Sinusuri ng “Nagniningning na mga Mata” ni Jehova ang Lahat ng Tao
‘Ang nagniningning na mga mata ni Jehova ay nagsusuri sa mga anak ng tao.’—AWIT 11:4.
1. Anong uri ng mga tao ang nais nating makasama?
ANO ang nadarama mo sa mga taong tunay na interesado sa iyo? Kapag hinihingi mo ang kanilang opinyon hinggil sa isang bagay, tapat nilang sasabihin sa iyo ang kanilang nadarama. Kapag kailangan mo ng tulong, nariyan sila. Kapag kailangan mo ng payo, maibigin silang nagpapayo sa iyo. (Awit 141:5; Gal. 6:1) Tiyak na gusto mong makasama ang gayong mga tao, hindi ba? Buweno, si Jehova at ang kaniyang Anak ay tunay na interesado sa iyo. Sa katunayan, mas masidhi ang kanilang interes sa iyo kaysa sa kaninupamang tao, at talagang mabuti ang kanilang motibo; nais nilang tulungan ka na ‘makapanghawakang mahigpit sa tunay na buhay.’—1 Tim. 6:19; Apoc. 3:19.
2. Gaano kainteresado si Jehova sa kaniyang mga lingkod?
2 Sinabi ng salmistang si David kung gaano kainteresado si Jehova sa atin. Mababasa natin: ‘Ang mga mata ni Jehova ay nagmamasid, ang kaniyang nagniningning na mga mata ay nagsusuri sa mga anak ng mga tao.’ (Awit 11:4) Oo, hindi lamang tayo basta tinitingnan ng Diyos; sinusuri niya tayo. Isinulat din ni David: “Sinuri mo ang aking puso, nagsiyasat ka sa gabi . . . Matutuklasan mong hindi ako nagpakana ng anuman.” (Awit 17:3) Maliwanag na batid ni David kung gaano kainteresado si Jehova sa kaniya. Alam ni David na kung patuloy siyang mag-iisip o magpapakana sa kaniyang puso ng masasamang bagay, masasaktan si Jehova at hindi niya makakamit ang Kaniyang pagsang-ayon. Oo, totoo si Jehova kay David. Totoo rin ba sa iyo si Jehova?
Nababasa ni Jehova ang Puso
3. Paano nagpapakita si Jehova ng timbang na saloobin may kaugnayan sa ating di-kasakdalan?
3 Pangunahin nang interesado si Jehova sa pagkatao natin—kung sino talaga tayo at kung ano ang nasa ating puso. (Awit 19:14; 26:2) Dahil mahal niya tayo, hindi siya nagtutuon ng pansin sa maliliit na pagkakamali natin. Halimbawa, nang si Sara, ang asawa ni Abraham, ay hindi nagsabi ng totoo sa isang anghel na nagkatawang-tao, nakita ng anghel na si Sara ay natatakot at napahiya. Kaya bahagya lamang niyang sinaway ito. (Gen. 18:12-15) Nang ipahayag ng patriyarkang si Job na “matuwid ang kaniyang sariling kaluluwa sa halip na ang Diyos,” hindi ipinagkait ni Jehova ang pagpapala sa kaniya yamang batid Niya na lubhang nagdusa si Job dahil sa kagagawan ni Satanas. (Job 32:2; 42:12) Gayundin, hindi nagalit si Jehova nang tahasang magsalita ang babaing balo ng Zarepat kay propeta Elias. Naunawaan ng Diyos na talagang napipighati ang babaing ito dahil namatay ang kaniyang bugtong na anak.—1 Hari 17:8-24.
4, 5. Paano nagpakita si Jehova ng kabaitan kay Abimelec?
4 Dahil ang puso ang siyang sinusuri ni Jehova, nagpapakita siya ng konsiderasyon maging sa mga di-sumasampalataya. Isaalang-alang ang pakikitungo niya kay Abimelec, ang hari ng Filisteong lunsod ng Gerar. Palibhasa’y hindi alam ni Abimelec na asawa ni Abraham si Sara, kinuha ni Abimelec si Sara upang maging asawa niya. Subalit bago pa masipingan ni Abimelec si Sara, sinabi ni Jehova sa kaniya sa panaginip: “Alam ko rin na sa pagkamatapat ng iyong puso ay ginawa mo ito, at pinipigilan din kita na magkasala laban sa akin. Iyan ang dahilan kung bakit hindi ko ipinahintulot sa iyo na hipuin siya. Ngunit ngayon ay ibalik mo ang asawa ng lalaki, sapagkat siya ay isang propeta, at siya ay magsusumamo para sa iyo. Kaya patuloy kang mabuhay.”—Gen. 20:1-7.
