ASH, KONSTELASYON NG
Dahil ang mga salitang Hebreo na ʽAsh at ʽAʹyish gayundin ang iba pang mga termino ay ginagamit sa dalawang kaso may kaugnayan sa araw, mga bituin, at langit, ipinahihiwatig nito na ang mga iyon ay tumutukoy sa isang konstelasyon sa langit. (Tingnan ang Job 9:7-9; 38:32, 33.) Sa kasalukuyan ay imposibleng matiyak kung aling konstelasyon ang tinutukoy ng mga iyon anupat mas mabuting tumbasan na lamang ng transliterasyon ang pangalang ito (gaya ng nasa pamagat) sa halip na isalin ang mga salitang Hebreo gamit ang espesipikong mga pangalan gaya ng “Arcturus” (sa Gr., Ar·ktouʹros, literal na nangangahulugang “Tagapag-alaga ng Oso”) (KJ), o “Oso” (AS-Tg).
Dahil binabanggit ng Job 38:32 ang Ash “kasama ng mga anak nito,” matibay ang saligan upang ipalagay na ito’y isang konstelasyon. Sinasabi ng karamihan na ang Ursa Major (ang Malaking Oso) ang konstelasyong tinutukoy, yamang mayroon itong pitong pangunahing bituin na maaaring ituring na “mga anak nito.” Gayunman, ang mahalagang punto sa tekstong iyon ay hindi kung aling partikular na konstelasyon ang tinutukoy, kundi ang tanong na ibinangon: “Mapapatnubayan mo ba ang mga iyon?” Sa gayon ay idiniriin ng Diyos na Jehova kay Job ang karunungan at kapangyarihan ng Maylalang, yamang napakaimposibleng makontrol ng tao ang mga galaw ng pagkalaki-laking mga konstelasyong ito.