Inihahayag ng Sangnilalang ang Kaluwalhatian ng Diyos!
“Ang langit ay naghahayag ng kaluwalhatian ng Diyos; at ang gawa ng kaniyang mga kamay ay isinasaysay ng kalawakan.”—AWIT 19:1.
1, 2. (a) Bakit hindi maaaring tuwirang makita ng mga tao ang kaluwalhatian ng Diyos? (b) Paano nagbibigay ng kaluwalhatian sa Diyos ang 24 na matatanda?
“HINDI mo maaaring makita ang aking mukha, sapagkat walang tao ang makakakita sa akin at mabubuhay pa.” (Exodo 33:20) Sa gayon binabalaan ni Jehova si Moises. Yamang ang mga tao ay gawa sa marupok na laman, hindi nila kayang makita nang tuwiran ang kaluwalhatian ng Diyos at mabuhay. Gayunman, sa isang pangitain, pinagkalooban si apostol Juan ng isang kagila-gilalas na tanawin ni Jehova sa Kaniyang maluwalhating trono.—Apocalipsis 4:1-3.
2 Di-tulad ng mga tao, nakikita ng matatapat na espiritung nilalang ang mukha ni Jehova. Kasama nila ang “dalawampu’t apat na matatanda” sa makalangit na pangitain ni Juan, na kumakatawan sa 144,000. (Apocalipsis 4:4; 14:1-3) Paano sila tumutugon kapag nakikita nila ang kaluwalhatian ng Diyos? Ayon sa Apocalipsis 4:11, inihahayag nila: “Ikaw ang karapat-dapat, Jehova, na Diyos nga namin, na tumanggap ng kaluwalhatian at ng karangalan at ng kapangyarihan, sapagkat nilalang mo ang lahat ng bagay, at dahil sa iyong kalooban ay umiral sila at nalalang.”
Kung Bakit ‘Walang Maidadahilan’
3, 4. (a) Bakit makasiyensiya ang pananampalataya sa Diyos? (b) Sa ilang kaso, ano ang dahilan kung bakit itinatakwil ang paniniwala sa Diyos?
3 Nauudyukan ka bang magbigay ng kaluwalhatian sa Diyos? Hindi gayon para sa karamihan ng sangkatauhan, anupat ikinakaila pa nga ng ilan na umiiral ang Diyos. Halimbawa, sumulat ang isang astronomo: “Ang Diyos ba ang nakialam at may-kahusayang nagdisenyo ng kosmos para sa ating kapakinabangan? . . . Isang kapana-panabik na posibilidad. Nakalulungkot, naniniwala akong ilusyon lamang ito. . . . Hindi kasiya-siyang paliwanag ang Diyos.”
4 Limitado ang pagsasaliksik ng siyensiya—salig lamang sa kung ano ang aktuwal na mapagmamasdan o mapag-aaralan ng mga tao. Kung hindi gayon, ito’y teoriya o hula-hula lamang. Yamang “ang Diyos ay Espiritu,” hindi siya maaaring ipasailalim sa tuwiran at masusing pagsusuri ng siyensiya. (Juan 4:24) Samakatuwid, pagmamataas ang itakwil at ituring na di-makasiyensiya ang pananampalataya sa Diyos. Sinabi ng siyentipikong si Vincent Wigglesworth ng Cambridge University na ang mismong pamamaraan ng siyensiya ay “isang relihiyosong pamamaraan.” Paano? “Nakasalig ito sa di-nag-aalinlangang paniniwala na ang likas na mga kababalaghan ay umaayon sa ‘mga batas ng kalikasan.’ ” Kaya kapag itinatakwil ng isa ang paniniwala sa Diyos, hindi ba’t ipinagpapalit lamang niya ang isang uri ng paniniwala sa ibang uri? Sa ilang kaso, lumilitaw na ang di-paniniwala sa Diyos ay sadyang pagtanggi na tanggapin ang katotohanan. Sumulat ang salmista: “Ang balakyot ay hindi nagsasaliksik dahil sa kaniyang matayog na kapalaluan; ang buo niyang kaisipan ay: ‘Walang Diyos.’ ”—Awit 10:4.
