KABANATA 6
Mángangarál—Mga Ministrong Kusang-Loob na Naghahandog ng Sarili
1, 2. Anong malaking gawain ang inihula ni Jesus? Anong mahalagang tanong ang bumabangon?
MADALAS mapako ang pangako ng mga politiko. Kahit maganda ang intensiyon, puwedeng hindi pa rin nila matupad ang kanilang mga pangako. Pero iba ang Mesiyanikong Hari, si Jesu-Kristo. Lagi niyang tinutupad ang kaniyang mga pangako.
2 Nang maging Hari si Jesus noong 1914, handa na niyang tuparin ang hula na binigkas niya noong 33 C.E. Ilang araw bago siya mamatay, inihula niya: “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa.” (Mat. 24:14) Ang katuparan nito ay bahagi ng tanda ng kaniyang pagkanaririto bilang Hari. Pero isang mahalagang tanong ang bumabangon: Paano makapag-oorganisa ang Hari ng isang hukbo na kusang-loob na mangangaral sa mga huling araw kung kailan ang mga tao ay makasarili, walang pag-ibig, at walang interes sa relihiyon? (Mat. 24:12; 2 Tim. 3:1-5) Mahalagang malaman natin ang sagot dahil sangkot dito ang lahat ng tunay na Kristiyano.
3. Paano ipinakita ni Jesus ang kaniyang pagtitiwala? Bakit gayon na lang ang pagtitiwala niya?
3 Pansinin ulit ang hula ni Jesus. Sinabi niyang ang mabuting balita ay “ipangangaral.” Ipinakikita ng pananalitang ito na nagtitiwala siyang may mga kusang-loob na susuporta sa gawaing ito sa mga huling araw. Bakit gayon na lang ang pagtitiwala niya? Natutuhan niya iyon sa kaniyang Ama. (Juan 12:45; 14:9) Bago bumaba sa lupa, nakita ni Jesus na may tiwala si Jehova sa pagkukusang-loob ng Kaniyang mga mananamba. Tingnan natin kung paano ipinakita ni Jehova ang pagtitiwalang iyon.
“Ang Iyong Bayan ay Kusang-Loob na Maghahandog ng Kanilang Sarili”
4. Anong gawain ang hiniling ni Jehova na suportahan ng mga Israelita? Paano sila tumugon?
4 Alalahanin ang nangyari nang utusan ni Jehova si Moises na magtayo ng tabernakulo, o tolda, para maging sentro ng pagsamba ng bansang Israel. Sa pamamagitan ni Moises, hinilingan ni Jehova ang buong bayan na sumuporta sa gawain. Sinabi ni Moises: “Lumikom kayo ng abuloy para kay Jehova. Dalhin iyon ng bawat isa na nagkukusang-loob.” Ang resulta? Ang bayan ay “nagdala . . . ng kusang-loob na handog uma-umaga.” Sobra-sobra ang dinadala nila hanggang sa puntong ‘pinigilan na ang bayan sa pagdadala’! (Ex. 35:5; 36:3, 6) Hindi binigo ng mga Israelita ang pagtitiwala ni Jehova.
5, 6. Ayon sa Awit 110:1-3, ano ang inaasahan ni Jehova at ni Jesus sa mga tunay na mananamba sa panahon ng kawakasan?
5 Umaasa rin ba si Jehova na magkukusa ang kaniyang mga mananamba sa mga huling araw? Oo! Mahigit 1,000 taon bago isilang si Jesus sa lupa, ipinasulat ni Jehova kay David ang tungkol sa panahon kung kailan maghahari ang Mesiyas. (Basahin ang Awit 110:1-3.) Si Jesus, bilang bagong-luklok na Hari, ay magkakaroon ng mga kaaway. Pero magkakaroon din siya ng isang hukbo ng mga tagasuporta. Hindi sila kailangang pilitin para maglingkod sa Hari. Kahit ang mga kabataan ay kusang-loob na maghahandog ng kanilang sarili, at magiging napakarami nila kaya maihahalintulad sila sa mga patak ng hamog na bumabalot sa lupa tuwing umaga.a
6 Alam ni Jesus na tungkol sa kaniya ang hula sa Awit 110. (Mat. 22:42-45) Kaya tiwala siyang magkakaroon siya ng tapat na mga tagasuporta na kusang-loob na maghahandog ng kanilang sarili para ipangaral ang mabuting balita sa buong lupa. Ano ang ipinakikita ng kasaysayan? Mayroon nga bang naorganisa ang Hari na isang hukbo na kusang-loob na mangangaral sa mga huling araw na ito?
