Ang Sagot ni Jehova sa Isang Taos-Pusong Panalangin
“Upang malaman ng mga tao na ikaw, na ang pangalan ay Jehova, ikaw lamang ang Kataas-taasan sa buong lupa.”—AWIT 83:18.
1, 2. Ano ang nadama ng marami nang malaman nila ang pangalan ng Diyos, at anu-anong tanong ang ating isasaalang-alang?
MGA ilang taon na ang nakalilipas, isang babae ang lungkot na lungkot dahil sa isang trahedya na naganap sa kanilang lugar. Yamang lumaki siya sa isang pamilyang Romano Katoliko, sinubukan niyang humingi ng payo sa pari sa kanilang lugar, pero ayaw man lamang siyang kausapin nito. Kaya nanalangin siya sa Diyos: “Hindi ko po kayo kilala . . . , pero alam kong nandiyan kayo. Sana’y makilala ko po kayo!” Di-nagtagal, dinalaw siya ng mga Saksi ni Jehova. Inaliw nila siya at sinagot ang kaniyang mga katanungan. Kasama sa mga itinuro nila sa kaniya ang personal na pangalan ng Diyos, Jehova. Talagang naantig ang kaniyang damdamin nang malaman niya ang pangalan ng Diyos. Sinabi niya: “Siya pala ang Diyos na gusto kong makilala mula pa noong bata ako!”
2 Ganiyan din ang nadama ng maraming iba pa nang malaman nila ang pangalan ng Diyos. Kadalasan nang una nilang nakikita ang pangalan ni Jehova sa Awit 83:18 sa Bibliya. Ganito ang mababasa natin sa talatang iyon sa Bagong Sanlibutang Salin: “Upang malaman ng mga tao na ikaw, na ang pangalan ay Jehova, ikaw lamang ang Kataas-taasan sa buong lupa.” Gayunman, napag-isip-isip mo na ba kung bakit isinulat ang Awit 83? Anu-anong pangyayari ang sapilitang mag-uudyok sa lahat ng tao na kilalaning si Jehova lamang ang tanging tunay na Diyos? Anong aral ang matututuhan natin sa awit na ito? Isasaalang-alang natin ang mga tanong na iyan sa artikulong ito.a
Pagsasabuwatan Laban sa Bayan ni Jehova
3, 4. Sino ang kumatha ng Awit 83, at anong banta ang inilalarawan niya?
3 Ayon sa superskripsiyon nito, ang Awit 83 ay “awitin ni Asap.” Ang mangangatha ng awit na ito ay malamang na inapo ng Levitang si Asap, isang kilalang manunugtog noong panahon ng pamamahala ni Haring David. Sa awit na ito, nagsumamo ang salmista kay Jehova na kumilos sana Siya upang itaguyod ang Kaniyang soberanya at ipakilala ang Kaniyang pangalan. Malamang na ang awit na ito ay kinatha mga ilang panahon pagkamatay ni Solomon. Bakit natin nasabi ito? Dahil noong paghahari ni David at ni Solomon, hindi pa kaaway ng Israel ang hari ng Tiro. Pero noong kinatha ang Awit 83, ang mga naninirahan sa Tiro ay kalaban na ng Israel at kumampi sa mga kaaway nito.
4 Binanggit ng salmista ang sampung bansang nagsabuwatan para lipulin ang bayan ng Diyos. Ang mga kaaway na ito ay naninirahan sa palibot ng Israel. Ganito itinala ng salmista ang mga bansa: “Ang mga tolda ng Edom at ng mga Ismaelita, ng Moab at ng mga Hagrita, ng Gebal at ng Ammon at ng Amalek, ng Filistia kasama ng mga tumatahan sa Tiro. Gayundin, ang Asirya ay sumama sa kanila.” (Awit 83:6-8) Anong pangyayari sa kasaysayan ang tinutukoy ng awit? Sinasabi ng ilan na ang awit ay tumutukoy sa pagsalakay sa Israel ng pinagsanib na puwersa ng Ammon, Moab, at ng mga naninirahan sa Bundok Seir noong panahon ni Jehosapat. (2 Cro. 20:1-26) Naniniwala naman ang iba na ang tinutukoy rito ay ang mga pang-aaping karaniwang naranasan ng Israel noon mula sa kalapit na mga bansa nito.