5. Bakit walang maidadahilan ang mga taong hindi naniniwala sa Diyos?
5 Subalit ang paniniwala sa Diyos ay hindi bulag na pananampalataya, yamang napakaraming ebidensiya sa pag-iral ng Diyos. (Hebreo 11:1) Ganito ang sinabi ng astronomong si Allan Sandage: “Sa palagay ko ay talagang imposible na ang gayong kaayusan [sa uniberso] ay nagmula sa kaguluhan. Tiyak na may pinagmulan ang kaayusang ito. Isang misteryo sa akin ang Diyos, pero siya ang paliwanag sa himala ng pag-iral, kung bakit may umiiral sa halip na wala.” Sinabi ni apostol Pablo sa mga Kristiyano sa Roma na ang “di-nakikitang mga katangian [ng Diyos] ay malinaw na nakikita mula pa sa pagkalalang ng sanlibutan, sapagkat napag-uunawa ang mga ito sa pamamagitan ng mga bagay na ginawa, maging ang kaniyang walang-hanggang kapangyarihan at pagka-Diyos, anupat wala silang [mga di-naniniwala] maidadahilan.” (Roma 1:20) Sapol noong “pagkalalang ng sanlibutan”—partikular na mula noong lalangin ang matatalinong nilalang na mga tao, na nakatatanto sa pag-iral ng Diyos—maliwanag na mayroong Maylalang na napakalakas ng kapangyarihan, isang Diyos na nararapat pag-ukulan ng debosyon. Kaya yaong mga hindi kumikilala sa kaluwalhatian ng Diyos ay walang maidadahilan. Gayunman, ano ba ang katibayan na inilalaan ng sangnilalang?
Inihahayag ng Uniberso ang Kaluwalhatian ng Diyos
6, 7. (a) Paano inihahayag ng kalangitan ang kaluwalhatian ng Diyos? (b) Sa anong layunin naglabas ng mga “pising panukat” ang kalangitan?
6 Sumasagot ang Awit 19:1 sa pagsasabing: “Ang langit ay naghahayag ng kaluwalhatian ng Diyos; at ang gawa ng kaniyang mga kamay ay isinasaysay ng kalawakan.” Natatanto ni David na ang mga bituin at mga planetang sumisinag sa “kalawakan,” o atmospera, ay nagbibigay ng di-maipagkakailang patotoo ng pag-iral ng isang maluwalhating Diyos. Nagpatuloy siya: “Sa araw-araw ay bumubukal ang pananalita, at sa gabi-gabi ay natatanghal ang kaalaman.” (Awit 19:2) Araw-araw at gabi-gabi, itinatanghal ng kalangitan ang karunungan at kapangyarihang lumalang ng Diyos. Waring “bumubukal” ang pananalita ng papuri sa Diyos mula sa kalangitan.
7 Gayunman, kailangan ng kaunawaan upang marinig ang patotoong ito. “Walang pananalita, at walang mga kataga; walang tinig nila ang naririnig.” Ngunit makapangyarihan ang tahimik na patotoo ng kalangitan. “Sa buong lupa ay lumabas ang kanilang pising panukat, at ang kanilang mga pananalita ay hanggang sa dulo ng mabungang lupain.” (Awit 19:3, 4) Waring ang kalangitan ay naglabas ng mga “pising panukat” upang tiyaking mapuno ng kanilang tahimik na patotoo ang bawat sulok ng lupa.
8, 9. Anu-ano ang ilang namumukod-tanging mga bagay hinggil sa araw?
8 Sumunod ay inilarawan ni David ang isa pang kababalaghan ng sangnilalang ni Jehova: “Sa kanila [ang nakikitang kalangitan] ay naglagay siya ng tolda para sa araw, at ito ay gaya ng kasintahang lalaki kapag lumalabas mula sa kaniyang silid-pangkasalan; nagbubunyi ito gaya ng makapangyarihang lalaki sa pagtakbo sa isang landas. Ang paglabas nito ay mula sa isang dulo ng langit, at ang tapos ng pag-ikot nito ay sa kabilang mga dulo niyaon; at walang anumang nakakubli mula sa init nito.”—Awit 19:4-6.
