Inaalam ang Kahinaan, Kabalakyutan, at Pagsisisi
ANG kasalanan ay isang bagay na kinapopootan ng mga Kristiyano—isang pagkabigong maabot ang matutuwid na pamantayan ni Jehova. (Hebreo 1:9) Nakalulungkot, lahat tayo ay nagkakasala sa pana-panahon. Lahat tayo ay nakikipagpunyagi sa minanang kahinaan at di-kasakdalan. Subalit kadalasan, kung ipahahayag natin ang ating mga kasalanan kay Jehova at taimtim na sisikaping huwag nang ulitin ang mga ito, makalalapit tayo sa kaniya taglay ang malinis na budhi. (Roma 7:21-24; 1 Juan 1:8, 9; 2:1, 2) Pinasasalamatan natin si Jehova na, salig sa haing pantubos, tinatanggap ang ating sagradong paglilingkod sa kabila ng ating mga kahinaan.
Kung ang isa ay mahulog sa malubhang pagkakasala dahil sa kahinaan ng laman, agad siyang nangangailangan ng pagpapastol kasuwato ng pamamaraan na binalangkas sa Santiago 5:14-16: “Mayroon bang sinumang may-sakit [sa espirituwal] sa inyo? Tawagin niya ang mga nakatatandang lalaki ng kongregasyon sa kaniya . . . Kung nakagawa siya ng mga kasalanan, ito ay ipatatawad sa kaniya. Kung gayon hayagang ipagtapat ang inyong mga kasalanan sa isa’t isa at ipanalangin ang isa’t isa, upang kayo ay mapagaling.”
Kaya naman, kapag ang isang nag-alay na Kristiyano ay nakagawa ng malubhang pagkakasala, higit pa kaysa personal na pag-amin kay Jehova ang kailangan. Kailangang gumawa ng ilang hakbang ang matatanda, yamang nanganganib ang kalinisan o kapayapaan ng kongregasyon. (Mateo 18:15-17; 1 Corinto 5:9-11; 6:9, 10) Baka kailangang alamin ng matatanda: Nagsisisi ba siya? Ano ang umakay sa kasalanan? Iyon ba ay bunga ng isang sandali ng kahinaan? Iyon ba’y pamimihasa sa kasalanan? Ang gayong pag-alam ay hindi laging simple o maliwanag at humihiling ng malaking kaunawaan.
Papaano naman kung ang pagkakasala ay dahil sa pagtataguyod ng isang landasin ng kasamaan at balakyot na paggawi? Kung gayon, malinaw ang pananagutan ng matatanda. Nang nagbibigay ng tagubilin tungkol sa paghawak ng seryosong mga bagay sa kongregasyon sa Corinto, ganito ang sabi ni apostol Pablo: “Alisin ninyo ang taong balakyot mula sa gitna ninyo.” (1 Corinto 5:13) Ang mga taong balakyot ay walang dako sa kongregasyong Kristiyano.
Tinitimbang ang Kahinaan, Kabalakyutan, at Pagsisisi
Papaano malalaman ng matatanda kung nagsisisi ang isa?a Hindi ito isang madaling tanong. Halimbawa, isaalang-alang si Haring David. Siya’y nagkasala ng pangangalunya at pagkatapos, sa katunayan, ng pagpatay. Gayunman, pinayagan siya ni Jehova na patuloy na mabuhay. (2 Samuel 11:2-24; 12:1-14) Pagkatapos ay alalahanin sina Ananias at Safira. May pagsisinungaling nilang tinangkang linlangin ang mga apostol, mapagpaimbabaw na nagkunwaring higit silang bukas-palad kaysa sa katunayan. Maselan? Oo. Kasinsama ba ng pagpatay at pangangalunya? Hindi naman! Gayunpaman, buhay nina Ananias at Safira ang naging kabayaran.—Gawa 5:1-11.
