Sino ang Maaaring Maging Kaibigan ng Diyos?
IKAW ay maaaring maging kaibigan ng Diyos. Mga 4,000 taon na ang lumipas, ang lalaking si Abraham ay naglagak ng pananampalataya sa Diyos na Jehova. Ito’y ibinilang sa kaniya na katuwiran, at ang patriarkang iyan ay nangyaring tinawag na “kaibigan ni Jehova.” (Santiago 2:23) Kung ikaw ay may pananampalataya kay Jehova, maaari ka ring maging kaibigan ng Diyos.
Ang mga kaibigan ay malamang na maanyayahan sa isang kainan bilang mga panauhin. Sa katunayan, ang isang bahagi ng kilalang ika-23 Awit 23 ay naglalarawan sa Diyos bilang isang magandang-loob na tagapag-anyaya. Ito’y nagsasabi: ‘Ako’y ipinaghanda mo [Jehova] ng dulang sa harap ko sa harapan ng aking mga kaaway. . . . Ang aking kopa ay punung-puno.’—Awit 23:5.
Sa isa pang okasyon, ang salmista ring ito—si Haring David ng sinaunang Israel—ay nagtanong: “Oh Jehova, sino ang makapanunuluyang panauhin sa iyong tabernakulo? Sino ang tatahan sa iyong banal na bundok?” (Awit 15:1) Sa talinghaga, ito’y ang paglapit kay Jehova sa pamamagitan ng sinasang-ayunan niyang panalangin at pagsamba. Anong dakilang pribilehiyo! Papaano ang di-sakdal na mga tao ay magiging mga kaibigan at panauhin ng Diyos?
Ang ika-15 Awit 15 ang sumasagot sa tanong na ito. Ito’y bumabanggit ng sampung espesipikong mga kahilingan para sa mga naghahangad na maging mga kaibigan at panauhin ng Diyos. Ating isaalang-alang na isa-isa ang mga hinihiling na ito, pasimula sa Aw 15 talatang 2.
“Siyang lumalakad na matuwid at gumagawa ng katuwiran”
Ang supling ni Abraham ay dumaming lubha sapagkat walang kapintasan sa moral si Abraham sa paglakad sa harap ni Jehova. (Genesis 17:1, 2) Kung minsan ang ‘paglakad’ ay nangangahulugan ng pagsunod sa isang landasin sa buhay. (Awit 1:1; 3 Juan 3, 4) Para sa mga kaibigan at mga panauhin ng Diyos, hindi sapat na ikaw ay may relihiyon, masiyahan sa magagarang gusali, at makibahagi sa mga seremonya. Hindi lahat ng nagsasabi ng “Panginoon, Panginoon” o nagpapahayag na kilala nila ang Diyos ay magtatamasa ng mga pagpapala ng kaniyang Kaharian. (Mateo 7:21-23; Tito 1:6) Ang mga kaibigan ni Jehova ay ‘lumalakad nang walang kapintasan’ at ‘gumagawa ng katuwiran’ ayon sa kaniyang mga pamantayan.—Mikas 6:8.
Ipinupuwera rito ang lahat ng anyo ng pandaraya, imoralidad sa sekso, at kalikuan. Ang Diyos mismo ang nagsasabi sa atin kung bakit: “Kayo’y magpakabanal, sapagkat ako’y banal.” (1 Pedro 1:16) Ang iyo bang relihiyon ay kumakapit sa matataas na pamantayan ng Diyos, anupa’t itinitiwalag yaong mga tumatangging umayon sa kaniyang mga kahilingan? Ang iyo bang pilit na ipinasusunod ay ang matuwid na pamantayan ng asal para sa iyong sarili at sa iyong pamilya? Kung gayon, matutugunan mo ang susunod na kahilingan sa mga kaibigan at panauhin ng Diyos.
“At nagsasalita ng katotohanan sa kaniyang puso”
Kung ibig nating maging mga kaibigan ng Diyos, tayo’y hindi makapagsisinungaling o gagamit ng pakunwaring mga salita na may kaakbay na pusong salawahan. (Awit 12:2) Tayo’y kailangang ‘magsalita ng katotohanan sa ating puso,’ hindi lamang natin tataglayin ito sa ating mga labi. Oo, sa ating kalooban ay dapat tayong maging mapagtapat at patunayan natin na tayo’y may “pananampalatayang walang pagpapaimbabaw.” (1 Timoteo 1:5) May mga taong nagbubulaan o nagsasalita ng mga pangungusap na hindi lubos na katotohanan upang mailigtas ang kanilang sarili sa kahihiyan. Ang iba naman ay nagdaraya sa mga test sa paaralan o nagbibigay ng palsipikadong ulat ng kanilang dapat pagbayaran bilang buwis sa pamahalaan. Ang gayong mga gawa ay nagpapakilala ng kawalan ng pag-ibig sa mga bagay na totoo. Subalit ang mga gawang katotohanan at matuwid ay nanggagaling sa mismong puso ng mga kaibigan ng Diyos. (Mateo 15:18-20) Ang mga ito ay walang layuning magligaw o manlinlang.—Kawikaan 3:32; 6:16-19.
