Ang Iyong Pananampalataya ay Masusubok ng Kaunlaran
ANG kaunlaran ay makasusubok sa pananampalataya ng isang taong matuwid. Ang pagsusumikap na umunlad sa materyal na mga bagay ay makaaakay tungo sa pagkawala ng pananampalataya. (1 Timoteo 6:9, 10) Subalit ang kaunlaran ay makasusubok din sa pananampalataya sa ibang paraan. Pagka napapansin ng isang taong matuwid na maraming taong di-matuwid ang umuunlad ang kabuhayan samantalang siya naman ay naghihirap, baka matukso siya na mamuhay nang lihis sa katuwiran. Aba, ito’y umakay kahit na sa ilan sa mga lingkod ni Jehova na mag-alinlangan sa kahalagahan ng pamumuhay ayon sa katuwiran!
Ito’y nangyari sa Levitang manunugtog na si Asap noong panahon ng paghahari ni David sa Israel. Si Asap ay kumatha ng mga awit na ginamit sa pangmadlang pagsamba. Kasama ni Heman at ni Jeduthun, siya ay humula rin, ibinigay sa Diyos na Jehova ang kapurihan at pasasalamat na sinasaliwan ng tugtugin. (1 Cronica 25:1; 2 Cronica 29:30) Bagaman nagtamasa si Asap ng maraming pribilehiyo, ipinakikita ng Awit 73 na ang materyal na kaunlaran ng mga balakyot ay nagsilbing isang malaking pagsubok sa kaniyang pananampalataya.
Ang Mapanganib na Saloobin ni Asap
“Tunay na ang Diyos ay mabuti sa Israel, sa mga malilinis ang puso. Tungkol sa akin, ang mga paa ko’y halos nahiwalay, ang mga hakbang ko’y kamuntik nang nangadulas.” (Awit 73:1, 2) Sa mga salitang ito, kinilala ni Asap na si Jehova ay mabuti sa bansang Israel. Lalo nang totoo ito sa mga “malilinis ang puso,” sapagkat nais nila na magbigay sa Diyos ng bukod-tanging debosyon at makabahagi sa pagbanal sa kaniyang sagradong pangalan. Kung mayroon tayo ng ganiyang saloobin, pupurihin natin si Jehova sa pamamagitan ng pagsasalita nang mabuti tungkol sa kaniya kahit na kung tayo ay sinusubok ng kaunlaran ng mga balakyot o ng anupamang ibang kalagayan.—Awit 145:1, 2.
Bagaman nakikilala ni Asap ang kabutihan ni Jehova, ang kaniyang mga paa’y halos napahiwalay sa isang matuwid na landas. Iyon ay para bang ang mga ito ay nadudulas sa lupang may yelo sa panahon ng isang nakahahapong takbuhan. Bakit nga naging napakahina ang kaniyang pananampalataya? Nagpaliwanag siya: “Sapagkat ako’y nanaghili sa mga hambog, nang aking makita ang kaginhawahan ng masasama. Sapagkat sila’y walang mga hapdi ng kamatayan; at malalaki ang kanilang tiyan. Sila’y wala sa kabagabagan na gaya ng taong mortal, at hindi sila sinasalot na gaya ng ibang mga tao.”—Awit 73:3-5.
Dahil sa materyal na kaunlaran ng masasamang tao, sila’y kinainggitan ni Asap. Sila’y waring nagtatamasa ng mapayapang buhay, kahit na sila’y nagkamal ng kayamanan sa pamamagitan ng daya. (Ihambing ang Awit 37:1.) Sa kabila ng kanilang masasamang gawa, sa panlabas ay matatag sila kung titingnan. Aba, ang kanilang buhay ay waring natatapos nang hindi sila nakararanas ng kakila-kilabot na mga hapdi ng kamatayan! Kung minsan sila’y nangangamatay nang tahimik at may sariling kasiguruhan, hindi nakadarama ng espirituwal na pangangailangan. (Mateo 5:3) Sa kabilang panig, ang ilan sa mga lingkod ng Diyos ay dumaranas ng makirot na sakit at kamatayan, subalit kaniyang inaalalayan sila, at taglay nila ang kahanga-hangang pag-asang mabuhay muli.—Awit 43:1-3; Juan 5:28, 29.