Bakit magkaiba ang mga hatol? Nahulog si David sa malubhang pagkakasala dahil sa kahinaan ng laman. Nang ipakita sa kaniya kung ano ang nagawa niya, siya’y nagsisi, at pinatawad siya ni Jehova—bagaman siya’y mahigpit na dinisiplina kung tungkol sa mga suliranin ng kaniyang sambahayan. Nagkasala sina Ananias at Safira sa bagay na sila’y mapagpaimbabaw na nagsinungaling, anupat sinikap na linlangin ang kongregasyong Kristiyano at sa gayo’y ‘nagbulaan sa banal na espiritu at sa Diyos.’ Iyan ay katunayan ng isang pusong balakyot. Kaya naman, mas mabigat ang hatol sa kanila.
Si Jehova ang humatol sa dalawang kaso, at wasto ang kaniyang hatol sapagkat nasusuri niya ang mga puso. (Kawikaan 17:3) Hindi magagawa iyan ng taong matatanda. Kaya papaano mababatid ng matatanda kung ang isang malubhang pagkakasala ay katunayan ng kahinaan kaysa ng kabalakyutan?
Ang totoo, lahat ng kasalanan ay balakyot, pero hindi lahat ng nagkakasala ay balakyot. Ang magkatulad na kasalanan ay maaaring katunayan ng kahinaan sa isang tao at ng kabalakyutan naman sa iba. Oo, karaniwan nang nasasangkot sa pagkakasala ang kapuwa kahinaan at kabalakyutan sa bahagi ng nagkasala. Ang isang tumitiyak na salik ay kung papaano minamalas ng nagkasala ang kaniyang nagawa at ano ang balak niyang gawin hinggil dito. Nagpapakita ba siya ng nagsisising kalooban? Kailangan ng matanda ang kaunawaan upang mabatid ito. Papaano nila matatamo ang kaunawaang iyan? Ipinangako ni apostol Pablo kay Timoteo: “Pag-isipan mo nang palagian ang aking sinasabi; ang Panginoon ay tunay ngang magbibigay sa iyo ng kaunawaan sa lahat ng mga bagay.” (2 Timoteo 2:7) Kung ‘pag-iisipan nang palagian’ ng matatanda ang kinasihang mga salita ni Pablo at ng iba pang manunulat ng Bibliya, magkakamit sila ng kaunawaan na kailangan upang malasin nang wasto yaong mga nagkakasala sa kongregasyon. Kung magkagayon, mababanaag sa kanilang mga pasiya ang kaisipan ni Jehova, hindi ang sa kanila.—Kawikaan 11:2; Mateo 18:18.
Papaano ito ginagawa? Ang isang paraan ay ang suriin kung papaano inilalarawan ng Bibliya ang mga taong balakyot at tingnan kung ang paglalarawan ay kumakapit sa isang nililitis.
Pag-amin at Pagsisisi
Ang unang mga tao na pumili ng landasin ng kabalakyutan ay sina Adan at Eva. Sa kabila ng pagiging sakdal at pagkakaroon ng lubos na kaalaman sa batas ni Jehova, naghimagsik sila laban sa banal na soberanya. Nang sila’y harapin ni Jehova tungkol sa kanilang ginawa, makabubuting pansinin ang kanilang tugon—sinisi ni Adan si Eva, at sinisi naman ni Eva ang serpiyente! (Genesis 3:12, 13) Ihambing ito sa taimtim na pagpapakumbaba ni David. Nang iharap sa kaniya ang kaniyang malubhang pagkakasala, inamin niya ang kasalanan at humiling ng kapatawaran, na nagsasabi: “Ako’y nagkasala laban kay Jehova.”—2 Samuel 12:13; Awit 51:4, 9, 10.