5 Tiyak na puwedeng parusahan ni Jehova si Abimelec, isang mananamba ng huwad na mga diyos. Pero nakita ng Diyos na walang masamang motibo ang lalaking ito nang kunin niya si Sara. May-kabaitang isinaalang-alang ito ni Jehova at sinabi niya sa hari kung paano ito makapagtatamo ng kapatawaran at ‘patuloy na mabuhay.’ Hindi ba iyan ang Diyos na gusto mong sambahin?
6. Sa anu-anong paraan tinularan ni Jesus ang kaniyang Ama?
6 Lubusang tinularan ni Jesus ang kaniyang Ama, anupat itinuon ang kaniyang pansin sa mabubuting katangian ng kaniyang mga alagad at pinatawad ang kanilang mga pagkakamali. (Mar. 10:35-45; 14:66-72; Luc. 22:31, 32; Juan 15:15) Kaayon ng saloobin ni Jesus ang kaniyang sinabi sa Juan 3:17: “Isinugo ng Diyos ang kaniyang Anak sa sanlibutan, hindi upang hatulan niya ang sanlibutan, kundi upang ang sanlibutan ay maligtas sa pamamagitan niya.” Oo, ang pag-ibig sa atin ni Jehova at ni Jesus ay talagang masidhi at di-nagmamaliw. Nais nilang magtamo tayo ng buhay na walang hanggan. (Job 14:15) Ang pag-ibig na ito ang dahilan kung bakit sinusuri tayo ni Jehova. Dahil din sa pag-ibig na ito, tinitingnan niya tayo sa positibong paraan at kumikilos siya ayon sa kaniyang nakikita.—Basahin ang 1 Juan 4:8, 19.
Sinusuri sa Maibiging Paraan
7. Bakit tayo sinusuri ni Jehova?
7 Kung gayon, maling-mali na isiping pinupulis tayo ni Jehova mula sa langit anupat naghihintay na magkasala tayo! Si Satanas ang siyang mapag-akusa, at iginigiit niya na tayo’y makasarili. (Apoc. 12:10) Pinaparatangan pa nga niya tayo na may masama tayong motibo sa paglilingkod sa Diyos gayong hindi naman ito totoo! (Job 1:9-11; 2:4, 5) Ganito ang isinulat ng salmista tungkol sa Diyos: “Kung mga kamalian ang binabantayan mo, O Jah, O Jehova, sino ang makatatayo?” (Awit 130:3) Malinaw na ang sagot sa tanong na iyan ay wala! (Ecles. 7:20) Sa halip, binabantayan tayo ni Jehova gaya ng pagbabantay ng isang maawain, mabait, at mapagmalasakit na magulang na nagnanais na protektahan ang kaniyang minamahal na mga anak mula sa pinsala. Madalas na binababalaan niya tayo tungkol sa ating mga kahinaan upang hindi tayo mapahamak.—Awit 103:10-14; Mat. 26:41.
8. Paano tinuturuan at dinidisiplina ni Jehova ang kaniyang mga lingkod?
8 Ipinahahayag ng Diyos ang kaniyang pag-ibig sa pamamagitan ng tagubilin at disiplinang inilalaan mula sa Kasulatan at sa espirituwal na pagkaing ibinibigay ng “tapat at maingat na alipin.” (Mat. 24:45; Heb. 12:5, 6) Nagbibigay rin si Jehova ng tulong sa pamamagitan ng kongregasyong Kristiyano at ng “mga kaloob na mga tao” na masusumpungan dito. (Efe. 4:8) Bukod diyan, binibigyang-pansin ni Jehova kung paano tayo tumutugon sa kaniyang pagsasanay bilang ating ama, at naghahanap siya ng paraan para higit pa tayong tulungan. Ganito ang sinabi sa Awit 32:8: “Pagkakalooban kita ng kaunawaan at tuturuan kita hinggil sa daan na dapat mong lakaran. Magpapayo ako habang ang aking mata ay nakatingin sa iyo.” Kung gayon, napakahalaga nga na palagi tayong makinig kay Jehova! Dapat na lagi tayong maging mapagpakumbaba sa harap niya at kilalanin siya bilang ating maibiging Guro at Ama.—Basahin ang Mateo 18:4.
