Nananabik Ka Bang Maglingkod Pa Nang Lubusan?
“GALIT ako kay Jehova,” ang sabi ni Laura. “Lagi akong nananalangin na sana’y tulungan niya kaming lutasin ang aming suliranin sa pananalapi upang makapagpatuloy ako sa pagpapayunir—subalit wala pa rin. Sa wakas ay kinailangan akong umalis sa talaan ng mga payunir. Inaamin ko rin na naiinggit ako sa mga nakapagpapatuloy sa pagpapayunir.”
Isaalang-alang din ang nangyari kay Michael, isang ministeryal na lingkod sa isang kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova. Matagal na niyang inaabot ang katungkulan ng tagapangasiwa. (1 Timoteo 3:1) Nang ang kaniyang pinananabikan ay hindi natupad sa loob ng maraming taon, siya’y lubhang nagdamdam anupat hindi na niya ninais pang mairekomenda para sa gayong pribilehiyo. “Talagang hindi ko kaya ang hapdi ng muling pagkabigo,” ang sabi niya.
Nagkaroon ka na ba ng ganiyang karanasan? Kinailangan bang bitiwan mo ang isang minamahal na teokratikong pribilehiyo? Halimbawa, kinailangan bang huminto ka sa paglilingkod bilang isang payunir, isang buong-panahong tagapaghayag ng Kaharian? O pinanabikan mo ba ang isang tungkulin sa kongregasyon na ipinagkatiwala naman sa iba? Maaari pa ngang gustung-gusto mong maglingkod sa Bethel o maging isang misyonero, subalit hindi ito ipinahihintulot ng iyong kalagayan.
“Ang pag-asa na nagluluwat ay nagpapasakit ng puso,” ang sabi ng aklat ng Kawikaan. (Kawikaan 13:12) Marahil ay lalo na itong totoo kapag natatanggap ng iba ang mismong pribilehiyo na inaasam mo. Nagbibigay ba ang Salita ng Diyos ng malalim na unawa, kaaliwan, at pag-asa para sa sinuman na nakararanas ng gayong pagkabigo? Oo, nagbibigay ito. Sa katunayan, ipinapahayag ng ika-84 ng Awit ang damdamin ng isang lingkod ni Jehova na may gayunding di-natupad na mga naisin may kinalaman sa paglilingkuran kay Jehova.
Pagpapahalaga ng Isang Levita
Ang mga mangangatha ng ika-84 ng Awit ay ang mga anak ni Kora, mga Levita na naglingkod sa templo ni Jehova at lubhang nagpahalaga sa kanilang pribilehiyo sa paglilingkod. “Anong ganda ng iyong tabernakulo, O Jehova ng mga hukbo!” ang ibinulalas ng isa sa kanila. “Ang aking kaluluwa ay labis na naghahangad at nananabik sa mga looban ni Jehova. Ang puso ko at ang aking laman mismo ay humihiyaw sa kagalakan sa buháy na Diyos.”—Awit 84:1, 2.
Gayon na lamang ang pananabik ng Levitang ito na maglingkod sa templo ni Jehova anupat maging ang pangkaraniwang tanawin na nadaraanan patungong Jerusalem ay nakaaakit sa kaniya. “Ang pagdaan sa tabi ng mababang kapatagan ng palumpungan ng baca,” ang sabi niya, “binabago ng mga ito ang gayon tungo sa isang bukal.” (Awit 84:6) Oo, ang karaniwang tigang na lugar ay gaya ng isang pook na natutubigang mainam.
Dahil ang salmista ay hindi saserdoteng Levita, isang sanlinggo lamang siyang nakapaglilingkod sa templo sa bawat anim na buwan. (1 Cronica 24:1-19; 2 Cronica 23:8; Lucas 1:5, 8, 9) Ang kaniyang natitirang panahon ay ginugol niya sa tahanan sa isa sa mga lunsod ng mga Levita. Kaya naman umawit siya: “Maging ang ibon mismo ay nakasumpong ng bahay, at ang langay-langayan ng isang pugad para sa kaniya, na kaniyang pinaglagyan sa kaniyang mga inakay—ang iyong dakilang dambana, O Jehova ng mga hukbo, aking Hari at aking Diyos!” (Awit 84:3) Anong ligaya sana ng Levita kung siya ay tulad ng mga ibon na may mas permanenteng tirahan sa templo!
