Tiyak ang Pag-asa sa Pagkabuhay-Muli!
“May pag-asa ako sa Diyos . . . na magkakaroon ng pagkabuhay-muli.”—GAWA 24:15.
1. Bakit tayo makaaasang may pagkabuhay-muli?
SI Jehova ay nagbigay sa atin ng matitibay na dahilan upang umasa sa pagkabuhay-muli. Pinanghahawakan natin ang kaniyang salita na ang mga patay ay babangon, anupat tatayong muli na buháy. At tiyak na matutupad ang kaniyang layunin hinggil sa mga natutulog sa kamatayan. (Isaias 55:11; Lucas 18:27) Sa katunayan, naipakita na ng Diyos ang kaniyang kapangyarihang magbangon ng patay.
2. Paano tayo makikinabang sa pag-asa sa pagkabuhay-muli?
2 Ang pananampalataya sa paglalaan ng Diyos na pagbuhay sa mga patay sa pamamagitan ng kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, ay makapagpapalakas sa atin sa mga panahon ng kaigtingan. Ang katiyakan ng pag-asa sa pagkabuhay-muli ay makatutulong din sa atin upang mapanatili ang katapatan sa ating makalangit na Ama kahit hanggang kamatayan. Malamang, mapalalakas ang ating pag-asa sa pagkabuhay-muli habang isinasaalang-alang natin ang mga pagsasauli ng buhay na nakatala sa Bibliya. Lahat ng himalang ito ay naisagawa sa pamamagitan ng kapangyarihan mula sa Soberanong Panginoong Jehova.
Tinanggap Nila ang Kanilang mga Patay sa Pamamagitan ng Pagkabuhay-Muli
3. Binigyan ng kapangyarihan si Elias na gawin ang ano nang ang anak na lalaki ng balo sa Zarefat ay mamatay?
3 Sa kapana-panabik na pagrerepaso sa pananampalatayang ipinakita ng mga saksi ni Jehova bago ang panahong Kristiyano, sumulat si apostol Pablo: “Tinanggap ng mga babae ang kanilang mga patay sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli.” (Hebreo 11:35; 12:1) Isa sa mga babaing iyon ay ang mahirap na balo sa bayan ng Zarefat sa Fenicia. Dahil sa pinatuloy niya ang propeta ng Diyos na si Elias, makahimalang hindi naubos ang kaniyang harina at langis sa panahon ng taggutom na kumitil sana sa kaniyang buhay at sa kaniyang anak. Pagkaraan, nang mamatay ang kaniyang anak, inihiga ito ni Elias sa isang higaan, nanalangin, iniunat ang kaniyang sarili sa ibabaw ng batang lalaki nang tatlong ulit, at nakiusap: “O Jehova na aking Diyos, pakisuyo, pabalikin mo ang kaluluwa ng batang ito sa kaniya.” Ibinalik nga ng Diyos ang kaluluwa, o buhay, sa batang lalaki. (1 Hari 17:8-24) Isip-isipin na lamang ang kagalakan ng balong iyon nang gantimpalaan ang kaniyang pananampalataya sa pamamagitan ng kauna-unahang napaulat na pagkabuhay-muli—yaong sa kaniyang sariling mahal na anak!
4. Anong himala ang ginawa ni Eliseo sa Shunem?
4 Isa pang babae na tumanggap ng kaniyang patay sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli ay nakatira sa bayan ng Shunem. Bilang asawa ng isang may-edad nang lalaki, nagpakita siya ng kabaitan sa propetang si Eliseo at sa kaniyang tagapaglingkod. Siya’y ginantimpalaan ng isang anak na lalaki. Gayunman, makalipas ang ilang taon, sinundo niya ang propeta, at nadatnan nitong patay na ang batang lalaki sa tahanan ng babae. Matapos na si Eliseo ay manalangin at gumawa ng ilang aksiyon, “unti-unting uminit ang laman ng bata.” Ito’y “nagsimulang bumahin hanggang sa pitong ulit, na pagkatapos nito ay idinilat ng bata ang kaniyang mga mata.” Ang pagbuhay-muling ito ay tiyak na nakapagdulot ng malaking kagalakan kapuwa sa ina at sa kaniyang anak. (2 Hari 4:8-37; 8:1-6) Subalit higit silang matutuwa kung sila’y bubuhayin sa lupa sa “lalong mabuting pagkabuhay-muli”—yaong isa na naglalagay sa kanila sa posibilidad na sila’y hindi na muling mamamatay kailanman! Tunay ngang isang bagay na dapat ipagpasalamat sa maibiging Diyos ng pagkabuhay-muli, si Jehova!—Hebreo 11:35.