“Ang Aking Pribilehiyo at Tungkulin ay ang Ipatalastas ang Mensaheng Iyan”
7. Pagkatapos mailuklok bilang Hari, paano inihanda ni Jesus ang kaniyang mga tagasuporta para sa malaking gawain?
7 Pagkatapos mailuklok bilang Hari, gumawa si Jesus ng mga hakbang para maihanda ang kaniyang mga tagasunod sa malaking gawain. Gaya ng ipinakita sa Kabanata 2, may ginawa siyang pagsisiyasat at paglilinis mula 1914 hanggang pasimula ng 1919. (Mal. 3:1-4) At noong 1919, inatasan niya ang tapat na alipin para manguna sa kaniyang mga tagasunod. (Mat. 24:45) Mula noon, sinimulan ng aliping iyan na maglaan ng espirituwal na pagkain—sa pamamagitan ng mga pahayag sa kombensiyon at inimprentang mga publikasyon—na paulit-ulit na nagdiriin sa pananagutan ng bawat Kristiyano na makibahagi sa pangangaral.
8-10. Paano napasigla ng mga kombensiyon ang gawaing pangangaral? Magbigay ng halimbawa. (Tingnan din ang kahong “Mga Kombensiyong Nagpasigla sa Gawaing Pangangaral.”)
8 Pahayag sa kombensiyon. Ang mga Estudyante ng Bibliya ay nagtipon sa Cedar Point, Ohio, E.U.A., mula Setyembre 1 hanggang 8, 1919, para sa kanilang unang malaking kombensiyon pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig I. Sabik na sabik silang tumanggap ng mga tagubilin. Sa isang pahayag noong ikalawang araw, mariing sinabi ni Brother Rutherford sa mga dumalo: “Ang misyon ng isang Kristiyano sa lupa . . . ay ang ihayag ang mensahe ng kaharian ng . . . Panginoon.”
9 Ang pinakatampok na bahagi ng kombensiyong iyon ay noong ikalimang araw nang bigkasin ni Brother Rutherford ang pahayag na “Talumpati sa mga Kamanggagawa,” na inilathala sa The Watch Tower sa ilalim ng pamagat na “Naghahayag ng Kaharian.” Sinabi niya: “Sa mga sandaling natitigilan natural lamang na magtanong sa sarili ang isang Kristiyano, Bakit ako naririto sa lupa? At ang kinakailangang sagot ay, Buong pagmamahal na ginawa ako ng Panginoon na kaniyang embahador upang taglayin ang maka-Diyos na mensahe ng pakikipagkasundo sa sanlibutan, at ang aking pribilehiyo at tungkulin ay ang ipatalastas ang mensaheng iyan.”
10 Sa makasaysayang pahayag na iyon, ipinatalastas ni Brother Rutherford na isang bagong magasin, The Golden Age (Gumising! ngayon), ang ilalathala para akayin ang mga tao sa tanging pag-asa ng sangkatauhan—ang Kaharian. Pagkatapos, tinanong niya ang mga tagapakinig kung gaano karami ang gustong tumulong sa pamamahagi ng magasing iyon. Ganito ang sabi sa report tungkol sa kombensiyon: “Nakakatuwang pagmasdan na sabay-sabay tumayo ang lahat ng 6,000 dumalo.”b Maliwanag, ang Hari ay may mga tagasuportang sabik at kusang-loob na maghahayag ng kaniyang Kaharian!
11, 12. Ano ang sinabi ng The Watch Tower noong 1920 tungkol sa panahon kung kailan isasagawa ang gawaing inihula ni Jesus?
11 Inimprentang publikasyon. Sa pamamagitan ng The Watch Tower, unti-unting naging malinaw ang kahalagahan ng gawaing inihula ni Jesus—ang pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian. Pansinin ang ilang halimbawa noong unang bahagi ng dekada ng 1920.
