DIYOS
Anumang bagay na sinasamba ay maaaring tukuyin bilang diyos, yamang ipinapalagay ng mananamba na mas malakas iyon kaysa sa kaniya at pinakukundanganan niya iyon. Maaari pa ngang gawing diyos ng isang tao ang kaniyang tiyan. (Ro 16:18; Fil 3:18, 19) Ang Bibliya ay bumabanggit ng maraming diyos (Aw 86:8; 1Co 8:5, 6), ngunit ipinakikita nito na ang mga diyos ng mga bansa ay walang-silbing mga diyos.—Aw 96:5; tingnan ang DIYOS AT DIYOSA, MGA.
Mga Terminong Hebreo. Kabilang sa mga salitang Hebreo na isinasaling “Diyos” ang ʼEl, malamang na nangangahulugang “Isa na Makapangyarihan; Isa na Malakas.” (Gen 14:18) Ginagamit ito may kaugnayan kay Jehova, sa ibang mga diyos, at sa mga tao. Madalas din itong gamitin sa pagbuo ng mga pangalang pantangi, gaya ng Eliseo (nangangahulugang “Ang Diyos ay Kaligtasan”) at Miguel (“Sino ang Tulad ng Diyos?”). Sa ilang talata sa Kasulatan, ang ʼEl ay may pamanggit na pantukoy (ha·ʼElʹ, sa literal, “ang Diyos”) anupat tumutukoy kay Jehova, sa gayo’y ipinakikita ang kaibahan niya sa ibang mga diyos.—Gen 46:3; 2Sa 22:31; tingnan ang apendise ng Rbi8, p. 1567.
Sa hula ng Isaias 9:6, si Jesu-Kristo ay tinatawag na ʼEl Gib·bohrʹ, “Makapangyarihang Diyos” (hindi ʼEl Shad·daiʹ [Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat], na kumakapit naman kay Jehova sa Genesis 17:1).
Ang anyong pangmaramihan na ʼe·limʹ ay ginagamit upang tumukoy sa ibang mga diyos, gaya sa Exodo 15:11 (“mga diyos”). Ginagamit din ito bilang anyong pangmaramihan na nagpapahiwatig ng karingalan at kadakilaan, gaya sa Awit 89:6: “Sino ang makatutulad kay Jehova sa gitna ng mga anak ng Diyos [bi·venehʹ ʼE·limʹ]?” Dito at sa maraming iba pang talata, ginagamit ang anyong pangmaramihan upang tumukoy sa iisang indibiduwal; sinusuportahan ito ng pagkakasalin ng ʼE·limʹ sa anyong pang-isahan na The·osʹ sa Griegong Septuagint, gayundin ng Deus sa Latin na Vulgate.
Lumilitaw na ang salitang Hebreo na ʼelo·himʹ (mga diyos) ay nagmula sa salitang-ugat na nangangahulugang “maging malakas.” Ang ʼElo·himʹ ay pangmaramihan ng ʼelohʹah (diyos). Kung minsan, ang pangmaramihang ito ay tumutukoy sa maraming diyos (Gen 31:30, 32; 35:2), ngunit kadalasa’y ginagamit ito bilang anyong pangmaramihan na nagpapahiwatig ng karingalan, dignidad, o kadakilaan. Ang ʼElo·himʹ ay ginagamit sa Kasulatan may kaugnayan kay Jehova mismo, sa mga anghel, sa mga idolong diyos (pang-isahan at pangmaramihan), at sa mga tao.
Kapag kumakapit kay Jehova, ang ʼElo·himʹ ay ginagamit bilang anyong pangmaramihan na nagpapahiwatig ng karingalan, dignidad, o kadakilaan. (Gen 1:1) May kinalaman dito, isinulat ni Aaron Ember: “Lubusan nang inalis ng pananalita ng L[umang] T[ipan] ang ideya ng pangmaramihan mula sa . . . [ʼElo·himʹ] (kapag ikinakapit sa Diyos ng Israel) at partikular itong ipinakikita ng bagay na halos palagi itong itinatambal sa pang-isahang pandiwang panaguri, at nilalakipan ng pang-isahang pang-uri. . . . Sa halip, ang [ʼElo·himʹ] ay dapat unawain bilang pangmaramihang nagbibigay-diin, na nagpapahiwatig ng kadakilaan at karingalan, anupat katumbas ng Ang Dakilang Diyos.”—The American Journal of Semitic Languages and Literatures, Tomo XXI, 1905, p. 208.