5. Paano makatutulong sa mga Kristiyano sa ngayon ang Awit 83?
5 Anuman ang kalagayan, maliwanag na kinasihan ng Diyos na Jehova ang pagsulat ng awit na ito sa panahong nanganganib ang kaniyang bansa. Ang awit ding ito ay nagbibigay ng pampatibay-loob sa mga lingkod ng Diyos sa ngayon, na sa buong kasaysayan ay napaharap sa sunud-sunod na pagsalakay ng kanilang mga kaaway na determinadong lumipol sa kanila. At tiyak na mapapatibay tayo nito sa malapit na hinaharap kapag inihanda ni Gog ng Magog ang kaniyang mga puwersa para sa pangwakas na pagsalakay upang lipulin ang lahat ng sumasamba sa Diyos sa espiritu at katotohanan.—Basahin ang Ezekiel 38:2, 8, 9, 16.
Ang Pangunahing Ikinabahala ng Salmista
6, 7. (a) Ano ang idinalangin ng salmista ayon sa unang mga salita ng Awit 83? (b) Ano ang pangunahing ikinabahala ng salmista?
6 Pakinggan natin ang salmista habang ipinahahayag niya ang kaniyang damdamin sa panalangin: “O Diyos, huwag nawang magkaroon ng katahimikan sa ganang iyo; huwag kang manatiling walang imik, at huwag kang manahimik, O Makapangyarihan. Sapagkat, narito! ang iyo mismong mga kaaway ay nagkakagulo; at ang mga masidhing napopoot sa iyo ay nagtaas ng kanilang ulo. May-katusuhan nilang isinasagawa ang kanilang lihim na usapan laban sa iyong bayan . . . Sapagkat sa puso ay may-pagkakaisa silang nagsanggunian; laban sa iyo ay nagtibay sila ng isang tipan.”—Awit 83:1-3, 5.
7 Ano ang pangunahing ikinabahala ng salmista? Malamang na lubha siyang nag-alala para sa kaligtasan niya at ng kaniyang pamilya. Pero ang paksa ng kaniyang panalangin ay tungkol sa upasalang maidudulot sa pangalan ni Jehova at sa mga pagbabanta laban sa bansang nagtataglay ng pangalang iyan. Lahat sana tayo ay magkaroon ng gayon ding timbang na pananaw habang binabata natin ang mahihirap na huling araw ng sanlibutang ito.—Basahin ang Mateo 6:9, 10.
8. Ano ang motibo ng mga bansang nagsasabuwatan laban sa Israel?
8 Sinipi ng salmista ang sinabi ng mga kaaway ng Israel: “Halikayo at pawiin natin sila mula sa pagiging isang bansa, upang ang pangalan ng Israel ay hindi na maalaala pa.” (Awit 83:4) Kaylaki nga ng galit ng mga bansang iyon sa piniling bayan ng Diyos! Pero may iba pa silang motibo sa kanilang pagsasabuwatan. Gusto nilang kunin ang lupain ng Israel anupat naghambog: “Ariin natin ang mga tinatahanang dako ng Diyos para sa ating sarili.” (Awit 83:12) May ganiyan din bang pangyayari sa ngayon? Oo!
“Sa Iyong Banal na Tinatahanang Dako”
9, 10. (a) Noong sinaunang panahon, ano ang banal na tinatahanang dako ng Diyos? (b) Anu-anong pagpapala ang tinatamasa ngayon ng pinahirang nalabi at ng “ibang mga tupa”?
9 Noong sinaunang panahon, ang Lupang Pangako ay tinutukoy na banal na tinatahanang dako ng Diyos. Ipinahiwatig ito sa awit ng tagumpay na inawit ng mga Israelita pagkatapos silang palayain mula sa Ehipto: “Sa iyong maibiging-kabaitan ay inakay mo ang bayan na iyong tinubos; sa iyong lakas ay papatnubayan mo nga sila sa iyong banal na tinatahanang dako.” (Ex. 15:13) Nang maglaon, ang “tinatahanang dako” na iyon ay nagkaroon ng templo, mga saserdote, at kabiserang lunsod, ang Jerusalem, kung saan nakaluklok sa trono ni Jehova ang mga haring nagmula kay David. (1 Cro. 29:23) Kaya naman, tinawag ni Jesus ang Jerusalem na “lunsod ng dakilang Hari.”—Mat. 5:35.