9. Anu-anong ugali ang dapat nating iwasan, at bakit?
9 Kaya huwag nawa tayong maging mapagmatigas dahil sa pagmamapuri, kawalan ng pananampalataya, o “mapanlinlang na kapangyarihan ng kasalanan.” (Heb. 3:13; Sant. 4:6) Madalas na nagsisimulang lumitaw ang masasamang ugaling ito kapag pinananatili ng isang tao sa kaniyang isipan ang masasamang bagay o hangarin. Baka dumating pa nga ang panahon na tanggihan na niya ang angkop na payo mula sa Kasulatan. Mas malala pa rito, baka naging bahagi na ito ng pagkatao niya anupat nagiging kaaway na siya ng Diyos—isa ngang nakagigimbal na kalagayan! (Kaw. 1:22-31) Isaalang-alang ang nangyari kay Cain, ang panganay na anak nina Adan at Eva.
Nakikita ni Jehova ang Lahat ng Bagay at Kumikilos Ayon Dito
10. Bakit hindi nalugod si Jehova sa handog ni Cain, at paano tumugon si Cain?
10 Nang iharap nina Cain at Abel ang kani-kaniyang handog kay Jehova, hindi lamang Siya interesado sa kanilang hain kundi maging sa kanilang motibo. Bilang resulta, nalugod ang Diyos sa handog ni Abel dahil sa ipinakitang pananampalataya nito, pero hindi siya nalugod sa handog ni Cain yamang lumilitaw na wala itong pananampalataya. (Gen. 4:4, 5; Heb. 11:4) Sa halip na matuto mula sa pangyayaring iyon at magbago ng saloobin, labis na nagalit si Cain sa kaniyang kapatid.—Gen. 4:6.
11. Paano nakita kay Cain na mayroon siyang mapandayang puso, at anong aral ang matututuhan natin dito?
11 Nakita ni Jehova na mapanganib ang naging saloobin ni Cain kung kaya’t may-kabaitan niyang kinausap ito. Sinabi ni Jehova na kung gagawa si Cain ng mabuti, tiyak na maganda ang ibubunga nito. Nakalulungkot, winalang-bahala ni Cain ang payo ng Maylalang at pinatay ang kaniyang kapatid. Lalo pang naging kapansin-pansin na may masamang puso si Cain nang walang-galang niyang sinagot ang tanong ng Diyos: “Nasaan si Abel na iyong kapatid?” Pagalit na tumugon si Cain: “Hindi ko alam. Ako ba ang tagapag-alaga ng aking kapatid?” (Gen. 4:7-9) Talagang maaaring maging mapandaya ang puso—maging hanggang sa punto na ipagwalang-bahala ang payo ng Diyos! (Jer. 17:9) Kaya matuto nawa tayo mula sa gayong mga ulat at agad na itakwil ang maling mga kaisipan at hangarin. (Basahin ang Santiago 1:14, 15.) Kapag pinayuhan tayo mula sa Kasulatan, pahalagahan natin ito at ituring na kapahayagan ito ng pag-ibig sa atin ni Jehova.
Walang Kasalanang Naililihim kay Jehova
12. Paano humahatol si Jehova kapag nagkasala ang isa?
12 Inaakala ng ilan na kung walang nakakakita sa kanilang ginagawang kasalanan, hindi sila maparurusahan. (Awit 19:12) Ang totoo, walang kasalanang naililihim kay Jehova. “Walang nilalang na hindi hayag sa kaniyang paningin, kundi ang lahat ng bagay ay hubad at hayagang nakalantad sa mga mata niya na pagsusulitan natin.” (Heb. 4:13) Si Jehova ang ating Hukom at sinusuri niya kung ano talaga ang motibo natin. Kapag nagkasala ang isa, humahatol siya salig sa kaniyang sakdal na katarungan. Siya ay “isang Diyos na maawain at magandang-loob, mabagal sa pagkagalit at sagana sa maibiging-kabaitan at katotohanan.” Gayunman, kapag ang isa ay hindi nagsisisi anupat ‘sinasadya na niyang mamihasa sa kasalanan’ o nagpapakita ng mapandaya at mapagpakanang saloobin, tiyak na ‘sa anumang paraan ay walang pinaliligtas ang Diyos sa kaparusahan.’ (Ex. 34:6, 7; Heb. 10:26) Ang katotohanang ito ay makikita sa pakikitungo ni Jehova kay Acan at kina Ananias at Sapira.