5. Paano nasangkot si Eliseo sa isang himala kahit patay na siya?
5 Kahit pagkamatay at pagkalibing kay Eliseo, pinangyari ng Diyos na ang kaniyang mga buto ay maging makapangyarihan sa pamamagitan ng banal na espiritu. Mababasa natin: “Habang may inililibing [ang ilang Israelita na] isang lalaki, aba, narito, nakita nila ang [isang Moabitang] pangkat ng mandarambong. Kaagad nilang inihagis ang lalaki sa dakong libingan ni Eliseo at yumaon. Nang masagi ng [patay na] lalaki ang mga buto ni Eliseo, kaagad siyang nabuhay at tumayo sa kaniyang mga paa.” (2 Hari 13:20, 21) Tiyak na gulat na gulat at tuwang-tuwa ang lalaking iyon! Gunigunihin na lamang ang galak na madarama kapag binuhay na ang ating mga mahal sa buhay kasuwato ng di-nagbabagong layunin ng Diyos na Jehova!
Ibinangon ng Anak ng Diyos ang Patay
6. Anong himala ang ginawa ni Jesus malapit sa lunsod ng Nain, at paano tayo maaaring maapektuhan ng pangyayaring iyon?
6 Ang Anak ng Diyos, si Jesu-Kristo, ay nagbigay sa atin ng matitibay na dahilan upang maniwala na maaaring buhaying-muli ang patay, taglay ang pag-asa sa walang-hanggang buhay. Ang isang pangyayaring naganap malapit sa lunsod ng Nain ay makatutulong sa atin na mapag-isip-isip na ang gayong himala ay posible sa pamamagitan ng bigay-Diyos na kapangyarihan. Minsan, nasalubong ni Jesus ang mga nagluluksa na dala ang bangkay ng isang binata palabas sa lunsod upang ilibing. Kaisa-isang anak siya ng isang babaing balo. Sinabi sa kaniya ni Jesus: “Tigilan mo na ang pagtangis.” Pagkatapos ay hinipo niya ang langkayan at sinabi: “Binata, sinasabi ko sa iyo, Bumangon ka!” Sa gayon ay naupo siya at nagsalita. (Lucas 7:11-15) Ang himalang ito ay siguradong nakapagpatibay sa ating pananalig na ang pag-asa sa pagkabuhay-muli ay tiyak.
7. Ano ang naganap may kinalaman sa anak na babae ni Jairo?
7 Isaalang-alang din ang isang pangyayari tungkol kay Jairo, isang punong opisyal ng Sinagoga sa Capernaum. Nakisuyo siya kay Jesus na pumaroon at tulungan ang kaniyang mahal na 12-anyos na anak na babae, na naghihingalo. Di-nagtagal at ibinalitang namatay na ang dalagita. Habang hinihimok ang labis na namimighating si Jairo na manampalataya, sinamahan siya ni Jesus sa kaniyang tahanan, kung saan nag-iiyakan na ang mga tao. Napatawa sila nang sabihin ni Jesus sa kanila: “Ang bata ay hindi namatay, kundi natutulog.” Talagang patay na ito, subalit ipakikita ni Jesus na ang mga tao ay maaaring buhaying-muli kung paanong maaari silang gisingin mula sa isang mahimbing na pagkakatulog. Pagkuha sa kamay ng dalagita, sinabi niya: “Dalagita, bumangon ka!” Ito ay bumangon kaagad, at “ang kaniyang mga magulang ay halos mawala sa kanilang mga sarili” sa napakasidhing kagalakan. (Marcos 5:35-43; Lucas 8:49-56) Walang-alinlangan, ang mga miyembro ng pamilya ay ‘halos mawawala sa kanilang mga sarili’ kapag ang kanilang patay nang mga mahal sa buhay ay binuhay-muli sa isang paraisong lupa.