Itinatawag-pansin ng titulong ʼElo·himʹ ang lakas ni Jehova bilang Maylalang. Sa ulat ng paglalang ay 35 beses itong lumilitaw nang mag-isa, at sa bawat pagkakataon, ang pandiwang naglalarawan sa kaniyang sinabi at ginawa ay nasa pang-isahang bilang. (Gen 1:1–2:4) Nananahanan sa kaniya ang kabuuan at substansiya ng walang-limitasyong mga puwersa.
Sa Awit 8:5, ang mga anghel ay tinutukoy rin bilang ʼelo·himʹ, gaya ng ipinakita ni Pablo nang sipiin niya ang talatang iyon sa Hebreo 2:6-8. Tinatawag silang benehʹ ha·ʼElo·himʹ, “mga anak ng Diyos” (KJ); “mga anak ng tunay na Diyos” (NW) sa Genesis 6:2, 4; Job 1:6; 2:1. Ang Lexicon in Veteris Testamenti Libros, nina Koehler at Baumgartner (1958), pahina 134, ay nagsasabi: “(indibiduwal na) mga nilalang na diyos, mga diyos.” At ang pahina 51 naman ay nagsasabi: “ang (nag-iisang) mga diyos,” at sinisipi nito ang Genesis 6:2; Job 1:6; 2:1; 38:7. Kaya naman sa Awit 8:5, ang ʼelo·himʹ ay isinasaling “mga anghel” (LXX); “mga tulad-diyos” (NW).
Ang salitang ʼelo·himʹ ay ginagamit din upang tumukoy sa mga idolong diyos. Kung minsan, ang anyong pangmaramihang ito ay nangangahulugan lamang ng “mga diyos.” (Exo 12:12; 20:23) Kung minsan naman, ito ay anyong pangmaramihan na nagpapahiwatig ng kadakilaan at tumutukoy lamang sa iisang diyos (o diyosa). Gayunman, maliwanag na hindi mga trinidad ang mga diyos na ito.—1Sa 5:7b (Dagon); 1Ha 11:5 (“diyosa” na si Astoret); Dan 1:2b (Marduk).
Sa Awit 82:1, 6, ang ʼelo·himʹ ay ginagamit para sa mga tao, mga taong hukom sa Israel. Sumipi si Jesus mula sa Awit na ito sa Juan 10:34, 35. Sila ay mga diyos salig sa kanilang tungkulin bilang mga kinatawan at mga tagapagsalita ni Jehova. Sa katulad na paraan, sinabihan si Moises na maglilingkod siya bilang “Diyos” kay Aaron at kay Paraon.—Exo 4:16, tlb sa Rbi8; 7:1.
Sa maraming talata sa Kasulatan, ang ʼElo·himʹ ay may pamanggit na pantukoy na ha sa unahan nito. (Gen 5:22) May kinalaman sa paggamit ng ha·ʼElo·himʹ, sinabi ni F. Zorell: “Sa Banal na Kasulatan, partikular nang ang iisang tunay na Diyos, si Jahve, ang tinutukoy ng salitang ito; . . . ‘si Jahve ang [iisang tunay na] Diyos’ Deu 4:35; 4:39; Jos 22:34; 2Sa 7:28; 1Ha 8:60 atbp.”—Lexicon Hebraicum Veteris Testamenti, Roma, 1984, p. 54; kaniya ang mga braket.
Ang Terminong Griego. Ang madalas na katumbas sa Griego ng ʼEl at ʼElo·himʹ sa saling Septuagint at ang salita para sa “Diyos” o “diyos” sa Kristiyanong Griegong Kasulatan ay the·osʹ.
