MOAB, MGA MOABITA
1. Ang anak ni Lot sa kaniyang nakatatandang anak na babae. Tulad ng kaniyang kapatid sa amang si Ammon, ipinaglihi si Moab pagkaalis ni Lot at ng mga anak na babae nito sa Zoar at noong manahanan sila sa isang yungib sa kalapit na bulubunduking pook. Si Moab ang ninuno ng mga Moabita.—Gen 19:30-38.
2. Ang teritoryo na tinahanan ng mga Moabita noong sinaunang panahon ay tinawag na “Moab,” “parang ng Moab,” “bukid ng Moab,” at “lupain ng Moab.” (Gen 36:35; Bil 21:20; Ru 1:2; 1Cr 1:46; 8:8; Aw 60:8) Mas maaga rito, ang mga Emim ay nanirahan sa lupaing ito ngunit lumilitaw na itinaboy sila ng mga Moabita. (Deu 2:9-11; ihambing ang tal 18-22.) Sa pagtatapos ng pagpapagala-gala ng Israel sa ilang, ang teritoryo ng Moab ay waring sumaklaw mula sa agusang libis ng Zered sa T hanggang sa agusang libis ng Arnon sa H (isang distansiya na mga 50 km [30 mi]), anupat ang Dagat na Patay ang hangganan sa K at ang Disyerto ng Arabia naman ay isang di-malinaw na hangganan sa S. (Bil 21:11-13; Deu 2:8, 9, 13, 18, 19) Ang rehiyong ito, na matarik ang pagtaas mula sa Dagat na Patay, ay pangunahin nang isang talampas na may mga bangin sa pagi-pagitan at may taas na mga 900 m (3,000 piye) mula sa kapantayan ng Dagat Mediteraneo. Noong sinaunang panahon, ito ay naglaan ng pastulan para sa malalaking kawan (2Ha 3:4) at may mga ubasan at mga taniman. (Ihambing ang Isa 16:6-10; Jer 48:32, 33.) Napagtamnan din ito ng mga butil.—Ihambing ang Deu 23:3, 4.
Sa isang mas naunang yugto, ang lupain ng Moab ay sumaklaw sa H ng Arnon kasama ang “mga disyertong kapatagan ng Moab sa kabila ng Jordan mula sa Jerico.” (Bil 22:1) Ngunit ilang panahon bago dumating ang mga Israelita, kinuha ng Amoritang si Haring Sihon ang rehiyong ito, at ang Arnon ang naging hangganan ng Moab sa H. (Bil 21:26-30; Huk 11:15-18) Natalo rin ni Sihon ang mga Ammonita at itinulak sila patungo sa hilaga at silangan. Ang teritoryong nakuha ng mga Amorita mula sa dalawang bayan ay nasa pagitan ng Moab at Ammon, sa gayon ay naging kahangga ng Moab ang teritoryong Amorita sa hilaga at ang teritoryong Edomita sa timog. (Huk 11:13, 21, 22; ihambing ang Deu 2:8, 9, 13, 14, 18.) Sa pinakamalawak na sakop nito, ang teritoryo ng Moab ay mga 100 km (60 mi) mula H hanggang T at 40 km (25 mi) mula S hanggang K.
Malamang na dahil ang isang bahagi ng teritoryong Amorita ay pag-aari ng Moab noong una, patuloy itong tinawag na “lupain ng Moab.” (Deu 1:5) Sa dating teritoryong ito ng mga Moabita nagkampo ang mga Israelita bago sila tumawid sa Jordan. (Bil 31:12; 33:48-51) Doon kinuha ang ikalawang sensus ng matitipunong lalaki ng Israel mula 20 taóng gulang pataas. (Bil 26:2-4, 63) Doon din nila tinanggap ang mga utos at mga hudisyal na pasiya ng Diyos tungkol sa mga lunsod ng mga Levita, mga kanlungang lunsod, at mana. (Bil 35:1–36:13) Doon binigkas ni Moises ang kaniyang mga huling diskurso at doon siya nakipagtipan sa Israel ng isang tipan na humihimok sa kanila na maging tapat kay Jehova. (Deu 1:1-5; 29:1) Nang dakong huli, umakyat si Moises sa Bundok Nebo upang tanawin ang Lupang Pangako at pagkatapos ay namatay siya roon. Sa loob ng 30 araw sa mga disyertong kapatagan ng Moab, ipinagdalamhati ng Israel ang kamatayan ni Moises.—Deu 32:49, 50; 34:1-6, 8.