Madali sana para sa Levita na maghinanakit dahil hindi siya makapaglingkod nang madalas sa templo. Gayunman, siya ay natutuwang maglingkod hangga’t maaari, at tiyak na natanto niya na sulit naman ang buong-pusong debosyon kay Jehova. Ano ang tumulong sa tapat na Levitang ito upang makapanatiling kontento sa kaniyang mga pribilehiyo sa paglilingkod?
Matutong Maging Kontento
“Ang isang araw sa iyong mga looban ay mas mabuti kaysa sa sanlibo saanman,” ang sabi ng Levita. “Pinili kong tumayo sa bukana ng bahay ng aking Diyos sa halip na maglibot sa mga tolda ng kabalakyutan.” (Awit 84:10) Napahalagahan niya na kahit ang paggugol ng isang araw sa bahay ni Jehova ay isang napakahalagang pribilehiyo. At ang Levita ay makapaglilingkod sa templo nang makapupong higit kaysa sa isang araw. Ang pagkakontento niya sa kaniyang mga pribilehiyo ang nag-udyok sa kaniya na umawit sa kagalakan.
Kumusta naman tayo? Pinahahalagahan ba natin ang ating mga pagpapala, o may hilig tayong limutin ang taglay na natin sa paglilingkod kay Jehova? Dahil sa kanilang debosyon sa kaniya, ipinagkatiwala ni Jehova sa kaniyang bayan ang napakalawak na mga pribilehiyo at tungkulin. Kasali sa mga ito ang mas mabibigat na pananagutan ng pangangasiwa, pagpapastol, pagtuturo, at iba’t ibang pitak ng buong-panahong paglilingkod. Subalit kasangkot din sa mga ito ang iba pang mahahalagang bagay na may kaugnayan sa pagsamba kay Jehova.
Halimbawa, isaalang-alang ang ministeryong Kristiyano. Ang ating pribilehiyo ng pangangaral ng mabuting balita ay itinulad ni apostol Pablo sa pagkakaroon natin ng isang ‘kayamanan sa yaring-luwad na mga sisidlan.’ (2 Corinto 4:7) Minamalas mo ba ang gayong paglilingkod bilang walang kasinghalagang kayamanan? Sa ganiyang paraan ito minalas ni Jesu-Kristo, na nanguna sa gawaing pangangaral ng Kaharian, anupat nag-iwan ng parisan. (Mateo 4:17) “Yamang taglay namin ang ministeryong ito . . . , hindi kami nanghihimagod,” ang sabi ni Pablo.—2 Corinto 4:1.
Ang mga pulong Kristiyano ay sagradong paglalaan din na hindi dapat maliitin. Sa ating mga pulong, tumatanggap tayo ng mahalagang instruksiyon at nagtatamasa ng kinakailangang pagsasamahan. Sa mga pulong ay makagagawa rin tayo ng pangmadlang pagpapahayag ng ating pananampalataya at pag-asa sa pamamagitan ng regular na pagkokomento at sa pakikibahagi sa programa sa ibang paraan. (Hebreo 10:23-25) Ang mga pulong natin ay tunay na paglalaan na dapat pakamahalin!
Lubos na minahal ni Michael, na binanggit kanina, ang mga pagpapalang ito at taimtim na pinahalagahan ang mga ito. Subalit ang kaniyang pagkabigo na makapaglingkod bilang isang matanda ay pansamantalang nakabawas sa kaniyang pagpapahalaga. Sa pamamagitan ng muling pagtutuon ng pansin sa mga iyon, napanumbalik niya ang kaniyang pagkatimbang at may pagtitiis na naghintay kay Jehova.
