Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Bakit ang Saya-Saya ng Ibang mga Kabataan?
“Gusto lang naming magsaya, pero napakahirap,” ang reklamo ng 15-taóng-gulang na si Jason.
LIKAS lamang na magnais na magsaya—lalo na kung ikaw ay isang kabataan! Para sa karamihan ng mga kabataan, ang pagsasaya ay kasinghalaga ng pagkain at pagtulog. Dahil sa pinasisigla ng kanilang mga kaedad at ng media, may pananabik na ginagawa ng mga kabataan ang iba’t ibang libangan. Ayon sa isang surbey, ang pagbisita sa mga kaibigan, panonood ng TV, panonood ng sine, pagpa-parti, at pagsasayaw ang nangunguna sa listahan ng gustung-gustong pampalipas oras sa gabi ng mga tin-edyer. Ang pagbabasa, paglalaro at isport, at pakikinig sa musika ay popular din.
Dahil sa napakaraming nakasisiyang mga gawain, baka mahirap na maunawaan ng mga nasa hustong gulang kung bakit ang ilang kabataan, gaya ni Jason, ay nakadarama na hindi sila gaanong nakapagsasaya. Subalit iyan mismo ang sinasabi ng ilang Kristiyanong mga kabataan! Ganito ang sabi ng kabataang si Casey, isang Saksi ni Jehova: “Nakikita mo ang lahat ng iyong kaibigan sa paaralan na nagpa-parti at nagkakasayahan, at talagang madarama mong napag-iiwanan ka.” Subalit ganiyan nga ba talagang kasamâ ang kalagayan?
Ito ba’y dahil sa ipinagbabawal ng Bibliya ang pagkakatuwaan? Hindi naman. Tinatawag ng Bibliya si Jehova na “maligayang Diyos.” (1 Timoteo 1:11) Kaya hindi dapat makabigla sa iyo na sabihin ni Haring Solomon ang ganito: “Sa bawat bagay ay may takdang panahon, . . . panahon ng pag-iyak at panahon ng pagtawa; panahon ng pagtangis at panahon ng pagsayaw.” (Eclesiastes 3:1, 4) Ang orihinal na salitang Hebreo rito para sa “tawa” at ang kaugnay na mga salita ay nangangahulugan din ng “magdiwang,” “maglaro,” “isport,” ‘magkasiyahan,’ at “magkatuwaan.”—2 Samuel 6:21; Job 41:5; Hukom 16:25; Exodo 32:6; Genesis 26:8.
Noong panahon ng Bibliya, nasiyahan ang bayan ng Diyos sa iba’t ibang kapaki-pakinabang na gawain, gaya ng pagtugtog ng instrumento sa musika, pag-awit, pagsasayaw, pagkukuwentuhan, at paglalaro. Mayroon din silang pantanging mga okasyon para sa pagdiriwang at masayang pagsasamahan. (Jeremias 7:34; 16:9; 25:30; Lucas 15:25) Aba, si Jesu-Kristo mismo ay dumalo sa isang kasalan!—Juan 2:1-10.
Kaya ang kapaki-pakinabang na pagsasaya ay hindi ipinagbabawal sa Kristiyanong mga kabataan sa ngayon. Sa katunayan, ganito ang sabi ng Bibliya: “Ikaw ay magalak, oh binata, sa iyong kabataan, at pasayahin ka ng iyong puso sa mga kaarawan ng iyong kabataan.” Gayunman, sinundan ito ni Solomon ng mga salitang nagbababala: “Ngunit talastasin mo na dahil sa lahat ng mga bagay na ito ay dadalhin ka ng tunay na Diyos sa kahatulan.” (Eclesiastes 11:9) Oo, ikaw ay may pananagutan sa harap ng Diyos sa mga pinipili mo. Kaya dapat kang “nagbabantay na ang inyong paglakad ay hindi gaya ng di-marurunong” kung may kinalaman sa paglilibang. (Efeso 5:15, 16) Ang dahilan? Maraming kabataan ang gumagawa ng di-mabuting mga pagpili sa bagay na ito.
Kapag Hindi Masupil ang Pagsasaya
Isaalang-alang ang nangyari noong panahon ng Bibliya. Naiwala ng ilang Israelita ang pagiging timbang pagdating sa paglilibang, sila’y magulong nagsasalu-salo sa buong magdamag! Ganito ang sabi ni propeta Isaias: “Sa aba nila na nagsisibangong maaga sa umaga upang maghanap lamang ng nakalalasing na inumin, na nagtatagal hanggang sa kalaliman ng gabi hanggang sa mag-alab ang alak sa kanila! At ang alpa at ang viola, ang pandereta at ang plauta, at ang alak ay nasa kanilang mga kapistahan.” Hindi naman dahil sa masama ang pagsasalu-salo at pagkakasiyahan sa pagkain, musika, at sayaw. Subalit sinabi ni Isaias may kinalaman sa magugulong ito ang ganito: “Hindi nila pinakundanganan ang gawa ni Jehova.”—Isaias 5:11, 12.