Ang Tunay na Diyos na si Jehova. Ang tunay na Diyos ay hindi isang Diyos na walang pangalan. Ang pangalan niya ay Jehova. (Deu 6:4; Aw 83:18) Siya ay Diyos dahil siya ang Maylalang. (Gen 1:1; Apo 4:11) Ang tunay na Diyos ay totoo (Ju 7:28), isang persona (Gaw 3:19; Heb 9:24), at hindi isang walang-buhay at likas na batas na gumagana nang walang buháy na tagapagbigay-batas, hindi isang walang-layuning puwersa na kumikilos sa pamamagitan ng sunud-sunod na mga aksidente upang makalalang ng iba’t ibang bagay. Ang 1956 edisyon ng The Encyclopedia Americana (Tomo XII, p. 743) ay nagkomento sa ilalim ng pamagat na “Diyos”: “Sa diwang Kristiyano, Mohamedano, at Judio, ang Kataas-taasang Persona, ang Pinagmulan, at sa pangkalahatang diwa, gaya ng ipinapalagay sa ngayon sa buong sibilisadong daigdig, isang espirituwal na persona, umiiral sa ganang sarili, walang hanggan at lubusang malaya at pinakamakapangyarihan-sa-lahat, anupat naiiba sa materya na nilalang niya sa maraming anyo, at na kaniyang pinananatili at kinokontrol. Waring walang panahon sa kasaysayan na ang sangkatauhan ay hindi naniniwala sa isang sobrenatural na maylikha at tagapamahala ng sansinukob.”
Mga katibayan ng pag-iral ng “Diyos na buháy.” Ang pag-iral ng Diyos ay pinatutunayan ng kaayusan, kalakasan, at kasalimuutan ng mga nilalang, kapuwa malalaki at maliliit, at ng mga pakikitungo niya sa kaniyang bayan sa buong kasaysayan. Maraming natututuhan ang mga siyentipiko sa pagsisiyasat sa matatawag nating Aklat ng Paglalang ng Diyos. Matututo lamang ang isa mula sa isang aklat kung ang aklat ay may-katalinuhang pinag-isipan at inihanda ng awtor nito.
Di-tulad ng walang-buhay na mga diyos ng mga bansa, si Jehova ang “Diyos na buháy.” (Jer 10:10; 2Co 6:16) Masusumpungan sa lahat ng dako ang patotoo hinggil sa kaniyang gawa at kadakilaan. “Ang langit ay naghahayag ng kaluwalhatian ng Diyos; at ang gawa ng kaniyang mga kamay ay isinasaysay ng kalawakan.” (Aw 19:1) Walang maidadahilan ang mga tao upang hindi maniwala sa pag-iral ng Diyos, sapagkat “anumang maaaring malaman tungkol sa Diyos ay hayag sa gitna nila, sapagkat inihayag ito ng Diyos sa kanila. Sapagkat ang kaniyang di-nakikitang mga katangian ay malinaw na nakikita mula pa sa pagkalalang ng sanlibutan, sapagkat napag-uunawa ang mga ito sa pamamagitan ng mga bagay na ginawa, maging ang kaniyang walang-hanggang kapangyarihan at pagka-Diyos, anupat wala silang maidadahilan.”—Ro 1:18-20.
Ang Diyos na Jehova ay inilalarawan sa Bibliya bilang nabubuhay mula sa panahong walang takda hanggang sa panahong walang takda, anupat magpakailanman (Aw 90:2, 4; Apo 10:6), at bilang ang Haring walang hanggan, walang kasiraan, di-nakikita, ang tanging tunay na Diyos. (1Ti 1:17) Walang diyos na umiral nang una sa kaniya.—Isa 43:10, 11.
Walang hanggan ngunit madaling lapitan. Ang tunay na Diyos ay walang hanggan at hindi lubusang maaarok ng pag-iisip ng tao. Hindi kailanman mapapantayan ng nilalang ang kaniyang Maylalang o na lubusan niyang mauunawaan ang Kaniyang pag-iisip. (Ro 11:33-36) Ngunit Siya ay maaaring masumpungan at malapitan, at inilalaan Niya sa kaniyang mananamba ang lahat ng kinakailangan para sa kapakanan at kaligayahan nito. (Gaw 17:26, 27; Aw 145:16) Laging nasa kasukdulan ang kaniyang kakayahan at pagkukusang-loob na magbigay ng mabubuting kaloob at regalo sa kaniyang mga nilalang, gaya ng nasusulat: “Ang bawat mabuting kaloob at ang bawat sakdal na regalo ay mula sa itaas, sapagkat bumababa ito mula sa Ama ng makalangit na mga liwanag, at sa kaniya ay wala man lamang pagbabago sa pagbaling ng anino.” (San 1:17) Si Jehova ay laging kumikilos ayon sa kaniyang sariling matuwid na mga kaayusan, anupat ginagawa ang lahat ng bagay nang may legal na saligan. (Ro 3:4, 23-26) Sa dahilang ito, lahat ng kaniyang mga nilalang ay lubusang makapagtitiwala sa kaniya, sa pagkaalam na lagi niyang sinusunod ang mga simulaing kaniyang itinatag. Hindi siya nagbabago (Mal 3:6), at wala siyang “pagbabago” sa pagkakapit ng kaniyang mga simulain. Hindi siya nagtatangi (Deu 10:17, 18; Ro 2:11), at imposibleng magsinungaling siya.—Bil 23:16, 19; Tit 1:1, 2; Heb 6:17, 18.