8. Ano ang ginawa ni Jesus sa libingan ni Lazaro?
8 Si Lazaro ay apat na araw nang patay nang lapitan ni Jesus ang kaniyang libingan at ipaalis ang bato sa pasukan nito. Matapos manalangin sa harap ng madla upang mabatid ng mga nagmamasid na siya’y umaasa sa bigay-Diyos na kapangyarihan, sinabi ni Jesus sa malakas na tinig: “Lazaro, lumabas ka!” At lumabas nga siya! Ang kaniyang mga kamay at mga paa ay nagagapusan pa ng mga pambalot sa libing, at ang kaniyang mukha ay nababalutan ng tela. “Kalagan ninyo siya at hayaan siyang makalaya,” sabi ni Jesus. Nang makita ang himalang ito, ang marami na naroroon upang aliwin ang mga kapatid ni Lazaro, sina Maria at Marta, ay nanampalataya kay Jesus. (Juan 11:1-45) Hindi ka ba nauudyukan ng salaysay na ito upang malipos ng pag-asa na ang iyong mga mahal sa buhay ay maaaring buhaying-muli sa bagong sanlibutan ng Diyos?
9. Bakit tayo makatitiyak na maaari na ngayong buhayin ni Jesus ang mga patay?
9 Nang nakabilanggo si Juan na Tagapagbautismo, pinadalhan siya ni Jesus ng nakapagpapasiglang mensaheng ito: “Ang mga bulag ay nakakakitang muli, . . . at ang mga patay ay ibinabangon.” (Mateo 11:4-6) Yamang bumuhay si Jesus ng patay noong siya’y nasa lupa, tiyak na magagawa niya ito bilang isang makapangyarihang espiritung nilalang na binigyang-kapangyarihan ng Diyos. Si Jesus “ang pagkabuhay-muli at ang buhay,” at tunay ngang nakaaaliw na malaman na sa malapit na hinaharap “lahat niyaong nasa mga alaalang libingan ay makaririnig ng kaniyang tinig at lalabas”!—Juan 5:28, 29; 11:25.
Pinatitibay ng Iba Pang Pagkabuhay-Muli ang Ating Pag-asa
10. Paano mo ilalarawan ang kauna-unahang napaulat na pagbuhay-muli na ginawa ng isang apostol?
10 Nang suguin ni Jesus ang kaniyang mga apostol bilang mga mángangarál ng Kaharian, sinabi niya: “Magbangon ng mga taong patay.” (Mateo 10:5-8) Mangyari pa, para magawa ito, dapat silang magtiwala sa kapangyarihan ng Diyos. Sa Joppa noong 36 C.E., ang makadiyos na babaing si Dorcas (Tabita) ay natulog sa kamatayan. Kabilang sa kaniyang mabubuting gawa ang pagyari ng mga kasuutan para sa mga nangangailangang babaing balo anupat labis na tinangisan ng mga ito ang kaniyang pagkamatay. Inihanda ng mga alagad ang kaniyang libing at isinugo si apostol Pedro, marahil upang magbigay ng kaaliwan. (Gawa 9:32-38) Ang lahat ay pinalabas niya mula sa silid sa itaas, nanalangin, at nagsabi: “Tabita, bumangon ka!” Idinilat niya ang kaniyang mga mata, naupo, inabot ang kamay ni Pedro, at ibinangon siya nito. Ang kauna-unahang ulat na ito ng pagbuhay-muli na ginawa ng isang apostol ay nagpangyari sa marami na maging mananampalataya. (Gawa 9:39-42) Nagbigay rin ito sa atin ng karagdagang dahilan para umasa sa pagkabuhay-muli.
11. Ano ang huling ulat sa Bibliya hinggil sa pagkabuhay-muli?
11 Ang huling ulat sa Bibliya hinggil sa pagkabuhay-muli ay naganap sa Troas. Nang dumaan doon si Pablo sa kaniyang ikatlong paglalakbay bilang misyonero, pinahaba niya ang kaniyang diskurso hanggang hatinggabi. Palibhasa’y nadaig ng pagod at marahil dahil sa init ng maraming lampara at sa masikip na kalagayan ng pinagpulungan, nakatulog ang isang kabataang lalaki na nagngangalang Eutico at nahulog mula sa bintana ng ikatlong palapag. Siya’y “binuhat na patay,” hindi lamang nawalan ng malay-tao. Idinapa ni Pablo ang kaniyang sarili kay Eutico, niyakap siya, at sinabi sa mga nanonood: “Tigilan ninyo ang pagkakaingay, sapagkat ang kaniyang kaluluwa ay nasa kaniya.” Ang ibig sabihin ni Pablo ay na ang buhay ng kabataang lalaki ay naibalik na. Yaong mga naroroon ay “naaliw nang hindi masukat.” (Gawa 20:7-12) Sa ngayon, ang mga lingkod ng Diyos ay nakasusumpong ng di-masayod na kaaliwan sa pagkaalam na ang dati nilang mga kasama sa paglilingkod sa Diyos ay makararanas ng katuparan ng pag-asa sa pagkabuhay-muli.
