Ang Maging Pag-aari ni Jehova—Isang Di-sana-nararapat na Kabaitan
“Tayo ay kay Jehova.”—ROMA 14:8.
1, 2. (a) Anong pribilehiyo ang taglay natin? (b) Anu-anong tanong ang tatalakayin natin?
NAPAKALAKING pribilehiyo ang inialok ni Jehova sa bansang Israel nang sabihin niya: “Kayo ay tiyak na magiging aking pantanging pag-aari mula sa lahat ng iba pang bayan.” (Ex. 19:5) Sa ngayon, ang mga miyembro ng kongregasyong Kristiyano ay may pribilehiyo ring maging pag-aari ni Jehova. (1 Ped. 2:9; Apoc. 7:9, 14, 15) Isa itong pribilehiyo na magdudulot sa atin ng walang-hanggang kapakinabangan.
2 Pero ang pribilehiyong ito ay may kasamang pananagutan. Baka isipin ng ilan: ‘Magagawa ko kaya ang inaasahan ni Jehova sa akin? Itatakwil niya kaya ako oras na magkasala ako? Mawawalan kaya ako ng kalayaan kung magiging pag-aari ako ni Jehova?’ Mahalagang pag-isipan ang mga bagay na ito. Pero isaalang-alang muna natin ang isa pang tanong: Anu-ano ang kapakinabangan ng pagiging pag-aari ni Jehova?
Maligaya ang mga Pag-aari ni Jehova
3. Paano nakinabang si Rahab sa pasiya niyang maglingkod kay Jehova?
3 Nakikinabang ba ang mga taong pag-aari ni Jehova? Tingnan natin ang halimbawa ni Rahab, isang patutot na naninirahan noon sa Jerico. Malamang na kinalakhan na niya ang kasuklam-suklam na pagsamba sa mga diyos ng Canaan. Pero nang mabalitaan niya ang tungkol sa mga tagumpay ng Israel sa tulong ni Jehova, naniwala siyang si Jehova ang tunay na Diyos. Kaya isinapanganib niya ang kaniyang buhay alang-alang sa piniling bayan ng Diyos at ipinaubaya na sa kanila ang kaniyang kaligtasan. Sinasabi ng Bibliya: “Hindi ba si Rahab na patutot ay ipinahayag din na matuwid sa pamamagitan ng mga gawa, pagkatapos niyang magiliw na tanggapin ang mga mensahero at palabasin sila sa ibang daan?” (Sant. 2:25) Talagang nakinabang si Rahab nang maging bahagi siya ng malinis na bayan ng Diyos, isang bayan na naturuan ng Kautusan ng Diyos tungkol sa pag-ibig at katarungan. Tiyak na naging maligaya si Rahab nang magbagong-buhay siya! Nakapag-asawa siya ng isang Israelita at napalaki ang anak niyang si Boaz bilang isang mahusay na lingkod ng Diyos.—Jos. 6:25; Ruth 2:4-12; Mat. 1:5, 6.
4. Paano nakinabang si Ruth sa pasiya niyang maglingkod kay Jehova?
4 Si Ruth na taga-Moab ay nagpasiya ring maglingkod kay Jehova. Malamang na sumasamba siya kay Kemos at sa iba pang diyos ng Moab noong bata pa siya. Pero nakilala niya ang tunay na Diyos, si Jehova, at nakapag-asawa ng isang Israelita na nakipanirahan sa kanilang lupain. (Basahin ang Ruth 1:1-6.) Nang maglaon, sumama si Ruth at ang kaniyang bilas na si Orpa sa kanilang biyenang si Noemi pauwi ng Betlehem. Pero habang nasa daan, sinabi sa kanila ni Noemi na bumalik na lang sila sa kanilang lupain. Mahihirapan kasi silang manirahan sa Israel. Kaya si Orpa ay “bumalik na sa kaniyang bayan at sa kaniyang mga diyos.” Pero hindi bumalik si Ruth. Nananampalataya siya kay Jehova at gusto niyang Siya ang magmay-ari sa kaniya. Sinabi niya kay Noemi: “Huwag mo akong pakiusapan na iwanan ka, na talikdan ang pagsama sa iyo; sapagkat kung saan ka paroroon ay paroroon ako, at kung saan ka magpapalipas ng gabi ay magpapalipas ako ng gabi. Ang iyong bayan ay magiging aking bayan, at ang iyong Diyos ay aking Diyos.” (Ruth 1:15, 16) Dahil pinili ni Ruth na paglingkuran si Jehova, nakinabang siya sa Kautusan ng Diyos, na may probisyon para sa mga balo, mahihirap, at walang lupain. At dahil sa proteksiyon ni Jehova, nakasumpong siya ng kaligayahan at katiwasayan.
