Pagbubunyag sa Ahas
“Ngayon dumating ang araw nang ang mga anak ng tunay na Diyos ay pumaroon upang humarap kay Jehova, at pati si Satanas ay naparoon din na kasama nila.”—JOB 1:6.
1. (a) Ano ang pinagmulan at ang kahulugan ng pangalang Satanas? (b) Ilang beses lumilitaw sa Kasulatan ang “Satanas,” at anong mga tanong ang bumabangon?
ANO ba ang pinagmulan ng pangalang Satanas? Ano ang kahulugan nito? Batay sa Bibliya, ito’y binuo buhat sa tatlong Hebreong karakter na ש (Sin), ט (Tehth), at נ (Nun). Taglay ang kani-kanilang mga puntos na patinig, ang mga letrang ito ay bumubuo ng salitang “Satanas,” na, sang-ayon sa iskolar na si Edward Langton, ay “kinuha sa isang ugat na ang ibig sabihin ay ‘sumalansang,’ o ‘maging o kumilos bilang isang kaaway.’” (Ihambing ang 1 Pedro 5:8.) Bagaman ang pangalang Satanas ay lumilitaw ng mahigit 50 beses sa Bibliya, ito’y makikita ng 18 beses lamang sa Kasulatang Hebreo at ito’y tangi lamang sa mga aklat ng 1 Cronica, Job, at Zacarias. Kaya’t ang mga tanong na bumabangon ay, Kailan nalaman ng tao ang paghihimagsik at gawain ni Satanas? Kailan si Satanas unang malinaw na ibinunyag sa Kasulatang Hebreo?
2. Anong tanong ang hindi agad nasagot pagkatapos ng paghihimagsik ni Adan at ni Eva?
2 Ang Bibliya’y nagpapaliwanag sa simple ngunit malalalim na termino kung paano umiral sa lupa ang kasalanan at paghihimagsik, doon sa isang halamanang paraiso sa Gitnang Silangan. (Tingnan ang Genesis, kabanata 2 at 3.) Bagaman ang promotor ng pagsuway ni Adan at ni Eva ay ipinakikilala bilang isang ahas, walang tuwirang pahiwatig ang ibinibigay tungkol sa kung sino ang tunay na kapangyarihan at talino na nasa likod ng tinig na nanggaling sa ahas. Gayumpaman, si Adan ay nagkaroon ng mahabang panahon upang pag-isipan ang mga pangyayari sa Eden na humantong sa pagpapalayas sa kaniya sa parkeng paraiso.—Genesis 3:17, 18, 23; 5:5.
3. Bagama’t hindi nadaya, paano nagkasala si Adan, at ano ang naging resulta nito sa sangkatauhan?
3 Maliwanag, batid ni Adan na ang mga hayop ay hindi nagsasalita na taglay ang talino ng tao. Batid din niya na ang Diyos ay hindi nagsalita sa kaniya sa pamamagitan ng anumang hayop bago tinukso si Eva. Kaya’t sino nga ang nagsabi sa kaniyang asawa na sumuway sa Diyos? Sinabi ni Pablo na bagaman ang babae’y lubusang nadaya, si Adan ay hindi nadaya. (Genesis 3:11-13, 17; 1 Timoteo 2:14) Marahil natanto ni Adan na may isang di-nakikitang nilalang na naghahandog ng isa pang pagpipilian sa pagsunod sa Diyos. Gayunman, bagama’t hindi siya mismo ang nilapitan ng ahas, kaniyang pinili na makiisa sa kaniyang asawa sa pagsuway. Ang kusa at sinasadyang pagsuway ni Adan ang sumira ng molde ng kasakdalan, nagpasok ng depekto ng kasalanan, at humantong sa inihulang hatol na kamatayan. At sa ganoon, sa pamamagitan ng paggamit sa ahas, si Satanas ay naging siyang unang-unang mamamatay-tao.—Juan 8:44; Roma 5:12, 14.
4, 5. (a) Anong makahulang hatol ang ibinigay laban sa ahas? (b) May anong mga palaisipan ang hulang iyan?
