Pinarangalan ni Job ang Pangalan ni Jehova
“Patuloy na pagpalain ang pangalan ni Jehova.”—JOB 1:21.
1. Sino ang malamang na sumulat ng aklat ng Job, at kailan?
MGA 40 taóng gulang si Moises nang tumakas siya sa Ehipto mula kay Paraon at manirahan sa Midian. (Gawa 7:23) Dito niya malamang na narinig ang tungkol sa mga pagsubok kay Job na naninirahan sa Uz, isang kalapit na lupain. Pagkalipas ng maraming taon, nang matatapos na ang paglalakbay ni Moises at ng Israel sa ilang, dumaan sila malapit sa Uz. Marahil ay sa panahong ito narinig ni Moises ang tungkol sa huling mga taon ng buhay ni Job. Ayon sa tradisyong Judio, isinulat ni Moises ang aklat ng Job pagkalipas ng ilang panahon pagkamatay ni Job.
2. Paano nakapagpapatibay ang aklat ng Job sa mga lingkod ni Jehova sa ngayon?
2 Nakapagpapatibay sa mga lingkod ng Diyos sa ngayon ang aklat ng Job. Paano? Tinutulungan tayo ng ulat na ito na maunawaan ang mahahalagang pangyayaring naganap sa langit at ang pangunahing isyu ng pansansinukob na soberanya ng Diyos. Tinutulungan din tayo nito na higit na maunawaan kung ano ang nasasangkot sa pananatiling tapat at kung bakit pinahihintulutan ni Jehova ang kaniyang mga lingkod na magdusa kung minsan. Bukod diyan, tinutukoy ng aklat ng Job si Satanas na Diyablo bilang pangunahing Kalaban ni Jehova at ng sangkatauhan. Ipinakikita rin nito na ang mga di-sakdal na tao, gaya ni Job, ay makapananatiling tapat kay Jehova sa kabila ng matinding pagsubok. Suriin natin ang ilang pangyayaring iniulat sa aklat ng Job.
Sinubok ni Satanas si Job
3. Ano ang alam natin tungkol kay Job? Bakit siya pinuntirya ni Satanas?
3 Si Job ay mayaman at maimpluwensiyang tao. Isa rin siyang mabuting ama. Lumilitaw na iginagalang siya bilang tagapayo at matulungin siya sa mga nangangailangan. Higit sa lahat, si Job ay may takot sa Diyos. Inilarawan siya na “walang kapintasan at matuwid, at natatakot sa Diyos at lumilihis sa kasamaan.” Pinuntirya ni Satanas na Diyablo si Job, hindi dahil sa kaniyang kayamanan at impluwensiya, kundi dahil sa kaniyang makadiyos na debosyon.—Job 1:1; 29:7-16; 31:1.
4. Ano ang katapatan?
4 Inilalarawan sa introduksiyon ng aklat ng Job ang isang pagtitipon sa langit kung saan humarap ang mga anghel kay Jehova. Naroon din si Satanas, at pinaratangan niya si Job. (Basahin ang Job 1:6-11.) Bagaman nabanggit ni Satanas ang tungkol sa kayamanan ni Job, ang talagang kinuwestiyon niya ay ang katapatan nito. Ang salitang “katapatan” ay nangangahulugan ng pagiging matuwid at walang kapintasan. Sa Bibliya, kapag sinabing tapat ang isang tao, ipinahihiwatig nito na buong-puso siyang nakaalay kay Jehova.
5. Ano ang paratang ni Satanas kay Job?
5 Inangkin ni Satanas na ayaw naman talaga ni Job na maging tapat sa Diyos. Ipinahiwatig niya na ginagawa lamang ito ni Job dahil ginagantimpalaan at iniingatan siya ni Jehova. Para masagot ang paratang na ito, hinayaan ni Jehova na subukin ni Satanas ang katapatan ni Job. Bilang resulta, sa loob lamang ng isang araw, ninakaw ang mga alagang hayop ni Job samantalang nilipol naman ang iba. Pinatay ang kaniyang mga lingkod. Namatay rin ang kaniyang sampung anak. (Job 1:13-19) Sa kabila ng lahat ng ito, nanatili kayang tapat si Job sa Diyos? Ganito ang sinabi ng Bibliya hinggil sa reaksiyon ni Job: “Si Jehova ang nagbigay, at si Jehova ang nag-alis. Patuloy na pagpalain ang pangalan ni Jehova.”—Job 1:21.
6. (a) Ano ang nangyari nang muling magtipon ang mga anghel sa langit? (b) Sino pa ang nasa isip ni Satanas nang kuwestiyunin niya ang katapatan ni Job kay Jehova?