5. Ano ang mapapansin mo sa mga tapat na naglilingkod kay Jehova?
5 Baka may kakilala kang nag-alay ng kanilang sarili kay Jehova at maraming dekada nang tapat na naglilingkod sa kaniya. Tanungin kung paano sila nakinabang sa paglilingkod. Bagaman ang lahat ay nagkakaproblema, napakarami namang ebidensiya na totoo ang sinabi ng salmista: “Maligaya ang bayan na ang Diyos ay si Jehova!”—Awit 144:15.
Makatuwiran ang Inaasahan ni Jehova sa Atin
6. Bakit hindi natin dapat isipin na baka hindi natin magawa ang inaasahan ni Jehova sa atin?
6 Marahil ay nag-aalinlangan ka kung magagawa mo ang inaasahan sa iyo ni Jehova. Baka iniisip mong hindi mo kayang maging lingkod ng Diyos, sundin ang kaniyang mga batas, at mangaral tungkol sa kaniya. Kuning halimbawa si Moises. Pakiramdam niya’y hindi niya kayang magsalita sa harap ng mga Israelita at ng hari ng Ehipto. Pero makatuwiran ang Diyos sa inaasahan niya kay Moises. ‘Itinuro ni Jehova sa kaniya kung ano ang gagawin niya.’ (Basahin ang Exodo 3:11; 4:1, 10, 13-15.) Dahil tinanggap ni Moises ang tulong, nagawa niya nang may kagalakan ang kalooban ng Diyos. Makatuwiran din si Jehova sa inaasahan niya sa atin. Nauunawaan niyang hindi tayo sakdal, at gusto niya tayong tulungan. (Awit 103:14) Ang paglilingkod sa Diyos bilang tagasunod ni Jesus ay nakagiginhawa at hindi nakapagpapabigat dahil nakikinabang dito ang iba at napapasaya nito ang puso ni Jehova. Sinabi ni Jesus: “Pumarito kayo sa akin, . . . at pagiginhawahin ko kayo. Pasanin ninyo ang aking pamatok at matuto kayo mula sa akin, sapagkat ako ay mahinahong-loob at mababa ang puso.”—Mat. 11:28, 29.
7. Bakit ka makatitiyak na tutulungan ka ni Jehova para magawa mo ang inaasahan niya sa iyo?
7 Hangga’t umaasa tayo kay Jehova, lagi niya tayong patitibayin. Halimbawa, si Jeremias ay likas na walang lakas ng loob sa pagsasalita. Kaya nang atasan siya ni Jehova bilang propeta, sinabi niya: “Ay, O Soberanong Panginoong Jehova! Narito, hindi nga ako marunong magsalita, sapagkat ako ay isang bata lamang.” Nang maglaon, sinabi pa niya: “Hindi na ako magsasalita sa kaniyang pangalan.” (Jer. 1:6; 20:9) Pero dahil pinatibay siya ni Jehova, naipangaral ni Jeremias sa loob ng 40 taon ang isang mensaheng ayaw marinig ng karamihan. Paulit-ulit na tiniyak ni Jehova sa kaniya: “Ako ay sumasaiyo, upang iligtas ka.”—Jer. 1:8, 19; 15:20.
