Binibigyang-Dangal Mo ba ang Iba Pagka Nagbibigay ka ng Payo?
ANONG buti at kapaki-pakinabang na tumanggap ng payo nang may dangal! “Ang payo na may kabaitan, konsiderasyon, at pagmamalasakit ay nagbubunga ng mabubuting ugnayan,” ang sabi ni Edward. “Pagka naramdaman mong pinagpipitagan at iginagalang ka ng nagpapayo sa pamamagitan ng pakikinig sa iyong panig, mas madaling tanggapin ang payo,” sabi ni Warren. “Pagka iginagalang ako ng isang tagapayo, maluwag ang kalooban kong lumapit sa kaniya, sa paghingi ng payo,” ani Norman.
Ang Likas na Karapatan ng Tao sa Pagkakaroon ng Dangal
Ang mainit, palakaibigan, at maibiging payo ay totoong kanais-nais. Ang pagpapayo sa iba ayon sa paraan na ibig mong payuhan ka ay kapaki-pakinabang. (Mateo 7:12) Ang isang mabuting tagapayo ay nagbibigay ng panahon sa pakikinig at nagsisikap na maunawaan ang taong pinapayuhan—ang kaniyang pag-iisip, katayuan, at damdamin—sa halip na pintasan at hatulan.—Kawikaan 18:13.
Ang mga tagapayo ngayon, kasali na ang Kristiyanong matatanda, ay kailangang handang magbigay-dangal sa iba pagka sila’y nagpapayo. Bakit? Sa simpleng dahilan na ang uso ngayon sa lipunan ay ang pakitunguhan ang iba nang walang paggalang. Ito ay nakahahawa. Kadalasan ang mga taong inaasahan mong makikitungo sa iyo nang may paggalang ang siyang hindi gumagawa ng gayon, maging sila man ay mga propesyonal, mga pinunong relihiyoso, o iba pa. Bilang halimbawa, ang pagkaalis sa trabaho ay nakalulungkot at nagdudulot ng kaigtingan kapuwa sa maypatrabaho at sa empleyado. Iyon ay nakasisira ng sariling-dangal, lalo na kung ang inaalis sa trabaho ay pinakikitunguhan nang walang paggalang. Dito ang mga superbisor ay kailangang matuto kung papaano ibibigay ang “masakit na mensahe upang malinaw na maintindihan iyon, hindi paliguy-ligoy at sa paraang may kasanayan, samantalang pinananatili ang dangal ng indibiduwal,” ayon sa pag-uulat ng The Vancouver Sun. Oo, lahat ng tao ay karapat-dapat na pakitunguhan nang may dangal.
Ang General Assembly ng Nagkakaisang mga Bansa ay nagpapahayag: “Lahat ng tao ay ipinanganak na malaya at may pare-parehong dangal at karapatan. Sila’y may taglay na pangangatuwiran at budhi at dapat makitungo sa isa’t isa sa espiritu ng pagkakapatiran.” Yamang ang dangal ng tao ay tinutuligsa, may mabuting dahilan na ang Saligang Batas ng Nagkakaisang mga Bansa at ang pambungad sa Pansansinukob na Deklarasyon ng mga Karapatang Pantao ay kumikilala sa katangiang ito. Pinagtitibay nila “ang pananampalataya sa pangunahing mga karapatan ng tao, sa dangal at halaga ng tao.”
Nilikha ni Jehova ang Tao na Taglay ang Katutubong Dangal
Si Jehova ay isang Diyos na marangal. Tama ang pagkasabi ng kaniyang kinasihang Salita, “Ang karangalan at kaningningan ay nasa harap niya,” at, “Ang [Kaniyang] karangalan ay isinasaysay sa itaas ng mga langit.”—1 Cronica 16:27; Awit 8:1.
Bilang isang marangal na Diyos at Pansansinukob na Soberano, siya’y nagkakaloob ng dangal sa lahat ng kaniyang nilalang, makalangit at makalupa. Ang pinakalitaw sa mga pinarangalan ay ang kaniyang maluwalhati at naghaharing Anak, ang Hari, si Kristo Jesus. “Karangalan at kamahalan ay inilalagay mo sa kaniya,” ang makahulang isinulat ni David.—Awit 21:5; Daniel 7:14.