4 Ang paghihimagsik sa Eden ay nagbunga ng isang makahulang hatol buhat sa Diyos. Kasali sa hatol na iyon ang isang “banal na lihim” na gugugol ng libu-libong taon ang lubos na pagkahayag. Sinabi ng Diyos sa ahas: “Pag-aalitin ko ikaw at ang babae at ang iyong binhi at ang kaniyang binhi. Kaniyang susugatan ka sa ulo at iyong susugatan siya sa sakong.”—Efeso 5:32; Genesis 3:15.
5 Ang mahalagang hulang ito ay may kasamang mga palaisipan. Sino bang talaga ang tinutukoy na “babae”? Iyon ba ay si Eva, o iyon ay isang simbolikong babae na may lalong malawak na kahulugan kaysa kay Eva? At, ano ba ang ibig sabihin ng ‘binhi ng babae’ at ‘binhi ng ahas’? At sino ba talaga ang ahas na ang binhi ay makakaalit ng binhi ng babae? Gaya ng ating tatalakayin maya-maya, maliwanag na ipinasiya ni Jehova na ang mga tanong na ito’y bibigyan ng lalong maliwanag na kasagutan sa kaniyang takdang panahon.—Ihambing ang Daniel 12:4 at Colosas 1:25, 26.
Higit Pang Katibayan ng Paghihimagsik sa Langit
6. Anong palatandaan ng paghihimagsik sa langit ang nakita karaka-raka bago ang baha?
6 Sa paglakad ng kasaysayan sa Bibliya, ipinakikita ang isa pang paghihimagsik ng mga nilalang na may lalong mataas na antas ng buhay kaysa mga tao at napabaong noong mga sandaling bago sumapit ang Baha, mga 1,500 taon pagkatapos mahulog ang tao sa kasalanan. Sinasabi sa atin ng Bibliya na “napansin ng mga anak ng tunay na Diyos ang mga anak na babae ng mga tao, na sila’y magaganda; at sila’y kumuha ng kani-kanilang asawa, samakatuwid nga, lahat ng kanilang magustuhan.” Ang mistisong mga supling ng di-natural na mga pag-aasawang ito ay nakilala sa tawag na mga “Nefilim,” “mga makapangyarihan noong sinaunang panahon, ang bantog na mga lalaki.” (Genesis 6:1-4; ihambing ang Job 1:6 para makilala kung sino “ang mga anak ng tunay na Diyos.”) Mga 2,400 taon ang nakalipas, si Judas ay nagbigay ng maikling komento tungkol sa pangyayaring ito nang siya’y sumulat: “At ang mga anghel na . . . iniwan ang kanilang talagang sariling tahanang dako ay kaniyang inilaan sa mga tanikalang walang-hanggan sa pusikit na kadiliman para sa paghuhukom sa dakilang araw.”—Judas 6; 2 Pedro 2:4, 5.
7. Sa kabila ng kasamaan ng tao, nakapagtataka na hindi natin makikita ang ano sa marami sa makasaysayang mga aklat ng Bibliya?
7 Sa puntong ito bago sumapit ang Baha “ang kasamaan ng tao ay lubhang laganap sa ibabaw ng lupa at ang bawat hilig ng mga kaisipan ng kanilang puso ay pawang kasamaan na lamang palagi.” Gayunman, si Satanas ay hindi espisipikong tinutukoy sa kinasihang aklat ng Genesis bilang ang makapangyarihang impluwensiya na nasa likod ng paghihimagsik ng mga anghel at ng kabalakyutan ng tao. (Genesis 6:5) Oo, sa buong kasaysayan ng mga bansa ng Israel at Juda, na palaging bumabalik sa idolatriya at sa huwad na pagsamba, hindi kailanman binabanggit si Satanas sa kinasihang mga aklat ng Bibliya na Mga Hukom, Samuel, at Mga Hari bilang ang di-nakikitang impluwensiya sa likod ng mga pangyayaring ito—sa kabila ng pag-amin mismo ni Satanas na siya’y “nagpaparoo’t parito sa lupa.”—Job 1:7; 2:2.