12 Anong mensahe ang ihahayag bilang katuparan ng Mateo 24:14? Kailan isasagawa ang gawaing iyan? Tungkol sa mensahe, sinabi sa Hulyo 1, 1920, ng The Watch Tower sa artikulong “Ebanghelyo ng Kaharian”: “Ang mabuting balita rito ay tungkol sa katapusan ng matandang kaayusan ng mga bagay at sa pagkatatag ng kaharian ng Mesiyas.” Malinaw ding sinabi sa artikulo kung kailan ipangangaral ang mensahe: “Ang mensaheng ito ay dapat ipangaral sa pagitan ng panahon ng dakilang digmaang pandaigdig [Digmaang Pandaigdig I] at ng panahon ng ‘malaking kapighatian.’” Kaya idinagdag ng artikulo: “Ngayon na ang panahon . . . para ihayag ang mabuting balitang ito sa Sangkakristiyanuhan saanman sa mundo.”
13. Paano pinasigla ng The Watch Tower noong 1921 ang mga pinahirang Kristiyano na maglingkod nang kusang-loob?
13 Kailangan bang pilitin ang bayan ng Diyos na isagawa ang gawaing inihula ni Jesus? Hindi. Sa artikulong “Lakasan ang Inyong Loob” sa Marso 15, 1921, ng The Watch Tower, pinasigla ang mga pinahirang Kristiyano na maglingkod nang kusang-loob. Hinimok ang bawat isa na tanungin ang sarili: “Hindi ba isang napakalaking pribilehiyo at tungkulin din naman na makibahagi ako sa gawaing ito?” Sinabi pa sa artikulo: “Nakatitiyak kami na kapag itinuring ninyo [na isang pribilehiyo na makibahagi sa gawain], magiging tulad kayo ni Jeremias, na ang salita ng Panginoon sa kaniyang puso ay ‘gaya ng nagniningas na apoy na nakukulong sa kaniyang mga buto,’ na nag-uudyok sa kaniya kung kaya hindi niya magawang tumigil sa pagsasalita.” (Jer. 20:9) Ipinakikita ng nakapagpapatibay na pananalitang iyan kung gaano kalaki ang tiwala ni Jehova at ni Jesus sa mga tapat na tagasuporta ng Kaharian.
14, 15. Noong 1922, anong pamamaraan ang binanggit ng The Watch Tower para maipaabot ng mga pinahirang Kristiyano sa iba ang mensahe?
14 Paano maipaaabot sa iba ng mga tunay na Kristiyano ang mensahe ng Kaharian? Lumabas sa Agosto 15, 1922, ng The Watch Tower ang maikli pero mapuwersang artikulo na “Kailangan ang Paglilingkod.” Hinimok nito ang mga pinahirang Kristiyano na aktibong makibahagi sa “pagdadala sa mga tao ng inilimbag na mensahe at pakikipag-usap sa kanila sa kani-kanilang bahay, anupat nagpapatotoong malapit na ang kaharian ng langit.”
15 Malinaw na mula 1919, ginagamit ni Kristo ang kaniyang tapat at maingat na alipin para paulit-ulit na idiin na pribilehiyo at tungkulin ng isang Kristiyano sa lupa na ihayag ang mensahe ng Kaharian. Paano tumugon ang mga Estudyante ng Bibliya sa paghimok na makibahagi sa paghahayag ng Kaharian?
“Ang mga Tapat ay Magboboluntaryo”
16. Ano ang reaksiyon ng ilang nahalal na elder sa ideya na lahat ay dapat makibahagi sa ministeryo?
16 Noong mga dekada ng 1920 at 1930, hindi matanggap ng ilan ang ideyang lahat ng pinahirang Kristiyano ay dapat makibahagi sa ministeryo. Sinabi sa Nobyembre 1, 1927, ng The Watch Tower: “Ang ilan sa [kongregasyon] ngayon na humahawak ng responsibilidad bilang matanda . . . ay tumatangging humimok sa mga kapatid na makibahagi sa paglilingkod, at mismong sila ay tumatangging makibahagi sa paglilingkod. . . . Hinahamak nila ang mungkahi na magbahay-bahay para maibahagi sa mga tao ang mensahe ng Diyos [tungkol sa] kaniyang Hari at kaharian.” Mariing sinabi ng artikulo: “Dumating na ang panahon para sa mga tapat na markahan ang gayong mga tao at iwasan sila at ipaalam na hindi na natin ipagkakatiwala sa kanila ang posisyon bilang matanda.”c
17, 18. Paano tumugon ang karamihan sa miyembro ng mga kongregasyon sa tagubilin ng tapat na alipin? Paano tumugon ang milyon-milyon sa nakalipas na 100 taon?