10 Kumusta naman sa ating panahon? Noong 33 C.E., isinilang ang isang bagong bansa, ang “Israel ng Diyos.” (Gal. 6:16) Ang bansang iyon, na binubuo ng mga pinahirang kapatid ni Jesu-Kristo, ang siyang tumupad sa atas na hindi natupad ng literal na Israel, iyon ay ang maging mga saksi sa pangalan ng Diyos. (Isa. 43:10; 1 Ped. 2:9) Ipinangako rin sa kanila ni Jehova ang ipinangako niya sa sinaunang Israel: “Ako ang magiging kanilang Diyos, at sila ang magiging aking bayan.” (2 Cor. 6:16; Lev. 26:12) Noong 1919, nagkaroon ng pantanging kaugnayan si Jehova sa mga nalabi ng “Israel ng Diyos,” at sa panahong iyon, naging pag-aari ng mga nalabing ito ang isang “lupain.” Ang ‘lupaing’ ito ay tumutukoy sa kanilang espirituwal na mga gawain, at sa pagtataguyod ng mga gawaing ito, tinatamasa nila ang espirituwal na paraiso. (Isa. 66:8) Mula noong dekada ng 1930, milyun-milyong “ibang mga tupa” ang sumama sa kanila. (Juan 10:16) Ang kaligayahan at espirituwal na kasaganaan ng mga Kristiyanong ito sa ating panahon ay nagbibigay ng matibay na patotoo sa karapatan ng soberanya ni Jehova. (Basahin ang Awit 91:1, 2.) Tiyak na galít na galít si Satanas!
11. Ano pa rin ang pangunahing tunguhin ng mga kaaway ng Diyos?
11 Sa panahong ito ng kawakasan, inudyukan ni Satanas ang kaniyang mga alipores dito sa lupa na salansangin ang pinahirang nalabi at ang kanilang kasamang ibang mga tupa. Nangyari iyan sa Kanlurang Europa sa ilalim ng pamamahala ng mga Nazi at sa Silangang Europa sa ilalim naman ng pamahalaang Komunista ng Unyong Sobyet. Nangyari din ito sa maraming iba pang lupain, at mangyayari uli ito, lalo na sa huling pagsalakay ni Gog ng Magog. Sa pagsalakay na iyon, baka walang-awang kumpiskahin ng mga mananalansang ang mga pag-aari ng bayan ni Jehova, gaya ng ginawa ng mga kaaway ng bayan ng Diyos noon. Subalit ang pangunahing tunguhin ni Satanas mula pa noon ay sirain ang pagkakaisa natin upang wala nang makaaalaala sa pangalang “Saksi ni Jehova.” Paano kikilos si Jehova sa gayong paglaban sa kaniyang soberanya? Balikan natin ang mga salita ng salmista.
Halimbawa ng Tagumpay ni Jehova
12-14. Anong dalawang makasaysayang tagumpay malapit sa lunsod ng Megido ang binanggit ng salmista?
12 Pansinin ang matibay na pananampalataya ng salmista sa kakayahan ni Jehova na biguin ang mga plano ng mga kaaway na bansa ng kaniyang bayan. Isinama niya sa awit ang dalawang malaking tagumpay ng Israel laban sa mga kaaway nito malapit sa sinaunang lunsod ng Megido, na sumasaklaw sa isang kapatagang libis na Megido rin ang pangalan. Kapag tag-araw, ang tuyong sahig ng Ilog Kison ay makikita sa kapatagang libis. Pagkatapos ng malakas na ulan sa panahon ng taglamig, umaapaw sa kapatagan ang tubig sa ilog. Iyan marahil ang dahilan kung bakit tinawag din ang ilog na “tubig ng Megido.”—Huk. 4:13; 5:19.