Ang Kaugnayan ng Moab sa Israel. Bilang mga inapo ng pamangkin ni Abraham na si Lot, ang mga Moabita ay kamag-anak ng mga Israelita. Magkahawig na magkahawig ang kanilang mga wika, gaya ng makikita sa inskripsiyon sa Batong Moabita. Gayundin, tulad ng mga Israelita, waring kaugalian din ng mga Moabita ang pagtutuli. (Jer 9:25, 26) Gayunpaman, maliban sa ilan, gaya ni Ruth at ng makapangyarihang lalaki ni Haring David na si Itma (Ru 1:4, 16, 17; 1Cr 11:26, 46), ang mga Moabita ay nagpakita ng matinding poot sa Israel.
Bago pumasok ang Israel sa Lupang Pangako. Ipinahiwatig ng awit ni Moises tungkol sa pagpuksa ni Jehova sa hukbong militar ng Ehipto sa Dagat na Pula na ang balita tungkol dito ay magpapanginig sa “mga makapangyarihang pinuno ng Moab.” (Exo 15:14, 15) Talaga ngang natakot ang mga Moabita at ipinahihiwatig ito ng pagtanggi ng kanilang hari na makaraan nang payapa ang Israel sa kaniyang nasasakupan pagkaraan ng mga 40 taon. (Huk 11:17) Gayunman, tuwirang iniutos ng Diyos sa mga Israelita na huwag salakayin ang mga Moabita, kaya lumigid sila sa teritoryo ng Moab pagdating nila sa timugang hangganan nito sa agusang libis ng Zered. (Bil 21:11-13; Deu 2:8, 9; Huk 11:18) Bagaman pinagbilhan ng mga Moabita ng pagkain at tubig ang mga Israelita (Deu 2:26-29), ‘hindi nila sinaklolohan ng tinapay at tubig’ ang Israel. (Deu 23:3, 4) Maliwanag na nangangahulugan ito na hindi sila magiliw na tinanggap ng mga Moabita ni naglaan man ang mga ito ng mga panustos nang hindi naghahangad ng pakinabang.
Nang maglaon, pagkatawid ng Israel sa agusang libis ng Arnon, nakasagupa nila ang mga Amorita sa ilalim ni Haring Sihon, na bago nito ay umagaw sa teritoryong Moabita sa H ng Arnon. Pagkatapos ng kanilang bigay-Diyos na mga tagumpay laban sa tagapamahalang ito at kay Haring Og ng Basan, nagkampo ang mga Israelita sa mga disyertong kapatagan ng Moab. (Bil 21:13, 21–22:1; Deu 2:24–3:8) Dahil napakalaki ng kampo ng mga Israelita, natakot ang mga Moabita at ang kanilang hari na si Balak, anupat nakadama sila ng nakapanlulumong takot. Bagaman hindi niya inangkin ang dating teritoryong Moabita na kinuha ng mga Israelita mula sa mga Amorita, natakot si Balak na baka makuha ang nasasakupan niya. Dahil dito, sumangguni siya sa matatandang lalaki ng Midian at pagkatapos ay nagsugo siya ng mga mensahero, na matatandang lalaki mula sa Moab at Midian, upang upahan ang propetang si Balaam na pumaroon at sumpain ang Israel. (Bil 22:2-8; ihambing ang Huk 11:25.) Sa ganitong paraan “nakipaglaban” si Balak sa mga Israelita. (Jos 24:9) Gayunman, pinangyari ni Jehova na pagpalain ni Balaam ang Israel at ihula pa nga na mangingibabaw ang Israel sa Moab. (Bil kab 23, 24; Jos 24:10; Ne 13:1, 2; Mik 6:5) Pagkatapos, dahil sa mungkahi ni Balaam, ginamit nila ang mga babaing Moabita at Midianita upang akitin ang mga lalaking Israelita sa imoralidad at idolatriya may kaugnayan sa Baal ng Peor. Maraming Israelita ang nagpadala sa tuksong ito, na naging dahilan ng pagkagalit ni Jehova at ng pagkamatay ng 24,000 lalaki. (Bil 25:1-3, 6, 9; 31:9, 15, 16) Dahil hindi nila sinaklolohan ang mga Israelita ng tinapay at tubig at dahil inupahan nila si Balaam upang sumpain ang Israel, ang mga Moabita ay pinagbawalang pumasok sa kongregasyon ni Jehova “maging hanggang sa ikasampung salinlahi.”—Deu 23:3, 4; tingnan ang AMMONITA, MGA (Pakikipag-asawa sa mga Israelita).