Nakalulungkot, ang saligang karapatang ito ng tao ay lubhang inabuso sa buong kasaysayan. Isang makapangyarihang anghel, na sa pamamagitan ng kaniyang mga pagkilos ay naging si Satanas na Diyablo, ang humamon sa karapatan, katuwiran, at pagiging karapat-dapat ng soberanya ng Diyos. Sa paggawa ng gayon siya ay nagpakita ng kawalang-galang kay Jehova at siniraang-puri ang Kaniyang kagalang-galang na pangalan samantalang hinahamon ang Kaniyang karapatan na mamahala. May kapalaluang iniukol niya sa kaniyang sarili ang labis na karangalan. Tulad ng Diyablo, makapangyarihang taong mga hari, tulad halimbawa ni Nabucodonosor noong mga panahon ng Bibliya, ang nangalandakan ng kanilang ‘lakas at kamahalan.’ Nilapastangan nila ang dangal ni Jehova, anupat iniukol sa kanilang sarili ang walang katuwirang karangalan. (Daniel 4:30) Ang mapaniil na paghahari ni Satanas, na ipinilit niyang ipasunod sa sanlibutan ng sangkatauhan, ay lumapastangan at patuloy na lumalapastangan sa dangal ng tao.
Ang iyo bang dangal ay siniraan na? Kung ikaw ay pinapayuhan, ikaw ba ay nakadarama ng labis na pagkakasala, pagkapahiya, pagdusta, o paghamak? “Wala akong nadamang pagmamalasakit, awa, at dangal. Ipinadama sa akin na ako’y walang kabuluhan,” ang pag-aangkin ni André, na isinusog pa: “Ito’y humantong sa pagkadama ng kabiguan at kabalisahan, pati panlulumo.” “Mahirap tumanggap ng payo mula sa isang tao na inaakala mong walang malasakit sa iyong kapakanan,” ani Laura.
Sa dahilang ito, ang mga tagapangasiwang Kristiyano ay pinaaalalahanan na pakitunguhan nang may paggalang at pagpipitagan ang kawan ng Diyos. (1 Pedro 5:2, 3) Kung sakaling may mga situwasyon na nangangailangan at kapaki-pakinabang na magpayo sa iba, papaano mo maiingatan ang iyong sarili buhat sa pag-iisip at asal ng makasanlibutang mga tao na, walang pag-aatubili, nilalapastangan ang dangal ng iba? Ano ang makatutulong sa iyo upang maingatan ang dangal ng kapuwa mga Kristiyano, pati na yaong sa iyong sarili?—Kawikaan 27:6; Galacia 6:1.
Mga Simulain na Tumutulong Upang Maingatan ang Dangal
May sinasabi ang Salita ng Diyos tungkol sa paksang ito. Ang dalubhasang tagapayo ay maglalagak ng lubos na pagtitiwala sa payo ng Salita ng Diyos, sa halip na umasa sa karunungan ng sanlibutang ito. Taglay ng Banal na Kasulatan ang mahahalagang payo. Pagka sinunod, ang mga ito ay nagbibigay-dangal kapuwa sa tagapayo at sa taong pinapayuhan. Sa gayon, ang tagubilin ni Pablo sa Kristiyanong tagapangasiwa na si Timoteo ay: “Huwag mong pulaan nang may kabagsikan ang isang nakatatandang lalaki. Sa kabaligtaran, mamanhik ka sa kaniya gaya ng sa isang ama, ang mga nakababatang lalaki gaya ng sa mga kapatid na lalaki, ang mga nakatatandang babae gaya ng sa mga ina, ang mga nakababatang babae gaya ng sa mga kapatid na babae nang may buong kalinisan.” (1 Timoteo 5:1, 2) Anong laking kalungkutan, sakit ng damdamin, at kahihiyan ang naiiwasan kung susundin ang mga pamantayang ito!