17 Nakakatuwa naman na karamihan sa miyembro ng mga kongregasyon ay positibong tumugon sa tagubilin ng tapat na alipin. Itinuring nilang pribilehiyo ang pagbabahagi sa iba ng mensahe ng Kaharian. Sinabi sa Marso 15, 1926, ng The Watch Tower: “Ang mga tapat ay magboboluntaryo . . . para ihayag ang mensaheng ito sa mga tao.” Tinupad ng mga tapat na iyon ang hula sa Awit 110:3 at kusang-loob silang sumuporta sa Mesiyanikong Hari.
18 Sa nakalipas na 100 taon, milyon-milyon ang kusang-loob na naghandog ng kanilang sarili sa paghahayag ng Kaharian. Sa susunod na ilang kabanata, tatalakayin natin kung paano sila nangaral—mga paraan at pantulong na ginamit nila—at kung ano ang mga resulta. Pero talakayin muna natin kung bakit milyon-milyon ang boluntaryong nakikibahagi sa pangangaral ng Kaharian kahit napalilibutan sila ng mga taong makasarili. Habang inaalam natin ang dahilan, tanungin ang sarili, ‘Bakit ko ibinabahagi sa iba ang mabuting balita?’
“Patuloy . . . na Hanapin Muna ang Kaharian”
19. Bakit natin sinusunod ang payo ni Jesus na “patuloy . . . na hanapin muna ang kaharian”?
19 Pinayuhan ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod na “patuloy . . . na hanapin muna ang kaharian.” (Mat. 6:33) Bakit natin sinusunod ang payong iyan? Dahil alam nating napakahalaga ng Kaharian para matupad ang layunin ng Diyos. Gaya ng nakita natin sa nakaraang kabanata, unti-unting isiniwalat ng banal na espiritu ang kapana-panabik na mga katotohanan tungkol sa Kaharian. Kapag tumagos sa puso natin ang katotohanang ito, nauudyukan tayong hanapin muna ang Kaharian.
20. Paano ipinapakita ng ilustrasyon ni Jesus tungkol sa nakatagong kayamanan kung paano tutugon ang mga tagasunod niya sa payong patuloy na hanapin muna ang Kaharian?
20 Alam ni Jesus kung paano tutugon ang mga tagasunod niya sa payong patuloy na hanapin muna ang Kaharian. Pansinin ang ilustrasyon niya tungkol sa nakatagong kayamanan. (Basahin ang Mateo 13:44.) Habang nagtatrabaho sa bukid, natagpuan ng lalaki sa ilustrasyon ang isang nakatagong kayamanan at agad na nakita kung gaano ito kahalaga. Ano ang ginawa niya? “Dahil sa kagalakang taglay niya ay humayo siya at ipinagbili ang mga bagay na taglay niya at binili ang bukid na iyon.” Ang aral? Kapag natagpuan natin ang katotohanan tungkol sa Kaharian at nakita ang halaga nito, buong-kagalakan nating isasakripisyo ang anumang bagay para mapanatili ang mga kapakanan ng Kaharian sa tamang dako nito—pagiging una sa ating buhay.d
21, 22. Paano ipinapakita ng mga tapat na tagasuporta ng Kaharian na inuuna nila ang Kaharian? Magbigay ng halimbawa.
21 Ipinapakita ng mga tapat na tagasuporta ng Kaharian, hindi lang sa salita kundi sa gawa, na inuuna nila ang Kaharian. Ginagamit nila nang lubusan ang kanilang buhay, abilidad, at tinataglay para ipangaral ang Kaharian. Marami ang nagsakripisyo nang malaki para makapasok sa buong-panahong ministeryo. Dahil inuna nila ang Kaharian, tinamasa ng mga boluntaryong mángangarál na ito ang pagpapala ni Jehova.