Maraming balakyot na mga tao ang walang suliranin sa kalusugan na humahadlang sa kanila na tamasahin ang kasiyahan sa pagkain ng kanilang saganang panustos na pagkain. “Malalaki ang kanilang tiyan,” nangakausli ang kanilang mga puson. Isa pa, sila’y wala “sa kabagabagan na gaya ng taong mortal,” sapagkat di-tulad ng karamihan sa sangkatauhan, hindi na sila kailangang magpunyagi pa upang kamtin ang mga pangangailangan sa buhay. Nahinuha ni Asap na ang balakyot “ay hindi sinasalot na gaya ng ibang mga tao.” Lalung-lalo na sila’y nakaiiwas sa mga pagsubok na dinaranas ng mga taong maka-Diyos dahilan sa itong huli ay sumusunod sa matuwid na mga pamantayan ni Jehova sa balakyot na sanlibutan ni Satanas.—1 Juan 5:19.
Dahilan sa umuunlad ang mga balakyot, nagpatuloy si Asap ng pagsasabi tungkol sa kanila: “Kaya’t ang kapalaluan ay gaya ng kuwintas sa kanilang leeg; tinatakpan sila ng karahasan na gaya ng bihisan. Ang kanilang mga mata ay lumuluwa sa katabaan; sila’y may higit kaysa guniguni ng puso. Sila’y nanunuya at nagsasalita ng masama; tungkol sa pagdaraya sila’y nagsasalitang may kataasan. Kanilang inilalagay ang kanilang bibig sa mga langit, at ang kanilang dila ay lumalakad sa lupa.”—Awit 73:6-9.
Ang manggagawa ng masama ay may kapalaluan na gaya ng “kuwintas” sa kanilang leeg, at napakarami ang karahasang nagagawa nila kung kaya’t sila’y ‘tinatakpan niyaon na gaya ng bihisan.’ Desididong sundin ang kanilang sariling paraan, kanilang tinatakot ang iba. Ang mga mata ng balakyot ay hindi nanlalalim dahil sa kakulangan ng makakain kundi ‘lumuluwa sa katabaan,’ nakausli dahilan sa katabaan na resulta ng katakawan. (Kawikaan 23:20) Lubhang matagumpay ang kanilang panukala kung kaya ‘nalalampasan pa ang guniguni ng kanilang puso.’ Kanilang tinutukoy ang kanilang mga pagdaraya sa isang istilong palalo, “may kataasan.” Aba, ‘kanilang inilalagay ang kanilang bibig sa mga langit, at ang kanilang dila ay lumalakad sa lupa’! Palibhasa’y walang galang sa kaninuman sa langit o sa lupa, namumusong sila sa Diyos at kanilang sinisiraan ang mga tao.
Maliwanag, si Asap ay hindi nag-iisa na nakaranas ng masamang epekto sa kaniyang nakita. Sinabi niya: “Kaya ibinabalik dito [ng Diyos] ang kaniyang bayan, at ang tubig ng punóng saro ay nilalagok nila. At kanilang sinasabi: ‘Papaano nalalaman ng Diyos? At may kaalaman ba ang Kataastaasan?’ ” (Awit 73:10, 11) Ang tekstong Hebreo ay maaaring mangahulugan na dahil sa waring umuunlad ang balakyot, ang ilan na nasa bayan ng Diyos ay nagkakaroon ng maling pananaw at napapasakalagayan din ng masasama, na nagsasabi: ‘Hindi alam ng Diyos ang nangyayari at hindi siya kikilos laban sa kasamaan.’ Sa kabilang panig, ang pagkakita sa masasama na gumagawa ng katampalasanan nang hindi pinarurusahan ay gaya ng pag-inom ng mapait na inumin, na nag-uudyok sa matuwid na magtanong: ‘Papaano nga napapayagan ng Diyos ang mga bagay na ito? Hindi ba niya nakikita ang nangyayari?’
