Hanggang Kailan Ka Maaaring Mabuhay?
AAMININ ng karamihan sa atin na may mga suliranin na mapapaharap sa paglakad sa landas ng buhay. Gayunman, tayo ay naliligayahan na maging buháy. Hindi tayo nasisiyahan lamang sa ating pagkabata o sa maikling buhay; ibig nating mabuhay nang maraming taon. Gayunpaman, waring hindi maiiwasan ang kamatayan. Gayon nga ba?
Maaari bang antalahin ang kamatayan? Maaari bang pahabain ang ating buhay?
Mas Mahabang Buhay?
Noong 1990 inianunsiyo sa isang balita na ang buhay ng tao ay maaaring humaba nang “sandaan at sampung taon.” Tiyak na ito’y isang di-tuwirang pagtukoy sa mga sinabi ng salmista sa Bibliya na si Moises: “Ang mga kaarawan ng aming mga taon ay pitumpung taon; at kung dahilan sa kalakasan ay umaabot nang walumpung taon, gayunman ang kanilang kalakasan ay hirap at kapanglawan lamang; sapagkat madaling napapawi, at kami ay nagsisilipad.” (Awit 90:10, King James Version) Kaya ang Bibliya ay nagbibigay ng 70 o 80 taon bilang ang katamtamang haba ng buhay ng tao. Subalit ano ang posibleng bilang ng mga taon na maaasahan ng isang tao na ikabubuhay niya sa ngayon?
Isang ulat na inilathala ng WHO (World Health Organization) noong 1992 ang nagtakda na ang katamtamang haba ng buhay sa buong daigdig ay 65 taon. Sang-ayon sa WHO, ito’y “inaasahang mararagdagan pa ng mga apat na buwan sa bawat taon para sa susunod na limang taon, pangunahing dahilan ay ang pagkaunti ng namamatay na sanggol.” Gayunman, kahit na kung ang isang himala sa panggagamot ay makapigil sa kamatayan ng sinuman bago sumapit sa edad na 50, sinasabi naman ng magasing Time na sa Estados Unidos, “ang maidaragdag sa katamtamang haba ng buhay ay 3 1/2 taon lamang.”
Bakit Napakaikli ng Buhay?
Si Dr. Jan Vijg ng Netherlands’ Institute of Experimental Gerontology ay nangangatuwiran na kung papaano may mga sakit na kaugnay ng mga depekto sa kayarian ng mga selula ng katawan ng tao, lumilitaw na ang pagtanda ay apektado ng minanang mga katangian. Ang ilang mananaliksik ay naniniwala na maaari tayong mabuhay nang mas mahaba kung ang “ilang master gene” ay mahahalinhan habang nagkakaedad tayo. Ang tawag doon ng iba ay isang panukalang “simplistic.”
Anuman iyon, inaamin ng mga siyentipiko na “waring may isang uri ng likas na limitasyong biyolohiko na nakaprogram sa mga selula ng katawan ng tao,” iniulat ng magasing Time. Maging ang mga nangangatuwiran na tayo’y “nakaprogram na manatiling buháy” ay umaamin na “may isang bagay na napapamali.” Oo nga, sa edad na 65, 70, o 80 o ilan pang mga taon, ang ating buhay ay “madaling napapawi” sa kamatayan, gaya ng sinasabi ng Bibliya.
Gayunman, ang Kristiyanong apostol na si Pablo noong unang siglo C.E. ay may pagtitiwalang humula: “Bilang huling kaaway, ang kamatayan ay lilipulin.” (1 Corinto 15:26) Papaano lilipulin ang kamatayan? Kahit na ganoon, papaano mo mapagtatagumpayan ngayon ang kamatayan ng iyong mga mahal sa buhay?