Noong panahon ng mga Hukom. Noong kapanahunan ng mga Hukom, waring napalawak ng mga Moabita ang kanilang teritoryo sa H ng Arnon at, noong naghahari ang kanilang hari na si Eglon, waring nasakop nila ang teritoryong Israelita sa K ng Jordan hanggang sa “lunsod ng mga puno ng palma,” ang Jerico. (Huk 3:12, 13; ihambing ang Deu 34:3.) Ang panunupil ng Moab sa Israel ay nagpatuloy nang 18 taon hanggang noong mapatay ni Ehud, isang kaliweteng Benjamita, si Haring Eglon habang nakikipag-usap ito sa kaniya nang sarilinan. Pagkatapos ay pinangunahan ni Ehud ang mga Israelita laban sa Moab, anupat pinabagsak nila ang mga 10,000 Moabita at sinupil ang mga ito.—Huk 3:14-30.
Noong mga panahong iyon, nang maapektuhan ng taggutom ang Juda, si Elimelec, kasama ang kaniyang asawang si Noemi at ang kanilang dalawang anak na sina Mahalon at Kilion, ay nangibang-bayan sa mas mabungang lupain ng Moab. Doon ay nakapag-asawa ang kanilang mga anak ng mga babaing Moabita, sina Ruth at Orpa. Pagkamatay ng tatlong lalaki sa Moab at nang bumuti ang mga kalagayan sa Israel, bumalik si Noemi sa Betlehem, kasama si Ruth. Doon ay napangasawa ni Boaz na isang kamag-anak ni Elimelec si Ruth, na tumalikod sa politeismo ng mga Moabita at naging mananamba ni Jehova. Sa gayon, si Ruth na isang Moabita ay naging ninuno ni David at, samakatuwid, pati ni Jesu-Kristo.—Ru 1:1-6, 15-17, 22; 4:13, 17.
Noon ding panahon ng mga Hukom, ang Israel ay nagsimulang sumamba sa mga bathala ng mga Moabita, walang alinlangang kasama rito ang diyos na si Kemos. (Huk 10:6; Bil 21:29; Jer 48:46) Dahil sa pagsunod sa gayong huwad na pagsamba ng karatig na mga bayan, naiwala ng mga Israelita ang pabor ni Jehova at nagdusa sila sa mga kamay ng kanilang mga kaaway. (Huk 10:7-10) Maging hanggang noong panahon ni Samuel, ang di-tapat na Israel ay nililigalig ng mga Moabita.—1Sa 12:9-11.
Noong panahon ng mga paghahari nina Saul, David, at Solomon. Patuloy na nagkaroon ng mga suliranin sa mga Moabita maraming taon pagkatapos nito. Ang unang hari ng Israel, si Saul, ay matagumpay na nakipagdigma laban sa kanila. (1Sa 14:47) Kaya yamang itinuring ng mga Moabita si Saul bilang kaaway, mauunawaan natin kung bakit pumayag ang hari ng Moab na manirahan sa Mizpe sa Moab ang mga magulang ni David, isang lalaking tinutugis ni Saul.—1Sa 22:3, 4.