9 Kung ihahambing sa ibang mga bituin, katamtaman lamang ang laki ng araw. Subalit ito ay isang kapansin-pansing bituin, anupat ang mga planetang umiikot sa palibot nito ay napakaliit kung ihahambing dito. Sinasabi ng isang reperensiya na ang araw ay may kimpal (mass) na “2 bilyong bilyong bilyong tonelada”—99.9 porsiyento ng kimpal ng ating sistema solar! Dahil sa grabidad ng araw, ang lupa ay nakaiikot dito sa layong 150 milyong kilometro nang hindi napapalayo o nahihigop ng araw. Katiting lamang ng enerhiya ng araw ang nakaaabot sa ating planeta, ngunit sapat na ito upang tustusan ang buhay.
10. (a) Paano pumapasok at lumalabas ang araw sa “tolda” nito? (b) Paano ito tumatakbo gaya ng isang “makapangyarihang lalaki”?
10 Binabanggit ng salmista ang araw sa makasagisag na pananalita, anupat inilalarawan ito bilang isang “makapangyarihang lalaki” na tumatakbo mula sa isang dulo ng lupa hanggang sa kabilang dulo nito kapag araw at natutulog naman kapag gabi sa isang “tolda.” Kapag lumulubog ang makapangyarihang bituing iyon, waring pumapasok ito sa isang “tolda,” kung titingnan mula sa lupa, anupat parang magpapahinga na ito. Sa umaga naman, waring bigla itong lumalabas, sumisikat at nagliliwanag “gaya ng kasintahang lalaki kapag lumalabas mula sa kaniyang silid-pangkasalan.” Bilang isang pastol, alam ni David ang matinding lamig sa gabi. (Genesis 31:40) Naaalaala niya kung paanong mabilis na napaiinit siya at ang tanawin sa paligid niya ng mga sinag ng araw. Maliwanag, hindi ito napapagod sa “paglalakbay” mula silangan hanggang kanluran kundi sa halip ay kagaya ng isang “makapangyarihang lalaki,” na handang ulitin ang paglalakbay.
Ang Kagila-gilalas na mga Bituin at Galaksi
11, 12. (a) Ano ang kapansin-pansin hinggil sa paghahalintulad ng Bibliya sa mga bituin at sa mga butil ng buhangin? (b) Gaano nga kaya kalaki ang uniberso?
11 Palibhasa’y wala siyang teleskopyo, iilang libong bituin lamang ang nakikita ni David. Gayunman, ayon sa isang kamakailang pag-aaral, ang bilang ng mga bituin sa uniberso na makikita sa pamamagitan ng makabagong mga teleskopyo ay 70 sextillion—7 na sinusundan ng 22 zero! Ipinahiwatig ni Jehova ang napakalaking bilang na iyan nang ihalintulad niya ang bilang ng mga bituin sa “mga butil ng buhangin na nasa baybay-dagat.”—Genesis 22:17.
12 Sa loob ng maraming taon, pinagmasdan ng mga astronomo ang mga bagay na inilarawan bilang “maliliit at nagniningning na mga rehiyon na may malabo at di-tiyak na hitsura.” Ipinapalagay ng mga siyentipiko na ang mga “spiral nebula” na ito ay mga bagay na nasa loob ng ating galaksing Milky Way. Noong 1924, natuklasan na ang pinakamalapit na gayong nebula, ang Andromeda, ay isa pala mismong galaksi—mga dalawang milyong light year ang layo! Tinataya ngayon ng mga siyentipiko na may bilyun-bilyong galaksi, na ang bawat isa ay naglalaman ng libu-libo—kung minsan ay bilyun-bilyon—na mga bituin. Gayunman, “tinutuos [ni Jehova] ang bilang ng mga bituin; silang lahat ay tinatawag niya ayon sa kanilang mga pangalan.”—Awit 147:4.
13. (a) Ano ang kapansin-pansin sa mga konstelasyon? (b) Paanong maliwanag na hindi nalalaman ng mga siyentipiko “ang mga batas ng langit”?