Gayundin ang ginagawa ng maraming kabataan sa ngayon—hindi nila gaanong isinasaalang-alang ang Diyos kapag sila’y naglilibang. Ang ilan ay may kapangahasang lumalabag sa maka-Diyos na mga pamantayan, nakikipagtalik nang hindi kasal, naninira, nag-aabuso sa droga, at iba pang walang tarós na paggawi dahil lamang sa “pagsasaya.” Bagaman, sa ilang kalagayan ay hindi naman talagang sinasadya ng mga kabataan na magpakasamâ. Subalit nagkulang sila na gawin ang mga bagay sa katamtamang paraan at iwasan ang pagpapakalabis. (Kawikaan 23:20; 1 Timoteo 3:11) Kaya kapag sila’y nagkakasama-sama upang magkasayahan, ang mga bagay ay wari bang nawawalan ng kontrol.—Ihambing ang 1 Corinto 10:6-8.
Kamakailan, tinanong ng Gumising! ang ilang kabataan, “Ano ba ang nangyayari sa makasanlibutang mga parti sa ngayon?” Ganito ang sagot ng isang tin-edyer na babae: “May mga droga, inuman. Talagang nangyayari iyan.” Ang kabataang si Andrew ay nagsabi naman tungkol sa ilang binata na mahilig sa parti sa kaniyang paaralan: “Ang pawang ginagawa nila ay magpasiklaban kung gaano karami ang naiinom nila.” Sinabi pa nga ni Jason ang ganito: “Ang makasanlibutang parti ay halos laging may masamang mga pangyayari.” Yamang ang mga “maiingay na pagsasaya,” o “magugulong parti,” ay hinahatulan sa Bibliya, kalimitang iniiwasan ng mga kabataang may maka-Diyos na pagkatakot ang sosyal na mga pagtitipon na nagtatampok ng gayong mga gawain.—Galacia 5:21; Byington.
Ang mga panganib ay maaari pa ngang nakakubli sa waring di-nakasasamang anyo ng paglilibang. Halimbawa, karamihan sa pinakapopular na mga pelikula sa ngayon ay nagtatampok ng paghuhubad, lantarang pagtatalik, at karima-rimarim na karahasan. Kalimitan ang mga kilalang awitin ay nagtataglay ng pornograpikong mga liriko. Ang mga konsiyertong rock ay karaniwang makikitaan ng pag-abuso sa droga, kaguluhan, at karahasan.a
Kapag Hindi Pumayag ang mga Magulang
Ano ang pinakasaligan ng bagay na ito? Kung ikaw ay isang Kristiyano, hindi mo basta magagawa ang lahat ng bagay na nasisiyahan namang gawin ng iyong mga kasama. Sa paano man, sinabi ni Jesus na ang kaniyang mga tagasunod ay “hindi1 bahagi ng sanlibutan,” at nangangahulugan iyan ng pagiging naiiba mula sa ibang tao. (Juan 15:19) Kung ang iyong mga magulang ay may-takot sa Diyos, batid nila ang bagay na ito. Kaya kung minsan, dahil sa pagnanais nila na maingatan ka, maaaring sirain ng iyong mga magulang ang iyong loob o may katatagang pagbawalan ka sa ilang bagay—mga bagay na pinahihintulutang gawin ng ibang kabataan. Hindi ito laging madaling tanggapin. “Gusto ng mga tao na magsaya!” ang paggiit ng isang tin-edyer na babae. “Nagkatuwaan din naman ang mga magulang natin noong bata pa sila, pero kung minsan para bang ibig nilang ikulong na lamang tayo.”
Ang pagsunod sa payo ng iyong mga magulang sa gayong bagay ay maaaring hindi madali, kahit pangunahin nang katulad mo ang kanilang pangmalas. Ganito ang naalaala ng isang tipong atletikong kabataan na tatawagin nating Jared: “Gusto kong sumali sa basketball sa isang koponan sa paaralan. Ginigipit ako ng maraming tao na maglaro, at medyo nakagagambala ito sa akin. Pero ipinakipag-usap ko pa rin ito sa aking mga magulang.” Ipinakita ng mga magulang ni Jared ang mga panganib ng “masasamang kasama” at pinaalalahanan siya kung gaano karaming oras ang gugugulin ng kaniyang paglalaro ng isport. (1 Corinto 15:33) “Iyon na ang nangyari,” malungkot na sabi ni Jared. Sumunod siya sa payo ng kaniyang mga magulang, subalit masama pa rin ang kaniyang loob dahil sa hindi siya nakasali sa laro.