Pagkabuhay-Muli—Malaon Nang Inaasahan
12. Anong pananalig ang ipinahayag ni Pablo noong nasa harap ni Gobernador Felix ng Roma?
12 Habang nililitis sa harap ni Gobernador Felix ng Roma, nagpatunay si Pablo: “Naniniwala ako sa lahat ng mga bagay na inilagay sa Batas at nasusulat sa mga Propeta; at may pag-asa ako sa Diyos . . . na magkakaroon ng pagkabuhay-muli kapuwa ng mga matuwid at mga di-matuwid.” (Gawa 24:14, 15) Paanong ang mga bahagi ng Salita ng Diyos, gaya ng “Batas,” ay tumutukoy sa pagbabangon sa mga patay?
13. Bakit masasabing nagpahiwatig ang Diyos tungkol sa pagkabuhay-muli nang ibigay niya ang unang hula?
13 Ang Diyos mismo ay nagpahiwatig tungkol sa isang pagkabuhay-muli nang ibigay niya ang unang hula sa Eden. Nang sinesentensiyahan “ang orihinal na serpiyente,” si Satanas na Diyablo, sinabi ng Diyos: “Maglalagay ako ng alitan sa pagitan mo at ng babae at sa pagitan ng iyong binhi at ng kaniyang binhi. Siya ang susugat sa iyo sa ulo at ikaw ang susugat sa kaniya sa sakong.” (Apocalipsis 12:9; Genesis 3:14, 15) Ang pagsugat sa sakong ng binhi ng babae ay nangangahulugan ng pagpatay kay Jesu-Kristo. Kung pagkatapos ay susugatan naman ng Binhing iyan ang ulo ng serpiyente, dapat na ibangon si Kristo mula sa mga patay.
14. Paanong si Jehova ay “Diyos, hindi ng mga patay, kundi ng mga buháy”?
14 Ipinahayag ni Jesus: “Na ang mga patay ay ibabangon maging si Moises ay nagbunyag, sa ulat tungkol sa tinikang-palumpong, nang tawagin niya si Jehova na ‘ang Diyos ni Abraham at Diyos ni Isaac at Diyos ni Jacob.’ Siya ay Diyos, hindi ng mga patay, kundi ng mga buháy, sapagkat silang lahat ay buháy sa kaniya.” (Lucas 20:27, 37, 38; Exodo 3:6) Sina Abraham, Isaac, at Jacob ay patay na, subalit ang layunin ng Diyos na sila’y buhaying-muli ay tiyak na tiyak na matutupad anupat para sa kaniya sila’y para na ring buháy.
15. Bakit may dahilan si Abraham na maniwala sa pagkabuhay-muli?
15 Si Abraham ay may dahilan upang umasa sa pagkabuhay-muli, sapagkat noong siya at ang kaniyang asawa, si Sara, ay napakatanda na, at sila’y patay na kung tungkol sa kakayahang mag-anak, buong-himalang pinanumbalik ng Diyos ang kanilang kakayahang mag-anak. Ito’y para na ring pagkabuhay-muli. (Genesis 18:9-11; 21:1-3; Hebreo 11:11, 12) Nang ang kanilang anak, si Isaac, ay mga 25 taóng gulang na, sinabi ng Diyos kay Abraham na ihain niya siya. Gayunman, nang sasaksakin na lamang ni Abraham si Isaac para patayin, ang kaniyang kamay ay pinigilan ng anghel ni Jehova. “Ibinilang [ni Abraham] na magagawa ng Diyos na ibangon [si Isaac] kahit mula sa mga patay; at mula roon ay tinanggap nga rin niya siya sa maka-ilustrasyong paraan.”—Hebreo 11:17-19; Genesis 22:1-18.
16. Sa ngayon ay natutulog na si Abraham sa kamatayan, habang naghihintay ng ano?
16 Si Abraham ay umasa sa pagkabuhay-muli sa ilalim ng pamamahala ng Mesiyas, ang ipinangakong Binhi. Mula sa kaniyang pangmalas bago naging tao, napansin ng Anak ng Diyos ang pananampalataya ni Abraham. Bilang ang taong si Jesu-Kristo, sinabi niya kung gayon sa mga Judio: “Si Abraham na inyong ama ay nagsaya nang labis sa pag-asang makita ang aking araw.” (Juan 8:56-58; Kawikaan 8:30, 31) Sa ngayon ay natutulog na si Abraham sa kamatayan, naghihintay sa pagkabuhay-muli tungo sa buhay sa lupa sa ilalim ng Mesiyanikong Kaharian ng Diyos.—Hebreo 11:8-10, 13.