8. Paano natin naipakikitang nagtitiwala tayo kay Jehova?
8 Kung paanong pinatibay ni Jehova sina Moises at Jeremias, patitibayin din niya tayo para magawa natin ang inaasahan niya sa mga Kristiyano sa ngayon. Kailangan lang nating magtiwala sa Diyos. Sinasabi ng Bibliya: “Magtiwala ka kay Jehova nang iyong buong puso at huwag kang manalig sa iyong sariling pagkaunawa. Sa lahat ng iyong mga lakad ay isaalang-alang mo siya, at siya mismo ang magtutuwid ng iyong mga landas.” (Kaw. 3:5, 6) Naipakikita nating nagtitiwala tayo kay Jehova kapag tinatanggap natin ang inilalaan niyang tulong sa pamamagitan ng kaniyang Salita at ng kongregasyon. Kung hahayaan nating patnubayan tayo ni Jehova, walang makahahadlang sa atin sa pananatiling tapat sa kaniya.
Nagmamalasakit si Jehova sa Bawat Lingkod Niya
9, 10. Sa anong paraan tayo ipagsasanggalang ayon sa ika-91 Awit?
9 Habang pinag-iisipan ang pag-aalay ng kanilang sarili kay Jehova, baka natatakot ang ilan na sila’y magkasala, maging di-karapat-dapat, at itakwil ni Jehova. Mabuti na lang at ipinagsasanggalang tayo ni Jehova para maingatan ang ating napakahalagang kaugnayan sa kaniya. Tingnan natin kung paano ito ipinakikita sa ika-91 Awit.
10 Nagsimula ang awit sa ganitong pananalita: “Ang sinumang tumatahan sa lihim na dako ng Kataas-taasan ay makasusumpong ng kaniyang matutuluyan sa pinakalilim ng Makapangyarihan-sa-lahat. Sasabihin ko kay Jehova: ‘Ikaw ang aking kanlungan at aking moog, ang aking Diyos, na pagtitiwalaan ko.’ Sapagkat siya ang magliligtas sa iyo mula sa bitag ng manghuhuli ng ibon.” (Awit 91:1-3) Pansinin na nangako ang Diyos na ipagsasanggalang niya ang mga umiibig at nagtitiwala sa kaniya. (Basahin ang Awit 91:9, 14.) Paano? Ipinagsanggalang ni Jehova ang ilan sa mga lingkod niya noon sa pisikal na paraan—sa ilang pagkakataon, para maingatan ang pagmumulang angkan ng ipinangakong Mesiyas. Pero marami ring tapat na lingkod ang buong-kalupitang pinahirapan, ibinilanggo, at pinatay dahil sa pagtatangka ni Satanas na sirain ang katapatan nila sa Diyos. (Heb. 11:34-39) Dahil ipinagsanggalang sila ni Jehova, nagkaroon sila ng lakas ng loob na makapagbata at naingatan nila ang kanilang katapatan. Kaya masasabing ang ika-91 Awit ay isang pangako na ipagsasanggalang tayo ng Diyos sa espirituwal na paraan.
11. Ano ang “lihim na dako ng Kataas-taasan,” at sino ang ipinagsasanggalang dito ng Diyos?
11 Ang “lihim na dako ng Kataas-taasan” na binanggit ng salmista ay isang makasagisag na dako ng espirituwal na proteksiyon. Ang mga panauhin doon ng Diyos ay ligtas—walang anumang bagay o sinuman na makasisira sa kanilang pananampalataya at pag-ibig sa Diyos. (Awit 15:1, 2; 121:5) Ito ay isang lihim na dako dahil hindi ito alam ng mga di-sumasampalataya. Dito, ipinagsasanggalang ni Jehova ang bawat isa na sa diwa ay nagsasabi: ‘Ikaw ang aking Diyos na pinagtitiwalaan ko.’ Kung nanganganlong tayo rito, hindi na tayo dapat masyadong mabahala na baka mabitag tayo ni Satanas, ang “manghuhuli ng ibon,” at maiwala natin ang pagsang-ayon ng Diyos.