13. Paano naudyukan si Acan ng maling pag-iisip na gumawa ng masama?
13 Tuwirang nilabag ni Acan ang utos ng Diyos. Kumuha siya ng samsam mula sa lunsod ng Jerico at itinago ito sa kaniyang tolda. Malamang na kasabuwat niya rito ang kaniyang pamilya. Nang mabunyag ang kaniyang kasalanan, nakita ni Acan kung gaano kabigat ang kasalanang nagawa niya sa pagsasabi: “Ako ay nagkasala laban kay Jehova.” (Jos. 7:20) Gaya ni Cain, si Acan ay nagkaroon ng masamang puso. Sa kaso ni Acan, ang kasakiman ang pangunahin nang nag-udyok sa kaniya na manlinlang at gumawa ng masama. Yamang ang samsam mula sa Jerico ay para kay Jehova, sa diwa’y ninakawan ni Acan ang Diyos, at ang naging kapalit nito ay ang buhay niya at ng kaniyang pamilya.—Jos. 7:25.
14, 15. Bakit nagalit ang Diyos kina Ananias at Sapira, at anong aral ang matututuhan natin dito?
14 Si Ananias at ang kaniyang asawang si Sapira ay mga miyembro ng sinaunang kongregasyong Kristiyano sa Jerusalem. Pagkatapos ng Pentecostes noong 33 C.E., naglikom ang mga Kristiyano ng pondo para matugunan ang pisikal na pangangailangan ng mga bagong mananampalatayang nagmula sa malalayong lugar na nananatili pa sa Jerusalem. Ang pondo ay nagmumula sa boluntaryong mga kontribusyon. Ipinagbili ni Ananias ang isang bukid at iniabuloy sa pondong ito ang bahagi ng perang pinagbentahan. Pero sinabi ni Ananias sa kongregasyon na iniabuloy niya ang lahat ng perang pinagbentahan sa bukid. Alam ito ng asawa niya. Siguradong gusto ng mag-asawang ito na bigyan sila ng pantanging parangal sa loob ng kongregasyon. Pero nanlinlang sila. Sa makahimalang paraan, isiniwalat ni Jehova kay apostol Pedro ang panlilinlang ni Ananias, at kinausap ng apostol si Ananias hinggil dito. Sa pagkakataong iyon, bumagsak si Ananias at namatay. Di-nagtagal pagkatapos nito, namatay rin si Sapira.—Gawa 5:1-11.
15 Sina Ananias at Sapira ay hindi basta nadala lamang ng kahinaan. Nagpakana sila at nagsinungaling upang linlangin ang mga apostol. Mas malala pa rito, ‘nagbulaan sila sa banal na espiritu at sa Diyos.’ Malinaw na makikita sa pangyayaring ito na handang protektahan ni Jehova ang kongregasyon mula sa mga mapagpaimbabaw. Tunay ngang “isang bagay na nakatatakot ang mahulog sa mga kamay ng Diyos na buháy”!—Heb. 10:31.
Manatiling Tapat sa Diyos sa Lahat ng Panahon
16. (a) Paano sinisikap ni Satanas na udyukan ang bayan ng Diyos na gumawa ng masama? (b) Anu-anong paraan ang ginagamit ng Diyablo para maudyukan ang mga tao sa inyong lugar na gumawa ng masama?
16 Ginagawa ni Satanas ang buo niyang makakaya para udyukan tayong gumawa ng masama nang sa gayo’y maiwala natin ang pagsang-ayon ni Jehova. (Apoc. 12:12, 17) Ang masasamang pakana ng Diyablo ay kitang-kita sa sanlibutan, na nahuhumaling sa imoralidad at karahasan. Madali na ngayong makakita ng pornograpya sa mga computer o iba pang elektronikong gadyet. Huwag nawa tayong magpadaig sa mga pagsalakay ni Satanas. Sa halip, tularan sana natin ang nadama ng salmistang si David, na sumulat: “Kikilos ako nang may katalinuhan sa paraang walang pagkukulang. . . . Ako ay lalakad sa loob ng aking bahay taglay ang katapatan ng aking puso.”—Awit 101:2.
17. (a) Bakit sa kalaunan ay ibinubunyag ni Jehova ang inililihim na mga kasalanan? (b) Ano ang dapat nating maging determinasyon?
