TRONO
Ang terminong Hebreo na kis·seʼʹ ay may saligang kahulugan na “upuan” (1Sa 4:13), “silya” (2Ha 4:10), o isang upuan na may pantanging kahalagahan gaya ng isang “trono” (1Ha 22:10). Hindi lamang ito kumakapit sa mga upuan ng mga namamahalang monarka (1Ha 2:19; Ne 3:7; Es 3:1; Eze 26:16), ni bukod-tangi man itong tumutukoy sa isang upuan na mataas ang sandalan at may mga patungan ng braso. Bilang halimbawa, samantalang si Eli ay nasa pintuang-daan ng Shilo, nabuwal siya nang patalikod mula sa kaniyang kis·seʼʹ, maliwanag na isang upuan na walang sandalan. (1Sa 4:13, 18) Ang terminong Griego naman na throʹnos ay karaniwang tumutukoy sa isang mataas na upuan, na may sandalan, mga patungan ng braso, at isang tuntungan.
Ipinahihiwatig ng Isaias 14:9 na ang mga trono ay karaniwang ginagamit ng mga monarka, anupat espesipikong binabanggit ng Bibliya ang mga trono ng Ehipto (Gen 41:40; Exo 11:5; 12:29), Asirya (Jon 3:6), Babilonya (Isa 14:4, 13; Dan 5:20), Persia (Es 1:2; 5:1), at Moab (Huk 3:17, 20). Naniniwala ang mga arkeologo na natagpuan nila ang mga trono na ginamit ng mga tagapamahala o ng mga kasamahan ng mga tagapamahala ng lahat ng mga kapangyarihang ito, maliban sa Moab. Sa Megido, isang entrepanyong garing, na inaakalang naglalarawan ng isang trono at isang tuntungan ng mga Canaanita, ang natagpuan. Karaniwan na, ang mga tronong ito ng mga di-Israelita ay may mga sandalan at mga patungan ng braso, anupat punô ng mga ukit o ng mga palamuti. Isang naingatang trono ng mga Ehipsiyo ang yari sa kahoy at kinalupkupan ng ginto, samantalang isang trono naman ng mga Asiryano ang gawa sa pundidong bakal at may mga inukit na garing. Waring ang trono ay karaniwang inilalagay sa isang dais, o mataas na plataporma, at sa karamihang kaso ay mayroon itong isang tuntungan.
Ang tanging trono ng isang tagapamahala ng Israel na inilarawan nang detalyado ay yaong ipinagawa ni Solomon. (1Ha 10:18-20; 2Cr 9:17-19) Waring ito ay nasa “Beranda ng Trono,” isa sa mga gusaling nakatayo sa Bundok Moria sa Jerusalem. (1Ha 7:7) Iyon ay ‘isang malaking tronong garing na kinalupkupan ng dinalisay na ginto at may bilog na kulandong sa likuran nito at mga patungan ng braso.’ Bagaman posible na garing ang pangunahing materyales ng maharlikang silyang ito, ang pamamaraan ng pagtatayo na karaniwang sinunod sa templo ay waring nagpapahiwatig na yari ito sa kahoy, anupat kinalupkupan ng dinalisay na ginto at magarbong pinalamutian ng kalupkop na mga panel ng garing. Sa nagmamasid, ang gayong trono ay magtitinging yari sa taganas na garing at ginto. Matapos banggitin ang anim na baytang na patungo sa trono, nagpatuloy ang ulat: “Dalawang leon ang nakatayo sa tabi ng mga patungan ng braso. At labindalawang leon ang nakatayo roon sa anim na baytang sa panig na ito at sa panig na iyon.” (2Cr 9:17-19) Angkop na sagisag ang leon para sa namamahalang awtoridad. (Gen 49:9, 10; Apo 5:5) Waring ang 12 leon ay katumbas ng 12 tribo ng Israel, anupat posibleng sumasagisag sa kanilang pagpapasakop at pagsuporta sa tagapamahalang nakaupo sa tronong ito. Sa paanuman ay nakakabit sa trono ang isang tuntungang ginto. Batay sa pagkakalarawan dito, ang tronong ito na garing at ginto—sa matayog at nakukulandungang posisyon nito na may mariringal na leon sa harap—ay nakahihigit sa alinmang trono noong yugtong iyon ng panahon, yaon mang natuklasan ng mga arkeologo, ipinakita sa mga bantayog, o inilarawan sa mga inskripsiyon. Gaya ng makatotohanang obserbasyon ng mananalaysay: “Walang ibang kaharian ang gumawa ng anumang katulad nito.”—2Cr 9:19.