Si apostol Pablo ay sumulat: “Huwag magbulaan sa isa’t isa. Hubarin ang matandang pagkatao pati ang mga gawain nito, at magbihis kayo ng bagong pagkatao.” (Colosas 3:9, 10) Ang mga nagsasalita ng katotohanan sa kanilang puso ay nagbihis ng “bagong pagkatao.” Ikaw ba ay tapat sa iyong sarili at sa iba, nagsasalita ng katotohanan sa iyong puso? Kung gayon, iyan ay makaaapekto sa iyong sinasabi tungkol sa iba.
“Siya’y hindi nanirang-puri ng kaniyang dila”
Upang Matugunan ang kahilingang ito para sa mga panauhin ng Diyos, tayo’y hindi dapat magsalita nang masama tungkol sa iba. (Awit 15:3) Ang pandiwa sa Hebreo na isinaling “nanirang-puri” ay kinuha sa salita para sa “paa” at ang ibig sabihin ay “gamitin ang paa” at sa gayo’y “magpalakad-lakad.” Sa mga Israelita ay iniutos: “Huwag kayong magpapalakad-lakad sa gitna ng inyong mga kababayan upang manirang-puri. Huwag kayong titindig laban sa dugo ng inyong kapuwa. Ako’y si Jehova.” (Levitico 19:16; 1 Timoteo 5:13) Kung tayo’y maninirang-puri kaninuman, na dinudungisan ang kaniyang mabuting pangalan, tayo’y di magiging mga kaibigan ng Diyos.
Sinabi ni David: “Sinumang lihim na naninirang-puri sa kaniyang kapuwa ay aking patatahimikin.” (Awit 101:5) Tayo man ay makapagpapatahimik sa mga paninirang-puri kung hindi tayo makikinig sa kanila. At ang isang mabuting alituntunin ay ang huwag magsalita nang talikuran tungkol sa isang tao ng mga bagay na hindi natin sasabihin sa kaniya nang harapan. Napakahusay kung ating mapipigil ang ating mga dila tungkol sa bagay na iyan. Gayunman, anong halaga nga kung pati ating mga kilos ay ating masusupil!
“Sa kaniyang kasamahan ay hindi siya gumagawa ng anumang masama”
Kapuna-puna rito ang mga salita ni Jesus: “Lahat ng bagay, kung gayon, na ibig ninyong gawin sa inyo ng mga tao, ganoon din ang gawin ninyo sa kanila.” (Mateo 7:12) Upang kamtin natin ang pagsang-ayon ng Diyos, kailangang umiwas tayo sa paggawa nang masama. Sinabi ng salmista: “Oh kayong nagsisiibig kay Jehova, kapootan ninyo ang masama. Kaniyang iniingatan ang mga kaluluwa ng kaniyang mga banal; kaniyang inililigtas sila sa kamay ng masama.” (Awit 97:10) Samakatuwid kung ibig nating maging kaibigan ng Diyos at kamtin ang kaniyang tulong, kailangang tanggapin natin ang kaniyang mga pamantayan.
Sa pag-iwas sa masama ay kasali ang hindi panlilinlang kaninuman sa pakikitungo tungkol sa hanapbuhay o sa mga iba pang paraan. Sa salita at sa gawa, tayo’y huwag gagawa ng anuman na makapipinsala sa ating kasama, kundi dapat mabubuting bagay ang gawin natin para sa kaniya. Ito’y maaaring makaapekto sa lahat ng pitak ng buhay. Halimbawa, kapag nagmamaneho, mapitagang payagan muna nating makatawid ang mga taong naglalakad at ibig na tumawid. Matutulungan natin ang mga matatanda na, mapalalakas-loob ang mga nawawalan na ng pag-asa, maaaliw natin ang mga namimighati. Dito, si Jehova ang nagpapakita ng magandang halimbawa. Gaya ng sinabi ni Jesus, “Pinasisikat [ng Diyos] sa mga taong balakyot at pati sa mga mabubuti ang kaniyang araw at nagpapaulan sa mga taong matuwid at di-matuwid.” (Mateo 5:43-48) Kaugnay ng paggawa nang mabuti sa iba ay ang paggawa ng susunod na binabanggit ng salmista.