Pansinin na ang susi sa matagumpay na pagpapayo ay ang wastong paggalang sa pinapayuhan at ang kaniyang karapatan na siya’y pakitunguhan sa isang marangal, may pagmamalasakit na paraan. Ang Kristiyanong matatanda, kasali na ang naglalakbay na mga tagapangasiwa, ay nagsisikap na sundin ang ganitong payo. Sinisikap nilang tiyakin kung bakit ganoon ang iniisip at ikinikilos ng isang nangangailangang ituwid. Nais nilang mapakinggan ang kaniyang punto de vista. Bawat pagsisikap ay ginagawa upang maiwasan ang paghiya, paghamak, o pagdusta sa isang tinutulungan.
Bilang isang matanda, hayaang malaman ng iyong kapatid na ikaw ay may malasakit sa kaniya at nais mong tulungan siya sa kaniyang mga suliranin. Ganiyan ang ginagawa ng isang doktor pagka pumupunta ka sa kaniyang tanggapan upang magpasuri. Maaaring makadama ka ng pagkapahiya at pagkaaba pagka naisip mo ang paghuhubad sa isang di-komportable, isterilisadong silid. Pinahahalagahan mo nga ang isang doktor na nakadarama ng iyong pagpapahalaga sa sarili at pinakukundanganan ka sa pamamagitan ng isang kasuutan habang ginagawa niya ang kailangang pagsusuri upang matiyak ang sanhi ng iyong karamdaman! Sa gayunding paraan, ang isang Kristiyanong tagapayo na nagpapakita ng wastong paggalang sa indibiduwal ay mabait at matatag, ngunit dinaramtan niya ng dangal ang kaniyang pinapayuhan. Sa kabilang panig naman, ang payong nakasasakit, malamig, at walang damdamin ay katulad ng wika nga ay paghuhubad na nagpapadama sa iyo na ikaw ay hinihiya, dinudusta at hinuhubaran ng iyong dangal.
Lalo nang maingat sa pagpapayo nang may dangal ang mga tagapangasiwa ng Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro. Pagka nagpapayo sa mga may edad, nababanaag sa kanila ang ganoon ding pag-ibig na gaya ng kanilang ipakikita sa kanilang likas na mga magulang. Sila’y makonsiderasyon, palakaibigan, at may mainit na damdamin. Ang gayong mga katangian ay kinakailangan. Lumilikha iyon ng isang kapaligiran na nababagay upang makapagbigay at tumanggap din naman ng wastong payo.
Matatanda, tandaan na ang praktikal na payo ay nakapagpapasigla, nakapagpapalakas-loob, nakapagpapatibay, at positibo. Sinasabi ng Efeso 4:29: “Huwag lumabas ang bulok na pananalita mula sa inyong bibig, kundi anumang pananalitang mabuti sa ikatitibay ayon sa pangangailangan, upang maibigay nito kung ano ang mabuti sa mga nakikinig.”
Hindi kailangang gumamit ng masasakit na salita, pangungusap, o pangangatuwiran. Sa halip, pakikilusin ka ng paggalang sa ibang tao at ang pagnanais na maingatan ang kaniyang damdamin ng pagpapahalaga at pagpapakundangan sa sarili upang iharap ang mga bagay-bagay sa isang positibo, nakapagpapatibay na paraan. Pasimulan ang anumang pananalita na taglay ang taimtim, tunay na komendasyon para sa kaniyang mahuhusay na mga katangian, sa halip na patingkarin ang mga pangmalas na magpapadama sa kaniya ng pagkabigo o pagkawalang-kabuluhan. Kung naglilingkod ka bilang isang matanda, gamitin ang iyong ‘awtoridad upang magpatibay at hindi upang gumiba.’—2 Corinto 10:8.