13 Mga 15 kilometro patawid sa libis mula sa Megido matatagpuan ang burol ng More kung saan nakipagdigma si Hukom Gideon laban sa pinagsama-samang hukbo ng mga Midianita, Amalekita, at mga taga-Silangan. (Huk. 7:1, 12) Ang maliit na hukbo ni Gideon ay binubuo lamang ng 300 lalaki, pero sa tulong ni Jehova, natalo nila ang malaking hukbo ng kaaway. Paano? Sinunod nila ang tagubilin ng Diyos na palibutan sa gabi ang kampo ng kaaway habang may dala silang mga banga na may mga sulo sa loob. Nang ibigay ni Gideon ang hudyat, binasag nila ang mga banga at biglang suminag ang nakatagong mga sulo. Kasabay nito, hinipan nila ang kanilang mga tambuli at sumigaw: “Ang tabak ni Jehova at ni Gideon!” Nalito ang mga kaaway, at pinatay nila ang isa’t isa; ang mga nakaligtas ay tumakas sa Ilog Jordan. Samantala, dumami ang mga Israelitang sumama para tugisin ang mga kaaway. Lahat-lahat, 120,000 kaaway na sundalo ang namatay.—Huk. 7:19-25; 8:10.
14 Mga anim na kilometro sa kabilang panig ng burol ng More, pagtawid sa libis mula sa Megido, masusumpungan ang Bundok Tabor. Doon tinipon ni Hukom Barak ang mga 10,000 sundalong Israelita upang labanan ang hukbo ni Jabin, ang Canaanitang hari ng Hazor, sa ilalim ng pangunguna ng kaniyang pinuno ng militar, si Sisera. Ang hukbong Canaanitang ito ay may 900 karong pandigma na may nakamamatay na mahahabang talim ng bakal na umiikot kasabay ng mga gulong ng mga karo. Nagtipon sa Bundok Tabor ang mga sundalo ng Israel. Palibhasa’y walang gaanong sandata ang mga sundalong Israelita, inakala ng hukbo ni Sisera na kayang-kaya nilang talunin ang mga ito kaya nagtungo sila sa libis. Pagkatapos, “nilito ni Jehova si Sisera at ang lahat ng kaniyang mga karong pandigma at ang buong kampo.” Malamang na dahil sa biglang pagbuhos ng ulan at pag-apaw ng Ilog Kison, naging maputik ang libis at nabalaho ang mga karo ng kaaway. Pinatay ng mga Israelita ang buong hukbo ni Sisera.—Huk. 4:13-16; 5:19-21.
15. (a) Ano ang idinalangin ng salmista na gawin ni Jehova? (b) Ano ang maaalaala natin sa pangalan ng pangwakas na digmaan ng Diyos?
15 Nagsumamo ang salmista kay Jehova na gayundin ang gawin Niya sa mga bansang nagbabanta sa Israel noong panahon niya. Nanalangin siya: “Gawin mo sa kanila ang gaya ng sa Midian, gaya ng kay Sisera, gaya ng kay Jabin sa agusang libis ng Kison. Nilipol sila sa En-dor; sila ay naging dumi para sa lupa.” (Awit 83:9, 10) Kapansin-pansin, ang pangwakas na digmaan ng Diyos laban sa sanlibutan ni Satanas ay tinatawag na Har–Magedon (nangangahulugang “Bundok ng Megido”), o Armagedon. Maaalaala natin sa pangalang iyan ang mahahalagang digmaang naganap malapit sa Megido. Kung paanong nagtagumpay si Jehova sa mga sinaunang digmaang iyon, makatitiyak tayo na magtatagumpay rin siya sa digmaan ng Armagedon.—Apoc. 16:13-16.
Idalangin ang Pagbabangong-Puri sa Soberanya ni Jehova
16. Paano naging ‘lipos ng kasiraang-puri’ ang mukha ng mga mananalansang sa ngayon?
16 Sa “mga huling araw” na ito, binigo ni Jehova ang lahat ng pagsisikap na lipulin ang kaniyang bayan. (2 Tim. 3:1) Bilang resulta, napahiya ang mga mananalansang. Inilarawan ito sa Awit 83:16: “Lipusin mo ang kanilang mga mukha ng kasiraang-puri, upang hanapin ng mga tao ang iyong pangalan, O Jehova.” Sa iba’t ibang bansa, bigung-bigo ang mga mananalansang sa kanilang pagsisikap na patahimikin ang mga Saksi ni Jehova. Sa mga lupaing iyon, ang katatagan at pagbabata ng mga mananamba ng tanging tunay na Diyos ay nagsilbing patotoo sa tapat-pusong mga tao, at marami ang ‘naghanap sa pangalan ni Jehova.’ Sa ngayon, sampu-sampung libo, daan-daang libo pa nga, ang maligayang mga tagapuri ni Jehova sa ilang lupain kung saan walang-awang pinag-usig noon ang mga Saksi ni Jehova. Kaylaki ngang tagumpay nito para kay Jehova! At kaylaking kahihiyan naman para sa kaniyang mga kaaway!—Basahin ang Jeremias 1:19.