‘Napag-iiwanan Ako!’
Anuman ang iyong kalagayan, malamang na nasisiraan ka ng loob paminsan-minsan kapag naririnig mo ang iyong mga kaeskuwela na nagbibida tungkol sa kanilang katuwaan. ‘Bakit ang saya-saya ng ibang kabataan?’ maaaring maitanong mo. Oo, paano mo madaraig ang damdamin na ikaw ay napag-iiwanan?
Maaaring makatulong kung iyong babasahin ang Awit 73 at bulay-bulayin ang karanasan ng manunulat ng Bibliya na si Asaph. Sa Aw 73 talatang 2 at 3, ganito ang ipinagtapat niya: “Ngunit tungkol sa akin, ang mga paa ko’y halos mapahiwalay, ang mga hakbang ko’y muntik nang madulas. Sapagkat ako’y nanaghili sa hambog.” Oo, samantalang nabubuhay sa mahigpit na paraan si Asaph, ipinaghahambog naman ng iba na nagagawa nila ang ibig nilang gawin—na waring wala namang masasamang resulta. Wari bang napakayaman nila at mas marami pa silang natatamo. (Aw 73 Talatang 12) Kaya gayon na lamang ang pagkasira ng loob ni Asaph anupat kaniyang naibulalas: “Kaya sa walang-kabuluhan ba na pinanatili kong malinis ang aking sarili at hindi nakagawa ng kasalanan?”—Awit 73:13, Today’s English Version.
Mabuti naman, natauhan si Asaph bago siya nakagawa ng padalus-dalos na bagay. Dumalaw siya sa “maringal na santuaryo ng Diyos,” at sa kaayaayang mga kapaligiran doon, pinag-isipan niyang mabuti ang mga bagay. Hindi nagtagal nakagawa si Asaph ng isang kahanga-hangang konklusyon tungkol sa mga taong hindi maka-Diyos na mahilig sa kalayawan: “Tunay na iyong inilagay sila sa mga madulas na dako. Iyong inilugmok sila sa kapahamakan.”—Awit 73:17, 18.
Gayundin ang masasabi sa maraming kasamahan mo na mahilig sa kalayawan. Maaaring isipin nila na sila’y nagkakasayahan sa ngayon. Subalit ang kasiyahan sa paggawa ng kasalanan ay pansamantala lamang! (Hebreo 11:25) Sapagkat hindi nila sinusunod ang mga pamantayan sa Bibliya, sila’y nakatayo sa “madudulas na dako” at palaging nanganganib na makaranas ng malubhang pagbagsak—nang biglang-bigla at walang babala. Ang Salita ng Diyos ay nagpapahayag: “Anuman ang inihahasik ng isang tao, ito rin ang kaniyang aanihin.” (Galacia 6:7) Hindi ba’t nakabalita ka na tungkol sa mga kabataan na kasing-edad mo na nakaranas ng maagang pagkamatay, nagkaroon ng sakit na naililipat ng pakikipagtalik, inaayawang pagdadalang-tao, o nabilanggo bunga ng malolokong “katuwaan”? Kaya naman, hindi ba’t nakikinabang ka dahil sa pag-iwas sa gayong mga bagay?—Isaias 48:17.
Si Solomon ay nagbibigay ng mabuting payo nang kaniyang sabihin: “Huwag managhili ang iyong puso sa mga makasalanan, kundi matakot kay Jehova ng buong araw. Sapagkat may kinabukasan sa gayong kalagayan, at ang iyong pag-asa ay hindi mahihiwalay.” (Kawikaan 23:17, 18) Oo, walang “katuwaan” ang sulit para iwala ng isa ang pag-asa na mabuhay magpakailanman sa Paraiso sa lupa.
Samantala, paano mo mabibigyang kasiyahan ang iyong likas na pagnanais na magkaroon ng tunay na kasayahan paminsan-minsan? Mayroon bang ligtas, kapaki-pakinabang na mga paraan upang gawin ito? Paano kung limitado ang salapi at iba pang mapagkukunan? Tinanong ng Gumising! ang mga kabataan sa buong daigdig para sa ilang mungkahi at mga idea. Ito ang tatalakayin sa susunod na artikulo sa seryeng ito.
[Talababa]
a Tingnan ang artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Dapat ba Akong Magpunta sa mga Konsiyertong Rock?” sa aming labas ng Disyembre 22, 1995.
[Larawan sa pahina 26]
Dapat ka bang makadama na parang napag-iiwanan ka dahil sa hindi mo magawa ang tinatawag ng sanlibutan na kasayahan?