Ang kaniyang mga katangian. Ang tunay na Diyos ay hindi omnipresente, yamang binabanggit na siya’y may isang dakong kinaroroonan. (1Ha 8:49; Ju 16:28; Heb 9:24) Ang kaniyang trono ay nasa langit. (Isa 66:1) Siya ang pinakamakapangyarihan-sa-lahat, anupat tinutukoy siya bilang ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat. (Gen 17:1; Apo 16:14) “Ang lahat ng bagay ay hubad at hayagang nakalantad sa mga mata niya,” at siya “ang Isa na nagsasabi ng wakas mula pa sa pasimula.” (Heb 4:13; Isa 46:10, 11; 1Sa 2:3) Ang kaniyang kapangyarihan at kaalaman ay sumasaklaw sa lahat ng dako, anupat umaabot sa lahat ng bahagi ng sansinukob.—2Cr 16:9; Aw 139:7-12; Am 9:2-4.
Ang tunay na Diyos ay espiritu, hindi laman (Ju 4:24; 2Co 3:17), bagaman kung minsan ay inihahalintulad niya sa mga sangkap ng tao ang kaniyang mga katangian ng paningin, kapangyarihan, at iba pa. Kaya naman sa makasagisag na paraan ay tinutukoy niya ang kaniyang “bisig” (Exo 6:6), ang kaniyang “mga mata,” at ang kaniyang “mga tainga” (Aw 34:15), at itinatawag-pansin niya na, yamang siya ang Maylalang ng mga mata at mga tainga ng tao, tunay na siya’y nakakakita at nakaririnig.—Aw 94:9.
Ang ilan sa mga pangunahing katangian ng Diyos ay pag-ibig (1Ju 4:8), karunungan (Kaw 2:6; Ro 11:33), katarungan (Deu 32:4; Luc 18:7, 8), at kapangyarihan (Job 37:23; Luc 1:35). Siya ay isang Diyos ng kaayusan at ng kapayapaan. (1Co 14:33) Siya ay lubusang banal, malinis at dalisay (Isa 6:3; Hab 1:13; Apo 4:8); maligaya (1Ti 1:11); at maawain (Exo 34:6; Luc 6:36). Maraming iba pang katangian ng kaniyang personalidad ang inilalarawan sa Kasulatan.
Ang kaniyang posisyon. Si Jehova ang Kataas-taasang Soberano ng sansinukob, ang walang-hanggang Hari. (Aw 68:20; Dan 4:25, 35; Gaw 4:24; 1Ti 1:17) Ang posisyon ng kaniyang trono ang kasukdulan ng kadakilaan. (Eze 1:4-28; Dan 7:9-14; Apo 4:1-8) Siya ang Karingalan (Heb 1:3; 8:1), ang Maringal na Diyos, ang Isa na Maringal. (1Sa 4:8; Isa 33:21) Siya ang Bukal ng lahat ng buhay.—Job 33:4; Aw 36:9; Gaw 17:24, 25.
Ang kaniyang katuwiran at kaluwalhatian. Ang tunay na Diyos ay isang matuwid na Diyos. (Aw 7:9) Siya ang maluwalhating Diyos. (Aw 29:3; Gaw 7:2) Ang kaniyang karilagan ay nakahihigit sa lahat (Deu 33:26), yamang nadaramtan siya ng karilagan, kalakasan, at dangal (Aw 8:1; 68:34; 93:1; 104:1; 1Cr 16:27; Job 37:22). “Ang kaniyang gawa ay dangal at karilagan.” (Aw 111:3) May kaluwalhatian ng karilagan sa kaniyang Paghahari.—Aw 145:11, 12.