Patotoo Mula sa Batas at sa Mga Awit
17. Paanong ang “mga bagay na inilagay sa Batas” ay tumutukoy sa pagkabuhay-muli ni Jesu-Kristo?
17 Ang pag-asa ni Pablo sa pagkabuhay-muli ay kasuwato ng “mga bagay na inilagay sa batas.” Sinabi ng Diyos sa mga Israelita: “Dadalhin . . . ninyo sa saserdote ang isang tungkos ng mga unang bunga ng inyong ani. At [sa Nisan 16 ay] ikakaway niya ang tungkos sa harap ni Jehova upang magkamit kayo ng pagsang-ayon.” (Levitico 23:9-14) Taglay marahil sa isipan ang batas na ito, sumulat si Pablo: “Si Kristo ay ibinangon na mula sa mga patay, ang pangunang bunga niyaong mga natulog na sa kamatayan.” Bilang “ang pangunang bunga,” si Jesus ay binuhay-muli noong Nisan 16, 33 C.E. Pagkaraan, sa panahon ng kaniyang pagkanaririto, magkakaroon ng pagkabuhay-muli ng ‘kasunod na mga bunga’—ang kaniyang pinahiran-ng-espiritung mga tagasunod.—1 Corinto 15:20-23; 2 Corinto 1:21; 1 Juan 2:20, 27.
18. Paano ipinakita ni Pedro na ang pagkabuhay-muli ni Jesus ay inihula sa Mga Awit?
18 Ang Mga Awit ay sumusuporta rin sa pagkabuhay-muli. Noong araw ng Pentecostes 33 C.E., sumipi si apostol Pedro sa Awit 16:8-11, na nagsasabi: “Sinasabi ni David may kaugnayan [kay Kristo], ‘Palagi kong taglay si Jehova sa harapan ng aking mga mata; sapagkat siya ay nasa aking kanang kamay upang huwag akong mayanig. Dahil dito ang aking puso ay naging masayahin at ang aking dila ay nagsaya nang labis. Bukod diyan, maging ang aking laman ay tatahan sa pag-asa; sapagkat hindi mo iiwan ang aking kaluluwa sa Hades, ni ipahihintulot mo man na ang iyong matapat na isa ay makakita ng kasiraan.’ ” Idinagdag pa ni Pedro: “Nakita [ni David] nang patiuna at nagsalita may kinalaman sa pagkabuhay-muli ng Kristo, na hindi siya pinabayaan sa Hades ni nakakita man ng kasiraan ang kaniyang laman. Ang Jesus na ito ay binuhay na muli ng Diyos.”—Gawa 2:25-32.
19, 20. Kailan sinipi ni Pedro ang Awit 118:22, at paano ito nauugnay sa kamatayan at pagkabuhay-muli ni Jesus?
19 Makalipas ang ilang araw, tumayo si Pedro sa harap ng Sanedrin at muling sumipi mula sa Mga Awit. Nang tanungin kung paano niya pinagaling ang isang pilay na pulubi, sinabi ng apostol: “Alamin ninyong lahat at ng lahat ng mga tao sa Israel, na sa pangalan ni Jesu-Kristo na Nazareno, na ipinako ninyo ngunit ibinangon ng Diyos mula sa mga patay, sa pamamagitan ng isang ito ang taong ito ay nakatayo rito sa harap ninyo na magaling. Ito [si Jesus] ‘ang bato na pinakitunguhan ninyong mga tagapagtayo bilang walang halaga na naging ulo ng panulukan.’ Karagdagan pa, walang kaligtasan sa kaninumang iba, sapagkat walang ibang pangalan sa ilalim ng langit na ibinigay sa mga tao na siyang dapat nating ikaligtas.”—Gawa 4:10-12.
20 Dito ay sinipi ni Pedro ang Awit 118:22, na ikinakapit ang sinabi nito sa kamatayan at pagkabuhay-muli ni Jesus. Dahil sa udyok ng kanilang mga lider ng relihiyon, tinanggihan ng mga Judio si Jesus. (Juan 19:14-18; Gawa 3:14, 15) ‘Ang pagtanggi ng mga tagapagtayo sa bato’ ay nagbunga ng kamatayan ni Kristo, subalit ‘ang bato na naging ulo ng panulukan’ ay nangangahulugan ng pagbabangon sa kaniya tungo sa pagiging maluwalhating espiritu sa langit. Gaya ng inihula ng salmista, ‘ito ay nagmula mismo kay Jehova.’ (Awit 118:23) Ang paggawa sa “bato” na Ulo ng panulukan ay nagsasangkot ng pagtataas sa kaniya bilang Hinirang na Hari.—Efeso 1:19, 20.