8. Sa simula ba ay alam ni Job ang bahaging gagampanan ni Satanas sa kaniyang pagdurusa? Paano natin nalalaman?
8 Kahit na kung isasaalang-alang natin ang mahalagang kasaysayan ni Job at ng kaniyang mga dinanas na pagsubok, makikita natin na ang kaniyang mga pagsubok na ito ay hindi kailanman sinabi ni Job na ang kaaway, si Satanas, ang may kagagawan. Maliwanag, hindi niya alam noon na may isyung pinaglalabanan na nakabitin ang resulta sa kaniyang igagawi. (Job 1:6-12) Hindi niya batid na si Satanas ang sanhi ng panggigipit na iyon nang hamunin niya ang paninindigan ni Job ng katapatan sa harap ni Jehova. Sa gayon, nang pamukhaan si Job ng kaniyang asawa ng mga salitang: “Namamalagi ka pa ba sa iyong pagtatapat? Itakwil mo ang Diyos at mamatay ka!” wala siyang isinagot kundi: “Mabuti ba lamang ang tatanggapin natin buhat sa tunay na Diyos at hindi tayo tatanggap ng masama?” Palibhasa’y hindi niya alam ang tunay na pinagmumulan ng kaniyang mga dinaranas na pagsubok, marahil ay inakala niyang ang mga ito ay nanggagaling sa Diyos at sa gayo’y isang bagay na dapat tanggapin. Sa gayon, ito ay naging isang napakatinding pagsubok sa katapatan ni Job.—Job 1:21; 2:9, 10.
9. Anong makatuwirang tanong ang maibabangon tungkol kay Moises?
9 Ngayon isang tanong ang bumabangon. Kung, gaya ng ating paniniwala, si Moises ang sumulat sa aklat ng Job at samakatuwid batid niya na si Satanas ay paroo’t parito sa lupa, paano nga nangyari na hindi niya tinukoy si Satanas sa pangalan sa alinman sa mga aklat ng Pentateuch, na siya rin ang sumulat? Oo, bakit nga si Satanas ay bihirang banggitin sa Kasulatang Hebreo?a
Ang Limitadong Paglalantad kay Satanas
10. Paanong si Satanas ay binigyan ng limitado lamang na pagkakalantad sa Kasulatang Hebreo?
10 Bagama’t nagsasalita laban sa mga gawain na kinasihan ng demonyo, si Jehova sa kaniyang karunungan ay maliwanag na may mabubuting dahilan sa pagtiyak na ang kaniyang kaaway, si Satanas, ay dapat bigyan ng limitado lamang na paglalantad sa Kasulatang Hebreo. (Levitico 17:7; Deuteronomio 18:10-13; 32:16, 17; 2 Cronica 11:15) Sa gayon, bagama’t ang mga manunulat sa Hebreo ay tiyak na may kaunting kaalaman tungkol kay Satanas at sa kaniyang paghihimagsik sa langit, sila’y kinasihan lamang na tukuyin at ibunyag ang mga kasalanan ng bayan ng Diyos at ng mga bansa sa palibot nila at magpayo na lumayo sa kanilang kabalakyutan. (Exodo 20:1-17; Deuteronomio 18:9-13) Bihirang binabanggit ang pangalan ni Satanas.
11, 12. Paano natin nalalaman na ang mga manunulat ng Bibliya sa Hebreo ay hindi walang-alam kay Satanas at sa kaniyang impluwensiya?
11 Dahilan sa mga pangyayari sa Eden, ang patuloy na pagsamâ ng “mga anak ng tunay na Diyos,” at ang ulat sa aklat ng Job, ang kinasihang mga manunulat ng Bibliya sa Hebreo ay hindi walang-alam sa masama, nakatataas-sa-taong impluwensiya ni Satanas. Ang propeta Zacarias, na sumulat noong dakong huli ng ikaanim na siglo B.C.E., ay nagkaroon ng pangitain ng mataas na saserdoteng si Joshua na doon “si Satanas ay nakatayo sa kaniyang kanan upang labanan siya. Nang magkagayon sinabi ng anghel ni Jehova kay Satanas: ‘Sawayin ka nawa ni Jehova, Oh Satanas, oo, si Jehova ang sasaway sa iyo.’” (Zacarias 3:1, 2) Gayundin, ang eskribang si Ezra, sa pagsulat sa kasaysayan ng Israel at ng Juda noong ikalimang siglo B.C.E., ang nagsabi na “si Satanas ay tumindig laban sa Israel at hinikayat si David na bilangin ang Israel.”—1 Cronica 21:1.