12. Anu-ano ang maaaring magsapanganib sa ating kaugnayan sa Diyos?
12 Anu-ano ang maaaring magsapanganib sa ating napakahalagang kaugnayan sa Diyos? Binanggit ng salmista ang ilan dito, kabilang na ang “salot na lumalakad sa karimlan, . . . [at] pagkapuksa na nananamsam sa katanghaliang tapat.” (Awit 91:5, 6) Nabibitag ng “manghuhuli ng ibon” ang marami sa pamamagitan ng mapag-imbot na hangaring magsarili. (2 Cor. 11:3) Ang iba ay sinisilo niya na maging sakim, mapagmapuri, at materyalistiko. Ang iba naman ay inililigaw niya sa pamamagitan ng mga pilosopiyang gaya ng pagkamakabayan, ebolusyon, at huwad na relihiyon. (Col. 2:8) Marami rin ang nahuhulog sa seksuwal na imoralidad. Dahil sa mga “salot” na ito, naiwala ng milyun-milyong tao ang kanilang pag-ibig sa Diyos.—Basahin ang Awit 91:7-10; Mat. 24:12.
Ingatan ang Iyong Pag-ibig sa Diyos
13. Paano tayo ipinagsasanggalang ni Jehova mula sa espirituwal na mga panganib?
13 Paano ipinagsasanggalang ni Jehova ang kaniyang bayan mula sa espirituwal na mga panganib? Sinabi ng salmista: “Magbibigay siya ng utos sa kaniyang sariling mga anghel may kinalaman sa iyo, upang bantayan ka sa lahat ng iyong mga lakad.” (Awit 91:11) Ginagabayan tayo at ipinagsasanggalang ng mga anghel para maipangaral ang mabuting balita. (Apoc. 14:6) Bukod sa mga anghel, ipinagsasanggalang din tayo ng mga elder para hindi malinlang ng maling pangangatuwiran. Ginagawa nila ito sa pamamagitan ng pagtuturo batay sa Kasulatan. Personal din nilang tinutulungan ang sinumang nagsisikap na paglabanan ang makasanlibutang pag-uugali. (Tito 1:9; 1 Ped. 5:2) Gayundin, naglalaan ang “tapat at maingat na alipin” ng espirituwal na pagkain para maipagsanggalang tayo mula sa turo ng ebolusyon, imoral na pagnanasa, paghahangad ng kayamanan at katanyagan, at marami pang ibang nakapipinsalang pagnanasa at impluwensiya. (Mat. 24:45) Ano ang nakatulong sa iyo para mapaglabanan ang ilan sa mga ito?
14. Ano ang dapat nating gawin para makinabang sa proteksiyong inilalaan ng Diyos?
14 Ano ang dapat nating gawin para makapanatili sa “lihim na dako” ng proteksiyon ng Diyos? Kung paanong lagi nating ipinagsasanggalang ang ating sarili mula sa pisikal na mga panganib gaya ng aksidente, krimen, at sakit, dapat na lagi rin nating ipagsanggalang ang ating sarili mula sa espirituwal na mga panganib. Kaya palagi nating samantalahin ang patnubay na inilalaan ni Jehova mula sa ating mga publikasyon, pulong, at asamblea. Hingin natin ang payo ng mga elder. Matututo rin tayo sa iba’t ibang katangian ng mga kapatid. Oo, ang pakikisalamuha sa mga kapatid sa kongregasyon ay tutulong sa atin na maging marunong.—Kaw. 13:20; basahin ang 1 Pedro 4:10.
15. Bakit ka makatitiyak na ipagsasanggalang ka ni Jehova mula sa anumang bagay na makasisira sa iyong kaugnayan sa kaniya?
15 Kumbinsido tayo na maipagsasanggalang tayo ni Jehova mula sa anumang bagay na makasisira sa ating kaugnayan sa kaniya. (Roma 8:38, 39) Ipinagsasanggalang niya ang kongregasyon mula sa maimpluwensiyang relihiyoso at pulitikal na mga mang-uusig, na kadalasan nang ang layunin ay hindi para patayin tayo kundi para ihiwalay tayo mula sa ating banal na Diyos. Natutupad ang pangako ni Jehova: “Anumang sandata na aanyuan laban sa iyo ay hindi magtatagumpay.”—Isa. 54:17.
Sino ang Magbibigay sa Atin ng Kalayaan?