Makabubuting isaalang-alang ng matatanda ang dalawang halimbawang ito kapag humahawak ng mga kaso ng malulubhang pagkakasala, lalo na sa bahagi ng isang adulto. Ang nagkasala ba—gaya ni David nang makilala ang kaniyang pagkakasala—ay tahasang umaamin at may pagsisising bumabaling kay Jehova ukol sa tulong at kapatawaran, o sinikap ba niyang pagaanin ang kaniyang ginawa, marahil isinisisi sa iba? Totoo, maaaring naisin ng nagkasala na ipaliwanag kung ano ang umakay sa kaniya sa paggawa niyaon, at maaaring may mga pangyayari, maging noong nakaraan man o sa kasalukuyan, na kailangang isaalang-alang ng matatanda kapag nagpapasiya kung papaano siya tutulungan. (Ihambing ang Oseas 4:14.) Subalit dapat niyang aminin na siya ang nagkasala at na siya ang may pananagutan sa harap ni Jehova. Tandaan: “Si Jehova ay malapit doon sa mga wasak ang puso; at inililigtas niya ang mga may bagbag na espiritu.”—Awit 34:18.
Gumagawa ng Kung Ano ang Masama
Sa aklat ng Mga Awit ay maraming pagtukoy sa mga taong balakyot. Makatutulong pa nang higit ang gayong mga kasulatan sa matatanda upang malaman kung ang isang tao ay talagang balakyot o mahina. Halimbawa, isaalang-alang ang kinasihang panalangin ni Haring David: “Huwag mo akong isama sa mga taong balakyot at mga manggagawa ng kung ano ang nakasasakit, na nagsasalita ng kapayapaan sa kanilang mga kasamahan ngunit ang masama ay nasa kanilang mga puso.” (Awit 28:3) Pansinin na ang mga taong balakyot ay binanggit na katulad ng “mga manggagawa ng kung ano ang nakasasakit.” Ang isang nagkakasala dahil sa kahinaan ng laman ay malamang na huminto sa sandaling matauhan siya. Subalit kung ang isa ay ‘gumagawa’ ng masama kung kaya iyon ay nagiging kaugalian na niya, ito ay maaaring isang katunayan ng pusong balakyot.
Binanggit ni David ang isa pang pagkakakilanlan ng kabalakyutan sa talatang iyan. Tulad nina Ananias at Safira, ang taong balakyot ay nagsasalita ng mabuti sa kaniyang bibig ngunit may masasamang bagay sa kaniyang puso. Maaaring siya ay isang mapagpaimbabaw—tulad ng mga Fariseo noong kaarawan ni Jesus na ‘sa labas nga ay nagtitinging matuwid sa mga tao ngunit sa loob ay punô ng pagpapaimbabaw at katampalasanan.’ (Mateo 23:28; Lucas 11:39) Kinapopootan ni Jehova ang pagpapaimbabaw. (Kawikaan 6:16-19) Kung mapagpaimbabaw na ikinakaila ng isa ang kaniyang malulubhang pagkakasala kahit na kung nakikipag-usap sa panghukumang komite, o may hinanakit na inaamin kung ano lamang ang alam na ng iba, anupat tumatangging magtapat nang lubusan, ito ay malamang na katunayan ng isang pusong balakyot.
May-kapalaluang Pagwawalang-bahala kay Jehova
Ang iba pang pagkakakilanlan ng isang taong balakyot ay binalangkas sa Awit 10. Doon ay mababasa natin: “Sa kaniyang kapalaluan ay masugid na tinutugis ng isang balakyot ang nagdadalamhati; . . . niwalang-galang niya si Jehova.” (Awit 10:2, 3) Papaano natin dapat malasin ang isang nag-alay na Kristiyano na palalo at niwawalang-galang si Jehova? Tiyak, ang mga ito ay balakyot na mga saloobing pangkaisipan. Ang isang taong nagkasala dahil sa kahinaan, sa sandaling mabatid niya ang kaniyang kasalanan o itawag-pansin iyon sa kaniya, ay magsisisi at magsusumikap na baguhin ang kaniyang landasin. (2 Corinto 7:10, 11) Sa kabaligtaran, kung nagkakasala ang isang tao dahil sa talagang kawalang-galang kay Jehova, ano ang pipigil sa kaniya na balik-balikan ang kaniyang makasalanang landasin? Kung siya’y palalo bagaman pinayuhan sa mahinahong paraan, papaano siya magkakaroon ng kababaang-loob na kailangan upang taimtim at totoong magsisi?