Oo, ang dapat na maging epekto ng anumang payo mula sa mga tagapangasiwang Kristiyano ay ang magbigay ng kinakailangang pampatibay-loob, ang maibigay kung ano ang mabuti. Iyon ay hindi dapat makasira ng loob o ‘makasindak.’ (2 Corinto 10:9) Kahit ang isa na nakagawa ng malubhang pagkakamali ay nangangailangang pakitunguhan nang may nararapat na paggalang sa sarili at dangal. Ang payo ay dapat timbangan ng may kabaitan, ngunit matatag, na pagsaway upang mapakilos siyang magsisi.—Awit 44:15; 1 Corinto 15:34.
Kapansin-pansin, taglay ng Kautusan ng Diyos sa Israel ang gayunding mga simulain. Ipinahihintulot nito ang payo at maging ang pisikal na disiplina, samantalang kasabay niyaon ay iniingatan ang karapatan ng isa sa nararapat na personal na dangal. Ang paghampas “ayon sa bilang na katumbas ng masamang gawa” ay pinahintulutan, subalit ito ay hindi dapat lumabis. May hangganan ang bilang ng paghampas na inilalapat upang ang nagkasala ay hindi “aktuwal na mapahiya.”—Deuteronomio 25:2, 3.
Ang pagmamalasakit sa damdamin ng nagsisising mga nagkasala ay taglay rin ni Jesus. Tungkol sa kaniya, inihula ni Isaias: “Ang gapok na tambo ay hindi niya babaliin; at ang timsim na umuusok ay hindi niya papatayin. Siya’y maglalapat ng katarungan sa katotohanan.”—Isaias 42:3; Mateo 12:17, 20; Lucas 7:37, 38, 44-50.
Nagdiriin pa ng pangangailangan ng pag-unawa sa damdamin ng iba ay ang mga salita ni Jesus sa Sermon sa Bundok: “Lahat ng mga bagay, kung gayon, na ibig ninyong gawin ng mga tao sa inyo, gayundin ang dapat ninyong gawin sa kanila.” (Mateo 7:12) Napakahalaga ng simulaing ito sa pagtataguyod ng mabubuting ugnayan anupat ito’y karaniwan nang tinatawag na Gintong Alituntunin. Bilang isang Kristiyanong matanda, papaano ito makatutulong sa iyo sa pakikitungo sa iba nang may kabaitan at dangal pagka nagpapayo?
Huwag kalilimutan na ikaw man ay nagkakamali. Gaya ng puna ni Santiago, “tayong lahat ay natitisod nang maraming ulit.” (Santiago 3:2) Ang pag-alaala nito ay tutulong upang maging mahinahon ka sa iyong pagsasalita at supilin ang iyong damdamin kung kinakailangang makipag-usap ka sa iba tungkol sa kanilang mga kahinaan. Alamin kung saan sila madaling matisod. Ito’y tutulong sa iyo na iwasan ang labis na pamimintas, anupat itinatawag-pansin kahit ang napakaliliit na pagkakamali o pagkukulang. Ito’y idiniin ni Jesus nang kaniyang sabihin: “Tigilan na ninyo ang paghatol upang hindi kayo mahatulan; sapagkat sa hatol na inyong inihahatol, kayo ay hahatulan; at sa panukat na inyong ipinanunukat, ay ipanunukat nila sa inyo.”—Mateo 7:1, 2.
Bigyang-Dangal ang Iba—Salansangin ang Diyablo
Ang mga paraan ni Satanas ay nilayong hubaran ka ng dangal, pukawin ang damdamin ng pagkapahiya, kawalang kabuluhan, at kawalang pag-asa. Pansinin kung papaano niya ginamit ang isang ahenteng tao upang pukawin ang negatibong damdamin sa tapat na si Job. Ang mapagpaimbabaw na si Eliphas ay nagsabi: “Sa kaniyang mga lingkod siya [si Jehova] ay walang pananampalataya, at inari niyang may pagkakamali ang kaniyang mga sugo [banal na mga anghel]. Gaano pa kaya sila na nagsisitahan sa mga bahay na putik [ang makasalanang mga tao], na ang patibayan ay nasa alabok! Sila’y lalong madaling mapisa kaysa isang gamugamo.” (Job 4:18, 19) Kaya ayon sa kaniya, si Job ay gaya lamang ng isang gamugamo para sa Diyos. Oo, ang payo ni Eliphas at ng kaniyang mga kasamahan, yamang hindi nakapagpapatibay, ay maaaring kay Job ng kahit na alaala ng maiinam na panahon. Sa kanilang pangmalas, ang kaniyang nakalipas na katapatan, pagsasanay ng pamilya, kaugnayan sa Diyos, at pagkakawanggawa ay pawang walang kabuluhan.