“At hindi siya dumudusta sa kaniyang matalik na kakilala”
Lahat tayo ay nagkakamali, at anong laki ng ating pasasalamat pagka ang maliliit na pagkakamaling ito ay hindi pinapansin ng ating mga kaibigan! Tayo’y magdaramdam kung ang ating maliliit ngunit nakahihiyang mga kahinaan ay ibinunyag sa iba ng isa nating matalik na kaibigan. Ginagawa ito ng mga ibang tao upang ang kanilang sariling mga kahinaan ay huwag mapansin o upang sila’y magtinging mas magaling kaysa iba. Subalit ang ganiyang mga gawa ay hindi nararapat sa mga naghahangad na maging mga kaibigan ng Diyos.
“Ang nagtatakip ng pagsalansang ay humahanap ng pag-ibig, ngunit ang nagdadadaldal tungkol sa anuman ay naghihiwalay ng magkakaibigang matalik,” ang sabi ng Kawikaan 17:9. Mangyari pa, huwag nating subuking ikubli ang malulubhang pagkakamali. (Levitico 5:1; Kawikaan 28:13) Subalit kung ibig nating maging mga kaibigan ng Diyos, hindi natin ‘ikakalat,’ o tatanggapin na para bagang totoo, ang nakadudustang mga kuwento tungkol sa mga kakilalang mabubuti naman. (1 Timoteo 5:19) Ang mga kaibigan ni Jehova ay nagsasalita nang mabuti tungkol sa mga lingkod ng Diyos sa halip na magkalat ng mga kuwentu-kuwento tungkol sa kanila, na anupa’t dinaragdagan ang kanilang pinapasan na buhat sa mga paninira ng mga taong masasama. Ang mga kaibigan at mga panauhin ng Diyos ay nagpapakaingat din tungkol sa kanilang mga pinipiling kasama, sapagkat ganito pa ang isinusog ni David sa Aw 15 talatang 4:
“Sa mga mata niya ang sinumang masama ay itinatakuwil”
Sa paghahangad ng likong pakinabang, may mga taong nakikipagkaibigan sa mayayaman o prominenteng mga tao kahit na ang mga ito ay liko. (Ihambing ang Judas 16.) Subalit tayo’y hindi maaaring maging mga kaibigan ni Jehova kung tayo’y nakikihalubilo sa mga balakyot. Kapootan natin ang kasamaan hanggang sa sukdulan na hindi natin ibig na makisama sa mga taong gumagawa ng gayon. (Roma 12:9) Napakasama ang hari ng Israel na si Jehoram kung kaya’t sinabi sa kaniya ni propeta Eliseo: “Buháy si Jehova ng mga hukbo at nakatayo ako sa harap niya, anupa’t tunay na kung wala akong pagtingin sa harap ni Jehoshaphat na hari sa Juda, hindi kita lilingapin ni titingnan man.” (2 Hari 3:14) Upang maging mga kaibigan ng Diyos, kailangang makinig tayo sa babala ni Pablo: “Ang masasamang kasama ay sumisira ng kapaki-pakinabang na mga ugali.”—1 Corinto 15:33.
Kung ating minamahalaga ang pakikipagkaibigan kay Jehova, kung gayon, tayo’y tatangging makihalubilo sa mga manggagawa ng kasamaan. Yaon lamang kinakailangang pakikitungo sa kanila ang ating gagawin. Ang ating mga kaibigan ay pipiliin natin batay sa kanilang mabuting kaugnayan sa Diyos, hindi dahil sa kanilang katayuan sa sanlibutan. Matalinong pipiliin natin ang ating mga kaibigan kung tayo’y may taimtim na pagkatakot sa Diyos. Sa bagay na ito, pansinin ang ikapitong kahilingan na dapat matugunan ng mga panauhin ni Jehova.
“Ngunit silang natatakot kay Jehova ay kaniyang pinararangalan”
Upang maging mga kaibigan at mga panauhin ng Diyos, tayo’y kailangang matakot sa kaniya. Ang sabi ng Kawikaan 1:7: “Ang pagkatakot kay Jehova ang pasimula ng kaalaman.” Ano ba “ang pagkatakot kay Jehova”? Ito ang taimtim na pagkasindak sa Diyos at isang kapaki-pakinabang na pangamba na siya’y hindi mapalugdan. Ang resulta nito ay tunay na kaalaman, nagliligtas-buhay na disiplina, at makalangit na karunungan na isang tiyak na gabay.
