LILIM, ANINO
Isang dakong masisilungan, likha man ito ng isang malaking bato (Isa 32:2), isang ulap (Isa 25:5), isang kubol (Isa 4:6), isang punungkahoy (Sol 2:3; Eze 17:23; Os 4:13), o iba pang uri ng halaman (Jon 4:5, 6). Maaari itong maglaan ng kaayaayang proteksiyon mula sa init ng araw. Kaya naman, sa makasagisag na paraan, ang isa ay sinasabing napasailalim ng “lilim” niyaong nagsisilbi bilang o inaasahang maglalaan ng proteksiyon, panakip, seguridad, o kanlungan. Sa gayon, may kinalaman sa mga estrangherong pinatuloy ni Lot sa kaniyang tahanan, sinabi niya sa mga lalaki ng Sodoma: “Huwag lamang ninyong gawan ng anuman ang mga lalaking ito, sapagkat iyan ang dahilan kung bakit sila pumarito sa lilim ng aking bubong.” (Gen 19:8) At sa pamamagitan ng kaniyang propeta na si Isaias, nagpahayag si Jehova ng kaabahan sa mga nanganganlong sa “lilim ng Ehipto,” samakatuwid nga, umaasa sa Ehipto ukol sa proteksiyon. (Isa 30:1-3; tingnan din ang Pan 4:20; Eze 31:6, 12, 17.) Si Jehova ay pantanging inilalarawan na naglalaan ng nagsasanggalang na lilim o anino sa kaniyang bayan (Aw 91:1; 121:5; Isa 25:4) o nagbibigay sa kanila ng tulad-lilim na proteksiyon sa ilalim ng kaniyang “kamay” o ng kaniyang “mga pakpak.” (Aw 17:8; 36:7; 57:1; 63:7; Isa 49:2; 51:16) Sa kabilang dako, ang “matinding anino” o “matinding karimlan” ay iniuugnay sa dilim, panganib, maging sa libingan—ang “lupain ng kadiliman.”—Job 10:21, 22; 24:17; 38:17; Aw 23:4.
Ang pagbabago ng laki ng anino at ang paglalaho nito sa bandang huli bilang resulta ng pagtaas at pagbaba ng araw ay ginagamit bilang isang simili upang ilarawan ang kaiklian ng buhay ng tao o ang kaniyang pagiging pansamantala. (1Cr 29:15; Job 8:9; 14:1, 2; Aw 102:11; 144:4; Ec 6:12; 8:13) Kapag sinasabi na ang mga araw ng isang indibiduwal ay “tulad ng aninong naglalaho,” nangangahulugan ito na malapit na siyang mamatay. (Aw 102:11; 109:23) Bagaman ang mga aninong nalilikha ng araw ay laging nagbabago ng laki at direksiyon habang umiinog ang lupa, si Jehova ay hindi nagbabago. Gaya ng isinulat ng alagad na si Santiago: “Sa kaniya ay wala man lamang pagbabago sa pagbaling ng anino.”—San 1:17.
Ang lumilitaw na anino, o madilim na kaanyuan ng isang bagay ay hindi solido at hindi ang tunay na bagay. Gayunma’y makapagbibigay ito ng ideya kung ano ang kabuuang hugis o disenyo ng bagay na pinagmulan nito. May kaugnayan dito, ipinaliwanag ni Pablo na ang Kautusan, lakip ang mga kapistahan, tabernakulo, at mga hain nito, ay may anino na kumakatawan sa mas dakilang mga bagay na darating. Sumulat siya: “Ang katunayan ay sa Kristo.”—Col 2:16, 17; Heb 8:5; 9:23-28; 10:1.
May kinalaman sa makahimalang pag-atras ng anino na binanggit sa 2 Hari 20:9-11 at Isaias 38:8, tingnan ang ARAW, I.