Nang maglaon, nang si David na ang naghahari, nagkaroon din ng pagdidigmaan sa pagitan ng Israel at Moab. Lubusang nasupil ang mga Moabita at pinagbayad sila ng tributo kay David. Lumilitaw na sa pagwawakas ng labanan, dalawang katlo ng mga lalaking mandirigma ng Moab ang pinatay. Waring pinahiga sila ni David sa lupa sa isang hanay at pagkatapos ay sinukat niya ang hanay na iyon upang italaga ang dalawang katlo na papatayin at ang isang katlo na pananatilihing buháy. (2Sa 8:2, 11, 12; 1Cr 18:2, 11) Posibleng sa labanan ding iyon ‘pinabagsak ni Benaias na anak ni Jehoiada ang dalawang anak ni Ariel ng Moab.’ (2Sa 23:20; 1Cr 11:22) Ang ganap na tagumpay ni David laban sa mga Moabita ay katuparan ng makahulang mga salita na binigkas ni Balaam mahigit na 400 taon bago nito: “Isang bituin ang tiyak na lalabas mula sa Jacob, at isang setro ang titindig nga mula sa Israel. At tiyak na babasagin niya ang mga pilipisan ng ulo ni Moab at ang bao ng ulo ng lahat ng mga anak ng kaguluhan ng digmaan.” (Bil 24:17) Lumilitaw na may kaugnayan din sa tagumpay na ito, binanggit ng salmista na itinuring ng Diyos ang Moab bilang kaniyang “hugasan.”—Aw 60:8; 108:9.
Gayunman, ipinagwalang-bahala ng anak ni David na si Solomon ang kautusan ng Diyos at nag-asawa ng mga babaing Moabita na hindi mananamba ni Jehova. Upang palugdan sila, nagtayo si Solomon ng isang mataas na dako para sa kanilang diyos na si Kemos. Pagkaraan pa ng mga tatlong siglo, noong panahon ng paghahari ni Josias, at saka lamang ginawang di-karapat-dapat sa pagsamba ang mataas na dakong ito.—1Ha 11:1, 7; 2Ha 23:13.
Hanggang sa pagkatapon ng mga Judio. Ilang panahon pagkatapos na humiwalay ang Israel mula sa Juda, waring nabawi ng mga Moabita ang teritoryo sa H ng Arnon. Sa itim na basaltong stela na tinatawag na Batong Moabita, binabanggit ni Haring Mesa ng Moab na ang rehiyon ng Medeba ay kinuha ni Haring Omri ng Israel. Yamang ang talampas ng Medeba ay nasa teritoryo ng Ruben (Jos 13:15, 16), lumilitaw na nakuha ng mga Moabita mula sa Israel ang lugar na ito anupat nang maglaon ay kinailangang muli itong bihagin ni Omri.
Maliwanag na ang Moab ay nanatiling nasa ilalim ng kontrol ng Israel noong panahon ng mga paghahari nina Omri at Ahab. Ngunit pagkamatay ni Ahab, si Haring Mesa ng Moab, na “nagbayad sa hari ng Israel ng isang daang libong kordero at isang daang libong lalaking tupa na hindi pa nagugupitan,” ay naghimagsik. (2Ha 1:1; 3:4, 5) Ipinagugunita ng Batong Moabita ang paghihimagsik na ito. (LARAWAN, Tomo 1, p. 946) Kung wasto ang pagkakatukoy sa mga ito bilang ang mismong mga lugar na binanggit sa Bibliya, ang 10 sa mga lunsod na inaangkin ni Haring Mesa bilang kaniyang nasakop o nabihag o (muling) itinayo ay talagang nasa teritoryong Israelita sa H ng Arnon. Ang mga lunsod na ito ay Dibon, Atarot, Aroer, Kiriataim, Nebo, Baal-meon (Bil 32:34, 37, 38), Medeba, Bamot-baal, Jahaz (Jos 13:9, 17-19), at Bezer (Jos 20:8).
