Ibinukod Upang Maging Maliligayang Tagapuri Sa Buong Daigdig
“Purihin ninyo si Jah! Maghandog kayo ng papuri, O kayong mga lingkod ni Jehova, purihin ninyo ang pangalan ni Jehova.”—AWIT 113:1.
1, 2. (a) Kasuwato ng Awit 113:1-3, sino ang karapat-dapat sa ating masiglang papuri? (b) Anong tanong ang angkop na ibangon?
ANG Diyos na Jehova ang Dakilang Maylalang ng langit at lupa, ang ating Pansansinukob na Soberano magpakailanman. Siya ay lubusang karapat-dapat sa ating masiglang papuri. Ito ang dahilan kung kaya inuutusan tayo sa Awit 113:1-3: “Purihin ninyo si Jah! Maghandog kayo ng papuri, O kayong mga lingkod ni Jehova, purihin ninyo ang pangalan ni Jehova. Pagpalain nawa ang pangalan ni Jehova mula ngayon at hanggang sa panahong walang-takda. Mula sa pagsikat ng araw hanggang sa paglubog nito ay dapat purihin ang pangalan ni Jehova.”
2 Bilang mga Saksi ng Diyos, nagagalak tayong gawin ito. Tunay ngang kapana-panabik na malapit nang pangyarihin ng Diyos na Jehova na mapuno ang buong lupa ng maligayang awit na ito ng papuri na inaawit natin ngayon! (Awit 22:27) Naririnig ba ang inyong tinig sa malaking pambuong-daigdig na korong ito? Kung gayon, tiyak na napakaligaya ninyo sa pagiging nakabukod mula sa magulo at malungkot na sanlibutang ito!
3. (a) Paano natatangi at naiiba ang bayan ni Jehova? (b) Sa anu-anong paraan tayo ay nabubukod?
3 Ang ating nagkakaisang pagpuri kay Jehova ay tiyak na nagpapangyaring tayo ay natatangi at naiiba. Nagsasalita at nagtuturo tayo nang may pagkakasuwato at gumagamit ng parehong mga paraan upang ipahayag ang ‘kasaganaan ng kabutihan ni Jehova.’ (Awit 145:7) Oo, bilang nakaalay na bayan ni Jehova, ibinukod tayo ukol sa paglilingkod sa ating Diyos, si Jehova. Sinabihan ng Diyos ang kaniyang sinaunang nakaalay na bayan, ang Israel, na manatiling hiwalay sa mga bansa na nakapalibot sa kanila at huwag madumhan ng mga gawain ng mga bansang iyon. (Exodo 34:12-16) Binigyan niya ng mga batas ang kaniyang bayan upang matulungan sila na gawin ito. Gayundin sa ngayon, ibinigay sa atin ni Jehova ang kaniyang Banal na Salita, ang Bibliya. Ipinakikita sa atin ng turo nito kung paano tayo mananatiling hiwalay sa sanlibutang ito. (2 Corinto 6:17; 2 Timoteo 3:16, 17) Hindi tayo inihiwalay sa pamamagitan ng pagbubukod sa mga monasteryo at mga kumbento, gaya ng mga monghe at mga madre ng Babilonyang Dakila. Bilang pagsunod sa halimbawa ni Jesu-Kristo, tayo ay mga pangmadlang tagapuri kay Jehova.
Tularan ang Punong Tagapuri kay Jehova
4. Paano nagpakita ng halimbawa si Jesus sa pagpuri kay Jehova?
4 Hindi kailanman lumihis si Jesus sa kaniyang layunin na purihin si Jehova. At ito ang nagbukod sa kaniya mula sa sanlibutan. Sa mga sinagoga at sa templo sa Jerusalem, pinuri niya ang banal na pangalan ng Diyos. Naroon man sa taluktok ng bundok o sa tabing-dagat, saanman nagkakatipon ang karamihan, hayagang ipinangaral ni Jesus ang mga katotohanan ni Jehova. Ipinahayag niya: “Hayagang pinupuri kita, Ama, Panginoon ng langit at lupa.” (Mateo 11:25) Kahit na noong nililitis sa harap ni Poncio Pilato, nagpatotoo si Jesus: “Dahil dito ako ipinanganak, at dahil dito ako dumating sa sanlibutan, upang ako ay magpatotoo sa katotohanan.” (Juan 18:37) Naunawaan ni Jesus ang kahalagahan ng kaniyang gawain. Saanman siya naroon, nagpatotoo si Jesus tungkol kay Jehova at hayagang pumuri sa kaniya.