Sa paghahambing ng kaniyang kalagayan sa katayuan ng masasama, sinabi ni Asap: “Narito! Ito ang masasama, na laging nasa ginhawa. Nagsisilago sila sa kanilang kayamanan. Tunay na walang kabuluhan ang pagkalinis ko sa aking puso at ang pagkahugas ko sa aking mga kamay sa kawalang-sala. At sa buong araw ay sinasalot ako, at itinutuwid tuwing umaga.” (Awit 73:12-14) Nadama ni Asap na walang kabuluhan na mamuhay nang matuwid. Ang masasama ay umuunlad, malamang na ‘nagpapalago sila ng kanilang kayamanan’ sa pamamagitan ng daya. Waring naiiwasan nila ang parusa sa pinakamalubhang pagkakasala, ngunit si Asap ay sinasalot “sa buong araw”—mula sa kaniyang paggising hanggang sa siya’y matulog sa gabi. Nadama niya na siya’y itinutuwid ni Jehova tuwing umaga. Yamang ito’y waring hindi makatarungan, sinubok nito ang pananampalataya ni Asap.
Isang Pagtutuwid ng Kaisipan
Pagkatapos makilalang mali ang kaniyang kaisipan, sinabi ni Asap: “Kung aking sinabi: ‘Magkukuwento ako ng katulad niyan,’ narito! ako’y gagawang may karayaan sa salinlahi ng iyong mga anak. At patuloy na pinag-isipan ko upang maalaman ko ito; iyon ay napakahirap sa ganang akin, hanggang sa ako’y pumasok sa dakilang santuwaryo ng Diyos. Ibig kong makilala ang mangyayari sa kanila sa hinaharap. Tunay na iyong inilagay sila sa madulas na dako. Iyong inilugmok sila sa kapahamakan. Oh kataka-taka ang nangyari sa kanila sa isang saglit! Sumapit sila sa kanilang wakas, nilipol na lubos ng biglaang mga kakilabutan! Gaya ng panaginip sa pagkagising, Oh Jehova, pagkagising mo ay iyong hahamakin ang kanila mismong larawan.”—Awit 73:15-20.
Mabuti naman at hindi nagreklamo si Asap, sapagkat ang pagsasabi sa madla na walang kabuluhang maglingkod kay Jehova ay baka magpahina ng loob ng mga sumasamba o maaaring makasira ng kanilang pananampalataya. Mas mabuti na manatiling walang imik at gawin ang ginawa ni Asap! Upang maunawaan kung bakit waring nakalilibre ang masasama sa kanilang ginagawang kasamaan samantalang nagdurusa naman ang mga matuwid, naparoon siya sa santuwaryo ng Diyos. Ang gayong kapaligiran ay nagbigay kay Asap ng pagkakataon na mahinahong magbulay-bulay sa gitna ng mga sumasamba kay Jehova, at naituwid naman ang kaniyang kaisipan. Kaya ngayon, kung tayo’y nagugulumihanan sa ating nakikita, humanap din tayo ng kasagutan sa ating mga katanungan sa pamamagitan ng pakikisama sa bayan ng Diyos sa halip na ibukod ang ating sarili.—Kawikaan 18:1.
Natanto ni Asap na ang masasama ay inilagay ng Diyos “sa madulas na dako.” Dahilan sa ang kanilang buhay ay nakasentro sa materyal na mga bagay, sila’y nanganganib na makaranas ng biglaang pagbagsak. Sa pinakamatagal, aabutan sila ng kamatayan sa katandaan, at ang kanilang kinamkam na kayamanan ay hindi makapagbibigay sa kanila ng mahaba-habang buhay. (Awit 49:6-12) Ang kanilang kaunlaran ay matutulad sa isang panaginip na dagling lumilipas. Baka pa nga sila malapatan ng parusa bago sila sumapit sa katandaan sapagkat inaani nila ang kanilang inihasik. (Galacia 6:7) Yamang kusang tinalikdan nila ang tanging Isa na makatutulong sa kanila, wala silang magagawa, walang pag-asa. Pagka kumilos na si Jehova laban sa kanila, kaniyang mamalasin ang kanilang “larawan”—ang kanilang karangyaan at posisyon—nang may paghamak.