13 Tinanong ni Jehova si Job: “Maitatali mo bang mahigpit ang mga bigkis ng konstelasyon ng Kima, o makakalag mo ba ang mga panali ng konstelasyon ng Kesil?” (Job 38:31) Ang konstelasyon ay isang grupo ng mga bituin na waring bumubuo ng isang pantanging disenyo. Bagaman maaaring lubhang magkakalayo ang mga bituin, ang kanilang relatibong posisyon ay nananatiling di-nagbabago kung titingnan mula sa lupa. Dahil napakaeksakto ng mga posisyon ng mga ito, ang mga bituin ay “kapaki-pakinabang na mga giya sa nabigasyon, sa mga astronot sa pagpoposisyon ng mga sasakyang pangkalawakan, at sa pagkilala sa mga bituin.” (The Encyclopedia Americana) Gayunman, walang sinuman ang nakauunawa sa “mga bigkis” na nagbubuklod sa mga konstelasyon. Oo, hindi pa rin masagot ng mga siyentipiko ang tanong na ibinangon sa Job 38:33: “Nalalaman mo ba ang mga batas ng langit?”
14. Sa anong paraan isang hiwaga ang pangangalat ng liwanag?
14 Hindi kayang sagutin ng mga siyentipiko ang isa pang tanong kay Job: “Saan nga dumaraan ang liwanag kapag iyon ay nangangalat?” (Job 38:24) Tinawag ng isang manunulat ang tanong na ito tungkol sa liwanag na “isang lubhang makabagong tanong sa siyensiya.” Sa kabaligtaran, naniniwala naman ang ilang pilosopong Griego na ang liwanag ay nagmumula sa mata ng tao. Sa mas makabagong panahon, inakala ng mga siyentipiko na ang liwanag ay binubuo ng napakaliliit na butil. Inisip naman ng iba na ito ay gumagalaw sa mga alon. Sa ngayon, naniniwala ang mga siyentipiko na ang liwanag ay kumikilos bilang alon at bilang butil. Gayunman, hindi pa rin lubusang nauunawaan ang likas na katangian ng liwanag at kung paano ito “nangangalat.”
15. Gaya ni David, ano ang dapat nating madama kapag binubulay-bulay ang hinggil sa kalangitan?
15 Sa pagbubulay-bulay sa lahat ng ito, magaganyak ang isa na madama ang gaya ng nadama ng salmistang si David, na nagsabi: “Kapag tinitingnan ko ang iyong langit, ang mga gawa ng iyong mga daliri, ang buwan at ang mga bituin na iyong inihanda, ano ang taong mortal anupat iniingatan mo siya sa isipan, at ang anak ng makalupang tao anupat pinangangalagaan mo siya?”—Awit 8:3, 4.
Lumuluwalhati kay Jehova ang Lupa at ang mga Nilalang Dito
16, 17. Paano pinupuri ng mga nilalang sa “matubig na mga kalaliman” si Jehova?
16 Itinatala ng Awit 148 ang iba pang mga paraan kung paano inihahayag ng sangnilalang ang kaluwalhatian ng Diyos. Ganito ang mababasa sa talata 7: “Purihin ninyo si Jehova mula sa lupa, ninyong mga dambuhalang hayop-dagat at ninyong lahat na matubig na mga kalaliman.” Oo, ang “matubig na mga kalaliman” ay punung-puno ng kamangha-manghang mga bagay na nagtatampok sa karunungan at kapangyarihan ng Diyos. Ang blue whale ay may katamtamang timbang na 120 tonelada—kasimbigat ng 30 elepante! Ang puso lamang nito ay may timbang na mahigit sa 450 kilo at maaaring magbomba ng 6,400 kilo ng dugo sa buong katawan nito! Ang dambuhalang mga hayop-dagat bang ito ay mababagal at asiwang kumilos sa tubig? Tiyak na hindi. Ang mga blue whale ay “naglalakbay sa karagatan” nang may kahanga-hangang bilis, ang sabi ng isang ulat ng European Cetacean Bycatch Campaign. Ipinakita ng pagsubaybay ng mga satelayt na “isang hayop ang nandayuhan nang mahigit sa 16,000 kilometro sa loob ng 10 buwan.”