5. Kanino kumakapit ang Awit 22:22, at ano ang dapat na maging saloobin natin?
5 Sa Awit 22:22, masusumpungan natin ang makahulang pangungusap na ito hinggil sa Punong Tagapuri kay Jehova: “Aking ipahahayag ang iyong pangalan sa aking mga kapatid; pupurihin kita sa gitna ng kongregasyon.” At sa Hebreo 2:11, 12, ikinapit ni apostol Pablo ang mga talatang ito sa Panginoong Jesus at doon sa mga pinabanal ng Diyos na Jehova para sa makalangit na kaluwalhatian. Tulad niya, hindi nila ikinahihiyang purihin ang pangalan ni Jehova sa gitna ng kongregasyon. Taglay ba natin ang ganitong saloobin kapag dumadalo sa ating mga pulong sa kongregasyon? Pumupuri kay Jehova ang ating masiglang pakikibahagi sa mga pulong, kapuwa sa pangkaisipan at bibigang paraan. Subalit hanggang doon na lamang ba ang ating maligayang pagpuri?
6. Ano ang iniatas ni Jesus sa kaniyang mga alagad, at paano niluluwalhati ang Diyos ng mga umiibig sa liwanag?
6 Ayon sa Mateo 5:14-16, inatasan din ng Panginoong Jesus ang kaniyang mga tagasunod na pasikatin ang kanilang liwanag upang purihin ng iba si Jehova. Sinabi niya: “Kayo ang liwanag ng sanlibutan. . . . Pasikatin ang inyong liwanag sa harap ng mga tao, upang kanilang makita ang inyong maiinam na gawa at magbigay ng kaluwalhatian sa inyong Ama na nasa mga langit.” Ang mga umiibig sa liwanag ay lumuluwalhati sa Diyos. Ginagawa ba nila ito sa pamamagitan lamang ng pagsasabi at paggawa ng mga bagay na mainam at makatao? Hindi, sa halip ay ginagawa nila ito sa pamamagitan ng may-pagkakaisang pagluwalhati kay Jehova. Oo, iniaalay ng mga umiibig sa liwanag ang kanilang sarili sa Diyos at nagiging kaniyang maliligayang tagapuri. Ginawa na ba ninyo ang maligayang hakbang na ito?
Kagalakan sa Pagpuri kay Jehova
7. Bakit gayon na lamang ang kagalakan ng mga tagapuri kay Jehova, at anong kagalakan ang sumakanila noong araw ng Pentecostes 33 C.E.?
7 Bakit gayon na lamang ang kagalakan ng mga tagapuri kay Jehova? Sapagkat ang kagalakan ay isang bunga ng banal na espiritu ng Diyos. Sa Galacia 5:22, itinala ito kasunod ng pag-ibig. Ipinamalas ng mga alagad ni Jesus noong unang siglo ang bungang ito ng espiritu ni Jehova. Aba, noong araw ng Pentecostes 33 C.E., nang ibuhos ng Diyos ang kaniyang espiritu sa mga 120 alagad ni Jesus, lahat sila ay nagsimulang pumuri kay Jehova sa iba’t ibang wika. ‘Nalito at nanggilalas’ ang mapitagang mga Judio na dumating sa Jerusalem mula sa maraming bansa. Ibinulalas nila: “Naririnig natin silang nagsasalita sa ating mga wika tungkol sa mariringal na bagay ng Diyos”! (Gawa 2:1-11) Ano ang ibinunga ng kamangha-manghang pagpuring ito kay Jehova sa iba’t ibang wika? Mga 3,000 Judio at Judiong proselita ang tumanggap sa mabuting balita ng Kaharian hinggil sa Mesiyas. Sila’y nagpabautismo, tumanggap ng banal na espiritu, at buong-kasabikang nagdagdag ng kanilang tinig sa maliligayang tagapuri kay Jehova. (Gawa 2:37-42) Ano ngang laking pagpapala iyon!
