BAKOD, HALAMANG-BAKOD
[sa Ingles, hedge].
Noon, karaniwan na, ang mga taniman at mga ubasan ay pinalilibutan ng mga halamang-bakod, makakapal na hanay ng matitinik na halaman, upang maipagsanggalang ang mga lugar na iyon laban sa mga magnanakaw at sa paninira ng mga hayop. (Isa 5:5) Ginagamit ng Kasulatan sa makasagisag na diwa ang pananalitang ‘maglagay ng bakod’ upang tumukoy sa pagbibigay ng proteksiyon. (Job 1:10) Sa kabilang dako naman, ginagamit ang ‘pagbabakod’ upang lumarawan sa pagtatayo ng mga halang, o mga harang, sa gayo’y inilalagay ang isang indibiduwal o maging ang isang bansa sa isang situwasyon na doo’y magiging wala itong kalaban-laban at hindi matutulungan ninuman anupat wala itong malalabasan. (Job 3:23; Os 2:6; ihambing ang Job 19:8; Pan 3:7-9.) Tungkol sa katiwalian sa moral sa gitna ng mga Israelita noong kaniyang mga araw, sumulat si Mikas na “ang pinakamatapat sa kanila ay masahol pa sa bakod na tinik,” samakatuwid nga, mapanligalig, nakasasakit, at nakapipinsala.—Mik 7:4.