Isaalang-alang ngayon ang mga salita ni David nang bandang huli sa awit ding iyon: “Bakit kaya niwalang-galang ng balakyot ang Diyos? Sinabi niya sa kaniyang puso: ‘Hindi ka mangangailangan ng pagsusulit.’ ” (Awit 10:13) Sa kalagayan ng kongregasyong Kristiyano, alam ng taong balakyot ang kaibahan ng tama at mali, ngunit hindi siya nag-aatubiling gawin ang mali kung inaakala niyang hindi siya maparurusahan. Hangga’t walang pangambang mabunyag, binibigyang-daan niya ang kaniyang makasalanang hilig. Di-gaya ni David, kung nabunyag ang kaniyang mga kasalanan, magpapakana siya ng mga hakbang upang maiwasan ang disiplina. Lubhang niwalang-galang ng taong iyon si Jehova. “Walang takot sa Diyos sa harap ng kaniyang mga mata. . . . Hindi niya tinatanggihan ang masama.”—Awit 36:1, 4.
Pinipinsala ang Iba
Karaniwan nang higit pa sa isang tao ang apektado ng isang pagkakasala. Halimbawa, ang isang mangangalunya ay nagkakasala laban sa Diyos; dinadaya niya ang kaniyang asawa at mga anak; kung may asawa ang kaniyang kasama sa pagkakasala, dinadaya niya ang pamilya nito; at dinudungisan niya ang mabuting pangalan ng kongregasyon. Papaano niya minamalas ang lahat ng iyan? Nagpapakita ba siya ng taos-pusong pagkalumbay kasabay ng taimtim na pagsisisi? O nagpapamalas ba siya ng kalooban na gaya ng inilarawan sa Awit 94: “Lahat ng manggagawa ng nakasasakit ay patuloy na nagyayabang tungkol sa kanilang sarili. Ang iyong bayan, O Jehova, ay patuloy nilang sinisiil, at patuloy nilang dinadalamhati ang iyong mana. Pinapatay nila ang balo at ang naninirahang dayuhan, at pinapaslang nila ang mga batang lalaking walang-ama. At patuloy nilang sinasabi: ‘Hindi nakikita ni Jah; at hindi iyon napag-uunawa ng Diyos ni Jacob’ ”?—Awit 94:4-7.
Malamang, ang mga kaso ng pagkakasala na hinahawakan sa kongregasyon ay hindi nagsasangkot ng pagpatay o pamamaslang. Subalit ang kaloobang ipinakikita rito—ang kalooban na handang dayain ang iba para sa personal na kapakinabangan—ay maaaring mahalata habang iniimbestigahan ng matatanda ang pagkakasala. Ito rin naman ay kahambugan, ang tanda ng isang taong balakyot. (Kawikaan 21:4) Ito ay lubusang kabaligtaran ng kalooban ng isang tunay na Kristiyano, na handang isakripisyo ang sarili alang-alang sa kaniyang kapatid.—Juan 15:12, 13.