Ingatan Kung Papaano Ka Kikilos
Palibhasa’y hindi mabuti ang epekto ng kaniyang nakita, inamin ni Asap: “Sapagkat ang puso ko’y namanglaw at sa aking kalooban ay lubhang nasaktan ako, at nawalan ako ng katuwiran at hindi ko maalaman; ako’y naging gaya ng hamak na mga hayop sa iyong paningin. Ngunit ako’y laging sumasaiyo; inaalalayan mo ang aking kanang kamay. Papatnubayan mo ako ng iyong payo, at pagkatapos ay dadalhin mo ako sa kaluwalhatian.”—Awit 73:21-24.
Ang pagbabaling ng isip sa materyal na kaunlaran ng masasama at sa pagdurusa ng matuwid ay magdudulot ng pamamanglaw sa puso ng isang tao o makasásamâ ng kaniyang loob. Sa loob niya—sa kaniyang kalooban—ang kaligaligan ni Asap tungkol sa kalagayang ito ay nagdulot sa kaniya ng malaking pagdurusa. Buhat sa pangmalas ni Jehova, siya’y naging mistulang isang hayop na walang katuwiran na kumikilos batay lamang sa pakiramdam ng kaniyang mga sentido. Gayunman, si Asap ‘ay laging kasama ng Diyos, na umaalalay sa kaniyang kanang kamay.’ Kung sakaling tayo’y magkamali sa ating kaisipan ngunit humingi ng payo kay Jehova gaya ni Asap, aakayin tayo ng Diyos sa kamay, upang alalayan at patnubayan tayo. (Ihambing ang Jeremias 10:23.) Tangi lamang sa pagkakapit ng kaniyang payo makapamumuhay tayo ng maligaya sa hinaharap. Baka dumanas tayo ng kaabahan sa sandaling panahon, ngunit babaligtarin ni Jehova ang kalagayan, ‘dadalhin tayo sa kaluwalhatian,’ o karangalan.
Sa pagkaunawa na kailangan ang pagtitiwala kay Jehova, isinusog ni Asap: “Sino ang kumakasi sa akin sa langit kundi ikaw? At walang ninanasa ako sa lupa maliban sa iyo. Ang aking laman at ang aking puso ay nanlulupaypay. Ang Diyos ang kalakasan ng aking puso at bahagi ko magpakailanman. Sapagkat, narito! silang malayo sa iyo ay mangalilipol. Ibubuwal mo silang lahat na nakikiapid at humihiwalay sa iyo. Ngunit para sa akin, mabuti sa akin na lumapit sa Diyos. Ginawa kong aking kanlungan ang Soberanong Panginoong Jehova, upang aking maihayag ang lahat mong mga gawa.”—Awit 73:25-28.
Tulad ni Asap, wala na tayong maaasahan para sa tunay na katiwasayan at kaaliwan kundi si Jehova. (2 Corinto 1:3, 4) Kaya sa halip na imbutin ang makalupang kayamanan ng sinuman, maglingkod tayo sa Diyos at mag-imbak ng kayamanan sa langit. (Mateo 6:19, 20) Ang pagkakaroon ng sinang-ayunang kalagayan sa harap ni Jehova ang dapat na maging pinakadakilang kaluguran natin. Kahit na kung ang ating laman at puso ay manlupaypay, tayo’y kaniyang palalakasin at patatatagin ang ating puso upang huwag tayong mawalan ng pag-asa at tibay ng loob sa gitna ng mga kahirapan. Ang matalik na kaugnayan kay Jehova ay isang pag-aaring walang katumbas. Kung ito’y bibitiwan natin ang resulta’y kapahamakan para sa atin kasama ng lahat ng tumatalikod sa kaniya. Kung gayon, tulad ni Asap maging malapít tayo sa Diyos at ipapasan sa kaniya ang lahat ng ating pagkabalisa. (1 Pedro 5:6, 7) Nagpapalawak ito ng ating espirituwal na kapakanan at pinakikilos tayo na sabihin sa iba ang tungkol sa kamangha-manghang mga gawa ni Jehova.