8. Pagkatapos ng Pentecostes, ano ang ginawa ng mga Kristiyano upang pag-ibayuhin ang kanilang kagalakan?
8 Nagpatuloy ang ulat: “Araw-araw ay may pagkakaisa silang naglilingkod nang palagian sa templo, at kumakain sila sa mga pribadong tahanan at nakikibahagi sa mga pagkain nang may malaking pagsasaya at kataimtiman ng puso, na pinupuri ang Diyos at nakasusumpong ng pabor sa lahat ng mga tao. Gayundin patuloy na isinasama ni Jehova sa kanila sa araw-araw yaong mga inililigtas.” (Gawa 2:46, 47) Yaon lamang bang kanilang pagsasamahan at pagkain ang nagdulot sa kanila ng matinding pagsasaya? Hindi, ang kanilang pangunahing kagalakan ay nagmula sa pagpuri sa Diyos na Jehova sa araw-araw. At lalong tumindi ang kanilang kagalakan nang makita nila ang libu-libong tumutugon sa kanilang mensahe ng kaligtasan. Gayundin naman sa atin ngayon.
Maliligayang Tagapuri sa Lahat ng Bansa
9. (a) Kailan at paano sinimulang bigyan ng Diyos ang mga tao sa lahat ng bansa ng pagkakataong marinig ang kaniyang mabuting balita? (b) Bakit ibinuhos ang banal na espiritu kay Cornelio at sa kaniyang mga kasama bago sila bautismuhan?
9 Hindi nais ni Jehova na maging limitado lamang sa isang bansa ang nagdadala-ng-liwanag na gawain ng kaniyang mga lingkod. Kaya naman mula noong 36 C.E., binigyan niya ng pagkakataon ang mga tao sa lahat ng bansa na marinig ang kaniyang mabuting balita. Sa utos ng Diyos, naparoon si Pedro sa tahanan ng isang Gentil na opisyal ng hukbo sa Cesarea. Doon ay nasumpungan niya si Cornelio na kasama ng kaniyang pinakamalalapit na kaibigan at pamilya. Habang taimtim silang nakikinig sa mga salita ni Pedro, sumampalataya sila kay Jesus sa kanilang puso. Paano natin nalalaman? Sapagkat bumaba ang banal na espiritu ng Diyos sa mga Gentil na mananampalatayang iyon. Karaniwan, ang kaloob ng espiritu ng Diyos ay ipinagkakaloob lamang pagkatapos ng bautismo, ngunit sa pagkakataong iyon ay ipinakita ni Jehova ang kaniyang pagsang-ayon sa mga di-Judiong ito bago sila bautismuhan. Kung hindi ginawa iyon ni Jehova, hindi sana natiyak ni Pedro na tinatanggap na ngayon ng Diyos ang mga Gentil bilang Kaniyang mga lingkod at na sila’y kuwalipikadong magpabautismo sa tubig.—Gawa 10:34, 35, 47, 48.
10. Paano inihula mula noong unang panahon na pupurihin si Jehova ng mga tao sa lahat ng bansa?
10 Mula pa noong unang panahon, inihula na ni Jehova na pupurihin siya ng mga tao sa lahat ng bansa. Magkakaroon siya ng maliligayang tagapuri sa bawat lupain. Upang patunayan ito, sumipi si apostol Pablo sa mga hula sa Hebreong Kasulatan. Ganito ang sabi niya sa internasyonal na kongregasyon ng mga Kristiyano sa Roma: “Tanggapin ninyo ang isa’t isa, kung paanong tinanggap din tayo ng Kristo, na ukol sa kaluwalhatian ng Diyos. Sapagkat sinasabi ko na si Kristo ay talagang naging ministro niyaong mga tuli alang-alang sa pagkamatapat ng Diyos, upang tiyakin ang mga pangako na Kaniyang ginawa sa kanilang mga ninuno, at upang luwalhatiin ng mga bansa ang Diyos dahil sa kaniyang awa. Gaya ng nasusulat [sa Awit 18:49]: ‘Iyan ang dahilan kung bakit hayagang kikilalanin kita sa gitna ng mga bansa at sa iyong pangalan ay hihimig ako.’ At muli ay sinasabi niya [sa Deuteronomio 32:43]: ‘Matuwa kayo, kayong mga bansa, kasama ng kaniyang bayan.’ At muli [sa Awit 117:1]: ‘Purihin si Jehova, ninyong lahat na mga bansa, at purihin siya ng lahat ng mga bayan.’ ”—Roma 15:7-11.