Ang kaniyang layunin. Ang Diyos ay may layunin na isasagawa niya at hindi mabibigo. (Isa 46:10; 55:8-11) Ang kaniyang layunin, gaya ng ipinahayag sa Efeso 1:9, 10, ay “upang muling tipunin ang lahat ng mga bagay kay Kristo, ang mga bagay na nasa langit at ang mga bagay na nasa lupa.” Sa pamamagitan ni Kristo, ang lahat ng matatalinong nilalang ay magiging lubos na kasuwato ng layunin ng Diyos. (Ihambing ang Mat 6:9, 10.) Walang anumang umiral nang una kay Jehova, kung kaya siya ang nakahihigit sa lahat. (Isa 44:6) Yamang siya ang Maylalang, umiiral na siya bago pa ang iba pang mga diyos, at ‘walang ibang iiral pagkatapos niya,’ dahil ang mga bansa ay hindi kailanman makalilikha ng isang tunay at buháy na diyos na may kakayahang humula. (Isa 43:10; 46:9, 10) Bilang ang Alpha at ang Omega (Apo 22:13), siya ang kaisa-isa at tanging Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat; matagumpay niyang tatapusin ang usapin tungkol sa pagka-Diyos, anupat permanenteng maipagbabangong-puri bilang ang tanging Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat. (Apo 1:8; 21:5, 6) Hindi niya kailanman kinalilimutan ang kaniyang mga tipan ni hinahayaang di-matupad ang kaniyang mga layunin, yamang isa siyang Diyos na maaasahan at matapat.—Aw 105:8.
Isang Diyos na nakikipagtalastasan. Yamang malaki ang pag-ibig niya sa kaniyang mga nilalang, naglaan ang Diyos ng maraming oportunidad upang makilala nila siya at malaman ang kaniyang mga layunin. Sa tatlong pagkakataon, narinig ng mga tao sa lupa ang kaniya mismong tinig. (Mat 3:17; 17:5; Ju 12:28) Nakipagtalastasan siya sa pamamagitan ng mga anghel (Luc 2:9-12; Gaw 7:52, 53) at sa pamamagitan ng mga taong binigyan niya ng mga tagubilin at mga pagsisiwalat, gaya ni Moises, at higit sa lahat, sa pamamagitan ng kaniyang Anak na si Jesu-Kristo. (Heb 1:1, 2; Apo 1:1) Nakikipagtalastasan siya sa kaniyang bayan sa pamamagitan ng kaniyang nasusulat na Salita, sa gayo’y lubusan silang sinasangkapan bilang kaniyang mga lingkod at mga ministro at pinapatnubayan sila sa daan ng buhay.—2Pe 1:19-21; 2Ti 3:16, 17; Ju 17:3.
Ibang-iba sa mga diyos ng mga bansa. Ang tunay na Diyos, ang Maylalang ng maluwalhating mga bagay sa kalangitan, ay may kaluwalhatian at kaningningan na imposibleng matagalan ng paningin ng tao, sapagkat “walang tao ang makakakita sa [Diyos] at mabubuhay pa.” (Exo 33:20) Tanging ang mga anghel, mga espiritung nilalang, ang may paningin na maaaring literal na makakita ng kaniyang mukha. (Mat 18:10; Luc 1:19) Gayunpaman, hindi niya inilalantad ang mga tao sa gayong karanasan. Dahil sa kaniyang maibiging-kabaitan, ipinakikita niya sa mga tao ang kaniyang maiinam na katangian sa pamamagitan ng kaniyang Salita, lakip na rito ang pagsisiwalat ng kaniyang sarili sa pamamagitan ng kaniyang Anak, si Kristo Jesus.—Mat 11:27; Ju 1:18; 14:9.
Sa aklat ng Apocalipsis, binibigyan tayo ng Diyos ng ideya hinggil sa epekto ng kaniyang presensiya. Ang apostol na si Juan ay nagkaroon ng pangitain na katumbas ng pagkakita sa Diyos, sa diwa na isiniwalat nito ang epekto ng pagkakita sa kaniya habang siya’y nasa kaniyang trono. Ang kaanyuan ng Diyos ay hindi gaya ng sa tao, sapagkat hindi niya isiniwalat sa tao ang kaniyang hitsura, gaya ng sinabi ni Juan mismo nang dakong huli: “Walang taong nakakita sa Diyos kailanman.” (Ju 1:18) Sa halip, ang Diyos ay ipinakitang tulad ng napakakinang na mga hiyas, mahahalaga, nagniningning, magaganda, anupat kaakit-akit sa paningin at lubhang kahanga-hanga. Siya, “sa kaanyuan, ay tulad ng batong jaspe at ng mahalagang kulay-pulang bato, at sa palibot ng trono ay may isang bahagharing tulad ng esmeralda ang kaanyuan.” (Apo 4:3) Kaya naman siya’y may magandang kaanyuan at kaiga-igayang pagmasdan, anupat ang isa ay pananaigan ng matinding pagkamangha. Ang palibot ng kaniyang trono ay may higit pang kaluwalhatian, mapayapa at tiwasay; ipinahihiwatig iyan ng kaanyuan ng isang napakagandang bahagharing esmeralda, anupat ipinaaalaala nito sa isa ang kasiya-siyang katahimikan at kapayapaan pagkatapos ng bagyo.—Ihambing ang Gen 9:12-16.