22 Pansinin ang halimbawa nina Avery at Lovenia Bristow. Nagsimula silang maglingkod bilang mga colporteur (payunir) sa timugang Estados Unidos noong huling bahagi ng dekada ng 1920. Pagkalipas ng mga taon, sinabi ni Lovenia: “Marami kaming masasayang taon ni Avery bilang mga payunir. Maraming beses na hindi namin alam kung saan kukunin ang panggasolina o pambili ng pagkain. Pero lagi kaming pinaglalaanan ni Jehova. Tuloy lang kami sa pagpapayunir. Lagi niyang ibinibigay ang pangangailangan namin.” Naalala ni Lovenia ang isang pangyayari noong naglilingkod sila sa Pensacola, Florida. Halos wala na silang pera at pagkain. Pag-uwi sa kanilang trailer, may nakita silang dalawang malalaking bag ng suplay ng pagkain na may nakasulat, “Nagmamahal, Pensacola Company.”e Habang binabalikan ang maraming dekada niya sa buong-panahong ministeryo, sinabi ni Lovenia: “Hindi kami kailanman pinabayaan ni Jehova. Hindi niya binigo ang pagtitiwala namin sa kaniya.”
23. Ano ang pananaw mo sa natagpuan mong katotohanan tungkol sa Kaharian? Ano ang determinado mong gawin?
23 Hindi pare-pareho ang nagagawa natin sa ministeryo dahil iba-iba ang kalagayan natin. Pero lahat tayo ay may pribilehiyong ihayag ang mabuting balita nang buong kaluluwa. (Col. 3:23) Dahil pinahahalagahan natin ang natagpuan nating mahalagang katotohanan tungkol sa Kaharian, handa nating isakripisyo ang anumang bagay para lubusang makapaglingkod. Hindi ba’t iyan ang determinado mong gawin?
24. Ano ang isa sa pinakamalalaking naisakatuparan ng Kaharian sa mga huling araw?
24 Nakita natin sa nakalipas na siglo na talagang tinutupad ng Hari ang hula niya sa Mateo 24:14. At ginawa niya ito nang hindi namimilit. Matapos talikuran ang makasariling sanlibutang ito, kusang-loob na inihandog ng mga tagasunod niya ang kanilang sarili para mangaral. Ang pangangaral nila ng mabuting balita sa buong daigdig ay bahagi ng tanda ng pagkanaririto ni Jesus bilang Hari—at isa sa pinakamalalaking naisakatuparan ng Kaharian sa mga huling araw.
a Sa Bibliya, ang hamog ay iniuugnay sa kasaganaan.—Gen. 27:28; Mik. 5:7.
b Sinabi ng pamplet na To Whom the Work Is Entrusted: “Ang pamamahagi ng The Golden Age ay isang kampanya para maiharap ang mensahe ng kaharian sa bahay-bahay. . . . Pagkatapos masabi ang mensahe, dapat mag-iwan ng The Golden Age sa bawat bahay, kumuha man ng suskripsiyon o hindi [ang may-bahay].” Nang sumunod na mga taon, hinimok ang mga kapatid na alukan ang mga tao ng suskripsiyon ng The Golden Age at The Watch Tower. Simula Pebrero 1, 1940, pinasigla ang bayan ni Jehova na mamahagi ng mga magasin at iulat kung ilan ang naipamahagi.
c Noong panahong iyon, ang isang matanda ay inihahalal ng mga miyembro ng kongregasyon. Kaya puwedeng hindi iboto ng mga kapatid sa kongregasyon ang mga lalaking hindi pabor sa ministeryo. Ang pagbabago tungo sa teokratikong paraan ng paghirang sa isang matanda ay tatalakayin sa Kabanata 12.
d Ganiyan din ang punto ni Jesus sa ilustrasyon niya tungkol sa naglalakbay na mangangalakal na naghahanap ng mainam na perlas. Nang makita ito ng mangangalakal, ipinagbili niya ang lahat ng taglay niya at binili ang perlas. (Mat. 13:45, 46) Itinuturo din ng dalawang ilustrasyon na puwede tayong matuto ng katotohanan tungkol sa Kaharian sa iba’t ibang paraan. Ang iba, basta na lang ito natatagpuan; ang iba naman, hinahanap ito. Pero paano man natin ito natagpuan, handa tayong magsakripisyo para maging pangunahin sa ating buhay ang Kaharian.
e Ang mga kongregasyon noon ay tinatawag na company.