Makasagisag na Paggamit. Sa makasagisag na paraan, ang “trono” ay tumutukoy sa isang sentro ng namamahalang awtoridad (1Ha 2:12; 16:11) o sa mismong awtoridad at soberanya ng hari (Gen 41:40; 1Cr 17:14; Aw 89:44); sa isang nagpupunong pamahalaan o administrasyon ng hari (2Sa 14:9); sa kontrol ng soberanya sa isang teritoryo (2Sa 3:10); at sa isang marangal na posisyon (1Sa 2:7, 8; 2Ha 25:28).
Ano ang “trono ni Jehova”?
Si Jehova, na kahit sa “langit ng mga langit” ay hindi magkakasya, ay hindi kailangang umupo sa isang literal na trono o silya. (1Ha 8:27) Gayunman, ang kaniyang maharlikang awtoridad at soberanya ay inilalarawan niya sa pamamagitan ng isang trono. Nagkapribilehiyo ang ilan sa mga lingkod ng Diyos na makakita ng isang pangitain ng kaniyang trono. (1Ha 22:19; Isa 6:1; Eze 1:26-28; Dan 7:9; Apo 4:1-3) Inilalarawan ng Mga Awit ang trono ni Jehova, ang kaniyang karingalan o kapangyarihan, ang kaniyang posisyon bilang Kataas-taasang Hukom, bilang nakatatag sa katuwiran at katarungan “mula pa noong sinaunang panahon.”—Aw 89:14; 93:2; 97:2.
Sa kaniyang pakikitungo sa mga anak ni Israel, pinaabot ni Jehova sa lupa ang Kaniyang trono sa isang paraang makasagisag at espesipiko. Yamang ang mamamahala noon sa Israel ay “isang hari na pipiliin ni Jehova na iyong Diyos,” at mamamahala ito sa bayan ni Jehova sa pangalan ni Jehova at ayon sa kautusan ni Jehova, ang trono nito sa totoo ay “trono ni Jehova.”—Deu 17:14-18; 1Cr 29:23.
Bukod sa pagiging hari ni Jehova sa pamamagitan ng maharlikang linya ni Juda, lumuklok din si Jehova sa Israel sa iba pang diwa. Gaya nga ng sinabi ni Jeremias: “Naroon ang maluwalhating trono sa kaitaasan mula nang pasimula; iyon ang dako ng ating santuwaryo.” (Jer 17:12) Si Jehova ay inilarawang “nakaupo sa mga kerubin” na nasa ibabaw ng panakip na pampalubag-loob ng kaban ng patotoo sa santuwaryo. (Exo 25:22; 1Sa 4:4) Noon, isang ulap, na ayon sa ulat ay pinagmumulan ng isang makahimalang liwanag na tinawag na Shekhi·nahʹ ng mas huling mga Judiong manunulat, ang nagsilbing sagisag ng presensiya ng Diyos. (Lev 16:2) Bagaman inihula ni Jeremias na wala na ang kaban ng tipan kapag ang Israel ay naisauli na mula sa Babilonya, hindi ito nangangahulugan na ayaw nang lumuklok ni Jehova sa kaniyang sentro ng pagsamba. Gaya ng Kaniyang sinabi: “Sa panahong iyon ay tatawagin nilang trono ni Jehova ang Jerusalem.” (Jer 3:16, 17) Kasuwato nito ang mga hula ni Ezekiel ng pagsasauli, sapagkat sa kaniyang pangitain ng templo ni Jehova, na doo’y walang nakitang kaban ng tipan, ay sinabi sa kaniya: “Anak ng tao, [ang templong] ito ang dako ng aking trono.”—Eze 43:7.