11. Paano natulungan ng Diyos ang mga tao sa lahat ng bansa na malaman ang kaniyang mga katotohanan, at ano ang naging resulta?
11 Hindi mapupuri ng mga tao si Jehova nang may pagkakaisa maliban nang ilagak nila ang kanilang pag-asa kay Jesu-Kristo, ang isa na hinirang ng Diyos na mamahala sa mga tao sa lahat ng bansa. Upang matulungan silang maunawaan ang Kaniyang mga katotohanan na umaakay sa buhay na walang-hanggan, nagsaayos ang Diyos ng isang internasyonal na programa sa pagtuturo. Nagbibigay siya ng direksiyon sa pamamagitan ng kaniyang uring tapat na alipin. (Mateo 24:45-47) Ang resulta? Mahigit sa limang milyong maliligayang tinig ang umaawit ng mga papuri kay Jehova sa mahigit na 230 lupain. At milyun-milyon pa ang nagpapakita ng interes sa paggawa nang gayon. Tingnan kung gaano karami ang dumalo sa Memoryal noong 1996: 12,921,933. Kamangha-mangha!
Inihula ang Isang Malaking Pulutong ng Maliligayang Tagapuri
12. Anong nakapupukaw-damdaming pangitain ang naranasan ni apostol Juan, at ano ang buháy na katunayan nito?
12 Sa pangitain, nakita ni apostol Juan ang “isang malaking pulutong” mula sa lahat ng bansa. (Apocalipsis 7:9) Ano ba ang tema ng mga papuri na inaawit ng malaking pulutong na ito kasama ng mga pinahirang nalabi ng Diyos? Sinasabi sa atin ni Juan: “Kaligtasan ay utang namin sa aming Diyos, na nakaupo sa trono, at sa Kordero.” (Apocalipsis 7:10) Ito ay buong-tapang na ipinahahayag sa lahat ng panig ng daigdig. Habang iwinawagayway ang mga sanga ng palma, wika nga, nagkakaisa tayong nagbubunyi sa Diyos bilang ang Pansansinukob na Soberano at maligayang nagpapahayag sa langit at lupa na “utang natin” ang ating kaligtasan sa kaniya at sa kaniyang Anak, ang Kordero, si Jesu-Kristo. O, anong laking tuwa ni apostol Juan na makita ang nakapupukaw-damdaming pangitaing ito ng malaking pulutong! At anong laking tuwa natin ngayon na makita, at maging bahagi pa nga, ng buháy na katunayan ng nakita ni Juan!
13. Ano ang nagbubukod sa bayan ni Jehova mula sa sanlibutan?
13 Bilang mga lingkod ni Jehova, ipinagmamalaki nating taglayin ang kaniyang pangalan. (Isaias 43:10, 12) Ang ating pagiging mga Saksi ni Jehova ay nagtatangi sa atin mula sa sanlibutang ito. Anong laking kagalakan na taglayin ang namumukod-tanging pangalan ng Diyos at maging layunin sa ating buhay ang paggawa ng kaniyang banal na gawain! Ang dakilang layunin ni Jehova na pabanalin ang kaniyang sagradong pangalan at ipagbangong-puri ang kaniyang pansansinukob na soberanya sa pamamagitan ng Kaharian ay nagbigay ng kahulugan sa ating buhay. At tinulungan niya tayo na magkaroon ng dako sa kaniyang banal na layunin hinggil sa kaniyang pangalan at Kaharian. Ginawa niya ito sa tatlong paraan.