Samakatuwid, ang tunay na Diyos ay ibang-iba sa mga diyos ng mga bansa, na kadalasa’y inilalarawan bilang may napakapangit na hitsura, mabalasik, di-makatuwiran, malupit, pabagu-bago ng isip, nakapangingilabot at makademonyo, at handang magpahirap sa mga tao sa isang maapoy na impiyerno.
Isang “Diyos na humihiling ng bukod-tanging debosyon.” “Bagaman may mga tinatawag na ‘mga diyos,’ maging sa langit man o sa lupa, kung paanong maraming ‘mga diyos’ at maraming ‘mga panginoon,’ sa atin nga ay may iisang Diyos ang Ama.” (1Co 8:5, 6) Si Jehova ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat, ang tanging tunay na Diyos, at marapat lamang na humiling siya ng bukod-tanging debosyon. (Exo 20:5) Hindi dapat hayaan ng kaniyang mga lingkod na may ibang makapasok sa kaniyang wastong dako sa kanilang mga puso at mga pagkilos. Hinihilingan niya ang kaniyang mga mananamba na sambahin siya sa espiritu at katotohanan. (Ju 4:24) Siya lamang ang dapat nilang pagpakitaan ng mapitagang pagkasindak.—Isa 8:13; Heb 12:28, 29.
Sa Bibliya, kabilang sa mga makapangyarihan na tinatawag na “mga diyos” si Jesu-Kristo, “ang bugtong na diyos.” Ngunit siya mismo ang nagsabi: “Si Jehova na iyong Diyos ang sasambahin mo, at sa kaniya ka lamang mag-uukol ng sagradong paglilingkod.” (Ju 1:18; Luc 4:8; Deu 10:20) Ang mga anghel ay “mga tulad-diyos,” ngunit pinigilan ng isa sa kanila si Juan sa pagsamba sa kaniya, na sinasabi: “Mag-ingat ka! Huwag mong gawin iyan! . . . Sambahin mo ang Diyos.” (Aw 8:5; Heb 2:7; Apo 19:10) Ang ilang makapangyarihang tao sa gitna ng mga Hebreo ay tinawag na “mga diyos” (Aw 82:1-7); ngunit hindi nilayon ng Diyos na ang sinumang tao ay tumanggap ng pagsamba. Nang mangayupapa si Cornelio sa harap ni Pedro, pinigilan siya ng apostol sa pagsasabing, “Tumindig ka; ako man ay isang tao rin.” (Gaw 10:25, 26) Walang alinlangan, ang huwad na mga diyos na inimbento at inanyuan ng mga tao sa nakalipas na maraming siglo mula noong panahon ng paghihimagsik sa Eden ay hindi dapat sambahin. Mahigpit na nagbabala ang Kautusang Mosaiko laban sa pagtalikod kay Jehova upang bumaling sa kanila. (Exo 20:3-5) Hindi pahihintulutan ng tunay na Diyos na si Jehova na patuloy niyang maging kaagaw ang huwad at walang-kabuluhang mga diyos.—Jer 10:10, 11.
Pagkatapos ng Milenyong Paghahari ni Kristo, kung kailan papawiin niya ang lahat ng awtoridad at kapangyarihan na salansang sa Diyos, ibibigay niya ang Kaharian sa kaniyang Diyos at Ama, na magiging “lahat ng bagay sa bawat isa.” (Ro 8:33; 1Co 15:23-28) Sa katapus-tapusan, ang lahat ng nabubuhay ay kikilala sa soberanya ng Diyos at patuloy na pupuri sa kaniyang pangalan.—Aw 150; Fil 2:9-11; Apo 21:22-27; tingnan ang JEHOVA.