Di-tulad ng propagandang inskripsiyon ni Mesa, iniuulat ng Kasulatan na dumanas ng kahiya-hiyang pagkatalo ang mga Moabita. Matapos matamo ang tulong ni Haring Jehosapat ng Juda at ng hari ng Edom upang masugpo ang paghihimagsik ng mga Moabita, si Jehoram (na naging hari ng Israel mga dalawang taon pagkamatay ni Ahab) ay humayo laban sa Moab mula sa T, anupat dumaan sa Ilang ng Edom. Ngunit ang magkakaalyadong mga hukbo at ang kanilang mga hayop ay muntik nang mamatay dahil sa kawalan ng tubig. Sa gayon ay humingi sila ng tulong sa propetang si Eliseo, at bilang katuparan ng kaniyang hula na tutulong si Jehova alang-alang kay Jehosapat, ang agusang libis ay napuno ng tubig. Kinaumagahan, ang sinag ng araw sa ibabaw ng tubig ay nagtinging dugo sa mga Moabita. Sa pag-aakalang ang magkakaalyadong mga hukbo ay nagpatayan sa isa’t isa, ang mga Moabita ay walang-ingat na pumaroon sa kampo ng mga Israelita, ngunit bumangon ang mga ito at tinugis sila. Habang nagpapatuloy ang pagbabaka, ang mga Moabitang lunsod ay winasak, ang mabubuting lupain ay pinunô ng bato, ang mga punungkahoy ay pinutol, at ang mga bukal ay sinarhan. Nang masukol si Haring Mesa sa lunsod ng Kir-hareset noong natatalo na siya sa pagbabaka, tinangka niya, kasama ang 700 lalaki, na makalusot hanggang sa hari ng Edom ngunit hindi sila nagtagumpay. Nang dakong huli, kinuha niya ang kaniyang panganay na anak at inihandog ito sa ibabaw ng pader bilang haing sinusunog. Dahil dito o sa iba pang kadahilanan, “nagkaroon ng malaking galit laban sa Israel” at itinigil ang pagkubkob.—2Ha 3:6-27.
Yamang ang kahiya-hiyang pagkatalong ito ay hindi naganap sa lupaing banyaga kundi nagdulot ng kagibaan sa lupain ng Moab, makatuwirang isipin na mahaba-habang panahon ang kakailanganin bago makabangon ang Moab. Kaya malamang na mas maaga rito noong panahon ng paghahari ni Jehosapat nang sumama ang Moab sa mga hukbo ng Ammon at ng bulubunduking pook ng Seir upang salakayin ang Juda. Dahil namagitan si Jehova, ang tatlong hukbo ay bumaling sa isa’t isa at naglipulan. (2Cr 20:1, 22-24) Naniniwala ang ilang iskolar na ang pangyayaring ito ang tinutukoy sa Awit 83:4-9.—Ihambing ang 2Cr 20:14 sa Aw 83:Sup.
Nang sumunod na mga taon, nagpatuloy ang alitan sa pagitan ng Moab at Israel. Pagkamatay ng propetang si Eliseo, laging sinasalakay ang Israel ng mga pangkat ng mandarambong na mga Moabita. (2Ha 13:20) Pagkaraan ng mga dalawang siglo, noong panahon ni Jehoiakim, ang katulad na mga pangkat ng mga Moabita ay naging sanhi ng pagkagiba ng Juda noong huling mga taon nito. (2Ha 24:2) Nang mawasak ang Jerusalem noong 607 B.C.E., nanganlong ang mga Judio sa Moab, anupat bumalik lamang sa Juda nang atasan si Gedalias bilang gobernador.—Jer 40:11, 12.