6 Nang maglaon, muling nagtipon ang mga anghel sa langit. Pinaratangan uli ni Satanas si Job, at sinabi: “Balat kung balat, at ang lahat ng pag-aari ng isang tao ay ibibigay niya alang-alang sa kaniyang kaluluwa. Upang mapaiba naman, iunat mo ang iyong kamay, pakisuyo, at galawin mo siya hanggang sa kaniyang buto at sa kaniyang laman at tingnan mo kung hindi ka niya susumpain nang mukhaan.” Pansinin na hindi lamang ang katapatan ni Job ang kinuwestiyon ni Satanas: “Ang lahat ng pag-aari ng isang tao ay ibibigay niya alang-alang sa kaniyang kaluluwa.” Oo, kinuwestiyon din ng Diyablo ang katapatan ng sinumang “tao” na sumasamba kay Jehova. Kaya pinahintulutan ng Diyos si Satanas na pasapitan si Job ng isang makirot na karamdaman. (Job 2:1-8) Pero hindi lang iyan ang naranasan ni Job.
Ano ang Matututuhan Natin kay Job?
7. Paano ginipit si Job ng kaniyang asawa at ng mga dumalaw sa kaniya?
7 Nasaktan din ang asawa ni Job sa nangyari sa kanilang pamilya. Tiyak na nadurog ang kaniyang puso sa pagkawala ng kanilang mga anak at ng kanilang kayamanan. Siguradong napakasakit sa kaniya na makita ang kaniyang asawa na nagdurusa dahil sa karamdaman. Dahil dito, nasabi niya kay Job: “Nanghahawakan ka pa bang mahigpit sa iyong katapatan? Sumpain mo ang Diyos at mamatay ka!” Dumating din sina Elipaz, Bildad, at Zopar para di-umano’y aliwin si Job. Pero sa halip na aliwin si Job, gumamit sila ng pilipit na pangangatuwiran at naging “mapanligalig na mga mang-aaliw.” Halimbawa, ipinahiwatig ni Bildad na nakagawa ng masama ang mga anak ni Job kung kaya nararapat lang silang mamatay. Ipinahiwatig naman ni Elipaz na pinarurusahan ng Diyos si Job dahil sa kaniyang nagawang mga kasalanan. Aba, nag-alinlangan pa nga si Elipaz kung talaga nga kayang mahalaga sa Diyos ang mga tapat sa Kaniya! (Job 2:9, 11; 4:8; 8:4; 16:2; 22:2, 3) Totoo, nagkamali si Job nang ‘ipahayag niyang matuwid ang kaniyang sariling kaluluwa sa halip na ang Diyos.’ (Job 32:2) Subalit sa kabila ng lahat ng ito, nanatili siyang tapat.
8. Bakit mabuting halimbawa si Elihu para sa mga nagpapayo sa ngayon?
8 Dumalaw rin si Elihu kay Job. Nakinig muna si Elihu sa mga argumento ni Job at ng tatlo nitong kasamahan. Bagaman nakababata sa kanila si Elihu, nagpakita siya ng higit na karunungan. Magalang niyang kinausap si Job. Pinuri ni Elihu si Job sa pagiging matuwid. Pero sinabi rin niya na masyadong nagtuon ng pansin si Job dito. Pagkatapos, tiniyak ni Elihu kay Job na talagang sulit ang maglingkod nang tapat sa Diyos. (Basahin ang Job 36:1, 11.) Napakaganda ngang halimbawa para sa mga nagpapayo sa ngayon! Naging matiyaga si Elihu, nakinig na mabuti, nagbigay ng komendasyon hangga’t posible, at nagbigay ng nakapagpapatibay na payo.—Job 32:6; 33:32.
9. Paano tinulungan ni Jehova si Job?
9 Nang dakong huli, nagkaroon si Job ng isang pambihirang karanasan! Ganito ang sinasabi ng ulat: “Sinagot ni Jehova si Job mula sa buhawi.” Gumamit si Jehova ng sunud-sunod na tanong upang maituwid ang kaisipan ni Job. Bagaman mabait si Jehova, kinailangan niyang bigyan ng matinding payo ang kaniyang lingkod. Malugod naman itong tinanggap ni Job at inamin: “Ako ay naging walang kabuluhan . . . Ako ay nagsisisi sa alabok at abo.” Pagkatapos kausapin ni Jehova si Job, sinaway naman Niya ang tatlong kasamahan ni Job yamang hindi sila “nagsalita ng katotohanan.” Dahil dito, kinailangan ni Job na manalangin para sa kanila. Pagkatapos, “binaligtad ni Jehova ang bihag na kalagayan ni Job nang manalangin siya alang-alang sa kaniyang mga kasamahan, at bilang karagdagan ay pinasimulang ibigay ni Jehova ang lahat ng naging pag-aari ni Job, sa dobleng dami.”—Job 38:1; 40:4; 42:6-10.