Manatiling Tapat kay Jehova
Si Asap ay naligalig dahilan sa kaniyang nakita na umuunlad ang mga manggagawa ng masama sa Israel, ang kaniyang sariling bayan. Sa gitna ng tapat na mga lingkod ni Jehova, may “masasamang tao” na nagkakasala ng paghahambog, pagmamataas, karahasan, pangungutya, at pandaraya, at nagtatatwa na alam ng Diyos ang kanilang ginagawa. (Awit 73:1-11) Anong galing na babala! Upang makalugod sa Diyos na Jehova, iwasan natin ang pagpapakita ng mga ugali na gaya ng pagmamataas, karahasan, pangungutya, at pandaraya. Tulad ni Asap, harinawang lahat ng lingkod ni Jehova ay ‘pumaroon sa dakilang santuwaryo ng Diyos’ sa pamamagitan ng regular na pakikipagtipon kasama ng tapat na mga sumasamba sa Kaniya. Oo, hayaang lahat ng umiibig kay Jehova ay ‘maging malapit sa Diyos,’ na sa kaniya umaasa upang alalayan sila sa gitna ng mga pagdurusa, anuman ang sabihin o gawin ng iba.—Awit 73:12-28; 3 Juan 1-10.
Totoo, ang materyal na kaunlaran ng mga manggagawa ng kasamaan ay maaaring magsilbing pagsubok sa ating pananampalataya na gaya ng nangyari kay Asap. Subalit, mapagtitiisan natin ang pagsubok na ito kung isesentro natin ang ating buhay sa paglilingkuran kay Jehova. Tayo’y gagantihin sa paggawa nito sapagkat ‘ang Diyos ay hindi liko upang kalimutan ang ating mga gawa at ang pag-ibig na ipinakita natin sa kaniyang pangalan.’ (Hebreo 6:10) Ang mga pagsubok sa atin ay magiging “panandalian at magaan” kung ihahambing sa kakamtin nating gantimpala. (2 Corinto 4:17) Kahit na ang mga 70 o 80 taon ng pagdurusa ay gaya lamang ng isang hinga na lumalabas sa ating labi nang pabulong kung ihahambing sa walang-hanggang maligayang buhay na ipinangako ni Jehova sa kaniyang tapat na mga lingkod.—Awit 90:9, 10.
Harinawang huwag nating payagang ang materyal na kasaganaan ng masasama kung ihahambing sa ating mga pagdurusa alang-alang sa katuwiran ang makahadlang sa atin sa pagpapakita ng pananampalataya na bunga ng banal na espiritu ng Diyos. (Galacia 5:22, 23; 1 Pedro 3:13, 14) Matutuwa si Satanas kung tutularan natin ang masasama, na malimit ay umuunlad dahilan sa sila’y walang prinsipyo. Sa halip, parangalan natin ang pangalan ni Jehova sa pamamagitan ng pananaig sa mga tukso na maglilihis sa atin sa kaniyang matuwid na mga pamantayan. (Zefanias 2:3) Huwag tayong malungkot dahilan sa tagumpay ng mga manggagawa ng kasamaan, sapagkat, ang tanging matatamo nila ay materyal na kaunlaran lamang. At ano ang mapapakinabang nila? Hindi ito maihahambing man lamang sa espirituwal na kaunlaran na tinatamasa ng mga sumasampalataya sa Soberanong Panginoong Jehova.