Pagkatapos ng pagkatapon. Pagkabalik ng mga Israelitang nalabi mula sa pagkatapon sa Babilonya noong 537 B.C.E., ang ilan ay nag-asawa ng mga babaing Moabita. Ngunit dahil sa payo ni Ezra, pinaalis nila ang mga asawang ito at ang kanilang mga anak. (Ezr 9:1, 2; 10:10, 11, 44) Pagkaraan ng maraming taon, gayunding situwasyon ang nadatnan ni Nehemias; maraming Israelita ang kumuha ng mga asawang Moabita.—Ne 13:1-3, 23.
Ang Moab sa Hula. Kasuwato ng mahabang kasaysayan nito ng pagsalansang sa Israel, ang Moab ay binabanggit na kabilang sa mortal na mga kaaway ng bayan ni Jehova. (Ihambing ang Isa 11:14.) Yamang hinatulan ito dahil sa pagdusta sa Israel at dahil sa pagmamapuri at kapalaluan, ang Moab ay matitiwangwang na tulad ng Sodoma. (Zef 2:8-11; tingnan din ang Jer 48:29.) Noon pa mang pagtatapos ng ikasiyam na siglo B.C.E., isinulat ni Amos na ang Moab ay daranas ng kapahamakan dahil ‘sinunog nito ang mga buto ng hari ng Edom upang maging apog.’ (Am 2:1-3) Bagaman inuunawa ng ilan na ang 2 Hari 3:26, 27 ay tumutukoy sa paghahandog ni Haring Mesa, hindi sa sarili niyang anak, kundi sa panganay ng hari ng Edom, malayong ganito ang nangyari. Gayunman, iniuugnay ng isang tradisyong Judio ang pangyayaring binanggit ni Amos sa pakikipagdigma laban kay Mesa at sinasabi nito na ilang panahon pagkatapos ng labanang ito ay hinukay ng mga Moabita ang mga buto ng hari ng Edom at pagkatapos ay sinunog ang mga iyon upang maging apog. Ngunit ang ulat ng Bibliya ay walang ibinibigay na saligan upang matiyak kung kailan ito naganap.
Lumilitaw na noong panahong mamatay si Haring Ahaz at habang namumuno ang Asirya noong ikawalong siglo B.C.E., binanggit ni Isaias (kab 15, 16) na ang sunud-sunod na mga Moabitang lunsod ay nakahanay ukol sa kapahamakan. Nagtapos siya sa mga salitang ito: “At ngayon ay nagsalita si Jehova, na sinasabi: ‘Sa loob ng tatlong taon, ayon sa mga taon ng upahang trabahador, ang kaluwalhatian ng Moab ay madudusta rin na may bawat uri ng malaking kaguluhan, at ang mga malalabi ay kaunting-kaunti, hindi makapangyarihan.’”—Isa 16:14.
Mula sa mga ulat ng kasaysayan, hindi masasabi kung kailan eksaktong natupad ang mga hula nina Isaias at Amos. Gayunman, may katibayan na ang Moab ay talagang napasailalim ng pamatok ng Asirya. Binabanggit ng Asiryanong si Haring Tiglat-pileser III na si Salamanu ng Moab ay kabilang sa mga nagbabayad ng tributo sa kaniya. Inaangkin ni Senakerib na tumanggap siya ng tributo mula kay Kammusunadbi na hari ng Moab. At tinutukoy ng mga Asiryanong monarka na sina Esar-hadon at Ashurbanipal ang Moabitang mga hari na sina Musuri at Kamashaltu bilang mga sakop nila. (Ancient Near Eastern Texts, inedit ni J. Pritchard, 1974, p. 282, 287, 291, 294, 298) Mayroon ding arkeolohikal na katibayan na noong mga ikawalong siglo B.C.E., pinaalis sa maraming lugar sa Moab ang mga naninirahan doon.