Pinatibay Dahil sa Pag-asa sa Pagkabuhay-Muli
21, 22. Anong pag-asa ang ipinahayag ni Job, gaya ng nakaulat sa Job 14:13-15, at paano ito nakaaaliw sa mga naulila sa ngayon?
21 Bagaman tayo bilang mga indibiduwal ay wala pang nakita kailanman na binuhay mula sa mga patay, nakita naman natin ang ilang maka-Kasulatang salaysay na tumitiyak sa atin ng tungkol sa pagkabuhay-muli. Kung gayon, mapanghahawakan natin ang pag-asang ipinahayag ng matuwid na lalaking si Job. Nang siya’y nagdurusa, nakiusap siya: “O [Jehova] ikubli mo nawa ako sa Sheol, . . . na takdaan mo nawa ako ng hangganang panahon at alalahanin mo ako! Kung ang isang matipunong lalaki ay mamatay mabubuhay pa ba siyang muli? . . . Ikaw ay tatawag, at ako ay sasagot sa iyo. Ang gawa ng iyong mga kamay ay mimithiin mo.” (Job 14:13-15) ‘Mimithiin [ng Diyos] ang gawa ng kaniyang mga kamay,’ anupat gayon na lamang ang pagnanais na buhaying-muli si Job. Kay inam na pag-asa niyan para sa atin!
22 Baka magkasakit nang malubha ang isang miyembro ng pamilya na may-takot sa Diyos, na gaya ni Job, at baka madaig pa nga ng kaaway na kamatayan. Maaaring lumuha ang mga naulila dahil sa pamimighati, kung paanong lumuha rin si Jesus dahil sa pagkamatay ni Lazaro. (Juan 11:35) Subalit laking kaaliwan na malaman na tatawag ang Diyos at sasagot naman yaong mga nasa kaniyang alaala! Para bang nagbalik sila mula sa isang paglalakbay—wala nang sakit o kapansanan, kundi nasa malusog na kalagayan.
23. Paano nagpahayag ng kanilang pagtitiwala ang ilan hinggil sa pag-asa sa pagkabuhay-muli?
23 Ang pagkamatay ng isang tapat na may-edad nang Kristiyano ay nag-udyok sa mga kapananampalataya na sumulat: “Tanggapin mo ang aming taimtim na pakikiramay sa pagkamatay ng iyong nanay. Di-magtatagal at sasalubungin din natin siya—maganda at masigla!” Ang mga magulang na namatayan ng kanilang anak na lalaki ay nagsabi: “Sabik na sabik kami sa araw ng paggising ni Jason! Titingnan niya ang kaniyang paligid at makikita niya ang Paraiso na malaon na niyang pinangarap. . . . Kay laking pampasigla para sa amin na nagmamahal sa kaniya na kami’y naroroon din.” Oo, at laking pasasalamat natin na ang pag-asa sa pagkabuhay-muli ay tiyak!
Ano ang Sagot Mo?
• Paano nagdudulot sa atin ng kapakinabangan ang pananampalataya sa paglalaan ng Diyos na pagbuhay sa mga patay?
• Anu-anong pangyayari na nakaulat sa Kasulatan ang nagbibigay sa atin ng dahilan upang umasa sa pagkabuhay-muli?
• Bakit masasabing ang pagkabuhay-muli ay isang malaon nang pag-asa?
• Anong nakapagpapatibay na pag-asa ang maaari nating isaalang-alang hinggil sa mga patay?
[Larawan sa pahina 10]
Taglay ang kapangyarihan mula kay Jehova, ibinalik ni Elias ang buhay ng binatang anak ng babaing balo
[Larawan sa pahina 12]
Nang buhaying-muli ni Jesus ang anak na babae ni Jairo, ang kaniyang mga magulang ay halos mawala sa kanilang mga sarili sa napakasidhing kagalakan
[Larawan sa pahina 15]
Noong araw ng Pentecostes 33 C.E., buong-tapang na pinatotohanan ni apostol Pedro na si Jesus ay naibangon na mula sa mga patay