12 Samakatuwid, noong panahon ni Zacarias, sa pamamagitan ng banal na espiritu ang papel na ginagampanan ni Satanas ay lalong nagiging malinaw sa Kasulatan. Subalit isa pang limang siglo ang kailangang lumipas bago ang balakyot na nilalang na ito ay lubusang ibubunyag sa Salita ng Diyos. Batay sa Bibliya, anong dahilan ang masasabi natin para sa ganitong pagtatakda ng panahon sa lubusang pagbubunyag kay Satanas?
Ang Susi sa Palaisipan
13-15. (a) Anong mga pangunahing katotohanan ang susi sa pagkaunawa kung bakit si Satanas ay binigyan ng limitadong pagkakalantad sa Kasulatang Hebreo? (b) Sa pagparito ni Jesus, paano inilantad nang hayagan si Satanas?
13 Para sa Kristiyanong may pananampalataya sa Salita ng Diyos, ang pangunahing susi sa mga ito at sa nakaraang mga tanong na ibinangon natin ay hindi masusumpungan sa higher criticism, na para bagang ang Bibliya’y isa lamang obra maestra sa panitikan, produkto lamang ng karunungan ng tao. Ang susi ay isinisiwalat sa dalawang pangunahing katotohanan sa Bibliya. Una, gaya ng isinulat ni Haring Solomon: “Ang landas ng mga matuwid ay parang maningas na liwanag na sumisikat ng paliwanag nang paliwanag hanggang sa malubos ang araw.” (Kawikaan 4:18; ihambing ang Daniel 12:4; 2 Pedro 1:19-21.) Ang katotohanan ay unti-unting isinisiwalat sa Salita ng Diyos sa panahong takda ng Diyos, kasuwato ng pangangailangan at abilidad ng kaniyang mga lingkod na maunawaan ang gayong katotohanan.—Juan 16:12, 13; ihambing ang 6:48-69.
14 Ang ikalawang pangunahing katotohanan ay nasa isinulat ni apostol Pablo sa Kristiyanong alagad na si Timoteo: “Ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos at mapapakinabangan sa pagtuturo, . . . upang ang tao ng Diyos ay maging ganap ang kakayahan, lubusang nasasangkapan para sa bawat mabuting gawa.” (2 Timoteo 3:16, 17) Ang Anak ng Diyos, si Jesus, ang maglalantad kay Satanas, at ito’y isusulat sa Kasulatan, sa gayo’y sinasangkapan ang kongregasyong Kristiyano na manindigang matatag laban kay Satanas bilang pagsuporta sa pagkasoberano ni Jehova.—Juan 12:28-31; 14:30.
15 Bata’y sa mga binanggit na ito ang palaisipan sa Genesis 3:15 ay unti-unting naunawaan. Sa ilalim ng patnubay ng banal na espiritu ng Diyos, o aktibong puwersa, ang Kasulatang Hebreo ay nagbigay ng mga silahis ng liwanag tungkol sa napipintong pagdating ng Mesiyas, o Binhi. (Isaias 9:6, 7; 53:1-12) Kaagapay nito, buhat sa mga ito’y sumikat ang mga silahis ng liwanag tungkol sa papel na ginagampanan ni Satanas bilang ang Kaaway ng Diyos at ang kalaban ng sangkatauhan. Subalit nang dumating si Jesus, si Satanas ay lubusang inilantad nang hayagan nang siya’y kumuha ng tahasan at tuwirang pagkilos laban sa ipinangakong Binhi, si Jesu-Kristo. Samantalang nagaganap ang mga pangyayari noong unang siglo ng kapanahunang Kristiyano, ang mga papel na ginagampanan ng “babae,” na makalangit na espiritung organisasyon ni Jehova, at ng Binhi, si Jesu-Kristo, ay niliwanag sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. Kasabay nito, ang papel na ginagampanan ni Satanas, “ang matandang ahas,” ay lalong nagliwanag.—Apocalipsis 12:1-9; Mateo 4:1-11; Galacia 3:16; 4:26.