Sa halip na di-makontento dahil sa hindi taglay ang isang pribilehiyo, makabubuti sa atin na muling suriin kung paano tayo pinagpapala ni Jehova, gaya ng ginawa ng salmista.a Kung kakaunti lamang ang makita natin, kailangang tingnan nating muli, anupat hinihiling kay Jehova na imulat ang ating mga mata upang makita ang ating mga pribilehiyo at kung paano niya tayo pinagpapala at ginagamit ukol sa kaniyang kapurihan.—Kawikaan 10:22.
Mahalaga rin na maunawaan na sa mga pantanging pribilehiyo, gaya ng katungkulan ng tagapangasiwa, ay kailangan ang espesipikong mga kuwalipikasyon. (1 Timoteo 3:1-7; Tito 1:5-9) Kaya kailangan nating suriin ang ating sarili, na tinitingnan ang mga dako na nangangailangan ng pagsulong at pagkatapos ay taimtim na magsikap upang sumulong.—1 Timoteo 4:12-15.
Huwag Masiraan ng Loob
Kung hindi tayo makatanggap ng isang pribilehiyo sa paglilingkod, hindi tayo dapat na maghinuha na si Jehova ay may higit na pag-ibig doon sa mga nagtatamasa nito o na ipinagkakait niya ang mabuti sa atin. Tiyak, hindi natin aakalain nang may pananaghili na natamo nang di-nararapat ng mga ito ang kanilang mga pribilehiyo bunga ng paboritismo ng tao sa halip na bunga ng teokratikong paghirang. Ang pag-iisip ng gayong mga ideya ay maaaring umakay sa paninibugho, pagtatalu-talo, at maging sa ating lubusang pagtalikod.—1 Corinto 3:3; Santiago 3:14-16.
Si Laura, na binanggit sa pasimula, ay hindi nanghimagod. Nang dakong huli ay nasupil niya ang kaniyang galit at paninibugho. Si Laura ay paulit-ulit na nanalangin sa Diyos upang tulungan siya na mapanagumpayan ang kaniyang negatibong reaksiyon sa kaniyang kawalang-kakayahang magpayunir. Humingi rin siya ng tulong sa mga kuwalipikadong lalaki sa kongregasyon at nadama ang katiyakan ng pag-ibig ng Diyos. “Binigyan ako ni Jehova ng kapayapaan ng isip,” ang sabi niya. “Bagaman kaming mag-asawa ay hindi makapagpayunir ngayon, naiisip namin ang panahon nang nakapagpapayunir kami at nagtatamo ng lakas buhat sa mga naging karanasan namin. Tinutulungan din namin ang aming nasa hustong gulang na anak na lalaki sa kaniyang pagpapayunir.” Palibhasa’y kontento na, ngayon ay nagagawa ni Laura na “makipagsaya sa mga taong nagsasaya” sa kanilang paglilingkuran bilang payunir.—Roma 12:15.
Magtakda ng Maaabot na mga Tunguhin
Ang ating pagiging kontento sa kasalukuyang mga pribilehiyo sa paglilingkod ay hindi nangangahulugan na titigil na tayo sa pagtatakda ng karagdagang teokratikong mga tunguhin. Nang tinatalakay ang pagkabuhay-muli sa langit, bumanggit si Pablo tungkol sa ‘pag-abot sa mga bagay na nasa unahan.’ Sinabi rin niya: “Sa anumang antas tayo nakagawa na ng pagsulong, patuloy tayong lumakad nang maayos sa kinagawian ding ito.” (Filipos 3:13-16) Matutulungan tayo ng mga teokratikong mga tunguhin na abutin ang mga nasa unahan. Subalit ang hamon ay ang panatilihing makatotohanan ang mga ito.