Pinagkatiwalaan ng Katotohanan
14, 15. (a) Ano ang isang paraan ng pagtulong sa atin ng Diyos na magkaroon ng dako sa kaniyang banal na layunin may kinalaman sa kaniyang pangalan at Kaharian? (b) Paanong ang Kahariang itinatag noong 1914 C.E. ay naiiba sa isa na ibinagsak noong 607 B.C.E.?
14 Una, ipinagkatiwala ni Jehova sa kaniyang bayan ang katotohanan. Ang lubhang nakapananabik na pagsisiwalat ay na ang kaniyang Kaharian ay nagsimula nang mamahala noong 1914. (Apocalipsis 12:10) Naiiba ang makalangit na pamahalaang ito mula sa tipikal na kaharian sa Jerusalem, kung saan lumuklok noon ang mga hari sa hanay ni David. Ibinagsak ang kahariang iyon, at mula noong 607 B.C.E., ang Jerusalem ay lubusang nasakop ng pamamahala ng Gentil na mga kapangyarihang pandaigdig. Ang bagong Kaharian na itinatag ni Jehova noong 1914 ay isang makalangit na kapangyarihan na hindi kailanman pasasakop sa kaninuman maliban kay Jehova, ni wawasakin man iyon. (Daniel 2:44) Gayundin, naiiba ang pamamahala nito. Paano? Sumasagot ang Apocalipsis 11:15: “Nagkaroon ng malalakas na tinig sa langit, na nagsasabi: ‘Ang kaharian ng sanlibutan ay naging ang kaharian ng ating Panginoon at ng kaniyang Kristo, at siya ay mamamahala bilang hari magpakailan kailanman.’ ”
15 “Ang kaharian ng ating Panginoon at ng kaniyang Kristo” ay humahawak ng awtoridad sa buong sanlibutan ng sangkatauhan. Ang bagong kapahayagang ito ng soberanya ni Jehova, na doo’y kasali ang kaniyang Mesiyanikong Anak at ang 144,000 kapatid ni Jesus, na karamihan sa kanila ay binuhay-muli na ngayon sa makalangit na kaluwalhatian, ay hindi lamang basta kawili-wiling pag-aralan—isang teoriya na maaaring maibigang talakayin ng mga estudyante. Hindi, ang makalangit na Kahariang ito ay isang tunay na pamahalaan. At ang ating maligayang pag-asa na mabuhay magpakailanman sa kasakdalan bunga ng pamamahala nito ay nagbibigay sa atin ng saganang dahilan upang magpatuloy na magsaya. Napakikilos tayo na laging magsalitang mainam tungkol dito yamang ipinagkatiwala sa atin ang gayong mga katotohanan ng Salita ni Jehova. (Awit 56:10) Kayo ba ay regular na gumagawa nito sa pamamagitan ng pagsasabi sa lahat na ang Mesiyanikong Kaharian ng Diyos ay namamahala na ngayon sa mga langit?
Natulungan ng Banal na Espiritu at ng isang Pambuong-Daigdig na Kapatiran
16, 17. Ano ang ikalawa at ikatlong paraan ng pagtulong sa atin ng Diyos upang magkaroon tayo ng dako sa kaniyang banal na layunin?
16 Ang ikalawang paraan na doo’y tinutulungan tayo ng Diyos na magkaroon ng dako sa kaniyang banal na layunin ay ang pagbibigay sa atin ng kaniyang banal na espiritu, na nagpapangyaring maipamalas natin ang magagandang bunga nito sa ating buhay at makamit ang kaniyang pagsang-ayon. (Galacia 5:22, 23) Isa pa, sumulat si Pablo sa mga pinahirang Kristiyano: “Tinanggap natin . . . ang espiritu na mula sa Diyos, upang malaman natin ang mga bagay na may kabaitang ibinigay sa atin ng Diyos.” (1 Corinto 2:12) Sa ating pagtugon sa espiritu ni Jehova, lahat tayo ay maaari na ngayong makaalam at makaunawa ng mabubuting bagay sa kasalukuyan na may-kabaitang ibinigay niya sa atin—ang kaniyang mga pangako, batas, simulain, at iba pa.—Ihambing ang Mateo 13:11.
