KOSMETIK
Mga substansiyang ipinapahid sa mukha o sa iba pang mga bahagi ng katawan ng tao upang mabago, mapaganda o maging kaakit-akit ang kaanyuan ng isa. Ang gayong mga timplada ay maaaring ipahid sa balat, sa mga kuko, o sa buhok. Ang salitang Ingles na “cosmetic” ay hinalaw sa salitang Griego na ko·sme·ti·kosʹ, na nangangahulugang “dalubhasa sa pagpapalamuti.”
Noon, may mga manggagawa at mga tagapaghalo ng ungguento sa gitna ng mga Israelita (Exo 30:25; 1Sa 8:13; Ne 3:8), at karaniwang ginagamit ang mga ungguento (na kadalasa’y mabango), anupat marahil ay higit na ginagamit kaysa sa iba pang mga kosmetik. Kapag ipinapahid sa balat o sa buhok sa mga lugar na mainit at tuyo ang klima, nakatutulong ang mga ungguento upang mabawasan ang panunuyo. Ginagamit din noon ang mababangong langis, anupat noong isang pagkakataon, gayong langis ang ipinahid ng isang makasalanang babae sa mga paa ni Jesu-Kristo. (Luc 7:37, 38) Gayundin, ilang araw bago mamatay si Jesus, si Maria, na kapatid ni Lazaro, ay “dumating na may sisidlang alabastro ng mabangong langis, tunay na nardo, na napakamahal,” at pinahiran siya.—Mar 14:3; Ju 12:3; Mat 26:6, 7; tingnan ang UNGGUENTO AT MGA PABANGO.
Nang dumating si Jehu sa Jezreel, bukod sa inasikaso ni Jezebel ang ayos ng kaniyang buhok o inayusan niya nang maganda ang kaniyang ulo, “pinintahan [din] niya ang kaniyang mga mata ng itim na pinta.” (2Ha 9:30) May mga babae sa Israel noon na gumagamit ng pinta sa mata, gaya ng mga babae sa iba pang mga lupain sa Gitnang Silangan noong sinaunang panahon. (Eze 23:40) Noon, kadalasan ay kulay itim ang pinta sa mata, anupat sa pamamagitan ng kulay na ito, tumitingkad ang puti ng mga mata at nagmumukhang mas malaki ang mata. (Jer 4:30) Sa mga pagtukoy ng Kasulatan sa pagpipinta sa mata, hindi iniuugnay ang kaugaliang ito sa tapat na mga babae ng Israel sa pangkalahatan, bagaman ang isa sa mga anak na babae ni Job ay pinangalanan ng Keren-hapuc, na posibleng nangangahulugang “Sungay ng Itim na Pinta (sa Mata) [samakatuwid nga, sisidlan ng kolorete].”—Job 42:14.
Hindi hinahatulan ng Kasulatan ang may-kahinhinan at angkop na paggamit ng mga kosmetik at ng iba pang mga kagayakan. Gayunman, pinayuhan ni Pablo at ni Pedro ang mga babaing Kristiyano na gayakan ang kanilang sarili nang “may kahinhinan at katinuan ng pag-iisip, . . . sa paraan na angkop sa mga babae na nag-aangking nagpipitagan sa Diyos,” at na ang kanilang kagayakan ay maging “ang lihim na pagkatao ng puso sa walang-kasiraang kasuutan ng tahimik at mahinahong espiritu, na malaki ang halaga sa paningin ng Diyos.” (1Ti 2:9, 10; 1Pe 3:3, 4) Gayundin, sa kinasihang pagsasaalang-alang sa halaga ng isang mabuting asawang babae, angkop na sinabi: “Ang halina ay maaaring magbulaan, at ang kariktan ay maaaring walang-kabuluhan; ngunit ang babaing may takot kay Jehova ang siyang nagkakamit ng papuri para sa kaniyang sarili.”—Kaw 31:30.