Tinukoy ng hula ni Jeremias noong ikapitong siglo B.C.E. ang panahon na pagsusulitin ni Jehova ang Moab (Jer 9:25, 26), anupat gagawin ito sa pamamagitan ng mga Babilonyo sa ilalim ni Haring Nabucodonosor. (Jer 25:8, 9, 17-21; 27:1-7) Maraming Moabitang lunsod ang ititiwangwang. (Jer 48) Lumilitaw na nang maranasan ng Juda ang paglalapat ng kahatulan ni Jehova sa pamamagitan ng mga Babilonyo, sinabi ng mga Moabita: “Narito! Ang sambahayan ni Juda ay tulad ng lahat ng iba pang bansa.” Kaya dahil hindi nila kinilala na ang kahatulan ay talagang mula sa Diyos at na ang mga tumatahan sa Juda ay kaniyang bayan, makararanas ang mga Moabita ng kasakunaan at sa gayon ay kanilang ‘makikilala si Jehova.’—Eze 25:8-11; ihambing ang Eze 24:1, 2.
Isinulat ng Judiong istoryador na si Josephus na, noong ikalimang taon matapos itiwangwang ang Jerusalem, si Nabucodonosor ay muling nakipagdigma laban sa Coele-Sirya, Ammon, at Moab at pagkatapos ay sinalakay ang Ehipto. (Jewish Antiquities, X, 181, 182 [ix, 7]) May kinalaman sa pagpapatunay ng arkeolohiya na itiniwangwang ang Moab, ang The Interpreter’s Dictionary of the Bible ay nagsabi: “Ipinakikita ng arkeolohikal na paggagalugad na sa kalakhang bahagi ay pinaalis sa Moab ang mga tumatahan doon humigit-kumulang mula noong pasimula ng ikaanim na siglo, at sa maraming dako humigit-kumulang mula noong ikawalong siglo. Mula noong ikaanim na siglo, ang mga taong pagala-gala ay lumibot sa lupain hanggang sa muling maging posible, dahil sa mga salik na pampulitika at pang-ekonomiya, ang mamuhay nang nakapirme noong huling mga siglo B.C.”—Inedit ni G. A. Buttrick, 1962, Tomo 3, p. 418; ihambing ang Eze 25:8-11.
Nang maglaon, bilang katuparan ng Jeremias 48:47, malamang na pinahintulutan ni Ciro, ang manlulupig ng Babilonya, na makabalik ang mga Moabitang tapon sa kanilang sariling lupain.
Hindi maitatanggi na natupad nang eksakto ang mga hula may kinalaman sa Moab. Maraming siglo na ang nakararaan, naglaho ang mga Moabita bilang isang bayan. (Jer 48:42) Sa ngayon, ang itinuturing noon na mga Moabitang lunsod gaya ng Nebo, Hesbon, Aroer, Bet-gamul, at Baal-meon ay mga guho na lamang. Hindi na alam sa ngayon kung nasaan ang maraming iba pang lugar.
Ang tanging paliwanag kung bakit naglaho ang mga Moabita bilang isang bayan ay inilalaan ng Bibliya. Ganito ang sinabi sa 1959 na edisyon ng Encyclopædia Britannica (Tomo 15, p. 629): “Ang Israel ay nanatiling isang dakilang kapangyarihan samantalang ang Moab ay naglaho. Totoo na ang Moab ay patuluyang ginipit ng mga pulutong sa disyerto; ang lantad na kalagayan ng lupain ay ipinakikita ng sunud-sunod na wasak na mga kuta at mga kastilyo anupat napilitan maging ang mga Romano na itayo ang mga ito. Ngunit ang paliwanag ay matatagpuan sa loob ng Israel mismo, at partikular na sa gawain ng mga propeta.”
Dahil naglaho na ang mga Moabita bilang isang bayan, makatuwirang isipin na ang pagbanggit sa Moab sa Daniel 11:41 kasama ng mga bansa sa “panahon ng kawakasan” (Dan 11:40) ay makasagisag lamang. Maliwanag na ang mga Moabita ay tumutukoy sa ilan na hindi nakontrol ng “hari ng hilaga.”
Para sa impormasyon hinggil sa Batong Moabita, tingnan ang MESA Blg. 2.