TULOG
Isang yugto ng pamamahinga kung saan humihinto ang may-malay na paggawa. Mahalaga ito upang mapanatili ang buhay at kalusugan ng tao. Yamang alam na alam ni Jesu-Kristo ang kahalagahan ng pagpapahinga, ikinabahala niya ang pagkakaroon ng kaniyang mga alagad ng panahon upang magpahinga nang kaunti. (Mar 6:31) Ipinakikita ng halimbawa ni Jesus na kahit ang isang sakdal na tao ay kailangang magpahinga at matulog.—Ihambing ang Mar 4:38.
Ang mabigat na trabaho (Ec 5:12), malinis na budhi (ihambing ang Aw 32:3-5), at kawalan ng labis na kabalisahan gayundin ang pagtitiwala kay Jehova (Aw 3:5; 4:8; Kaw 3:24-26) ay nakatutulong nang malaki upang magkaroon ng masarap at nakarerepreskong tulog ang isang indibiduwal. Palibhasa’y kontento sa mga pangangailangan sa buhay (ihambing ang 1Ti 6:8), hindi kailangang gumugol ng maraming oras ang lingkod ng Diyos sa nakapapagod na pagpapagal anupat naisasakripisyo niya ang kinakailangang tulog at gayunma’y wala pa ring nakakamit na tunay na pakinabang mula sa kaniyang pagtatrabaho.—Ihambing ang Aw 127:1, 2.
Sabihin pa, may mga gabing hindi makatulog ang mga lingkod ng Diyos. Kung hindi man dahil sa sakit o iba pang masama o mapanubok na mga kalagayan, ang kanilang di-pagkakatulog ay maaaring dahil nababahala sila sa mga kapananampalataya nila at sa pagsulong ng tunay na pagsamba. (2Co 6:3-5; 11:23, 27; ihambing ang Aw 132:3-5, kung saan ang tinutukoy ay hindi ang aktuwal na pagtulog kundi ang pagpapahinga, ang paghinto sa paggawa.) Gayunman, hindi kailangang labis silang mabahala sa materyal na mga ari-arian anupat hindi na sila makatulog. (Ec 5:12; ihambing ang Mat 6:25-34.) Sa kabilang dako naman, nasisiyahan ang mga taong balakyot sa paggawa ng masama. “Hindi sila natutulog malibang makagawa sila ng kasamaan, at ang kanilang tulog ay napapawi malibang mapangyari nilang may matisod.”—Kaw 4:16.
Bagaman mahalaga ang pagtulog, ang isang tao ay hindi dapat na maging maibigin sa pagtulog. (Kaw 20:13) “Ang katamaran ay nagpapasapit ng mahimbing na tulog,” anupat ginagawang di-aktibo ang isang indibiduwal kahit may gawain siya na kailangang tapusin. (Kaw 19:15) Kung mas gugustuhin ng isang tao na matulog o maging di-aktibo gayong dapat siyang magtrabaho, ito ay pagpili sa isang landasin na sa bandang huli ay hahantong sa karalitaan.—Kaw 6:9-11; 10:5; 24:33, 34.
Di-gaya ng mga tao, ang Diyos na Jehova ay hindi inaantok anupat kailangan niyang matulog. Dahil dito, makaaasa ang kaniyang mga lingkod na makapaglalaan siya ng kinakailangang tulong sa lahat ng panahon. (Aw 121:3, 4) Inihahalintulad si Jehova sa isa na natutulog tanging kapag nagluluwat siya o nagpipigil na kumilos dahil may mabuti siyang mga dahilan, halimbawa ay may kaugnayan sa mga nag-aangking bayan niya ngunit hindi naman mga tapat.—Aw 44:23; 78:65.