17. Anong kritikal na situwasyon ang napapaharap sa mga mananalansang sa ngayon, at anong mga salita ang maalaala sa malapit na hinaharap?
17 Sabihin pa, alam nating patuloy tayong uusigin, pero patuloy pa rin tayong mangangaral ng mabuting balita—maging sa mga mananalansang. (Mat. 24:14, 21) Gayunman, malapit nang matapos ang ibinigay na pagkakataon para sa gayong mga mananalansang na magsisi at maligtas. Ang pagpapabanal sa pangalan ni Jehova ay di-hamak na mas mahalaga kaysa sa kaligtasan ng tao. (Basahin ang Ezekiel 38:23.) Kapag nagsama-sama ang mga bansa sa inihulang pambuong-daigdig na pagtatangkang lipulin ang bayan ng Diyos, maaalaala natin ang mga sinabing ito sa panalangin ng salmista: “O mapahiya nawa sila at maligalig sa habang panahon, at malito nawa sila at malipol.”—Awit 83:17.
18, 19. (a) Ano ang naghihintay sa mga determinadong mananalansang ng soberanya ni Jehova? (b) Ano ang epekto sa iyo ng dumarating na pangwakas na pagbabangong-puri sa soberanya ni Jehova?
18 Isang nakakahiyang wakas ang naghihintay sa mga determinadong mananalansang ng soberanya ni Jehova. Isinisiwalat ng Salita ng Diyos na ang “mga hindi sumusunod sa mabuting balita”—na siyang dahilan kung bakit sila lilipulin sa Armagedon—ay daranas ng “walang-hanggang pagkapuksa.” (2 Tes. 1:7-9) Ang pagpuksa sa mga mananalansang na ito at ang pagliligtas sa mga sumasamba kay Jehova sa katotohanan ay magsisilbing matibay na patotoo na si Jehova ang tanging tunay na Diyos. Sa bagong sanlibutan, ang malaking tagumpay na ito ay hindi kailanman malilimutan. Matututuhan ng mga ‘bubuhaying muli na matuwid at di-matuwid’ ang dakilang gawa na ito ni Jehova. (Gawa 24:15) Sa bagong sanlibutan, makikita nila ang nakakukumbinsing patotoo na talagang isang karunungan ang mamuhay sa ilalim ng soberanya ni Jehova. At ang maaamo na kasama nila ay agad na makukumbinsi na si Jehova lamang ang tanging tunay na Diyos.
19 Tunay na kamangha-mangha ang kinabukasang inihanda ng ating maibiging makalangit na Ama para sa kaniyang mga tapat na mananamba! Hindi ka ba napapakilos na idalanging sana’y sagutin na ni Jehova ang panalanging ito ng salmista sa lalong madaling panahon: “Malito nawa [ang iyong mga kaaway] at malipol; upang malaman ng mga tao na ikaw, na ang pangalan ay Jehova, ikaw lamang ang Kataas-taasan sa buong lupa”?—Awit 83:17, 18.
[Talababa]
a Bago mo pag-aralan ang artikulong ito, tiyak na makikinabang ka sa pagbabasa ng Awit 83 upang maging pamilyar ka sa awit na ito.
Maipaliliwanag Mo Ba?
• Sa anong situwasyon napaharap ang Israel nang isulat ang Awit 83?
• Ano ang pangunahing ikinabahala ng manunulat ng Awit 83?
• Sino ang pinupuntirya ni Satanas sa ngayon?
• Paano sa wakas sasagutin ni Jehova ang panalanging binanggit sa Awit 83:18?
[Mapa sa pahina 15]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Ano ang kaugnayan ng mga digmaang naganap malapit sa sinaunang Megido sa ating kinabukasan?
Ilog Kison
Haroset
Bdk. Carmel
Libis ng Jezreel
Megido
Taanac
Bdk. Gilboa
Balon ng Harod
More
En-dor
Bdk. Tabor
Dagat ng Galilea
Ilog Jordan
[Larawan sa pahina 12]
Ano ang nagpakilos sa isang salmista na kumatha ng isang taos-pusong panalangin?