17 Ang bottle-nosed dolphin (isang uri ng lumbalumba) ay karaniwan nang sumisisid sa lalim na 45 metro, ngunit ang naiulat na pinakamalalim na sisid ng isang lumbalumba ay 547 metro! Paano kaya nakatatagal ang mamalyang ito sa gayong pagsisid? Bumabagal ang pagpintig ng puso nito kapag sumisisid, at ang dugo ay naililihis patungo sa puso, baga, at utak. Gayundin, ang mga kalamnan nito ay may kemikal na nag-iimbak ng oksiheno. Ang mga elephant seal at mga sperm whale ay makasisisid nang mas malalim pa. “Sa halip na labanan ang presyon,” ang sabi ng magasing Discover, “hinahayaan nilang lubusang paliitin ng presyon ang kanilang mga baga.” Iniimbak nila ang karamihan sa oksihenong kailangan nila sa kanilang mga kalamnan. Maliwanag, ang mga nilalang na ito ay buháy na patotoo sa karunungan ng isang Diyos na makapangyarihan-sa-lahat!
18. Paano ipinakikita ng tubig-dagat ang karunungan ni Jehova?
18 Maaaninag ang karunungan ni Jehova maging sa tubig-dagat. Ganito ang sinabi ng Scientific American: “Ang bawat patak ng tubig sa unang 100 metro ng tubig sa ibabaw ng karagatan ay naglalaman ng libu-libong lumulutang at pagkaliliit na halamang tinatawag na phytoplankton.” Nililinis ng “di-nakikitang kagubatang” ito ang ating hangin sa pamamagitan ng pag-aalis ng bilyun-bilyong toneladang carbon dioxide. Ang phytoplankton ang gumagawa ng mahigit sa kalahati ng oksihenong nilalanghap natin.
19. Paano isinasakatuparan ng apoy at niyebe ang kalooban ni Jehova?
19 Ganito ang sinasabi ng Awit 148:8: “Kayong apoy at graniso, niyebe at makapal na usok, ikaw na maunos na hangin, na gumaganap ng kaniyang salita.” Oo, ginagamit din ni Jehova ang walang-buhay na mga puwersa ng kalikasan upang isakatuparan ang kaniyang kalooban. Isaalang-alang ang apoy. Noong nakalipas na mga dekada, ipinapalagay na mapaminsala lamang ang mga sunog sa kagubatan. Naniniwala na ngayon ang mga mananaliksik na may mahalagang papel na ginagampanan ang apoy sa ekolohiya, anupat inaalis ang matatanda at namamatay na mga puno, tumutulong sa pagsibol ng maraming binhi, nireresiklo ang mga nutriyente, at aktuwal na binabawasan ang panganib ng pagkakaroon ng malaking sunog. Mahalaga rin ang niyebe, yamang dinidilig at pinatataba nito ang lupa, pinupuno ang mga ilog, at iniingatan ang mga halaman at hayop mula sa mga temperaturang nagyeyelo.
20. Paano nakikinabang ang sangkatauhan sa mga bundok at mga puno?
20 “Kayong mga bundok at kayong lahat na mga burol, kayong mga namumungang punungkahoy at kayong lahat na mga sedro,” ang salaysay ng Awit 148:9. Ang mariringal na kabundukan ay isang patotoo sa dakilang kapangyarihan ni Jehova. (Awit 65:6) Pero mayroon ding praktikal na pakinabang ang mga ito. Ganito ang sinabi ng isang ulat mula sa Institute of Geography sa Bern, Switzerland: “Ang lahat ng malalaking ilog sa buong daigdig ay nagmumula sa mga bukal sa mga bundok. Mahigit sa kalahati ng sangkatauhan ay umaasa sa sariwang tubig na naiipon sa mga bundok . . . Ang mga ‘tore ng tubig’ na ito ay mahalaga sa kapakanan ng sangkatauhan.” Maging ang karaniwang puno ay kaluwalhatian sa Maylikha nito. Isang ulat ng United Nations Environment Programme ang nagsasabi na ang mga puno “ay mahalaga sa kapakanan ng mga tao sa lahat ng bansa . . . Maraming uri ng puno ang napakahalaga sa ekonomiya bilang mapagkukunan ng mga produktong gaya ng troso, prutas, nuwes, resina at sahing. Sa buong daigdig, 2 bilyong tao ang nakadepende sa kahoy para sa pagluluto at panggatong.”