Inihayag ang Banal na Lihim
16, 17. Ano ang kasali sa “banal na lihim ng Kristo”?
16 Si apostol Pablo ay sumulat nang malawakan tungkol sa “banal na lihim ng Kristo.” (Efeso 3:2-4; Roma 11:25; 16:25) Ang banal na lihim na ito ay may kinalaman sa tunay na “binhi” na sa wakas ay dudurog sa matandang ahas, si Satanas na Diyablo. (Apocalipsis 20:1-3, 10) Kasali sa lihim ang bagay na si Jesus ang una at pangunahing miyembro ng “binhi” na iyon ngunit siya’y sasamahan ng mga iba pa, “mga kasamang tagapagmana,” una buhat sa mga Judio at pagkatapos buhat sa mga Samaritano at mga Gentil, upang mahusto ang bilang ng “binhi” na iyan.—Roma 8:17; Galacia 3:16, 19, 26-29; Apocalipsis 7:4; 14:1.
17 Ganito ang paliwanag ni Pablo: “Sa mga ibang salinlahi ang lihim na ito ay hindi ipinaalam sa mga anak ng mga tao, na gaya ngayon na isiniwalat sa kaniyang banal na mga apostol at mga propeta sa pamamagitan ng espiritu.” At ano ang lihim na iyon? “Ito, na ang mga tao ng mga bansa ay maging mga kasamang tagapagmana at mga kasangkap ng katawan at mga may bahagi na kagaya rin natin sa pangako kaisa ni Kristo Jesus sa pamamagitan ng mabuting balita.”—Efeso 3:5, 6; Colosas 1:25-27.
18. (a) Paano ipinakita ni Pablo na kailangan ang panahon sa pagsisiwalat ng kahulugan ng “banal na lihim”? (b) Paano maaapektuhan ng pagsisiwalat na ito ang pagkaunawa tungkol sa “matandang ahas”?
18 Naantig na mainam si Pablo ng bagay na siya sa lahat ng tao ay gagamitin upang maghayag ng “mabuting balita tungkol sa di malirip na mga kayamanan ng Kristo at magpapakita sa mga tao kung paanong ang banal na lihim ay maipamahagi gayong mula pa sa walang-hanggang nakaraan ay inilihim na ito ng Diyos, na lumalang sa lahat ng bagay.” O gaya ng pagkasabi niya sa mga taga-Colosas: “Ang banal na lihim na inilihim sa nakalipas na mga sistema ng mga bagay at sa nakalipas na mga salinlahi. Subalit ngayon ay inihayag na sa kaniyang mga banal.” Makatuwiran nga, kung ang lihim tungkol sa “binhi” ay isiniwalat sa wakas, kasali rin dito ang lubos na pagbubunyag sa dakilang Kaaway, “ang matandang ahas.” Maliwanag, hindi minagaling ni Jehova na ang isyu tungkol kay Satanas ay maging pangunahin hanggang sa pagparito ng Mesiyas. At sino ang lalong magaling na makapagbubunyag kay Satanas kaysa Binhi, si Kristo Jesus mismo?—Efeso 3:8, 9; Colosas 1:26.
Inilantad ni Jesus ang Kaaway
19. Paano inilantad ni Jesus ang Kaaway?
19 Sa pasimula pa lamang ng kaniyang ministeryo, tahasang tinanggihan ni Jesus ang Manunukso sa pamamagitan ng pagsasabi: “Lumayo ka, Satanas! Sapagkat nasusulat, ‘Si Jehova mong Diyos ang sasambahin mo, at siya lamang ang pag-uukulan mo ng banal na paglilingkod.’” (Mateo 4:3, 10) Sa isang naiibang okasyon, inilantad ni Jesus ang kaniyang naninirang mga relihiyosong kaaway na may intensiyong patayin siya sa pamamagitan ng pagtuligsa sa kanilang promotor at paglalantad sa kaniya bilang ang kapangyarihang nasa likod ng ahas sa Eden, na ang sabi: “Kayo’y sa inyong amang Diyablo, at ang mga nais ng inyong ama ang ibig ninyong gawin. Siya’y isang mamamatay-tao buhat pa noong una at hindi nanatili sa katotohanan, sapagkat walang katotohanan sa kaniya. Pagka nagsasalita siya ng kasinungalingan ay nagsasalita siya ng sa ganang kaniya, sapagkat siya’y isang sinungaling at ama ng kasinungalingan.”—Juan 8:44.