Pagkakapit ng Maka-Diyos na mga Simulain
Ang ilang payong ito ay hindi nilayong magtakda ng mga alituntunin. Gayunman, ang mga ito ay nagbibigay ng idea tungkol sa ilang bagay na minamalas ni Jehova bilang talagang balakyot. Ayaw bang tanggapin ang pananagutan sa nagawang pagkakamali? May kapangahasan bang ipinagwalang-bahala ng nagkasala ang dating payo tungkol sa bagay na ito? Mayroon bang pamimihasa sa paggawa ng masama? Nagpapamalas ba ang nagkasala ng hayagang pagwawalang-halaga sa batas ni Jehova? May katusuhan bang sinikap niya na ikubli ang pagkakamali, anupat kasabay nito marahil ay pinasásamâ ang iba? (Judas 4) Ang gayon bang mga pagsisikap ay tumitindi pa nga kapag ang kasamaan ay natuklasan? Ang nagkasala ba ay nagpapakita ng lubusang pagwawalang-bahala sa pinsala na nagawa niya sa iba at sa pangalan ni Jehova? Kumusta naman ang kaniyang saloobin? Pagkatapos maibigay ang isang nakabubuting payo buhat sa Kasulatan, siya ba’y palalo o hambog? Siya ba’y walang taos-pusong hangarin na iwasang maulit ang kasalanan? Kung napupuna ng matatanda ang gayong mga bagay, na matibay na nagpapakita ng kawalan ng pagsisisi, maaari nilang ipasiya na ang pagkakasalang nagawa ay katunayan ng kabalakyutan sa halip na kahinaan lamang ng laman.
Kahit na kapag pinakikitunguhan ang isang tao na waring may masasamang hilig, hindi humihinto ang matatanda sa pagpapayo sa kaniya na itaguyod ang katuwiran. (Hebreo 3:12) Ang mga taong balakyot ay maaaring magsisi at magbago. Kung hindi gayon, bakit hinimok ni Jehova ang mga Israelita: “Hayaang lisanin ng taong balakyot ang kaniyang lakad, at ng taong liko ang kaniyang mga pag-iisip; at hayaan siyang manumbalik kay Jehova, na maaawa sa kaniya, at sa ating Diyos, sapagkat siya’y nagpapatawad nang sagana”? (Isaias 55:7) Marahil, sa panahon ng paglilitis, mahahalata ng matatanda ang pagbabago sa kalagayan ng kaniyang puso na mababanaag sa isang nagsisising pagkilos at saloobin.
Maging sa panahon ng pagtitiwalag sa isa, hihimukin siya ng matatanda, bilang mga pastol, na magsisi at sikaping makabalik sa pagsang-ayon ni Jehova. Alalahanin ang “taong balakyot” sa Corinto. Maliwanag na siya’y nagbago, at nang dakong huli ay inirekomenda ni Pablo na siya’y muling maibalik. (2 Corinto 2:7, 8) Isaalang-alang din si Haring Manases. Siya’y totoong balakyot, subalit nang sa wakas siya’y nagsisi, tinanggap ni Jehova ang kaniyang pagsisisi.—2 Hari 21:10-16; 2 Cronica 33:9, 13, 19.
Totoo, may isang pagkakasala na hindi patatawarin—ang pagkakasala laban sa banal na espiritu. (Hebreo 10:26, 27) Si Jehova lamang ang nagpapasiya kung sino ang nakagawa ng pagkakasalang iyan. Walang awtoridad ang mga tao na gawin ang gayon. Ang pananagutan ng matatanda ay ang panatilihing malinis ang kongregasyon at tulungang makabalik ang nagsising mga nagkasala. Kung gagawin nila iyon nang may kaunawaan at kababaang-loob, anupat hinahayaang mabanaag sa kanilang mga pasiya ang karunungan ni Jehova, kung gayon ay pagpapalain ni Jehova ang pitak na ito ng kanilang pagpapastol.
[Talababa]
a Para sa higit pang impormasyon, tingnan Ang Bantayan ng Marso 1, 1982, pahina 24-31; Insight on the Scriptures, Tomo 2, pahina 772-4.
[Larawan sa pahina 29]
Sina Ananias at Safira ay mapagpaimbabaw na nagbulaan sa banal na espiritu, anupat nagpamalas ng kabalakyutan ng puso