Yaong nangatatakot kay Jehova ay mahigpit na kumakapit sa kaniyang matuwid na mga pamantayan kahit na kung ito’y magbunga ng panlilibak sa kanila. Halimbawa, marami ang nangungutya pagka ang mga taong may takot sa Diyos ay nagtatrabaho nang may kasipagan, pagka sila’y mapagtapat kung nasa trabaho, o nagsisikap na tulungan ang iba sa espirituwal na paraan. Subalit papaanong ang gayong matuwid na mga tao ay minamalas ng isang taong maka-Diyos? ‘Kaniyang pinararangalan yaong mga natatakot kay Jehova,’ anupa’t mataas ang kanilang pagkakilala sa mga ito, kahit na magdulot sa kanila ng upasala kasama ng mga ito. Ikaw ba ay may ganiyang respeto para sa mga taong natatakot sa Diyos? Sa pagbanggit ng isa pang kahilingan para tanggapin ang pabor ng Diyos, isinusog ng salmista:
“Siya’y sumumpa na nagdala ng ikinapinsala niya, ngunit hindi siya nagbabago”
Ang prinsipyo rito ay ang pagtupad sa ating mga ipinangako, gaya ng Diyos. (1 Hari 8:56; 2 Corinto 1:20) Kaya kung sa bandang huli ay makita natin na ang paggawa ng ating ipinangako ay napakahirap, huwag nating babaguhin ang ating isip at tatalikod sa ating ipinangako. Dito ang Griegong Septuagint, ang Syriakong Peshitta, at ang Latin Vulgate na mga teksto ay nagsasabi, “sumumpa sa kaniyang kapuwa.” Kung tayo’y sumumpa na gagawa ng isang bagay o gumawa ng isang nararapat na panata, tupdin natin iyon. (Eclesiastes 5:4) Mangyari pa, kung ating mapag-alaman na ang isang bagay na ating ipinangako ay labag sa Kasulatan, huwag nating tupdin iyon.
Si Josue ay hindi sumira ng isang pakikipagtipan sa mga Gibeonita kahit na nang bandang huli’y kaniyang napag-alaman na kanilang nilinlang siya sa paggawa niyaon. (Josue 9:16-19) Kaya tayo ay dapat maging mga lalaki, mga babae, at mga kabataan na tumutupad ng ating salita. Huwag tayong mangako sa iba at pagkatapos ay iwanan sila na aasa-asa na lamang pagka napaharap sa atin ang lalong kaakit-akit na mga pagkakataon. Sinabi ni Jesus: “Ang inyong Oo ay maging Oo, ang inyong Hindi, Hindi.” (Mateo 5:37) Lalo na ang mga nag-alay kay Jehova ang dapat na determinadong tumupad ng kanilang pangako na maglingkod sa kaniya nang walang-hanggan bilang kaniyang mga Saksi. Bukod sa pagtupad sa mga pangako, tayo’y dapat maging makonsiderasyon tungkol sa pananalapi, gaya ng ipinakikita ni David sa ika-15 Awit, Aw 15 talatang 5.
“Ang kaniyang salapi ay hindi niya ipinautang nang may patubo”
Ang salaping ipinauutang nang may kaugnayan sa negosyo ay matuwid naman na bayaran nang may tubò. Subalit dito ang tinutukoy ni David ay ang ‘pagpapautang ng salapi’ sa maralita. Itinakda ng Kautusang Mosaiko: “Kung magpapautang ka ng salapi sa kaninuman sa aking bayan na kasama mo na dukha, huwag kang tutulad sa isang usurero. Huwag mong hihingan siya ng tubò.” (Exodo 22:25; Levitico 25:35, 36) Nang makita ni Nehemias na ang dukha ay binibiktima ng mga usurero, ang gayong pagsasamantala ay kaniyang pinahinto.—Nehemias 5:1-13.