Gayundin sa ngayon, ang nagsisising mga nagkasala ay lalo nang may gayong mga damdamin, at may panganib na sila’y ‘malulon ng pagiging labis-labis na malungkot.’ Mga matatanda, pagka nagpapayo sa gayong mga tao, “pagtibayin ang inyong pag-ibig” sa kanila sa pamamagitan ng pagpapangyari na maingatan nila ang kanilang dangal. (2 Corinto 2:7, 8) “Napakahirap tumanggap ng payo kung ang isa ay pinakikitunguhan nang walang paggalang,” inamin ni William. Kailangan na patibayin ang kanilang paniniwala na sila ay mahalaga sa paningin ng Diyos. Ipaalaala sa kanila na si Jehova ay “hindi liko upang kalimutan ang [kanilang] gawa at ang pag-ibig na ipinakita [nila] para sa kaniyang pangalan” sa panahon ng kanilang nakalipas na mga taon ng tapat na paglilingkuran.—Hebreo 6:10.
Anong karagdagang mga salik ang makatutulong sa iyo na magbigay-dangal sa iba pagka nagbibigay ka ng payo? Kilalanin na lahat ng tao ay may likas na karapatan sa pagkakaroon ng dangal, yamang sila’y ginawa na kawangis ng Diyos. Sila ay mahalaga sa Diyos na Jehova at kay Jesu-Kristo; ang dalawahang paglalaan ng pantubos at ng pagkabuhay-muli ay nagpapatunay nito. Higit na pinararangalan ni Jehova ang mga Kristiyano sa pamamagitan ng “pag-aatas [sa kanila] sa isang ministeryo,” na ginagamit sila upang makiusap sa isang balakyot na salinlahi upang makipagpayapaan sa Diyos.—1 Timoteo 1:12.
Mga matatanda, tandaan na ang lubhang karamihan ng inyong mga kapatid na Kristiyano ay may pag-asang maging saligang mga miyembro ng bagong lipunan ng tao sa isang nilinis na lupa. Bilang gayong kahalaga at mahal na mga indibiduwal, sila’y karapat-dapat na igalang. Pagka nagpapayo, alalahanin kung papaano nagpakita sa kanila ng konsiderasyon si Jehova at si Jesus, at patuloy na gawin ang iyong bahagi upang tulungan ang iyong mga kapatid na makapanatiling may dangal at pagpapahalaga sa sarili sa harap ng mga hamon ni Satanas.—2 Pedro 3:13; ihambing ang 1 Pedro 3:7.
[Kahon sa pahina 29]
Ang Payo na Nagbibigay-Dangal
(1) Magbigay ng tunay at taimtim na komendasyon. (Apocalipsis 2:2, 3)
(2) Maging isang mabuting tagapakinig. Malinaw at may kabaitang kilalanin ang suliranin at ang dahilan sa pagpapayo. (2 Samuel 12:1-14; Kawikaan 18:13; Apocalipsis 2:4)
(3) Ibatay ang iyong payo sa Kasulatan. Maging positibo, makatuwiran, at nakapagpapatibay-loob, at magpakita ng empatiya. Igalang at pahalagahan ang pinapayuhan. (2 Timoteo 3:16; Tito 3:2; Apocalipsis 2:5, 6)
(4) Tiyakin sa pinapayuhan na may kasunod na pagpapala ang pagtanggap at pagkakapit ng payo. (Hebreo 12:7, 11; Apocalipsis 2:7)
[Larawan sa pahina 26]
Kailangang bigyang-dangal ng Kristiyanong matatanda ang iba pagka nagbibigay ng payo