Gaano Natin Kamahal si Jehova?
10. Bakit hindi na lamang pinuksa ni Jehova si Satanas o binale-wala ang akusasyon nito?
10 Si Jehova ang Maylalang ng uniberso at Soberano ng lahat ng nilalang. Kung gayon, bakit hindi na lamang niya binale-wala ang akusasyon ng Diyablo? Alam ng Diyos na hindi malulutas ang isyu kung ito ang gagawin niya o kung pupuksain niya si Satanas. Inangkin ng Diyablo na hindi mananatiling tapat si Job kung mawawala ang kaniyang kayamanan. Pero naging tapat pa rin si Job. Inangkin din ni Satanas na kapag nagdusa sa pisikal na paraan ang sinumang tao, tatalikuran niya ang Diyos. Nagdusa si Job, pero nanatili pa rin siyang tapat. Kaya dahil sa katapatan ng di-sakdal na taong iyon, napatunayang sinungaling si Satanas. Kumusta naman ang iba pang mga mananamba ng Diyos?
11. Paano malinaw na pinabulaanan ni Jesus ang paratang ni Satanas?
11 Kapag nananatiling tapat ang isang lingkod ng Diyos sa anumang pagsubok na inihaharap sa kaniya ni Satanas, pinatutunayan niyang mali ang mga akusasyon ng kaaway. Pumarito si Jesus sa lupa upang malinaw na pabulaanan ang paratang ni Satanas. Sakdal na tao si Jesus, gaya ng ating unang ama, si Adan. Dahil nanatiling tapat si Jesus hanggang kamatayan, maliwanag na ipinakita niyang sinungaling si Satanas.—Apoc. 12:10.
12. Ano ang ibinigay na pagkakataon at pananagutan sa bawat lingkod ni Jehova?
12 Gayunpaman, patuloy pa ring sinusubok ni Satanas ang mga mananamba ni Jehova. Ang bawat isa sa atin ay may pagkakataon at pananagutang ipakitang naglilingkod tayo nang tapat kay Jehova dahil mahal natin siya—hindi dahil sa pakinabang. Ano ang pananaw natin sa pananagutang iyan? Isa itong pribilehiyo! Nakaaaliw ring malaman na binibigyan tayo ni Jehova ng lakas upang makapagbata. Gaya sa kaso ni Job, hindi Niya tayo hahayaang masubok nang higit sa ating makakaya.—1 Cor. 10:13.
Satanas—Malupit na Kaaway at Apostata
13. Anong mga detalye hinggil kay Satanas ang binabanggit sa aklat ng Job?
13 Sinasabi sa Hebreong Kasulatan kung paano hinamon ni Satanas si Jehova at kung paano niya ipinahamak ang sangkatauhan. Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan naman, mababasa natin ang higit pang impormasyon hinggil sa pagsalansang ni Satanas kay Jehova. Sa aklat ng Apocalipsis, tinatalakay ang pagbabangong-puri sa soberanya ni Jehova at ang lubusang pagpuksa kay Satanas. Ang aklat ng Job ay nagbibigay ng karagdagang impormasyon tungkol sa pagiging mapaghimagsik ni Satanas. Sumama si Satanas sa mga pagtitipon sa langit hindi para purihin si Jehova. Masama ang motibo niya. Pinaratangan niya si Job, at nang bigyan siya ng pahintulot na subukin ito, “umalis si Satanas mula sa harap ni Jehova.”—Job 1:12; 2:7.
14. Ano ang nadarama ni Satanas kay Job?
14 Maliwanag na tinutukoy sa aklat ng Job si Satanas bilang malupit na kaaway ng sangkatauhan. Hindi espesipikong binanggit kung gaano kahaba ang panahong lumipas sa pagitan ng dalawang pagtitipon sa langit na binanggit sa Job 1:6 at Job 2:1. Sa loob ng panahong ito, sinubok si Job. At dahil nanatiling tapat si Job, sinabi ni Jehova kay Satanas: “[Si Job] ay nanghahawakan pa ring mahigpit sa kaniyang katapatan, bagaman inuudyukan mo ako laban sa kaniya na lamunin siya nang walang dahilan.” Pero hindi inamin ni Satanas na mali siya. Sa katunayan, iginiit niya na kulang pa ang pagsubok kay Job. Kaya sinubok ng Diyablo si Job noong siya’y mayaman at noong siya’y maghirap. Oo, talagang walang awa si Satanas sa mahihirap o sa mga biktima ng trahedya. Napopoot siya sa mga tapat sa Diyos. (Job 2:3-5) Gayunpaman, pinatunayan ng katapatan ni Job na sinungaling si Satanas.
