LEVIATAN
[sa Heb., liw·ya·thanʹ].
Ang salitang Hebreong ito ay lumilitaw nang anim na ulit sa Bibliya. Ipinapalagay na nagmula ito sa salitang-ugat na nangangahulugang “putong na itinirintas.” Kaya naman ang pangalang ito ay nagpapahiwatig ng isang bagay na “nakatirintas,” o “itinupi-tupi.” Sa karamihan ng mga salin ng Bibliya, ang salitang ito’y tinumbasan ng transliterasyon.
Yamang lahat ng pagbanggit sa Leviatan, maliban sa Job 3:8, ay may kinalaman sa tubig, waring tumutukoy ito sa isang napakalaki at napakalakas na nilalang na nabubuhay sa tubig, bagaman hindi tumutukoy sa iisang espesipikong uri. Sa Awit 104:25, 26, inilarawan itong naglalaro sa dagat kung saan naglalayag ang mga barko, at dahil dito, marami ang nagsasabi na sa tekstong ito, ang Leviatan ay kumakapit sa isang uri ng balyena. Bagaman bihira ang mga balyena sa Mediteraneo, kilalá naman sila roon, at makikita sa isang museo sa Beirut, Lebanon, ang ilang bahagi ng mga kalansay ng dalawang balyena. “Buwaya” ang ginamit ng An American Translation sa tekstong ito sa halip na Leviatan. Karagdagan pa, hindi rin makapagbibigay ng kumpirmasyon ang salitang “dagat” (yam) dahil sa Hebreo ay maaari itong tumukoy sa isang malaking katubigan sa looban gaya ng Dagat ng Galilea (Dagat ng Kineret) (Bil 34:11; Jos 12:3), o maging sa ilog ng Nilo (Isa 19:5) o sa Eufrates.—Jer 51:36.
Ang deskripsiyon ng “Leviatan” sa Job 41:1-34 ay tugmang-tugma sa buwaya, at ang “dagat” sa talata 31 ay maaaring tumutukoy sa isang ilog gaya ng Nilo o sa iba pang tabáng na katubigan. Gayunman, dapat pansinin na may mga buwaya, gaya ng mga Nile crocodile (Crocodylus niloticus), na matatagpuan sa kahabaan ng baybaying dagat at kung minsa’y lumulusong sa dagat mga ilang distansiya mula sa katihan.
Inilalarawan ng Awit 74 ang pagliligtas ng Diyos sa kaniyang bayan, at sa makasagisag na paraan ay tinutukoy ng mga talata 13 at 14 ang pagliligtas niya sa Israel mula sa Ehipto. Dito, ang terminong “mga dambuhalang hayop-dagat [sa Heb., than·ni·nimʹ, pangmaramihan ng tan·ninʹ]” ay ginamit na katumbas ng pananalitang “Leviatan,” at maaaring ang pagdurog sa mga ulo ng Leviatan ay tumutukoy sa masaklap na pagkatalo ni Paraon at ng kaniyang hukbo noong panahon ng Pag-alis. Sa Aramaikong mga Targum, “ang malalakas ni Paraon” ang mababasa sa halip na “mga ulo ng Leviatan.” (Ihambing ang Eze 29:3-5, kung saan inihalintulad si Paraon sa isang “dambuhalang hayop-dagat” sa gitna ng mga kanal ng Nilo; gayundin ang Eze 32:2.) Lumilitaw na ginamit ng Isaias 27:1 ang Leviatan (LXX, “ang dragon”) bilang sagisag ng isang imperyo, isang internasyonal na organisasyong pinamumunuan ng isa na tinutukoy bilang “serpiyente” at “dragon.” (Apo 12:9) Ang hulang ito ay tungkol sa pagsasauli ng Israel, kaya naman tiyak na kasama ang Babilonya sa ‘pagbabaling ni Jehova ng pansin’ sa Leviatan. Gayunman, binanggit din ng mga talata 12 at 13 ang Asirya at ang Ehipto. Kaya naman, maliwanag na ang Leviatan dito ay tumutukoy sa isang internasyonal na organisasyon o imperyo na sumasalansang kay Jehova at sa kaniyang mga mananamba.