17 Kung tungkol sa ikatlong paraan ng pagtulong sa atin ng Diyos, mayroon tayong pambuong-daigdig na kapatiran at nakalulugod na pang-organisasyong kaayusan ni Jehova para sa pagsamba. Bumanggit si apostol Pedro tungkol dito nang payuhan niya tayo na “magkaroon ng pag-ibig sa buong samahan ng mga kapatid.” (1 Pedro 2:17) Ang ating maibigin, internasyonal na pamilya ng mga kapatid ay tumutulong sa atin na maglingkod kay Jehova taglay ang matinding kagalakan ng puso, gaya ng iniuutos ng Awit 100:2: “Maglingkod kay Jehova nang may pagsasaya. Lumapit sa harap niya nang may kagalakang hiyaw.” Sinasabi pa ng talata 4: “Lumapit kayo sa kaniyang mga pintuang-daan nang may pasasalamat, sa kaniyang mga looban nang may papuri. Pasalamatan ninyo siya, pagpalain ang kaniyang pangalan.” Kaya nangangaral man tayo nang hayagan o dumadalo sa ating mga pulong, mararanasan natin ang kagalakan. Tunay ngang nasumpungan natin ang kapayapaan at katiwasayan sa magagandang looban ng espirituwal na templo ni Jehova!
Maligayang Purihin si Jehova!
18. Bakit tayo magagalak sa pagpuri kay Jehova sa kabila ng pag-uusig o iba pang suliranin na mapaharap sa atin?
18 Gaano man kahirap ang kalagayan, pag-uusig, o iba pang suliranin na mapaharap sa atin, magsaya tayo na naroon tayo sa bahay ng pagsamba kay Jehova. (Isaias 2:2, 3) Tandaan na ang kagalakan ay isang katangian ng puso. Maliligayang tagapuri kay Jehova ang ating naunang mga kapatid na Kristiyano sa kabila ng maraming kahirapan at kawalan na naranasan nila. (Hebreo 10:34) Katulad na katulad nila ang mga kapananampalataya natin sa ngayon.—Mateo 5:10-12.
19. (a) Anong paulit-ulit na utos ang pumupukaw sa atin na purihin si Jehova? (b) Sa ano nakasalalay ang ating walang-hanggang buhay, at ano ang ating determinasyon?
19 Tayong lahat na naglilingkod kay Jehova ay nalulugod na sundin ang utos ng Bibliya na purihin siya. Paulit-ulit na idiniin ng aklat ng Apocalipsis ang papuri sa Diyos sa pananalitang “Purihin si Jah!” (Apocalipsis 19:1-6) Sa anim na talata ng Awit 150, tayo ay sinabihan nang 13 ulit upang purihin si Jehova. Ito ay isang pansansinukob na panawagan sa buong sangnilalang na makisama sa maligayang pag-awit ng papuri kay Jehova. Nakasalalay ang ating walang-hanggang buhay sa pagsali natin sa dakilang korong ito ng Aleluya! Oo, yaon lamang walang-tigil sa pagpuri kay Jehova ang mga taong mabubuhay magpakailanman. Kaya naman, determinado tayo na mangunyapit sa kaniyang matapat na pambuong-daigdig na kongregasyon habang papalapit na ang wakas. Kung magkagayon, makaaasa tayong masaksihan ang ganap na katuparan ng panghuling mga salita sa Awit 150: “Bawat bagay na humihinga—hayaang purihin nito si Jah. Purihin ninyo si Jah!”
Paano Ninyo Sasagutin?
◻ Paano natatangi at naiiba ang bayan ni Jehova?
◻ Bakit gayon na lamang ang kagalakan ng mga lingkod ni Jehova?
◻ Ano ang nagbubukod sa atin mula sa sanlibutan?
◻ Sa anong tatlong paraan natulungan tayo ng Diyos na magkaroon ng dako sa kaniyang banal na layunin?
[Larawan sa pahina 17]
Saanman siya naroon, nagpatotoo si Jesus tungkol kay Jehova at hayagang pumuri sa kaniya