Makatuwiran at maaabot ang makatotohanang mga tunguhin. (Filipos 4:5) Hindi ito nangangahulugan na ang tunguhin na nangangailangan ng maraming taon ng puspusang paggawa ay hindi makatotohanan. Ang gayong pangmatagalang tunguhin ay maaabot nang unti-unti sa pamamagitan ng pagtatakda ng isang serye ng baytang-baytang na tunguhin, o mga antas. Ang mga ito ay magsisilbing palatandaan sa espirituwal na pagsulong. Ang matagumpay na pagtapos sa bawat antas ay magpapadama ng kasiyahan sa halip na kabiguan sa panahong nagdaraan.
Isang Mainam na Pangmalas
Gayunman, mahalagang tanggapin na dahil sa ating mga kalagayan at limitasyon, ang ilang pribilehiyo ay maaaring hindi matamo. Ang pagtatakda nito bilang mga tunguhin ay hahantong lamang sa pagkabigo at pagkasira ng loob. Ang gayong mga tunguhin ay dapat na itabi, kahit pansamantala man lamang. Ang paggawa nito ay hindi magiging mahirap kung mananalangin tayo ukol sa maka-Diyos na pagkakontento at gagawin nating pangunahin ang paggawa ng kalooban ni Jehova. Kapag umaabot tayo ng mga pribilehiyo, ang kaluwalhatian ni Jehova—hindi ang pagkilala sa ating personal na mga nagawa—ang siyang mahalaga. (Awit 16:5, 6; Mateo 6:33) Ang Bibliya ay angkop na nagsasabi sa atin: “Iukol mo ang iyong mga gawa kay Jehova at ang iyong mga plano ay lubusang matatatag.”—Kawikaan 16:3.
Sa pagsasaalang-alang sa ika-84 ng Awit, makikita natin na nagpamalas ang salmista ng gayong saloobin sa mga pribilehiyo ng paglilingkod, at siya ay mayamang pinagpala ni Jehova. Bukod dito, ang awit na ito ay patuloy na pinakikinabangan ng bayan ni Jehova hanggang sa ngayon.
Sa may pananalanging pananalig kay Jehova, magagawa ninyong maging timbang sa inyong pananabik ukol sa karagdagang mga pribilehiyo taglay ang pagkakontento sa mga bagay na tinatamasa na ninyo ngayon. Huwag hayaan na ang inyong hangaring gumawa nang higit pa ay magnakaw sa inyo ng pagpapahalaga sa mga bagay na taglay ninyo ngayon at ng kagalakan ng paglilingkod kay Jehova magpakailanman. Magtiwala kay Jehova, sapagkat nagbubunga ito ng kaligayahan, gaya ng ipinakita ng mga salita ng Levita: “O Jehova ng mga hukbo, maligaya ang tao na nagtitiwala sa iyo.”—Awit 84:12.
[Talababa]
a Pakisuyong tingnan ang artikulong “Pinahahalagahan Mo ba ang mga Bagay na Banal?” sa Hunyo 15, 1988, labas ng Ang Bantayan.
[Kahon sa pahina 11]
Mga Tunguhing Maaari Nating Itakda
Pagbabasa ng Bibliya sa araw-araw.—Josue 1:8; Mateo 4:4
Pagpapasulong ng ating kakayahan sa pang-unawa sa pamamagitan ng pagsasanay sa Kasulatan.—Hebreo 5:14
Pagpapaunlad ng isang mas malapit na kaugnayan sa Diyos.—Awit 73:28
Paglinang sa bawat isa sa mga bunga ng espiritu.—Galacia 5:22, 23
Pagpapaunlad sa uri ng ating mga panalangin.—Filipos 4:6, 7
Pagiging higit na epektibo sa pangangaral at pagtuturo.—1 Timoteo 4:15, 16
Pagbabasa at pagbubulay-bulay sa bawat labas ng mga magasing Bantayan at Gumising!—Awit 49:3
[Mga larawan sa pahina 9]
Sa pagtatakda ng personal na mga tunguhin, unahin ang paggawa ng kalooban ng Diyos