17 Sa ngayon, hindi makahimalang isinisiwalat ni Jehova ang malulubhang kasalanan at mga panlilinlang gaya ng paminsan-minsang ginagawa niya noon. Pero nakikita pa rin niya ang lahat ng bagay at sa kaniyang takdang panahon at pamamaraan, isinisiwalat niya ang mga gawang inililihim. Sinabi ni Pablo: “Ang mga kasalanan ng ilang tao ay hayag sa madla, na tuwirang umaakay sa paghatol, ngunit kung tungkol naman sa ibang mga tao ang kanilang mga kasalanan ay nagiging hayag din sa kalaunan.” (1 Tim. 5:24) Pag-ibig ang pangunahing motibo ni Jehova sa pagbubunyag sa masasamang gawa. Mahal niya ang kongregasyon at gusto niyang manatiling dalisay ito. Bukod diyan, nagpapakita siya ng awa sa mga nagkasala subalit tunay na nagsisisi. (Kaw. 28:13) Kaya magsikap nawa tayo na panatilihin ang isang sakdal na puso sa harap ng Diyos at itakwil ang lahat ng masasamang impluwensiya.
Panatilihin ang Isang Sakdal na Puso
18. Ano ang gusto ni Haring David na madama ng kaniyang anak tungkol sa Diyos?
18 Ganito ang sinabi ni Haring David sa kaniyang anak na si Solomon: “Kilalanin mo ang Diyos ng iyong ama at maglingkod ka sa kaniya nang may sakdal na puso at may nakalulugod na kaluluwa; sapagkat ang lahat ng puso ay sinasaliksik ni Jehova, at ang bawat hilig ng mga kaisipan ay kaniyang natatalos.” (1 Cro. 28:9) Nais ni David na ang kaniyang anak ay hindi lamang basta maniwala sa Diyos. Gusto niyang mapahalagahan ni Solomon ang masidhing interes ni Jehova sa Kaniyang mga lingkod. Pinahahalagahan mo ba ang katotohanan na may masidhing interes si Jehova sa kaniyang mga lingkod?
19, 20. Ayon sa Awit 19:7-11, ano ang tumulong kay David na maging malapít sa Diyos, at paano natin matutularan si David?
19 Alam ni Jehova na ang mga taong may wastong saloobin ay mapapalapít sa kaniya at na maaantig ang kanilang puso kapag natutuhan nila ang kaniyang maiinam na katangian. Kaya nais ni Jehova na makilala natin ang kaniyang magandang personalidad. Paano natin magagawa iyan? Magagawa natin iyan kung pag-aaralan natin ang kaniyang Salita at mararanasan ang kaniyang mga pagpapala sa ating buhay.—Kaw. 10:22; Juan 14:9.
20 Araw-araw mo bang binabasa ang Salita ng Diyos nang may pagpapahalaga, at nananalangin ka ba para matulungan ka ng Diyos na maikapit ang iyong nababasa? Nakikita mo ba ang kahalagahan ng pamumuhay alinsunod sa mga simulain ng Bibliya? (Basahin ang Awit 19:7-11.) Kung gayon, ang iyong pananampalataya at pag-ibig kay Jehova ay patuloy na lalago. Lalo kang magkakaroon ng malapít na kaugnayan sa kaniya, na waring tangan niya ang iyong kamay. (Isa. 42:6; Sant. 4:8) Oo, patutunayan ni Jehova na mahal ka niya sa pamamagitan ng pagpapala sa iyo at pag-iingat sa iyo sa espirituwal na paraan habang tinatahak mo ang masikip na daan patungo sa buhay.—Awit 91:1, 2; Mat. 7:13, 14.
Paano Mo Sasagutin?
• Bakit tayo sinusuri ni Jehova?
• Bakit naging mga kaaway ng Diyos ang ilang indibiduwal?
• Paano natin maipapakita na totoo sa atin si Jehova?
• Paano natin mapananatili ang isang sakdal na puso sa harap ng Diyos?
[Larawan sa pahina 4]
Paano tayo binabantayan ni Jehova gaya ng mapagmalasakit na magulang?
[Larawan sa pahina 5]
Anong aral ang matututuhan natin sa halimbawa ni Ananias?
[Larawan sa pahina 6]
Ano ang makatutulong sa atin na patuloy na paglingkuran si Jehova nang may sakdal na puso?