16. Bakit hindi makapag-aalok ng kalayaan ang sanlibutan?
16 Mawawalan kaya tayo ng kalayaan kung magiging pag-aari tayo ni Jehova? Ang totoo niyan, ang pagiging pag-aari ng sanlibutan ang mag-aalis ng ating kalayaan. Ang sanlibutan ay hiwalay kay Jehova at pinamamahalaan ng isang malupit na diyos na umaalipin sa mga tao. (Juan 14:30) Halimbawa, ginagamit ng sanlibutan ni Satanas ang problema sa kabuhayan para alisan ng kalayaan ang mga tao. (Ihambing ang Apocalipsis 13:16, 17.) Ang kasalanan ay mayroon ding mapanlinlang na kapangyarihang alipinin ang mga tao. (Juan 8:34; Heb. 3:13) Baka sabihin ng mga tagasanlibutan na ang mga namumuhay nang salungat sa turo ni Jehova ay magiging malaya. Pero ang totoo, magiging alipin lang sila ng makasalanan at kahiya-hiyang paraan ng pamumuhay.—Roma 1:24-32.
17. Anong kalayaan ang iniaalok sa atin ni Jehova?
17 Sa kabaligtaran, palalayain tayo ni Jehova mula sa anumang bagay na makapipinsala sa atin kung ipagkakatiwala natin ang ating sarili sa kaniya. Maihahalintulad natin ang ating kalagayan sa isang taong ipinagkatiwala ang kaniyang buhay sa isang mahusay na siruhano na “makapagpapalaya” sa kaniya mula sa bingit ng kamatayan. Tayong lahat ay nasa bingit ng kamatayan ngayon dahil sa minanang kasalanan. Makakalaya lang tayo sa epekto ng kasalanan at mabubuhay nang walang hanggan kung ipagkakatiwala natin ang ating sarili kay Jehova salig sa hain ni Kristo. (Juan 3:36) Miyentras nalalaman natin kung gaano kagaling ang siruhano, lalong tumitibay ang pagtitiwala natin sa kaniya. Sa katulad na paraan, habang nakikilala natin si Jehova, lalo ring tumitibay ang pananalig natin sa kaniya. Kaya pinag-aaralan nating mabuti ang Salita ng Diyos dahil tutulong ito sa atin na ibigin siya at sa gayo’y maalis ang takot na maging pag-aari niya.—1 Juan 4:18.
18. Ano ang idudulot ng pagiging pag-aari ni Jehova?
18 Ang lahat ng tao ay binigyan ni Jehova ng kalayaang magpasiya. Sinasabi ng kaniyang Salita: “Piliin mo ang buhay upang manatili kang buháy, ikaw at ang iyong supling, sa pamamagitan ng pag-ibig kay Jehova na iyong Diyos.” (Deut. 30:19, 20) Gusto niya na magpasiya tayong paglingkuran siya nang hindi napipilitan bilang kapahayagan ng ating pag-ibig sa kaniya. Sa halip na mawalan ng kalayaan, ang pagiging pag-aari ng Diyos na iniibig natin ay tiyak na magdudulot ng walang-hanggang kaligayahan.
19. Bakit isang di-sana-nararapat na kabaitan na maging pag-aari ni Jehova?
19 Bilang mga taong makasalanan, hindi tayo karapat-dapat na maging pag-aari ng isang sakdal na Diyos. Naging posible lang ito dahil sa kaniyang di-sana-nararapat na kabaitan. (2 Tim. 1:9) Kaya isinulat ni Pablo: “Kapuwa kung nabubuhay tayo, nabubuhay tayo kay Jehova, at kung mamamatay tayo, mamamatay tayo kay Jehova. Kaya nga kapuwa kung nabubuhay tayo at kung mamamatay tayo, tayo ay kay Jehova.” (Roma 14:8) Hinding-hindi natin pagsisisihan ang pasiya nating maging pag-aari ni Jehova!
Paano Mo Sasagutin?
• Anu-ano ang kapakinabangan ng pagiging pag-aari ni Jehova?
• Bakit magagawa natin ang inaasahan sa atin ng Diyos?
• Paano ipinagsasanggalang ni Jehova ang kaniyang mga lingkod?
[Mga larawan sa pahina 8]
Tanungin ang iba kung paano sila nakinabang nang maging pag-aari sila ni Jehova
[Larawan sa pahina 10]
Paano tayo ipinagsasanggalang ni Jehova?