20. Ano ang batayan ni Jesus sa paglalantad kay Satanas?
20 Paano nga lubhang nakasisiguro si Jesus sa kaniyang pagtuligsa kay Satanas? Paano ngang kilalang-kilala niya ito? Sapagkat siya ay kasamang umiral ni Satanas sa langit! Kahit na bago ang isang iyan ay may pangangalandakan na naghimagsik laban sa Soberanong Panginoong Jehova, siya ay kilala na ni Jesus, na siyang Salita. (Juan 1:1-3; Colosas 1:15, 16) Kaniyang napagmasdan ang mga gawang katusuhan nito sa pamamagitan ng ahas sa Eden. Kaniyang nakita ang tusong impluwensiya nito sa salarin na si Cain. (Genesis 4:3-8; 1 Juan 3:12) Nang malaunan, si Jesus ay naroon sa makalangit na dakong kinaroroonan ni Jehova “nang ang mga anak ng tunay na Diyos ay pumaroon . . . , at maging si Satanas man ay pumaroon din na kasama nila.” (Job 1:6; 2:1) Ah, oo, kilalang-kilala siya ni Jesus at ito’y handang-handa na ilantad siya ayon sa kung sino nga siya—isang sinungaling, isang mamamatay-tao, isang maninirang-puri, at isang kaaway ng Diyos!—Kawikaan 8:22-31; Juan 8:58.
21. Anong mga tanong ang nananatiling dapat sagutin?
21 Dahil sa gayong makapangyarihang kaaway na may impluwensiya sa sangkatauhan at sa kasaysayan nito, ang mga tanong ngayon ay: Hanggang saan nakararating ang pagbubunyag kay Satanas sa Kristiyanong Griegong Kasulatan? At paano natin malalabanan ang kaniyang mga tusong pakana at tayo’y makapananatili sa ating katapatan bilang mga Kristiyano?—Efeso 6:11, Kingdom Interlinear.
[Talababa]
a Ganito ang sabi ni Propesor Russell sa kaniyang aklat na The Devil—Perceptions of Evil From Antiquity to Primitive Christianity: “Ang bagay na hindi lubusung ipinakikilala ng Matandang Tipan ang Diyablo ay hindi isang batayan para tanggihan na siya’y umiiral sa modernong Judio at Kristiyanong teolohiya. Iyan sa simula pa’y kabulaanan: ang ideya ng katotohanan ng isang salita—o isang konsepto—ay masusumpungan sa pinakamaagang anyo. Bagkus, ang makasaysayang katotohanan ay nabubuo habang lumalakad ang panahon.”—Pahina 174.
Natatandaan Mo Ba?
◻ Anong mga palaisipan may kaugnayan sa Genesis 3:15 ang kailangang ipaliwanag?
◻ Anong katibayan ng paghihimagsik sa langit ang mayroon sa Kasulatang Hebreo?
◻ Anong dalawang katotohanan ang tumutulong sa atin na maunawaan kung bakit si Satanas ay bihirang banggitin sa Kasulatang Hebreo?
◻ Ano ang kinalaman ng “banal na lihim ng Kristo” sa pagbubunyag kay Satanas at sa kaniyang papel na ginagampanan?
[Mga larawan sa pahina 9]
Ang impluwensiya ni Satanas ay maliwanag na makikita sa gitna ng sangkatauhan sa daigdig noong bago sumapit ang Baha
[Larawan sa pahina 10]
Si Satanas—isang tunay na persona—ang humamon sa Diyos tungkol sa katapatan ni Job