Sa salitang “patubo,” ang ginamit ni David ay isang salitang Hebreo na kinuha sa isa namang salita na ang ibig sabihin ay “mangagat.” Ito’y nagpapahiwatig na ang sakim na mga usurero ay sumasakmal sa mga dukha at pati na sa kaunti na hawak nila. Maliwanag, mas mabuti ang tulungan ang mga maralita nang hindi ka umaasa sa kanila ng kagantihan. Ganoon ang ibig sabihin ni Jesus nang banggitin niya: “Pagka naghahanda ka ng isang tanghalian o ng isang hapunan, . . . ang anyayahan mo’y mga taong dukha, mga pilay, lumpo, bulag; at magiging maligaya ka, sapagkat sila’y walang igaganti sa iyo. Kaya’t ikaw ay gagantihin sa pagkabuhay-muli ng mga matuwid.” (Lucas 14:12-14) Ang taong naghahangad maging kaibigan at panauhin ng Diyos ay hindi magsasamantala sa karalitaan ng kapuwa at gagawin ang susunod na binabanggit ng salmista.
“At hindi nga siya kumukuha ng suhol laban sa walang sala”
Ang suhol ay may masamang impluwensiya. Sa mga Israelita ay iniutos: “Huwag kang . . . tatanggap ng suhol, sapagkat ang suhol ay bumubulag ng mga mata ng marurunong at pinipilipit nito ang mga salita ng mga matuwid.” (Deuteronomio 16:19) Lalo na ngang masama na tumanggap ng suhol upang mapinsala ang isang “walang sala,” marahil sa pamamagitan ng pagbabago ng patotoo sa hukuman. Sukdulan nang kasamaan si Judas Iscariote sa pagtanggap ng suhol upang ipagkanulo ang walang salang si Jesus!—Mateo 26:14-16.
Marahil ay ituturing natin na tayo ay walang kapintasan sa bagay na ito. Subalit tinangka na ba natin na tayo’y sumuhol upang makalabas sa isang nakahihiyang kalagayan? Ang propetang si Samuel ay hindi tumanggap ng “salaping pabagsak,” o isang suhol. (1 Samuel 12:3, 4) Lahat tayo ay kailangang tumulad sa kaniya upang maging mga kaibigan at panauhin ng Diyos.
“Siyang gumagawa ng mga bagay na ito ay hindi makikilos kailanman”
Pagkatapos ng sampung-bahaging paglalarawan sa isang taong matuwid, ang ika-15 Awit ay nagtatapos sa binanggit nang mga salita. Makabubuti ngang ito’y tumulong sa atin na suriin ang ating relihiyon. Kung iyon ay tunay na pananampalataya, tuturuan tayo niyaon na (1) lumakad nang walang kapintasan at gumawa ng katuwiran, (2) magsalita ng katotohanan maging sa puso man, (3) umiwas na manirang-puri sa iba, at (4) umiwas sa paggawa ng anumang masama. Ang relihiyon na sinasang-ayunan ng Diyos ay (5) pipigil sa atin sa pag-upasala sa matuwid na mga kakilala at (6) maglalayo sa atin sa pakikisalamuha sa mga taong kasuklam-suklam. Ang tunay na pananampalataya ay magpapakilos sa atin na (7) magparangal sa mga natatakot kay Jehova, (8) magsagawa ng ipinangako nating gagawin natin kung iyon ay tama, (9) magbigay sa mga maralita nang hindi nagpapatubo, at (10) huwag kukuha ng suhol laban sa taong walang sala.
Hindi sinasabi ni David na ang sinumang bumabasa, nakikinig, nagsasalita, o kahit na naniniwala sa mga bagay na ito “ay hindi makikilos kailanman.” Ito’y magiging karanasan lamang ng taong “siyang gumagawa ng mga bagay na ito.” Ang pananampalataya na walang mga gawa na susuhay ay patay at hindi humahantong sa pagsang-ayon ng Diyos. (Santiago 2:26) Ang mga gumagawa ng mabubuting bagay na binanggit sa ika-15 Awit ay hindi makikilos, sapagkat sila’y iingatan at palalakasin ni Jehova.—Awit 55:22.
Sabihin pa, sa dalisay na pagsamba ay may higit pa kaysa sampung punto na nabanggit sa ika-15 Awit. Nang malaunan ang mga tagasunod ni Jesus ay natuto ng iba pang mga bagay-bagay tungkol sa pagsamba sa Diyos “sa espiritu at katotohanan.” (Juan 4:23, 24) Ikaw ay maaaring matuto rin, sapagkat may mga tao ngayon na gumagawa ng mga bagay na ito. Makisama ka nang palagian sa mga Saksing ito ni Jehova at ang pag-aaral sa Bibliya ay magpapatibay sa pag-asa sa buhay sa isang makalupang paraiso na kung saan maaari kang maging panauhin at kaibigan ng Diyos magpakailanman.