagsibol [huling ulan],” na ipinangako ng Diyos bilang isang pagpapala sa tapat na mga Israelita. (Deu 11:14, tlb sa Rbi8; Jer 5:24; Joe 2:23, 24) Matiyagang hinihintay ng magsasaka ang ulan sa mga yugtong ito sa pagitan ng tag-araw at taglamig. (San 5:7; ihambing ang Job 29:23.) Ang maagang ulan, o ulan sa taglagas, (pasimula sa bandang kalagitnaan ng Oktubre) ay pinananabikang dumating sapagkat pinapawi nito ang init at pagkatuyo ng tag-araw. Kailangan ito bago magsimula ang pagtatanim, dahil pinalalambot ng ulang ito ang lupa upang maararo ng magsasaka ang kaniyang lupain. Sa katulad na paraan, ang huling ulan, o ulan sa tagsibol (bandang kalagitnaan ng Abril) ay kinakailangan upang madiligan ang lumalaking mga pananim upang gumulang ang mga ito, at partikular na upang mahinog ang mga butil.—Zac 10:1; Am 4:7; Sol 2:11-13.
Makasagisag na Paggamit. Kapag pinagpapala ng Diyos ang Israel ng mga ulan sa takdang panahon ng mga ito, nagbubunga ito ng kasaganaan. Kaya naman maipangangako ni Oseas na si Jehova ay ‘darating na gaya ng bumubuhos na ulan,’ anupat “gaya ng ulan sa tagsibol na bumabasa sa lupa,” para roon sa mga nagsisikap na makilala siya. (Os 6:3) Ang mga tagubilin ng Diyos ay “papatak na gaya ng ulan” at ang kaniyang mga pananalita ay “gaya ng ambon sa damo at gaya ng saganang ulan sa pananim.” (Deu 32:2) Ang mga ito ay manunuot nang unti-unti ngunit magiging sapat upang makapaglaan ng lubusang ginhawa, gaya ng ulan sa pananim. Sa katulad na paraan, isang pinagmumulan ng ginhawa at kasaganaan ang inilarawan nang ihalintulad ang muling-tinipong nalabi ng Jacob sa “saganang ulan sa pananim.”—Mik 5:7.
Ang paghahari ng hari ng Diyos na inilarawan sa Awit 72 ay kakikitaan ng kasaganaan at pagpapala. Dahil dito, siya ay inilarawang bumababa na “tulad ng ulan sa ibabaw ng tinabasang damo, tulad ng saganang ulan na bumabasa sa lupa” at nagpapasibol ng sariwang pananim. (Aw 72:1, 6; ihambing ang 2Sa 23:3, 4.) Ang kabutihang-loob ng isang hari ay inihalintulad sa “ulap ng ulan sa tagsibol,” sapagkat naghuhudyat ito ng kaayaayang mga kalagayan, kung paanong tinitiyak ng mga ulap na nagdadala ng ulan ang pagdating ng tubig na kinakailangan upang mamunga ang mga pananim.—Kaw 16:15.
Gayunman, ang pumapatak na ulan ay hindi laging nagdudulot ng pananim na pagpapala sa taong nagsasaka; ang lupang nadiligan ay maaaring magsibol ng mga tinik at mga dawag. Ginamit ito ni Pablo bilang isang halimbawa, anupat inihambing niya ang lupang nadiligan ng ulan sa mga Kristiyano na “nakatikim ng makalangit na kaloob na walang bayad, at naging mga kabahagi sa banal na espiritu.” Kung hindi sila magluluwal ng mga bunga ng espiritu at sa halip ay hihiwalay sa katotohanan, sila ay nakatakdang sunugin, tulad ng isang bukid na mga tinik lamang ang iniluluwal.—Heb 6:4-8.
Sa pangitain ni Juan sa Apocalipsis, nakakita siya ng “dalawang saksi” na may “awtoridad na sarhan ang langit upang walang bumuhos na ulan sa mga araw ng kanilang panghuhula.” (Apo 11:3-6) Hindi ipahahayag ng ‘mga saksing’ ito, na kumakatawan sa Diyos bilang ‘mga propeta,’ o mga tagapagsalita, ang pagsang-ayon o pagpapala ng Diyos sa mga plano at mga gawain ng balakyot na mga tao sa lupa. Tulad ni Elias, na nagpatalastas ng tatlo-at-kalahating-taóng tagtuyot sa Israel dahil sa pagsasagawa nila ng pagsamba kay Baal na itinaguyod ni Haring Ahab at ng asawa nito na si Jezebel, sa makasagisag na paraan din naman, ‘ang langit ay sasarhan’ ng ‘dalawang saksing’ ito upang walang dumating na nakarerepreskong “ulan” mula sa Diyos na magpapaunlad sa gayong mga pagsisikap ng mga tao.—1Ha 17:1–18:45; Luc 4:25, 26; San 5:17, 18.