“Silang Nagsisibaba sa Dagat sa mga Sasakyan”
NAKAHARAP sa daungan ng Gloucester, Massachusetts, E.U.A. ang isang bronseng estatuwa ng isang timonero na nagsisikap ugitan ang kaniyang barko sa gitna ng bagyo. Ipinagugunita ng estatuwa ang libu-libong mangingisdang taga-Gloucester na pinaniniwalaang namatay sa dagat. Sa paanan ng estatuwa at sa isang kalapit na plake ay nakasulat ang mga salita sa Awit 107:23, 24: “Silang nagsisibaba sa dagat sa mga sasakyan, na nangangalakal sa mga malawak na tubig; Ang mga ito’y nangakakakita ng mga gawa ng Panginoon, at ng kaniyang mga kababalaghan sa kalaliman.”—Ang Biblia.
Mapanganib na hanapbuhay ang pangingisda sa mayamang katubigan ng Atlantiko. Sa nakalipas na mga taon, umabot sa 5,368 lalaki mula sa Gloucester, na ngayo’y may populasyon na mga 30,000, ang pinaniniwalaang namatay habang nangingisda sa dagat. Ganito ang sabi sa memoryal: “Ang ilan ay nadaig ng nagngangalit na unos at gabundok na mga alon na dulot ng kapaha-pahamak na hanging amihan. Ang iba naman ay namatay nang nag-iisa sa isang maliit na bangka na napawalay sa barkong nagdala rito sa mga lugar ng pangisdaan. Ang ilang barko naman ay inabutan ng bagyo at kalunus-lunos na lumubog. Ang iba naman ay nabangga ng mga bapor na pinatatakbo ng singaw sa rutang dinaraanan ng mga ito.”
Ang memoryal ay nagsisilbing malungkot na saksi sa pagpapagal at mga panganib na sinuong ng mga mangingisdang iyon sa loob ng maraming siglo. Gunigunihin ang mga luha ng paghihinagpis ng mga nawalan ng asawa, ama, kapatid na lalaki, at anak na lalaki. Gayunman, hindi kinalilimutan ng Diyos na Jehova ang mga nabalo, naulila, o ang mga namatay mismo sa dagat. Tinukoy ni apostol Juan ang mangyayaring ito sa hinaharap: “Ibinigay ng dagat ang mga patay na nasa kaniya, at ibinigay ng kamatayan at ng Hades ang mga patay na nasa kanila.” (Apocalipsis 20:13) Sa panahon ng kanilang pagkabuhay-muli, talagang makikita ng mga ‘nagsibaba sa dagat sa mga sasakyan’ ang kamangha-manghang “mga gawa ng Panginoon.”