15. Bakit katulad ni Satanas ang mga apostata sa ngayon?
15 Si Satanas ang unang apostata, at katulad niya ang mga apostata sa ngayon. Maaaring nagsimulang malason ang isipan ng mga taong ito nang maging mapamuna sila. Baka pinipintasan nila ang ilang miyembro ng kongregasyon, mga elder, o ang Lupong Tagapamahala. Ayaw namang gamitin ng ilang apostata ang pangalan ng Diyos na Jehova. Hindi sila interesadong makilala si Jehova o maglingkod sa kaniya. Gaya ng kanilang ama, si Satanas, pinupuntirya ng mga apostata ang mga tapat sa Diyos. (Juan 8:44) Iyan ang dahilan kung bakit sila lubusang iniiwasan ng mga lingkod ni Jehova.—2 Juan 10, 11.
Pinarangalan ni Job ang Pangalan ni Jehova
16. Paano pinarangalan ni Job si Jehova?
16 Ginamit at pinuri ni Job ang pangalan ni Jehova. Kahit nang mabalitaan niyang namatay ang lahat ng kaniyang anak, hindi siya nagsalita ng anumang masama laban sa Diyos. Oo, inakala niyang Diyos ang dahilan ng kaniyang pagdurusa. Pero sa kabila nito, pinarangalan pa rin niya ang pangalan ni Jehova. Nang maglaon ay sinabi ni Job: “Narito! Ang pagkatakot kay Jehova—iyon ang karunungan, at ang paglayo sa kasamaan ay pagkaunawa.”—Job 28:28.
17. Ano ang nakatulong kay Job na manatiling tapat sa Diyos?
17 Ano ang nakatulong kay Job na manatiling tapat sa Diyos? Maliwanag na bago pa niya maranasan ang mga trahedya sa buhay niya, mayroon na siyang malapít na kaugnayan kay Jehova. Hindi tayo tiyak kung alam ni Job ang isyung ibinangon ni Satanas kay Jehova. Gayunpaman, determinado siyang manatiling tapat. Sinabi niya: “Hanggang sa pumanaw ako ay hindi ko aalisin sa akin ang aking katapatan!” (Job 27:5) Paano nagkaroon ng malapít na kaugnayan si Job kay Jehova? Tiyak na binulay-bulay niya ang narinig niya tungkol sa mga pakikitungo ng Diyos kina Abraham, Isaac, at Jacob, na malayo niyang mga kamag-anak. At sa pagmamasid sa mga nilalang, naunawaan ni Job ang maraming katangian ni Jehova.—Basahin ang Job 12:7-9, 13, 16.
18. (a) Paano ipinakita ni Job ang kaniyang debosyon kay Jehova? (b) Paano natin matutularan ang mabuting halimbawa ni Job?
18 Napakilos si Job ng kaniyang natutuhan na palugdan si Jehova. Palibhasa’y naiisip na baka nagkasala ang kaniyang pamilya sa Diyos o “isinumpa [nila] ang Diyos sa kanilang puso,” palagi siyang naghahandog kay Jehova. (Job 1:5) Kahit sa panahon ng matinding pagsubok, nagsalita pa rin siya ng magagandang bagay tungkol kay Jehova. (Job 10:12) Napakahusay na halimbawa! Dapat din tayong patuloy na kumuha ng tumpak na kaalaman tungkol kay Jehova at sa kaniyang mga layunin. Magagawa natin ito kung regular tayong mag-aaral ng Bibliya at dadalo sa mga pulong. Dapat din tayong regular na manalangin at mangaral ng mabuting balita. Bukod diyan, ginagawa natin ang ating buong makakaya na ipakilala ang pangalan ni Jehova. At kung paanong nakalugod kay Jehova ang katapatan ni Job, nakalulugod din sa Diyos ang katapatan ng kaniyang mga lingkod sa ngayon. Tatalakayin iyan sa susunod na artikulo.
Naaalaala Mo Ba?
• Bakit pinuntirya ni Satanas na Diyablo si Job?
• Anu-anong pagsubok ang naranasan ni Job, pero ano ang naging reaksiyon niya?
• Ano ang makatutulong sa atin na manatiling tapat gaya ni Job?
• Ano ang natutuhan natin sa aklat ng Job tungkol kay Satanas?
[Larawan sa pahina 4]
Ipinaaalaala sa atin ng ulat tungkol kay Job ang isyu ng pansansinukob na soberanya ng Diyos
[Larawan sa pahina 6]
Sa anong mga kalagayan posibleng masubok ang iyong katapatan?