Ipinakipagtipan ni Jehova na ang trono ng binhi ni David ay “magiging isa na mamamalagi hanggang sa panahong walang takda.” (1Cr 17:11-14) Nang ipatalastas ng anghel na si Gabriel ang katuparan ng pangakong ito, sinabi niya kay Maria: “Ibibigay [kay Jesus] ng Diyos na Jehova ang trono ni David na kaniyang ama, at siya ay mamamahala bilang hari sa sambahayan ni Jacob magpakailanman, at hindi magkakaroon ng wakas ang kaniyang kaharian.” (Luc 1:32, 33) Hindi lamang magmamana si Jesus ng pamumuno sa lupa, siya ay makikibahagi rin sa trono ni Jehova, na isang pansansinukob na trono. (Apo 3:21; Isa 66:1) Sa kabilang panig naman, nangako si Jesus na ibabahagi niya ang kaniyang trono ng makaharing awtoridad sa lahat niyaong, tulad ng kaniyang tapat na mga apostol, kabilang sa bagong tipan kasama ng kaniyang Ama at makapananaig sa sanlibutan gaya ni Jesus. Kaya ipagkakaloob sa kanila na umupo sa mga trono kasama ni Jesus.—Mat 19:28; Luc 22:20, 28-30; Apo 3:21.
Kasuwato ng hula ni Jehova, sa pamamagitan ni Zacarias, na ang lalaking nagngangalang “Sibol,” ang tagapagtayo ng panghinaharap na templo para kay Jehova, “ay magiging isang saserdote sa kaniyang trono,” itinala ni Pablo may kinalaman kay Jesus: “Tayo ay may ganitong mataas na saserdote [na gaya ni Melquisedec, isang haring-saserdote], at siya ay umupo sa kanan ng trono ng Karingalan sa langit.” (Zac 6:11-13; Heb 8:1) Bukod kay Kristo Jesus, ang buong espirituwal na bahay o santuwaryo ng Diyos, ang tapat na kongregasyong Kristiyano, ay nakita ni Juan na nakaluklok sa trono bilang mga haring-saserdote na mamamahala sa loob ng isang libong taon.—Apo 20:4, 6; 1Pe 2:5.
Gaya ng inihula sa Awit 45:6, at ikinapit ni Pablo sa Hebreo 1:8, ang trono ni Jesus, ang kaniyang katungkulan o awtoridad bilang soberano, ay nagmumula kay Jehova: ‘Ang Diyos ang iyong trono magpakailanman.’ Sa kabilang dako naman, ang Diyablo rin ay naglaan ng saligan o awtoridad upang makapamahala ang kaniyang mga organisasyon, gaya ng idiniriin sa Apocalipsis 13:1, 2, may kinalaman sa ‘mabangis na hayop na umahon mula sa dagat’: “Ibinigay ng dragon sa hayop ang kaniyang kapangyarihan at ang kaniyang trono at dakilang awtoridad.” Nang ialok ni Satanas kay Jesu-Kristo ang kapangyarihan at awtoridad na katulad nito, sinabi ni Satanas kung ano ang nais niyang maging kapalit nito: “Kung gagawa ka ng isang gawang pagsamba sa harap ko ay magiging iyong lahat ito.” (Luc 4:5-7) Kaayon nito, tiyak na ang pagkakaloob ng trono o awtoridad sa “mabangis na hayop” ay sa kundisyong maglilingkod ito kay Satanas.
Nang tinatalakay ni Pablo ang posisyon ni Jesus bilang Dalubhasang Manggagawa ng Diyos, binanggit niya na sa pamamagitan ni Kristo ang “mga trono” ay nilalang. Waring ang terminong ito ay tumutukoy sa mga posisyon na may opisyal na awtoridad, kapuwa nakikita at di-nakikita, sa loob ng administratibong kaayusan ng Diyos.—Col 1:16.