21. Ipaliwanag kung paano ipinakikita ng isang simpleng dahon ang patotoo na dinisenyo ito.
21 Makikita ang patotoo na may isang matalinong maylalang sa mismong disenyo ng puno. Isaalang-alang ang simpleng dahon. Ang labas nito ay may mapagkit na suson sa ibabaw na nag-iingat sa dahon upang hindi ito matuyo. Sa mismong ilalim ng suson na ito sa itaas na bahagi ay may hilera ng mga selulang naglalaman ng mga chloroplast. Ang mga ito ay naglalaman ng chlorophyll, na kumukuha ng enerhiya ng liwanag. Sa pamamagitan ng prosesong tinatawag na potosintesis, nagiging mga “pabrika ng pagkain” ang mga dahon. Ang tubig ay sinisipsip ng mga ugat ng puno at dinadala sa mga dahon sa pamamagitan ng isang masalimuot na “sistema ng mga tubo.” Libu-libong maliliit na “balbula” (tinatawag na stomata) sa ilalim ng dahon ang bumubukas at sumasara upang papasukin ang carbon dioxide. Ang liwanag ay nagbibigay ng enerhiya upang maghalo ang tubig at carbon dioxide at gumawa ng mga carbohydrate. Maaari na ngayong kainin ng halaman ang mismong pagkain na ginawa nito. Gayunman, ang “pabrikang” ito ay tahimik at maganda. Sa halip na makarumi, naglalabas ito ng oksiheno bilang pangalawahing produkto!
22, 23. (a) Anu-ano ang kapansin-pansing mga abilidad ng ilang ibon at hayop sa lupa? (b) Anu-ano pang mga tanong ang kailangan nating isaalang-alang?
22 “Kayong maiilap na hayop at kayong lahat na maaamong hayop, kayong mga gumagapang na bagay at mga ibong may pakpak,” ang sabi ng Awit 148:10. Maraming hayop sa lupa at mga lumilipad na nilalang ang nagpapakita ng kamangha-manghang mga abilidad. Ang Laysan albatross ay nakalilipad nang malalayong distansiya (sa isang pagkakataon 40,000 kilometro sa loob lamang ng 90 araw). Ang blackpoll warbler ay naglalakbay mula Hilaga patungong Timog Amerika, anupat nananatili sa himpapawid sa loob ng mahigit 80 oras nang walang hinto. Nag-iimbak ang mga kamelyo ng tubig, hindi sa umbok nito gaya ng karaniwang palagay, kundi sa kaniyang sistema ng panunaw, anupat dahil dito ay matagal itong nabubuhay nang hindi nawawalan ng likido sa katawan. Hindi kataka-taka kung gayon, na masusing pinagmamasdan ng mga inhinyero ang kaharian ng mga hayop sa pagdidisenyo ng mga makina at bagong mga materyales. “Kung gusto mong gumawa ng isang bagay na gagana nang mahusay . . . at hindi makapipinsala sa kapaligiran,” ang sabi ng manunulat na si Gail Cleere, “malaki ang posibilidad na makakakita ka ng magandang halimbawa sa kalikasan.”
23 Oo, tunay na inihahayag ng sangnilalang ang kaluwalhatian ng Diyos! Mula sa mabituing kalangitan hanggang sa mga halaman at mga hayop, ang bawat isa sa mga ito ay nagdudulot ng kapurihan sa Maylikha nito sa kani-kaniyang sariling paraan. Pero kumusta naman tayong mga tao? Paano tayo makapupuri sa Diyos kagaya ng kalikasan?
Natatandaan Mo Ba?
• Bakit walang maidadahilan yaong mga nagkakaila sa pag-iral ng Diyos?
• Paano niluluwalhati ng mga bituin at ng mga planeta ang Diyos?
• Paano nagpapatotoo ang mga hayop sa dagat at lupa na may isang maibiging Maylalang?
• Paano isinasakatuparan ng mga walang-buhay na puwersa ng kalikasan ang kalooban ni Jehova?
[Larawan sa pahina 10]
Tinataya ng mga siyentipiko na ang bilang ng nakikitang mga bituin ay 70 “sextillion”!
[Credit Line]
Frank Zullo
[Larawan sa pahina 12]
“Bottle-nosed dolphin”
[Larawan sa pahina 13]
Taliptip ng niyebe
[Credit Line]
snowcrystals.net
[Larawan sa pahina 13]
Inakáy na “Laysan albatross”