Pagiging Gising sa Espirituwal. Noong pinatitibay-loob ng apostol na si Pablo ang mga Kristiyano sa Roma na huwag matulog o maging di-aktibo at pabaya sa kanilang mga pananagutan, sumulat siya: “Oras na upang gumising kayo sa pagkakatulog, sapagkat mas malapit na ngayon ang ating kaligtasan kaysa noong panahong tayo ay maging mga mananampalataya. Ang gabi ay malalim na; ang araw ay malapit na. Kaya nga alisin natin ang mga gawang nauukol sa kadiliman at isuot natin ang mga sandata ng liwanag. Gaya ng sa araw ay lumakad tayo nang disente, hindi sa mga walang-taros na pagsasaya at mga paglalasingan, hindi sa bawal na pakikipagtalik at mahalay na paggawi, hindi sa hidwaan at paninibugho.” (Ro 13:11-13; ihambing ang Efe 5:6-14; 1Te 5:6-8; Apo 16:15.) Yaong mga nagsasagawa ng maling mga gawain o nagpapalaganap ng mga bulaang turo ay natutulog may kaugnayan sa katuwiran at kailangang gumising kung nais nilang magtamo ng pagsang-ayon ng Diyos.
Inihambing ang Kamatayan sa Pagtulog. May katibayan na ang pagtulog ng mga tao ay may mga siklo. Ang bawat siklo ay binubuo ng malalim na tulog na sinusundan ng mababaw na tulog. Sa panahon ng malalim na tulog, napakahirap gisingin ang isang tao. Wala siyang kaalam-alam sa nagaganap sa kaniyang kapaligiran at sa mga bagay na maaaring nangyayari sa palibot niya. Wala siyang anumang may-malay na paggawa. Sa katulad na paraan, ang mga patay ay “walang anumang kabatiran.” (Ec 9:5, 10; Aw 146:4) Dahil dito, ang kamatayan, ng tao man o ng hayop, ay katulad ng pagtulog. (Aw 13:3; Ju 11:11-14; Gaw 7:60; 1Co 7:39; 15:51; 1Te 4:13) Sumulat ang salmista: “Dahil sa iyong pagsaway, O Diyos ni Jacob, kapuwa ang tagapagpatakbo ng karo at ang kabayo ay nakatulog nang mahimbing.” (Aw 76:6; ihambing ang Isa 43:17.) Kung hindi dahil sa layunin ng Diyos na gisingin ang mga tao mula sa pagkakatulog sa kamatayan, hindi na sila kailanman magigising.—Ihambing ang Job 14:10-15; Jer 51:39, 57; tingnan ang PAGKABUHAY-MULI.
Gayunman, maaari ring pag-ibahin ang “kamatayan” at ang “pagtulog.” May kinalaman sa isang patay na dalagita, sinabi ni Kristo Jesus: “Ang batang babae ay hindi namatay, kundi siya ay natutulog.” (Mat 9:24; Mar 5:39; Luc 8:52) Yamang noon ay bubuhayin niya itong muli mula sa kamatayan, maaaring ang ibig sabihin ni Jesus ay na hindi tuluyang huminto ang pag-iral ng dalagita kundi magiging gaya siya ng isa na ginising mula sa pagkakatulog. Gayundin, hindi pa naililibing ang dalagitang ito, ni nagsimula mang mabulok ang katawan nito, gaya ng nangyari sa katawan ni Lazaro. (Ju 11:39, 43, 44) Salig sa awtoridad na ipinagkaloob sa kaniya ng kaniyang Ama, maaaring sabihin ni Jesus ang bagay na ito gaya rin ng kaniyang Ama, “na bumubuhay ng mga patay at tumatawag sa mga bagay na wala na para bang ang mga iyon ay umiiral.”—Ro 4:17; ihambing ang Mat 22:32.
Dapat pansinin na sa Kasulatan, ang terminong “natutulog” ay ikinakapit doon sa mga namatay dahil sa kamatayang minana kay Adan. Yaong mga dumaranas ng “ikalawang kamatayan” ay hindi tinutukoy bilang natutulog. Sa halip, ipinakikita na sila ay lubusang nilipol, hindi na umiiral, anupat waring sinunog ng di-masawatang apoy.—Apo 20:14, 15; ihambing ang Heb 10:26-31, kung saan pinag-iiba ang kamatayan niyaong mga lumabag sa Kautusang Mosaiko at ang mas matinding parusa na inilalapat sa mga Kristiyano na bumabaling sa pamimihasa sa kasalanan; Heb 6:4-8.